PEP REVIEW: Shake Rattle and Roll XI

by editor | December 25th, 2009
Click stars to rate this movie
1 Star2 Stars3 Stars4 Stars5 Stars
Loading ... Loading ...

Caption: A soon-to-be-bride named Kayla (Ruffa Gutierrez) is horrified by a haunted wedding gown in the “Ukay-Ukay” episode of Shake, Rattle and Roll XI.

Text by Mark Angelo Ching

Ang pinakamaganda at pinakanakakatakot na episode sa Shake, Rattle and Roll XI ay ang “Ukay-Ukay” na nai-direct ni Don Michael Perez. Nakakatakot rin naman ang “Ang Diablo” ni Rico Gutierrez at “Lamanglupa” ni Jessel Monteverde, nguni’t naapektuhan ang mga ito ng tipikal na istorya, mga plothole, at mga problemang technical.

MAGANDA. Pulido ang pagkakagawa ng direktor na si Don Michael Perez sa “Ukay-Ukay” episode ng Shake, Rattle and Roll XI. Magaling ang lighting, sound effects, at camera angles. Nakatulong ang mga ito dahil natakot ang lahat ng audience sa sinehang pinuntahan ko, kaya naman sigaw sila ng sigaw.

Maganda rin ang pagkakagawa sa halimaw ng episode na ito. Seamless ang CGI 0computer generated imaging] na ginamit upang makagawa ng ilusyon na gumagalaw talaga ang wedding gown, at kaya talaga nitong makapatay ng tao. May karapatang maihanay ang killer gown na ito sa killer refrigerator, killer clown, at sa manananggal.

Masasabing matalinong direktor siDon Michael Perez, dahil talagang pinag-isipan niya ang kaniyang pelikula. Siguradong nag-research siya tungkol sa mga horror movies. Patunay nito ay ang dami ng mga eksena niya na kapansin-pansing hinango mula sa mga groundbreaking horror movies.

Nakakatuwa para sa isang horror fan na makita sa “Ukay-Ukay” ang napakaraming references sa kaniyang mga paboritong pelikula. May balon mula sa Ringu/The Ring (1998), may halimaw na gumagapang pababa ng hagdan mula sa Ju-On (2002), may chainsaw mula sa Texas Chainsaw Massacre (1974) at marami pang iba.

Abangan rin ang tribute ni Don Michael Perez sa yumaong film critic na si Alexis Tioseco, at ang kasintahan nitong si Nika Bohinc.

Wala naman akong masasabi sa performance ng mga artista. Pinakamagaling ang pag-arte ni John Lapus. Kapani-paniwala ang kaniyang pakikipaglaban sa killer gown, at nakakakilabot ang kaniyang kamatayan. Pwede siyang ma-nominate sa best supporting actor award para sa performance niya rito.

Ang hindi lang maganda sa “Ukay-Ukay” ay ang ending nito, kung saan ipinapaliwanag kung paano nagkaroon ng sumpa ang wedding gown. Boring at parang minadali ang bahaging ito. Mas maayos sana kung na-incorporate na sa mga simulang bahagi ng pelikula ang revelation na ito.

OKAY LANG. Nakakatakot din ang huling bahagi ng Shake, Rattle and Roll XI na “Lamanglupa,” na gawa ng direktor na si Jessel Monteverde. Bagama’t hindi na bago ang premise ng istorya nito ay nakagawa pa rin ito ng tensyon para sa manonood.

Marami nang mga horror movies na may katulad na kuwento ng isang grupo ng kabataan na mapapadpad sa isang liblib na lugar at isa-isang mamamatay, kaya naman masasabing hindi na bago ang kuwento ng “Lamanglupa.” Katulad nito ang Wrong Turn (2003), Feast (2005), House of Wax (2005), at The Hills Have Eyes (2006).

Gayunpaman, madali pa ring maintindihan ang kuwento nito, kaya siguradong masusundan ng manonood.

At kahit na hindi na rin unique ang mga halimaw sa episode na ito, nakakatakot pa rin silang panoorin. Hindi nga lamang malinaw kung ano sila, o kung saan sila nakatira. Hindi rin malinaw kung bakit nila pinagpapatay ang magkakaibigan, o kung bakit kailangang gahasain ang pinakahuling buhay na tauhan.

Hindi rin masyadong delineated ang role ng bawat karakter. Tanging ang performance lamang ni Jennica Garcia ang stand-out, na swak na swak bilang isang kikay na babae. Ang karakter nina Iya Villania at Bangs Garcia ay puwede nang pag-isahin. Hindi rin tumatak ang performances ng mga lalaking tauhan.

May mga technical problems din sa “Lamanglupa.” Ang lighting ay problemado kapag long shot na ang ipinapakita. Halimbawa, masyadong bland ang lighting ng mga shots ng buong kagubatan, o kaya pag galing sa taas ang camera.

Pero kapuri-puri ang pagkuha sa mga motion scenes. Nakakatensyon ang mga eksena kung saan hinahabol ng mga halimaw ang mga tauhan.

MARAMING PROBLEMA. Sa tatlong kuwento sa Shake, Rattle and Roll XI, ang “Ang Diablo” na yata ni Rico Gutierrez ang hindi pinaka-okey. Kapansin-pansin na naapektuhan si Direk Rico ng time constraint-napakaraming detalye ng pelikula niya, at kulang ang halos 30 minuto upang ilahad ang mga ito. Nagkaroon tuloy ng maraming plot elements na naging under-utilized, o kaya naman ay hindi na kailangan. Nakabuo ang mga ito ng mangilan-ngilang plotholes.

Halimbawa, hindi malinaw kung saan nanggaling ang diablong sumapi kay Claire. Galing ba ito sa kanyang kabataan, noong halos mabaliw siya matapos patayin sa harap niya ang kaniyang mga magulang? O ipinasa ba ito sa kanya ng batang pinanood niyang nagpakamatay sa simula ng pelikula?

Ilan pang halimbawa ng mga hindi malinaw na plot elements ay ang paraan kung paano pinatay ni Claire ang kaniyang katrabahong doktor, at kung paano napalayas ang diablo sa huling bahagi ng episode. Wala na ring oras upang ma-build-up ang sinasabi lamang na dating intimate relationship ni Claire, at ng bagong paring si Fr. Ronnie (Mark Anthony Fernandez).

Mapapansin din na naapektuhan ng maikling oras ang pag-transition sa bawat eksena. Walang masyadong exterior at establishing shots kaya masyadong mabilis at nakalilito ang pagpapalit-palit ng eksena. Kung sinapian na si Claire, paano siya nakapunta sa simbahan, o sa ospital, at saka nakauwi sa bahay? Naglakad ba siya, nag-jeep, o nag-taxi? Marunong ba siyang magmaneho?

May mga ilohikal rin na eksena na hindi maaaring mangyari sa tunay na buhay. Kumakain si Claire at ang kanyang tiyahin sa dilim, kahit hindi brown-out (wala ring kandila sa mesa). Nang lumalala na ang sapi kay Claire at nagkasugat-sugat na ang kanyang buong katawan, nagpatawag lang ang kanyang tiyahin ng psychologist at hindi siya sinugod sa ospital.

Pero magaling ang mga artista sa episode na ito. Sa katunayan, malakas ang laban ng child actress na si Sam Bumatay para manalo ng best child actress award sa pagganap niya ng isang batang sinapian.

Kung susumahin, maganda naman ang kuwento ng “Ang Diablo,” at mayroon namang mga nakakatakot na eksena sa loob ng nakalilitong kuwento. Marahil, mas magiging maganda ito kung ginawang full-length feature, imbes na isang episode lamang sa Shake, Rattle and Roll XI.

VERDICT. Dapat bang panoorin ang Shake, Rattle and Roll XI? Oo, dahil hindi dapat palagpasin ang “Ukay-Ukay” episode nito.

Mapapanood ang Shake, Rattle and Roll XI ngayong Araw ng Pasko, December 25, 2009.

CLICK HERE to sumit your own review of SRR XI and get a chance to win an original VCD/DVD.

Write A Comment/Review

You must be logged in to post a review.

Username:

Password: