| Register

Hiyas ng Bukidnon 2009

Filed under: Events — admin at 1:18 am on Sunday, January 25, 2009

Kumare ko si Aleli Baguio, a.k.a. Mosang, na gumaganap na Piryang sa nangungunang telafantasyang Luna Mystika. Siya din ang sikat na Nanay sa Coke commercial.  Inaanak ko ang unico hijo niyang si Eli. College days namin when I met her in CCP, at  simula noon ay naging barkada na namin siya sa Teatro Tomasino.

Last Saturday, January 17, nakiusap ang aking Kumareng Mosang kung pwede ba daw akong mag-judge sa isang Gay Beauty Contest sa kanilang lugar. Sa Bukidnon St. sa Bago-Bantay, Quezon City, ang contest. Fiesta kasi nila at doon nakapuwesto ang maliit na tapsilogan ng Kumare ko na Mojamito. Free plugging ‘yan for you, Mareng Mo.

Si Mosang ang production manager ng lahat ng solo shows ko for the past four years. Sa May 16, siya na naman ang PM ng Sweet 16 at Teatrino, Greenhills, as I will be celebrating my 16th year in showbiz (abangan niyo ‘yan!) Kaya naman pag nakiusap ang Kumare ko ay go lang ako ng go!

Kahit maaga ako natutulog pag Saturday night, hindi ko siya tinanggihan. In fairness, sulit! Nag-judge din si Kumareng Boyet Mariañas, na owner ng Hairwatch Salon, at si  Mae Bueta na isang model na negra. Exotic ang bruha, mukha nga lang bading dahil hindi nakaayos at ang laking bulas. Hahaha.

Finally, nagsimula na ang Hiyas ng Bukidnon 2009!

Ang simple ng criteria for judging: 20% National Costume 20% Talent, 20% Swimsuit, 20% long gown, 20% sa Q & A…For a total of 100%.

Pag highest ang score ng candidates sa isang category, malaki ang chance niyang makapasok sa Final 5.  11 lang ang candidates dahil 2 daw ang gay beauty contest that night sa buong Bago-Bantay. Ganyan talaga pag Fiesta nila. Diyan din ako nanalo, pero sa Batangas St. naman noong 1992, as Sheryl Cruz. Hahaha.

May kasabay din kasing contest noon ang Batangas St.  Nataon na nandoon ang mga magaganda kasi mas malaki ang premyo.

Naglabasan na isa-isa ang mga Hiyas na suot ang kanilang National Costume. Naglaban-laban sina Paulene Luna, Katrina Halili, Iwa Moto, Bea Alonzo, Lucy Torres, Kristine Hermosa, Iya Villania, Aleck Bovick, Jessa Zaragosa, Anegl Locsin at Dawn Zulueta.

Sa introduction pa lang, nagkabogan na ang mga Hiyas. Halatang memorize na ng iba ang kanilang intro. Mahusay ang mga bakla! Alam kung saang parte ng intro nila papalakpak ang taong bayan. Yung iba, may hand gestures pa at may kasamang sigaw ang intro. Taray! Nakakaloka ang mga bakla ngayon, ang gaganda at ang babata.

Si Aleck Bovick, na naka-Filipiniana na gawa sa dahon ng buko, ang nag-win ng special award for Best in National Costume. E, nakakaloka naman kasi si bakla, noong umaga lang ng contest niya yata pinagawa ang costume dahil fresh pa ang kulay ng coconut leaves. Ano’ng sinabi ng palaspas!

Mas naloka ako at napabilib sa Swimsuit competition. Yung ibang bakla, may mga boobs na at balakang na parang sa gagamba. Sumisigaw ang ibang bakla sa audience ng “Gagambina!” pag lumalabas ang mga baklang may balakang. Nakakaloka yung ibang swimsuit ng mga bakla, isa lang ang strap at tanging s*so nila ang sumasapo para huwag malaglag. Sa Baclaran at Divisoria daw nabibili ‘yon. Madalas daw gamitin ng mga babae ‘yon sa mga night clubs pag big night. Taray!

Si Iya Villania, na isa sa sinigawan ng “Gagambina,” ang nag-win ng best in swimsuit.  Makinis kasi ang bakla at pantay naman ang balakang sa boobs at katawan niya. Yung iba kasi, kung hindi sobra ang balakang, e, sobra naman ang boobs at hindi makinis. May isang kandidata na sa sobrang laki ng balakang, sinigawan ng audience ng “Jollibee!”  Hahaha. Speaking of Jollibee…

(Read more… )

First love dies

Filed under: Features — admin at 10:01 pm on Friday, January 9, 2009


 Sabi nila, “First love never dies” daw.

 

Nakilala ko ang first love ko sa murang edad na kinse. Bagong pasok ako noon sa kolehiyo sa Unibersidad ng Santo Tomas. Maaga akong nag-aral kaya maaga din akong nakatapos ng high school at nakapasok ng kolehiyo.

 

Sa samahang pang-unibersidad ng UST ko siya nakilala. Sabay kaming sumali sa nasabing grupo.  Noong una ay kaibigan lamang ang turing ko sa kanya. Nagkataon naman na naging magka-grupo kami sa dami ng mga bagong miyembro na katulad naming pumasa.

 

Madalas kaming gabihin sa pag-eensayo at nagkataon naman na sabay din kaming umuuwi dahil sa iisang direksyon patungong Lungsod ng Quezon ang aming tirahan. Sa bawat biyahe pauwi ay mas lalo naming nakikilala ang isa’t-isa.  Inaabangan ko gabi-gabi ang pag-uwi dahil alam kong makakasabay ko na naman siya.

 

Malakas ang kanyang dating.  Madalas niya akong tarayan kapag ako’y nag-iingay. Madalas niya akong patigilin kapag ako’y naghaharot. Sa wakas ay nakahanap na ako ng tao na kasing-lakas ng aking dating. Isang tao na kayang patiklupin ang matindi kong pagkatao.

 

Isang buwan matapos kaming magkakilala, in love na ako sa kanya.  Sa mga oras na ‘yon, Sweet 16 na ako. Palibhasa dalaginding pa lamang ako, hindi ko naman alam nung mga panahon na ‘yon na love na pala ‘yon. Basta gusto ko siyang makita palagi, naaaligaga ako pag kasama ko siya at gustung-gusto ko kapag nagtatalo kami. Kilig.

 

Inilihim ko ang aking pag-ibig sa kanya sa loob ng isang taon dahil may Ate akong bakla na binakuran ang aking mahal. Ano naman ang laban ko sa nakakatandang kaibigan? Anong laban ko sa may trabaho at pera? Anong laban ko sa may kapangyarihan?

 

Pero, ngunit, subalit, datapwat nanatili kaming magkaibigan…Higit na naging malalim ang aming pagkakaibigan dahil sa laki ng Lungsod ng Quezon, nation pang naging magkapitbahay kami. Mas naging mahaba ang biyahe namin pauwi na magkasama.  Mas matagal kaming magkatabi sa jeep na aming sasakyan.  Kadalasan nga ay nakakatulog ako sa kanyang balikat at kanya namang hinahayaan.  Minsan nga hindi naman ako inaantok pero nagtutulug-tulogan pa din ako para makadantay lang sa kanyang balikat. Gustung-gusto ko kasi ang kanyang amoy.  Kahit maghapon na sa eskwela, bangong-bango pa din ako sa kanya.  Iyon yata ang halimuyak ng pag-ibig. Hmmm, kay bango. Nakakalungkot nga na ngayon, matagal ko na itong hindi naaamoy. 

 

Bigla kong naalala, minsan wala siyang perang pamasahe pauwi, ibinigay ko sa kanya ang sarili kong pamasahe at ako ang hindi nagbayad sa jeep. Hahaha. O pag-ibi na makapangyarihan, hahamakin ang tsuper ng jeep masunod ka lamang.

 

Patuloy kaming naging malapit sa isa’t-isa. Minsan nga ay nakikitulog pa siya sa bahay namin. Oo, sa tabi ko mismo.  Pero ganoon yata talaga, dahil mahal ko siya, hindi ko makuhana hipuan man lamang siya o mag-isip ng mga makamundong pagnanasa. Katabi ko siyang matulog pero mas minabuti kong amuyin at titigan na lamang siya habang natutulog na may kasama pang hilik.  Kay ligaya ko ng mga sandaling ‘yon.

 

Madalas akong nagagalak kapag umuuwi kami ng gabi o kaya’y galing sa inuman.  Sigurado kasi ako na sa amin na naman siya matutulog dahil mapanganib ang maglakad patungo sa kanilang bahay, samantalang ang bahay namin ay limang kandirit lamang mula sa kanto na dinadaanan ng jeep.

 

Sa ikatlong taon ko sa kolehiyo nang maglakas loob akong sabihin sa kanya ang aking tunay na damdamin. Binulong lang niya pero nabingi ako sa kanyang sagot na, “Kaibigan lang ang turing ko sa iyo.” O kay sakit, kaibigan lang pala. Minabuti kong tanggapin ‘yon keysa mawala siya sa akin.

 

Sa ikahuling taon ko bilang kolehiyala ay naghiwalay kami ng landas. Lumipat siya ng unibersidad. Nalungkot ako noong una pero mabuti na ‘yon para makalimutan ko siya. Nagkikita pa din naman kami kapag may salu-salo ang aming samahan o kapag nagkakasabay kami sa jeep pauwi. Sa puntong ito, kanya-kanya na kami ng bayad. Bumibilis pa din ang tibok ng aking puso tuwing nakikita ko siya.  Gano’n yata talaga.

 

Pagkatapos ng kolehiyo, nagtrabaho na agad ako. Bagong mundo, bagong buhay, bagong mga kaibigan. Nakita ko minsan ang isa pa naming kaibigan sa aming samahan sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ibinalita niya sa akin na magkasama pala sila ng aking first love sa isa pang samahan sa kanilang bagong unibersidad.  Ipinakilala niya ako sa mga bago nilang kaibigan doon, at tama nga ang aming kaibigan, nagkita kami muli ng aking first love.

Mas lumakas ang kanyang dating. Mas mukha siyang masaya. Mas mukha siyang malaya. Mas sumarap siya sa aking paningin. Muling tumibok ang aking puso.  May kasama pang sayaw sa salin ng awit ni Donna Cruz na uso noon.

 

Masaya din kasi ang bago nilang samahan sa kanilang bagong unibersidad at masaya din ako na nandoon siya kaya minabuti kong makisali na din. Muling napadalas ang pagkikita namin ng aking first love. Muli akong kinilig na parang kolehiyala pa din. Muli ko siyang niligawan dahil sa pagkakataong ito, may pera na din ako.

 

Inuman, kainan, manood ng sine at iba pang gawain ng mga nagliligawan ang aking ginawa para sa amin…para sa kanya. Sulit ang bawat pera na aking ginagastos makapiling lamang siya. Hindi tulad ng iba, hindi ugali ng aking first love ang manghingi o maging pabigat, kaya naman lalo akong nahumaling. Sa buong pagkakaibigan namin, minsan lamang siya humingi ng tulong, emergency pa.

 

Ang mga bago niyang Barkada, na naging barkada ko na din, ay nagpakita ng malaking suporta sa aking muling panliligaw sa aking first love. Madalas nila kaming tuksuhin. Aaminin ko, minsan ako mismo ang nag-uutos sa kanila na tuksuhin kami. Hahaha. Bakit ba? Walang masama! 

 

Sa ikalawang pagkakataon, habang kumakain ng hapunan sa isang pang-mayamang restaurant, muli kong ibinuhos sa kanya ang tunay kong damdamin.  Muli, “Kaibigan lang ang turing ko sa iyo” ang aking narinig. Sa pagkakataong ito, hindi na ako nabingi. Marahil handa na din ako sa kanyang sagot. Marahil matatag na din ako. Marahil mas mahal ko na ang aking sarili. Marahil…

 

Naging biruan na lamang naming magkakaibigan ang aking pag-ibig sa una kong minahal. “Strike two ka na!” ang madalas nilang sambit. “Try mo pa ng isa para Strike 3!” ang kanilang biro sa akin. Nakakatawa pero ako hindi natatawa.

 

Upang tuluyan siyang makalimutan, sinabi sa akin ng aming mga kaibigan ang tunay niyang pagkatao. Ang mga lugar na pinupuntahan niya at tinatambayan.  Ang kanyang mga lihim na kaunti lang ang nakakaalam. Nagulat ako kunwari pero alam ko din naman ‘yon. Gaga din naman ako, minahal ko pa din siya.

 

Minsan nanganib ang kanyang buhay. Hold-up. Pinagsasaksak siya.  Magkikita kami noon ng isa naming kaibigan, na siya niyang unang tinawagan habang nag-aagaw-buhay. Sinama na ako ng kaibigan namin upang puntahan siya sa ospital. Kailangan siya operahan. My god! Walang operating room ang clinic na pinagdalhan sa kanya. Tuluyan nang natulala ang kaibigan namin sa dami ng dugo na nakita niyang umagos mula sa aking first love. Mabuti na lang at hindi ako tarantahin. At teka, first love ko ito, e. Hindi siya pwedeng mamatay.  Hindi!!!!!!!!!!!!!!!!!

 

Ako ang nag-ayos ng lahat. Nakipag-coordinate ako sa ilang kaibigan na pumunta sa kanyang pamilya upang sabihin ang sitwasyon at yung iba naman ay pupuntahan kami sa lilipatang ospital. Ako na rin yung tumawag sa ospital na paglilipatan at nag-explain sa ER ng sitwasyon, pati nga rin pagtawag sa ambulansiya dahil wala ding ambulansiya ang clinic. Ako na rin ang nagbayad at nagpasalamat sa taxi driver, na natatanging huminto para dalhin siya sa ospital.  Salamat ulit Manong at hinintuan mo ang first love ko. 

 

Ako ang sumama sa ambulansiya papunta sa lilipatang ospital. Kailangan daw kasing may kaibigan or kamag-anak sa loob ng ambulansiya kung sakaling may masamang mangyari. Diyusko! Habang bumabiyahe ang ambulansiya, kailangan ko daw siyang kausapin para hindi makatulog. Kung anu-ano ang sinasabi ko sa kanya. Gusto ko nga sanang sabihan siya ng “I love you” pero natakot ako kasi baka biglang mamatay.  Di ba ganon sa mga pelikula? Kung kailan sinabihan ng “I love you” at saka namamatay? Pagdating sa ospital, nandoon na ang iba pa naming mga kaibigan. Halos lahat sila namumutla sa takot at yung iba ay umiiyak. Nagpatawa na lang ako para maibsan ang tensyon. 

 

Hindi ako umalis ng ospital hangga’t hindi sinasabi ng doctor na ligtas na siya. Hindi ko kakayaning mamatay siya ng gano’n na lang. Hindi ko kakayaning duguan siya nang huli kong makita. Salamat sa Diyos at nabuhay ang aking first love. Sana pala sinabihan ko na siya ng “I love you.”  Hahaha.

 

Bihira na lamang kami magkita ngayon. Kamakailan, nagkita-kita kaming magkakaibigan sa una naming samahan sa Unibersidad ng Santo Tomas.  May kaibigan kasi kaming dumating mula sa ibang bansa. Ang saya ng chikahan at inuman. Nalasing ang lahat. Niloloko pa nila kami na maghalikan. “For old times sake!” ang biro nila. Pagkatapos ng inuman, minabuti kong ihatid ang aking first love sa kanyang tinutuluyan. Malapit lang kasi ito sa pinagdausan ng aming get-together.

 

Alam na ng aking driver na si Toto kung saang banda siya ihahatid. Sa likod ako umupo para tabihan ang aking first love. Malapit na kami sa kanyang tinutuluyan.  Dahil na rin sa impluwensiya ng alak, niyakap ko siya at sinubukang halikan (gaga din ako). Tumalon ang aking first love sa kotse habang umaandar. Nawala ang pagkalasing ko. Naloka ako. Nagulat si Toto.  Binalikan namin siya upang siguraduhing nasa mabuti siyang kalagayan.  Nakita ko siyang naglalakad palayo. Buhay naman siya at hindi duguan.   

 

Habang papalayo siya, nagising ako sa katotohanan na ibubuwis niya ang kanyang buhay huwag lamang mapasa-akin. Pagdating sa bahay, umiyak ako nang umiyak. Naawa ako sa sarili ko at nahiya din ako sa ginawa ko. Habang umiiyak, naiisip ko ang mga pinagdaanan namin noon.  Masaya, malungkot, nakakatakot, buwis-buhay at iba pa. Pagkatapos kong umiyak, my “first love” died.