Sa lahat ng hindi nakapanood ng Unang Hirit nung Tuesday, October 28, ikuwento ko sa inyo ulit ang paranormal experience ko, kasama ang aking pamilya at ang staff ng UH, sa isang bahay sa Bulacan, Bulacan.
Tinanong ako ng staff kung puwede raw ba akong mag-ghost hunting para sa Halloween presentation ng UH. Akala ko, comedy ang gagawing theme kaya sabi ko, si Drew ulit ang kasama ko. Pero sabi nila, seryosong ghost hunting daw kaya hindi kami puwedeng pagsamahin ni Drew, dahil paniguradong lolokohin lang namin ang buong presentation.
Nagdalawang-isip ako kasi first time ko gagawin ang isang ghost hunting activity nang seryoso. Sabi ko sa kanila, sige payag ako pero sana may kasamang isa pang host. Sabi nila, makakasama ko raw si Regine Tolentino.
Dumating ako sa Bulacan ng 7:30 p.m. at sinabi agad sa akin na hindi makakarating si Regine, so, no choice ako. Ngeee! Mag-isa lang ako. Good thing, kasama ko palang maglilibot ng bahay yung grupo ng UH. Bale pito lahat ang sumama. Kasama din namin si kuya Alex, isang psychic researcher at paranormal expert. Medyo malakas na rin ang loob ko dahil sumama sa akin sa Bulacan ang family ko. Pero di ko sila pinilit maglibot din ng buong bahay, lalo na ang mommy ko na may third eye. Ang nangyari, kung sino lang ang may gusto ang sumama.
Nang makita ko yung bahay, ang una kong naramdaman ay saya. Kasi sa totoo lang, gustung-gusto kong nakakakita ng mga napakalumang bahay. Mas luma, mas gandang-ganda ako. Ewan ko kung bakit pero napapahinto talaga ako pag nakakakita ng sinaunang bahay.
Sa main door pa lang nung bahay, may nakaukit na “1866.” Ang paligid ay madilim, ganun din ang ilalim ng bahay. Kilala ang bahay na yun sa Bulacan, Bulacan bilang “bahay kastila.”

Unang ginawa ko pagbaba ng sasakyan ay nag-intro spiel muna ako, ‘tsaka namin nilibot ang bahay. Ang kasama ko na naglibot ng bahay at si kuya alex, ang yaya kong si Teresa, ilang staff at camera man. Si kuya Alex ang nagsasabi sa akin kung anong part ng bahay yung mga nilalakaran namin. Hindi lahat pwedeng pumasok sa bahay nang sabay-sabay. Dapat mga lima-lima lang kasi marupok na ang flooring ng bahay at baka bumagsak na ito.
Una niyang pinakita sa akin ang unang malaking sala. May mga gamit pa ito na halatang tinambak na lang doon. Sunod ay ang pangalawa nilang malaking sala na ang gamit na lang doon ay isang cabinet na may mga lumang libro. May nakita pa akong Taliba na diyaryo na ang date ay 1971. Tuwang-tuwa ako kasi amoy luma at talaga namang malutong na yung mga papel.
Pagkatapos ng sala ay tumuloy kami sa unang kuwarto. Ang laman lang ng kuwartong iyon ay dalawang malaking salamin at upuan. Nasa bandang gilid ang mga ito ng kuwarto na malapit sa pinto at bintana.
‘Tapos ay lumakad kami papuntang pangalawang kuwarto. Ang una kong nakita sa pangalawang kuwarto ay isang kama. Medyo nag-alangan ako kasi may isa pa palang kama dun sa gilid na may unan na nakabalot ng kumot. Ang sabi agad sa akin ni kuya Alex, wala yun—unan at kumot lang daw yun…Kaya tumuloy ang lakad namin.
Sa pangatlong kuwarto, nagulat ako kasi parang may nakita akong nakatayo na tao sa may cabinet. Yun pala ay isang damit ng malaking santo. May mga gamit pang iba sa third room gaya ng kama, mga lumang cabinet, libro, salamin, rocking chairs, karaoke, at madaming lumang santo na nasa ibabaw ng cabinet.
Imbes na matakot ako, tuwang tuwa ako kasi aliw na aliw ako sa mga lumang gamit with matching alikabok! Haha! At talagang gandang-ganda ako sa cabinet.
Paglabas ng third room ay nasa unang sala na ulit kami. Paikot lang pala yung mga kuwarto dun. Pero sa tabi ng unang sala, may pintuan na maliit lang pagkakabukas. Sabi ko kay kuya Alex, hindi ba namin papasukin yun at ano naman yung lugar na yun? Ang sabi niya, yun daw yung malaking kusina. Bukod sa yun ang lugar na may pinakamarupok ng flooring, hindi raw maganda ang pakiramdam niya sa lugar na yun. Hindi niya raw kami mapapapasok dun. A
ng ginawa ko na lang, pinabuksan ko ang pinto at nag-picture na may flash para man lang makita ko ang itsura. Sobrang dilim kasi kaya kailangan gumamit ng flash.
Nang matapos naming ikutin ang bahay, saya ang nararamdaman ko dahil sa mga nakita kong lumang gamit, bintana at pati pinto. Sa madaling salita, nagandahan ako talaga sa bahay.
Akala ko tapos na ang shoot namin, yun pala ay may gagawin pa ako para makumpleto ang punta namin doon. Lilibot pa pala ng isang beses pa sa buong bahay pero ako na lang ang iikot hawak ang maliit na video camera.
Since alam ko na ang mga pupuntahan, naghanda ako agad at hinawakan ko na ang camera. Akala ko, ako lang talaga mag-isa, yun pala, kasama ko rin sa likod ko si Teresa (yaya ko), para naman gabayan ako nang konti sa lalakaran ko at baka madapa ako. Hahaha!
Sinimulan ko ang paglalakbay.
Pumasok ako sa pangalawang sala at nagkuwento kung ano ang makikita sa sala na yun. ‘Tapos nung papasok na ako sa unang kuwarto, huminto ako sa may pinto para magkuwento sa camera kung ano iyong papasukin ko. Pagpasok ay medyo kumabog ang dibdib ko. Pero di ko na lang pinansin kasi naisip ko na alam ko naman ang mga makikita ko dun, e. At nagkuwento na ulit ako habang naglalakad.
Nang malapit na ako sa pinto ng pangalawang kuwarto, huminto ulit ako para magkuwento sa harap ng camera. Nung papasok na ako rito, biglang bumigat nang todo yung dibdib ko at medyo nagsikip nang konti yung paghinga ko. Nilakasan ko ang loob ko at nung itutuloy ko na yung paglakad, kakaibang bigat na ang nararamdaman ko. Gusto kong tumuloy pero pati paa ko parang napakabigat at hindi ko masyado maigalaw. Tinutulak na ako ni Teresa para lumakad na kami pero napapa-atras talaga ako. Sumisikip nang sumisikip yung paghinga ko. Noong naaninag ko yung kama, lalong sumikip yung dibdib ko. Hanggang sa nag-give up ako…
Binitawan ko yung video cam at bumalik nang dire-diretso papalabas. Hindi ko na naisip kung may kasama pa ako lumabas basta dali-dali akong naglakad. At habang papalabas ako, halo-halo na ang nararamdaman ko kaya napaiyak ako.
Pagdating ko sa main door ng bahay, kinunan agad ako ng camera at tinanong kung ano ang nangyari sa akin.
Yung pangalawang kuwarto na yun ay kuwarto ng matandang lalaki na nagmamay-ari ng buong bahay. Apat ang naging asawa niya at madami siyang mga babaeng dinala doon. Ang malaking tanong, lahat kaya ng babaeng dinala niya doon ay gusto ang ginawa nya o hindi? Bakit may mabigat akong naramdaman?
Nung makahinga na ako nang konti, lumabas na ako ng bahay para pumunta sa pamilya ko at magkuwento sa kanila kung ano ang nangyari at naramdaman ko nung mga oras na iyon.
Biglang nakita ko ang mommy ko na mapula ang mata at mukhang worried. Yun pala, ang ate ko, napatulala at namumutla. Tinanong agad ng mommy ko kay kuya Alex kung puwedeng mag-pray muna kami o may gawing ritwal bago umalis ng bahay para siguradong walang mangyayari sa amin na masama. Sabi ni kuya alex, magdadasal daw kami lahat at magsisindi daw siya ng insenso.
Tinanong ko agad ang mommy ko kung ano ang nangyari kay ate. Sabi ng mommy, bigla na lang daw namula ang mukha ng ate na parang init na init. Hindi na umiimik ang ate ko.
Dapat ay bababa pa kami sa ilalim ng bahay pero sabi ni kuya Alex, whuag na lang daw ako sumama.
Bago kami umalis, nagdasal kami lahat at pinausukan kami lahat ni kuya Alex ng insenso. Pinagsindi niya ako ng tatlo at nagpunta kami ulit sa mga kuwarto kung saan may salamin. Kailangan daw naming dasalan yun dahil yun ang nagsisilbing portal ng mga ispiritu. At para mawala daw ang bigat ng dibdib ko sa pangalawang kwarto, kailangan namin itong iwanan ng insenso.
Pagkatapos nun ay umalis na kami ng bahay.
Noong makalabas na ang aming sasakyan doon sa bahay, tahimik pa rin ang ate ko. After five minutes, humagulgol ng iyak. Nagulat kami lahat at tanong ng tanong kung ano nangyayari sa kanya. Iyak lang siya ng iyak. Nung pinainom namin siya ng tubig ay nahimasmasan ito ‘tsaka nagkuwento.
(Read more… )