| Register

Tiga-SANS ako!

Filed under: Features — admin at 1:30 pm on Wednesday, January 27, 2010


Sa Lagro, Novaliches ako lumaki. Sa may Plaza mismo, malapit sa Lagro High School.

 

Three years old pa lang ako, doon na kami nakatira. Sa Lagro Elementary School ako pumasok. Doon ako natae sa salawal noong Grade 2, napingot ni Mrs. Lumawig, at tuluyan nang niregla. Hehehe.

 

Ang alam ko, sa Lagro High School din ako magha-high school since doon nag-aral ang Ate ko. Happy ako at magkakasama kami doon ng mga elementary barkada kong sina Rosalie Antonio, Lily Adique, Joan Tria, Leah Batad at Donuela Geronimo. O diva puro dalagita kami?! Mali ako.

 

Noong bata ako, naglalakad kami nina Nanay papuntang Grotto pag Holy week. Mga two to three hours na lakaran din ‘yon from Lagro to San Jose del Monte, Bulacan. Masaya ‘yon kasi minsan, buong kalye namin ang sabay-sabay na naglalakad—bata, matanda, boy, girl, bakla, tomboy at pami-pamilya. Ang saya!

 

I remembered passing by an establishment I thought, that time, was a factory. Yung exhaust fan kasi, e, parang sa factory. Yung parang mushroom na bilog na umiikot sa bubong. Sa factory ko lang kasi nakikita ‘yon. Alam niyo ‘yon? So buong Elementary days ko at every time naglalakad kami papunta sa Grotto, akala ko factory ‘yon. Mali ako!

 

Pagka-graduate ko ng Grade 6, all set na ako for high school. Jackpot ako, mga sampung kandirit lang ang Lagro High School mula sa bahay namin. Say pa ng mga kaklase ko sa Grade 6, same section daw kami sa first year. Exciting!

 

Pucha, malapit na ang pasukan. Di ba pag public, sa first day din ng school ang enrollment so relax lang ako at ini-enjoy ang bakasyon. Bagong tuli din ako noon kaya dapat pahinga. Pa-last week of May na nang sabihin ng Nanay ko sa akin na hindi daw ako sa Lagro magha-high school. Private school na daw ako. Kesyo matalino naman daw ako, may ipon na daw sila eklat ng Tatay ko at baka personalin daw ako ng mga naging teachers ng Ate ko doon. Naging terror student kasi si Ate noong high school siya. Siya yata ang pinakasikat na babae sa Lagro High that time. Actually, until now, Ate ko pa din ang pinakasikat na babaeng taga-Lagro, next to Miriam Quiambao.

 

So wala naman akong nagawa. Medyo na-sad ako but Nanay knows best. 

 

1985, dalawa lang ang alam ko at sikat na private school sa may Lagro Novaliches—St. Francis sa Zabarte at Sacred Heart sa may bayan. Mali na naman ako!

 

Sabi ng Nanay ko, “Doon ka sa St. Anthony sa Caloocan. Board of director doon si Mr. Andres na asawa ni Mommy Andres, na co-teacher ko sa PUP.” Caloocan? Pucha ang layo noon, di ba sa may Monumento ‘yon.  Mali na naman ako!

 

Yun palang pagitan ng Novaliches at San Jose del Monte, Bulacan ay Caloocan. Weird! Noon ko lang nalaman na dalawa pala ang Caloocan. Sa may Novaliches at sa may Monumento. North at South daw. Kaloka!

 

From bahay namin sa plaza ng Lagro, sumakay kami papunta ng taas ng Lagro, then another sakay papunta sa direction ng San Jose del Monte, Bulacan. Nainis ako. Mag-aaral ako sa school na dalawa pa ang sakay from our house at hindi Quezon City ang address. At feeling ko, malayo na ‘yon kasi para sa akin, ang Caloocan ay nasa Monumento na malapit sa Tondo, Malabon at Valenzuela. At para sa akin, ang lugar na ‘yon, e, dinadaanan lang namin pag pupunta kami ng Grotto, na alam ko ay probinsiya na.

 

Pucha, bumaba kami sa AmparoVillage, Caloocan. Malapit lang naman sa boundary ng Novaliches at Caloocan. As in five minutes lang from Lagro. Pucha, naglakad kami papunta doon sa “factory.” Pucha, ‘yon pala yung St. Anthony. Pucha, school pala ‘yon. All those years, akala ko talaga, factory. Kaloka!!! Nakatalikod pala sa kalye ang entrance at signage.

 

School ba ‘yan? Ayaw ko dito!”  say ko kay Nanay. Tinitigan lang niya ako nang masama. Katakot! Sinalubong kami ni Mr. Andres. Tinignan yung card ko nung elementary, mag-entrace exam na daw ako at pa-close na ang enrollment. Pumasa naman ako sa sa test. In-enrol ako ni Nanay that same day. Ang bilis ng pangyayari. Dinaan ako ng sarili kong ina sa bilis. Ina, Kasusuklaman ba kita? ang drama ko. Hahaha.

 

St. Anthony Nova School. “Tone.” SANS. Akala ko noon, yung Nova ay abbreviation ng Novaliches. Ang weird kasi nasa Caloocan nga. Yun pala, Nova as in “nova” in Supernova. As in life. Asus, pauso.

 

First year.

 

Pasukan na, umuulan. May mga nakita akong galing din sa Lagro Elementary pero hindi ko ka-section. Kasabay ng pagbagsak ng ulan ang pagbagsak ng mood ko. Nazareth yung section ko. 20 plus lang kami sa klase kasi kami daw yung mga late enrollees. Diyos ko! Para kaming mga special children na hiniwalay sa Section Capernaum at Canaa na parehong 40+ ang mga students. Nasa Caphernum yung mga doon na nag-elementary at sa Canaa naman yung mga new enrollees, at kami ang mga yagit. 

 

In fairness, tatlo kami nila Cornelio Diccion at Cynthia Daguman sa Top 10 ng buong first year. Yun lang ang maganda kong memory noong first year. Puwede!

 

Eto na yung iba. Bakla yung adviser namin, si Mr. Lonceras. Yung isa kong kaklaseng bakla at yung barumbadong lalaki, nagsaksakan ng ballpen. Naghampasan kami ng dictionary ni Grace Paredes at ni Edlyn Ramirez. Hinubaran ako ni Harold Luna habang nagma-monkey bars sa P.E. Hinabol ko siya at binato ng stick. Tumama sa noo niya, five stitches. Hehehe.

 

Second year.

 

Dalawa na lang ang section. Ephesus at Betlehem. Napunta ako sa section Bethlehem. Grades na daw ang basehan. In fairness, may mga matatalino din naman sa Ephesus. Nahiwalay ako sa mga barkada kong sina Grace at Edlyn. Sina Cornelio, Cynthia at ako lang ang napunta doon. Wala akong ka-chika. Outsider na naman ako. Ako yung baklang maingay pero Top 10, at dahilan ng peklat ni Harold sa noo. Feeling ko, pinagchi-chismisan nila ako.

 

Kahit nasa Betlehem ako, madalas akong chumika sa Ephesus. Ang nakakaloka, yung adviser namin na si Ms. Manipon, nabibingi sa kadaldalan ko. Hindi niya ‘ko type. Binigyan niya ako ng line of 7 sa Practical Arts (Animal Husbandry at pagtatanim ng pechay). Ayun, natanggal ako sa Top 10. Grabe si Ms. Manipon, binabato ako ng chalk. Huhuhu. 

 

Sa Homeroom namin, walang gustong makipag-group sa akin. Dedma! Sumayaw at kumanta ako mag-isa. Ayun, line of 7 na naman ang give ni Ms. Manipon. Okray!

 

Third year.

 

Gethsemane at Sinai.

 

Naiba ang ihip ng hangin. May barkadahan na kasi at medyo close na ang lahat. Yung barkada namin, JR. GEST. Ako ang nag-pangalan. First letters ng mga names namin. Kacheapan! Hahaha. Jonathan, Jocelyn, Raquel, Grace, Gare, Edlyn, Sheila, Teresa. 

 

May mga bagong salta. Si Jorold Montelibano. Ang guwapo. Tisoy! Kaya lang, napunta na agad kay Michelle Manalac. Si Kenneth Libao, ang guwapo din, pero kay Charizma Gonzales naman napunta. Kaya inis ako noon kina Michelle at Charizma. Si Rowena Ingusan, ganda, haba ng kuko at mukhang pokpok. Letter R ang name, pasok sa JR. GEST. Hahaha!

 

Mabait ang adviser namin. Si Mrs. Austria. Siya din ang teacher namin sa Chemistry. Medyo mahigpit lang siya sa attendance. Si Shiela na barkada ko, hinanapan ng excuse letter nang mag-absent. Friday ‘yon, say ni Shiela, “Ma’am sa Monday na lang po, puwede?” Say ni Mrs. Austria, “Monday, Monday never ends.” Hahaha. Quote of the year ‘yon noong third year kami. 

 

Nag-outing kami sa Gubat sa Ciudad. Bongga ‘yon noon pag doon nag-a-outing kasi ang daming swimming pool at giant slides.  Kasama pa namin si Ms. Ferrer na P.E. teacher namin since first year.

 

May teacher kami sa Economics, si Mr. Zapata. Baklang mahaba ang baba. Mataray ang Lola mo. Minsan, pagpasok niya sa classroom namin, ang ingay ng lahat. Say niya, “I can hear your voices from here to Novaliches!” Hahaha. Ano siya si Superman? Lumaban din ito sa quote of the year.

 

Top 10 ako ulit. Ang saya!

 

Mind you, nag-COCC ako sa CAT. Ako lang yata ang baklang nag-COCC at naging officer sa SANS.

 

But wait, bago ang principal namin. Si Ms. Cabrieto. Kapatid siya ng mga may-ari ng school. Matandang dalaga, mahigpit at matapang.  Terror! Barok siya mag-Tagalog kasi laking-Iloilo. Ilonggo at English lang siya fluent. “Some of you here would like to be called real students. But in the corridor, may nagatakbo, may nagasigaw.” So nag-impose siya ng SPEAK ENGLISH WHEN INSIDE SCHOOL GROUNDS policy.  Every time na dumadaan ako sa office niya, nilalakasan ko ang boses ko habang nagsasalita ng English. Ayun, naging favorite niya ko. Hehehe. Ini-announce pa niya ang name ko after flag ceremony, kung saan may daily speech siya na parang si Hitler. Kung alam lang niya na paglampas ko sa office niya, e, super Tagalog na ako at may halo pang gay lingo. Hahaha. 

 

Fourth year.

 

Mas solid na kami. May mga nasa section Vatican na bf or gf ang mga taga-Jerusalem and vice versa. Naging bf ni Teresa ang barkada naming si Dexter at mag-jowa pa din si Michelle at Jorold. Si Kenneth, lumipat ng school kaya naiwan si Charizma. 

 

Si Mrs. Suplido ang adviser naming mga Vatican at si Ms. Condes naman ang sa Jerusalem. Ten Boys sa Vatican, pang-11th ako. Sa Jerusalem naman, mas madami ang boys. Solid din ang barkadahan. Maliban sa JR. GEST, may SEASHELLS, SEMPLIBOYZ, BLOOPERS at madami pang kacheapan. 

 

Meron pa kaming ginawang drama eklat na kalaban namin ang mga third year. In fairness sa mga Junior namin (Batch 90), solid din sila. Madaming bakla sa mga third year at isa lang ako sa amin. Diyosa talaga ako. Hahaha.

 

May nangyaring gulo sa Commandant namin na si Mr. Joven kaya tinanggal siya. Pucha, yung CAT namin, naging parang P.E. pa rin. Baklang P.E. teacher ang pumalit—si Mr. Antonio. Siyempre isa ako sa favorite niya since baklita ako. Okray ang lola mo. Nangjo-jombag ng mga students. Mabigat at mabilis ang kamay. Nagreklamo yung mga third year. Kinausap kaming mga fourth year. Nag-agree ang mga fourth year. Ayun, pinatalsik namin siya. The next day, dumating yung President ng school na ang tawag namin ay Peking Duck kasi nakausli ang puwet. Kinausap ang mga leaders ng SANS People Power from third year at fourth year. Siyempre join ako. Kaloka! Tinakot kaming hindi ga-graduate. Noong time na ‘yon, feeling namin true.

 

Babae ang pumalit kay Mr. Antonio. Si Mrs. Reyes na akala namin buntis kasi ang laki ng puson. Folk dance ang tinuro sa mga boys at Taichi naman sa mga girls. Hahaha. Kacheapan talaga.

 

Natanggal na naman ako sa top 10 dahil sa elective naming Steno ni Ms. Gratil. Kacheapan kasi. Sumugod pa ang Nanay ko sa school. Until now, hindi ko ma-get kung bakit yun ang elective namin. May gumagamit pa ba ng steno ngayon?

 

Sa Caloocan High School sa 10th Avenue kami nag NCEE (National College Entrance Exam). Grabe, ang layo pero ok lang kasi SM City North Edsa na kami lahat pagkatapos. Pag walang pera, sa Bayan lang ng Novaliches ang gimik pero pag may pera kami, SM City North Edsa. Opening pa lang yata, nando’n na kami. Hehehe.

 

Very memorable sa ‘kin ang SANS. Totoo yung kanta ni Sharon, “High school life/ Oh my high school life/ Every memory kay ganda/ High school days/ Oh my high school days/ How exciting kay saya!”

 

Kahit madaming kacheapan ang naganap sa ‘kin sa SANS, nag-enjoy naman ako at naging memorable ang lahat. 

 

Doon ko nakakalimutan na iniwan na nga pala kami ng Tatay ko at mahirap na kami.

 

Doon ako nagsuot ng Combat Shoes (for CAT)  sa P.E. dahil sira na ang rubber shoes ko at wala kaming pangbili. Hindi nila ako pinagtawanan kasi akala nila fashion statement ko lang.

 

Doon ko na-meet ang mga high school barkada ko na nililibre ako ng favorite kong 2.50 twirl ice cream sa tapat ng Tropical sa Bayan. Panay din ang libre nila sa akin ng sine since masaya daw ako kasama. May pa-softdrink at popcorn pa ‘yon. Sa baon kong sampung piso, malabo ako maka-watch ng sine.

 

Doon ko na-meet ang mga teachers ko na madami naman naituro sa akin. Noong college ako, ang galing ko sa Chemistry at Algebra dahil kay Mrs. Austria at Ms. Condes, respectively. Sa English class ni Mrs. Quiambao ako unang umarte sa stage, I mean, sa classroom pala.

 

Doon ako unang nakaramdam na ok lang na bakla ako. Mas nauna pa silang tanggapin ang kabaklaan ko keysa sa Nanay ko.

 

Doon ako unang nagka-award. Presidential Award for having the highest score in the NCEE. Wow! 98 lang naman. Hahaha.

 

Doon ako una nakaramdam ng appreciation, fame at flattery from people na hindi ko kilala. Gandang-ganda at aliw na aliw sa ‘kin ang ibang batch. Hahaha. High school pa lang, artistahin na ako. Ang mga ka-batch ‘89 ko naman ay proud na proud at ka-batch nila ako. Hindi ko naman sila masisisi. Hehehe.

 

Now, after 20 years, madaming nabago sa SANS.

 

Letter “K” na yata ang spelling ng Kalookan.

 

Ang School of St. Anthony sa Lagro na ang tinatawag na “Tone.” Yung mga taga-SANS at alumni ng SANS na lang ang tumatawag ng “Tone” sa alma mater namin. Di hamak na maganda ang facilities ng School of St. Anthony sa SANS pero di hamak din na mas mahal ang tuition.

 

Hindi na mukhang factory ang SANS kasi modern na ang exhaust fan at nasa harap na ng street ang entrance at signage.

 

Hindi na mga lugar sa bible ang mga sections sa SANS. Mga virtues na, like humility and honesty.

 

Artista na ko, abogado na ng Meralco si Cornelio, at nakita ko sa Facebook si Cynthia.

 

Ninang ako ng lahat ng panganay na anak ng JR. GEST girls. Maliban kay Sheila na dalaga pa din until now. Kami na lang ang dalaga sa barkada. Hay…

 

Nasa Amerika na si Harold, happily married at mayaman na. Pero may peklat pa din siya sa noo. Sorry!

 

Nakita ko si Ms. Manipon sa TV. Misis siya ni Master of Pain. Yung naglalagay ng malalaking karayom sa katawan at humihila ng truck. Yung na-feature sa Guinness. Yung panganay nilang anak na babae, binabato (hindi ng chalk) ng dart sa likod. Ouch! At yung bunso nilang lalaki, hinihinto ang umaandar na electric fan sa pamamagitan ng dila. Siya yata ang manager ng pamilya niya. Hindi ko alam kung matutuwa ako or maaawa.

 

Bulok na daw ang Gubat sa Ciudad. Huli akong nagpunta doon, puro pokpok ang nakita ko.

 

Nag-Grand Alumni homecoming ang SANS six years ago, ang saya namin. That day pala namatay si Ms. Cabrieto sa Iloilo.

 

Ang ka-batch ‘89 naming police na si Marc Castronuevo na ang Commandant ng SANS ngayon.

 

Until now, punchline ng mga ka-batch ko sa akin ang steno at si Ms. Gratil. Hindi na siya nagtuturo at active na lang daw sa church.

 

Di nagkatuluyan sina Michelle at Jorold pero may dalawang anak sila. Sina Teresa at Dexter, solid pa din at dalawa na din ang anak. Grabe ang tagal na nila.

 

39 years na ang SANS at nabubulok na ito. As in.

 

Nagpunta ako two weeks ago para i-shoot ang school sa ipapalabas naming VTR for our Grand Alumni Homecoming this January 30, 2010.

 

Naiyak ako. Butas ang ceiling, walang flush ang mga inidoro, may anay na ang mga pader, madaming crack ang sahig at walang chemical supplies ang Chem Lab, to name a few.

 

Marami kasing may-ari ang school. Yung ibang board members daw, dedma na at yung iba naman, e, hindi na yata interesado. Bumaba ang enrollment rate dahil nga sa facilities na bulok at madami ng school na bago sa paligid. Kaya walang pondo para sa repairs at paggawa ng ibang facilities. Majority ng enrollees ngayon, e, mga kapatid, pinsan, anak or kapit-bahay ng mga alumni. At the rate it’s going, baka hindi na umabot ng 45 years ang SANS. Kawawa. But I admire the new President, Ms. Andrea Jimenez, for admitting it and asking for our help.

 

Sponsor ang Batch ‘89 sa Grand Alumni on January 30, 2010, Saturday at 6:00 pm. Mahirap pala at ngarag mag-organize ng ganito pero ok lang para sa Alma Mater ko. Tiga-SANS  ako. Ikaw, tiga-SANS ka ba? Attend ka at tumulong para sa SANS. May program, awarding, games, concert, kainan, inuman at chikahan. Darating ang mga ka-batch mo, barkada at dating mga teachers. Tara na! 500 ang with dinner at 150 lang kung wala. May mga food carts naman doon para may mabilhan ka ng pagkain. Ang lahat ng kikitain, mapupunta sa repair at kung may sobra pa, e, facilities para sa Alma Mater nating nabubulok na. Kung nakakapagsalita lang ang SANS, magsusumamo siya sa iyo.

 

Sayang kasi nando’n pa din ang quality of  education. Kahit papaano. Nando’n pa din si Ms. Ferrer at namamayagpag pa din sa pagtuturo ng iba’t-ibang sports. Nando’n pa din si Ms. Juane pero registrar na siya ngayon. At maloka ka, nando’n pa din ang janitor nating si Mang Miguel.

 

Before I end this entry, let me share with you our school hymn. Iba na ang tono ngayon pero same pa din ng lyrics.

 

St. Anthony Nova School

Our Alma Mater, hail to you

You bring us the light of mind.

And the joy of hearts.

We thank you,

dear school.

Our St. Anthony Nova School.

Buti ka pa…

Filed under: Features — admin at 10:16 am on Tuesday, January 5, 2010


Buti ka pa, lagi kong kasama. Pasko, bagong taon, umaga, hapon, gabi at lalo na pag madaling araw.

 

Buti ka pa, anytime na kailangan ko, nandiyan lang para sa akin.

 

Buti ka pa, hindi mo ako sinasabihan ng “nakakapagod kang kasama Sweet!” May mga kaibigan ako na sinabihan ako ng ganyan.

 

Buti ka pa, pinapatawa mo ako. Nakakapagod din kasi kapag ako na lang lagi ang nagpapatawa ng iba.

 

Buti ka pa, pag nagbabaliw-baliwan ako, ok lang sa iyo at naiintindihan mo ako.

 

Buti ka pa, naiibsan mo ang lungkot ko. Pag inaatake ako ng lungkot, ikaw lang ang katapat.

 

Buti ka pa, wala kang jowa kaya hindi mo ako iiwan tulad ng iba kong mga kaibigan.

 

Buti ka pa, forever single kahit puwedeng dalawahan, tatlohan or apatan.

 

Buti ka pa, hindi pera ang habol mo sa akin tulad ng ibang kalalakihan.

 

Buti ka pa, hindi ka sinungaling. Sinasabi mo kung pwede or hindi at kung ayaw mo na.

 

Buti ka pa, kahit nade-delay ka minsan, dumadating ka pa din.

 

Buti ka pa, hindi mo ako ipinagpapalit sa kung sino man. Kaya naman, ikaw pa rin ang gusto ko.

 

Buti ka pa, nandiyan palagi at hindi yung kung kelan lang ako manglilibre or kung kelan suweldo. Hahaha. Alam mo na kung sino ‘yon.

 

Buti ka pa, hindi ka “showbiz.”

 

Buti ka pa, hindi mo ako pinaghihintay sa taping at darating nang parang hindi ako naghintay at parang walang nangyari.

Buti ka pa, matalino. Kaya kahit sikat ka, hindi mo pinipili ang kakausap sa iyo. Boy, girl, bakla or tomboy. Bata at matanda puwede.

 

Buti ka pa, kahit mayaman, hindi mayabang.

 

Buti ka pa, hindi kurakot at hindi mandaraya.

 

Buti ka pa, hindi nangangako sa taong bayan.

 

Buti ka pa, hindi corrupt.

Buti ka pa, hindi ka katulad ng ibang pulitiko. Bwiset ang mga ‘yan!

 

Buti ka pa, kahit may mga kalaban, confident!

 

Buti ka pa, sinasabi mo kung sino ang baguhan, sino ang seryoso at sino ang magaling. At least maayos at alam namin kung saan kami pupunta.

 

Buti ka pa, alam mo ang lahat ng salita. Salamat at pinapaalam mo din sa amin. Ang galing mo!

 

Buti ka pa, hindi pabigat. 

 

Buti ka pa, hindi nangungutang na parang obligasyon ko na pautangin ka.

 

Buti ka pa, hindi tamad. Kahit sabay-sabay kami, kaya mo. 

 

Buti ka pa, International. Kahit sa iba’t-ibang bansa, puwede kang gamitin—London, India, Thailand at marami pang iba. Wow!

 

Buti ka pa, pinagtatagpo mo ang mga taong hindi magkakakilala. Kahit pa yung iba, taga-ibang bansa at hindi namin kilala.

 

Buti ka pa, inaabisuhan mo ako pag mali ang ginawa ko.

 

Buti ka pa, pinupuri mo ako pag tama at bongga ang mga ginawa ko.

Buti ka pa, madaming naituturo sa akin. Feeling ko nga tumalino ako dahil sa iyo.

 

Buti ka pa, nandiyan pag bored ako. Nakakaaliw ka kasi talaga!

 

Buti ka pa, nandiyan pag hindi ako makatulog.

 

Buti ka pa, nandiyan pag bad mood ako at nalulungkot.

Buti ka pa, nandiyan at nagpapaasa sa akin na puwede pa akong manalo sa laban.

 

Buti ka pa, naiintindihan mo ako.

 

Buti ka pa, kahit tinitira kita, ok lang sa iyo. Tira lang ng tira kahit paulit-ulit! Patira ulit ha. 

 

Buti ka pa, may tumitira sa iyo, sa akin wala. Huhuhu.

 

Buti ka pa, kahit mali ako, hindi mo ako pinagtatawanan. Maayos mong sinasabing mali ako na may kasama pang abiso.

 

Buti ka pa, binibigyan ako ng pagkakataon na dumiskarte ng gusto ko at palagay kong tama.

Buti ka pa, sumisigaw ng “BINGO” kapag nakagawa ako ng “BONGGA!” May music pa.

 

Buti ka pa, binibigyan mo kami ng pagkakataon na magbuhat ng bangko at malaman ng ibang tao. Panay nga ang yabang ko lately dahil tinatanong mo ako kung gusto ko magmayabang. Hehehe.

Buti ka pa, puwede kahit pag-antayin namin nang matagal. “Patience is a virtue” siguro ang motto mo.

 

Buti ka pa, hindi “stress” sa buhay ko!

 

Buti ka pa, kahit isang tira lang puwede na akong manalo sa laro.

 

Buti ka pa, dinodoble or triple mo ang ambag ko sa laro. Salamat ha.

 

Buti ka pa, binibigyan mo ako ng chance na purihin ng iba. Nakaka-flatter.

 

Buti ka pa, hindi nagagalit kahit matagal ako. Yung iba lang kasi nagmamadali. Bwiset! Salamat nga pala at may choices ka pa ng oras. 

 

Buti ka pa, kahit may nag-cancel sa akin, nag-forfeit or tuluyan na akong natalo, puwede pa ulit. Salamat sa chances.

 

Buti ka pa, SCRABBLE. Buti ka pa. Salamat at nakilala kita.

 

Mabuhay ang SCRABBLE sa facebook!

 

Happy New Year to all!