Isang magandang topic ang naisip ko para sa pagbabalik ko dito sa PEP bilang isa sa mga blogger.
Una sa lahat, sobra kong na-miss ang gumawa ng blog dito, kasama na riyan ang pag-iisip ng maisusulat at mag-gather ng pictures para mai-share ko sa inyo.
Pangalawa, sobra ko kayong na-miss kuwentuhan ng mga bagay-bagay na ginagawa ko at nangyayari sa akin.
Medyo mahabang panahon din na sinarili ko muna ang mga nararamdaman ko dahil may mga bagay na inayos pa ako sa aking kalooban.
Nagpapasalamat ako sa PEP sa respeto at understanding na ibinigay nila sa akin. At sa lahat na rin ng taong nirespeto ang katahimikan ko sa mga nangyari sa ‘kin sa pagpasok ng taon.
Ngayon, ako ay nagbabalik para iparamdam sa inyo na okay na ang lahat. Masaya dapat ang buhay dahil mabait ang Diyos.
Speaking of pagbabalik, may bagong project akong gagawin! Bale ito ang aking pagbabalik sa paggawa ng soap opera. After three years, balik-primetime soap opera ulit ako. Isa pang pagbabalik ay ang tambalang Jolina-Marvin loveteam.
Nung isang araw nga, nag-You Tube ako ng lumang videos namin ni Marvin at wala akong ginawa kundi tumawa ng tumawa. At naisip ko na marami na rin kaming nagawa ni Marvin as loveteam at individual artist sa showbiz. At hanggang ngayon, di pa rin kami nagsasawa na mag-exchange ng mga ideas kung paano mapapasaya ang mga tao.
Ngayon, mapapanood niyo na ulit kami ni Marvin gabi-gabi.
ADIK SA ‘YO, ito ang title ng comedy/love story na soap opera na gagawin namin nina Marvin, Jenica Garcia at Dennis Trillo.
Jenica bilang KAREN: isang mayaman na dalagita, medyo trying hard. Sobrang naniniwala sa mga hula at mga kasabihan.
Dennis bilang RUBEN: isang probisyano na binalewala ng nobya. Mapagmahal.
Marvin bilang CARLOS: isang metal sculptor; napaka-O.C. na businessman.
Jolina bilang JOANA: stepsister ni Karen. Magkapatid sila sa ama. May lihim na pagtingin kay Carlos.
Ang istorya nito ay hindi tungkol sa adik sa drugs kundi adik sa pagmamahal. Sigurado ako na tatawa kayo gabi-gabi pero may kurot pa rin sa puso ang ibang mga eksena.
Excited ako dahil ang director nito ay si direk Joel Lamangan. Napakagaling at sobrang professional. Ayaw ng nale-late sa set. At pag trabaho, trabaho muna at walang halong chikahan.
Sabi nga ni direk Joel, mas mahirap magpatawa kesa magpaiyak ng mga manonood—mapa-pelikula man o telebisyon.
Tara, silipin natin ang mga preparasyon:
STORY CONFERENCE

HAIR EXTENSION

WORKSHOP

PICTORIAL

TEASER SHOOT

Nag-umpisa na kami ng taping, at may schedule na rin ng mga susunod na taping. Yun naman ang isi-share ko sa inyo next time.
Sa lahat ng may suggestion ng kung anong topic ang gusto niyong mapag-usapan o mabasa sa blog ko, mag-email lang kayo sa myjolinaforever@yahoo.com at susubukang kayanin ng powers ko na magsulat tungkol sa topic na mapili ko.
O pa’no, hintayin ko ‘yan, ha. Happy fiesta!
PICTURE OF THE DAY
Kinunan ko ito nung mag-Tagaytay ang family naming nung holy week. Mga baby snail sila na nasa ilalim ng malaking dahon. At doon sila talaga nagsusumiksik dahil ayaw nila ng araw ‘pag nagpapahinga sila.

