| Register
Peeping Toms

Eksena sa Parada

Filed under: Blind Item — admin at 8:32 pm on Thursday, December 27, 2007

Text: Noel Orsal and Trish Alvarez/ Illustration: Rommel Llanes

Kung nasa isang malaking showbiz event ka, ang sarap magmasid. Ang dami mo kasing mapapansin, e. Ang mga artista, minsan nakakalimutan yata nila na public figure sila, na pinagmamasdan ang bawat kilos nila, kaya tuloy nasusulat sila sa mga blind items.

HEY, HEY, GO AWAY. Hindi namin alam kung matutuwa kami sa ginawa nitong isang “mama” kamakailan sa Parade ng Metro Manila Film Festival.

pep-who-fence.jpgAng siste kasi, habang nasa stage siya ay bigla itong tumayo sa kanyang kinauupuan at nagulat na lang ang lahat sa ginawa niya. Bigla kasi niyang pinaalis ang mga taong nasa gilid ng stage at itinaboy papunta malapit sa backstage.

Okay lang naman iyon. Kaso ang iba sa mga itinaboy niya ay ang mga nakaupong manunulat, ang iba naman ay production staff ng MMFF, kasama ang dalawa pang hosts ng nasabing event na itatago natin sa mga pangalang Veronica at Simon.

Naawa kami sa female host dahil sa katatayo lamang niya nang mga oras na iyon nang bigla itong itaboy nang mamang opisyal, nakita namin sa mukha nito kung paano siya natakot at na-shock sa pangyayaring iyon.

Hindi na siya nakapagsalita at sumunod na lang sa utos ng mama, pero banaag sa kanyang mukha ang pagtataka at pagkabigla sa nangyari.

Ito namang si male host ay nagdahilan pa at sinabing, “Host po ako at pupunta po ako sa gitna.” Pero parang balewala ang dahilan nitong si male host dahil pinagsabihan pa rin siya na tumabi.

In fairness naman sa mamang ito ay gusto raw niyang makita ng mga tao na nanonood ng parade ang mga artistang nagpo-promote sa stage ng Quirino Grand Stand. Kasi nga naman ay nakaharang ang ilan sa mga tao doon sa gilid ng stage. Madali lang hulaan ang ating bida sa istoryang ito kung nanood kayo ng parade noong bisperas ng Pasko. Yung dalawang host naman ay parehong kapamilya. Yun na!

pep-who-sweet.jpgLOVE ME TENDER, LOVE ME SWEET. Siyempre hindi nakaligtas sa Peeping Toms ang mga swit-switan moments ng ilan sa artistang nakasama sa parade.

Nariyan sina Guy at Girl na panay ang titig sa isa’t isa. Hindi na nila alintana ang presence ng press. Basta I-want-to-give-you-a-tender-look ang drama ng dalawa. Sabi nila, there’s nothing special between them, pero halos hindi sila naghiwalay nung araw na iyon. Super alalay pa si Guy kay Girl. How sweet. Gusto niyo ba ng clue? Huwag na, super giveaway na nito, e.

pep-who-hhww.jpgYung isang pair naman, nagkaroon yata ng glue ang mga kamay. Aba, walong beses na napadpad ang tingin namin sa dalawa, walong beses rin naming nakita na magkahawak ang kanilang mga kamay. Okay lang naman kasi parehas silang single, at in fairness, bagay sila. Magkalapit pa ang mga edad nilang dalawa. Pero kung sabihin nila na walang malisya iyon, bahala sila.
Clue? Sige isa lang, pareho silang may kapatid sa showbiz.

O ano pang hinihintay niyo? Bale marami-rami kayong huhulaan ngayon, pambawi namin sa matagal ng pagkawala ng Peeping Toms. Merry Christmas and Happy New Year!

Latecomer

Filed under: Uncategorized — admin at 12:21 am on Monday, December 10, 2007

Text: Cher Cosme/ Illustration: Rommel Llanes

Matagal-tagal na rin akong nagbabasa ng blind items dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Nakakaaliw kasing hulaan ang mga ito. Minsan, iniisip ko nga kung totoo kayang nangyayari ang mga iyon? Hindi kasi kapani-paniwala ang iba. Pero, baka nga totoo kasi ako mismo nakasaksi ng isang eksena na kinasasangkutan ng isang female celebrity na itatago natin sa pangalang Mikaela.

pepping_waiting.jpgDumalo ako sa isang party ng ini-endorso na produkto ni Mikaela. Marami ang invited sa print at TV media. Marami ring celebrities ang dumalo at karamihan sa kanila ay mga controversial couples sa ngayon. Isa-isa nang dinumog ng mga reporters ang mga celebrities habang ginaganap ang program. Ilang oras pa ang nakalipas, natapos nang interbyuhin ng media at press people ang halos lahat ng artistang dumating pero may kulang. Wala pa si Mikaela, e, siya pa mandin ang endorser.

Matagal-tagal ding naghintay ang entertainment writers and reporters. Sa katunayan, natapos na rin ang program at nagsi-uwian na ang halos lahat ng artista maliban sa isang binatang nali-link kay Mikaela ngayon, at itatago natin siya sa pangalang Gabriel.

Akyat-panaog si Gabriel at kinukulit na rin ng media kung nasaan na si Mikaela ngunit ang sagot nito ay, “Hindi ko nga alam,” at “Malapit na raw.” Ang ibang reporters naman ay naiinip na, “Ang tagal niya, ha.”

Makalipas ang mahigit na tatlong oras, dumating si Mikaela at agad na sinundan ng mga natitira pang reporter. Isa-isa niyang sinagot ang mga isyu tungkol sa mga lalaking nali-link sa kanya, sa bagong projects na ginagawa niya, at tungkol sa isyung kinasasangkutan ng kanyang manager.

Nang tanungin ng press kung gagawin din ba niya ang ginawa ni Gabriel na naghintay sa kanya ng pagkatagal-tagal, ang naisagot ni Mikaela ay, “Kung hinintay niya ako, salamat. Pero sa ngayon, inaantok kasi ako, e. Gusto kong matulog.”

In fairness naman sa dalagang aktres, humingi naman siya ng paumanhin sa pagiging late kasi kagagaling lang daw niya ng taping at sumaglit sandali sa kanilang bahay bago nagtungo sa naturang party. At kahit namumungay ang mga mata sa antok, matiyaga niyang sinagot ang mga tanong ng reporters. Gayunman, kita pa rin ang pagkadismaya ng ilang miyembro ng press na naghintay.

Nang matapos ang interview, napansin namin na nakatambay lamang si Gabriel sa bar area ng pinagdausan ng event. Meron tuloy nakapagsabi, “Kawawa naman si Gabriel, ang tagal naghintay mukhang hindi pa agad napansin ng hinihintay niya.”

At ayon sa isa pang Peeping Tom, real-life couple na raw sina Mikaela at Gabriel ngayon. Kaya lang secret yun ha.

Gusto niyo ng clue? Wala akong maisip, e. (Sabay kamot sa ulo.)

Liquor lady

Filed under: Uncategorized — admin at 11:58 pm on Sunday, December 2, 2007

Na-miss niyo ang mga Peeping Toms, ano?

Ang hirap kasing maghagilap ng blind items these past few days. Buti na lang umabot sa aming pandinig ang bulung-bulungan na ito.

Tungkol ito sa isang star na itatago natin sa pangalang Maria.

Hindi malaman ng mga taong nakakatrabaho at nakakasama ni Maria kung bakit grabe raw ang pagka-insekyur at pagka-selosa pagdating sa young actor-boyfriend niya.

pepping_lasingera.jpgSa isang showbiz party kamakailan, hindi raw na-take ng karamihang bisita ang inasta at inasal nito. Ayon sa kanila, tila nawala sa sarili dahil sa sobrang kalasingan, kahit pa nandoon ang kanyang young actor-boyfriend.

Hindi raw naitago ni Maria ang pagseselos nito sa isa ring young actress na kasamahan din nila sa network at sa isang show. Nagulat daw ang iba kung bakit may selos factor itong si Maria kahit na hindi naman nali-link ang boyfriend sa young actress.

Iyon pala, hindi raw maintindihan ni Maria kung bakit may ibang girl friends, as in babaeng kaibigan, ang boyfriend kahit pa purely friendship lang. Kaya lahat ng girl friends ni boyfriend ay napagdidiskitahan ni Maria.

Bago pa nga nagkaroon ng relasyon ang dalawa, kaibigan na ni boyfriend ang young actress. Marami lang ang nagulat dahil noong nalasing si Maria ay tila nawala ang kanyang breeding.

Marami raw ang nakakita nang tabigin ni Maria ang young actress. Mabuti na lang at hindi ito pinatulan ng huli.

Sa inasal ni Maria, ang nag-host ng party ang nakaramdam daw ng hiya at siya pa ang humingi ng dispensa sa young actress.

Ang boyfriend naman daw ay tila iritable na rin sa ipinakitang ugali ng girlfriend at nahiya sa inasta nito sa young actress-friend.

Sinu-sino sila? Gusto niyo ng clue: dahil sa nalasing siya, tatawagin natin siyang liquor lady. Yun na!