| Register
Candidly

Painit na nang Painit

Filed under: Features — CandyM0d at 4:37 pm on Friday, April 30, 2010

Painit na nang painit ang panahon. Painit din nang painit ang labanan sa eleksiyon. Lahat na ng klaseng gimmick, naglabasan na. Mga paninira sa kalaban, double time na. Ang hihilig manira ng kalaban pero ‘pag binalikan, kakabahan. Kasi nga naman, pareho silang may nagagawang katiwalian gamit ang kapangyarihan.

Lately, watch ako ng watch ng mga debates at mga forums ng mga kandidato. Nakakaloka minsan ang mga ito. Yung iba, nakakatulong yung pagpapa-interview nila. Yung iba naman, sana di na nagpa-interview at di nakakatulong ang mga bobong sagot, insincere na actions, at mga put-on na concern.

Meron akong napanood sa I.M.O with Mo Twister na interview ng isang sexy star-turned-politician, na tumatakbong konsehal. Grabe! Nakakatawa yung interview. Pero habang watch ako, nagshi-shift ang emotions ko sa inis, then galit, then pikon, then awa. Naaawa ako sa Quezon City dahil baka manalo pa ang taong ito bilang sikat siya. Kung sino siya, i-Google niyo yung at I.M.O with Mo Twister at hanapin na lang there.

Nagtatanong ako sa mga kasambahay kung sino ang iboboto nila. Multi-partisan na ang bahay namin. Nakakatawa. Nakikinig lang naman ako sa kanila. Yung iba, basta iboboto niya yung tao bilang presidente dahil sa idol nila ang kapatid nito. Yung isa naman, iboboto daw niya ito kasi galing sa hirap. Yung isa naman, naniniwala sa magandang team-up ng presidente at bise presidente na talagang may action at nagawa. Yung yaya ng anak ko, type yung bise presidente na parating naka-hard hat. Kasi naman, tuwing lumalabas sa TV, akala ng anak ko, e, cartoon character ito. At least may recall, di ba.

Meron akong kilala na ang iboboto niya, yung batang guwapo at simpatiko. Kasi daw, magandang image para sa international market. Disente raw ang itsura at maganda ang tindig. Kahit daw makalimutan nito ang invitation niya sa hotel room pag may international summit, papapasukin pa rin ito. Kasi nga, guwapo. Tanungin mo kung sino ang mga ibobotong senador, hindi nila makumpleto ang 12. Hirap naman talaga!

Ang mga senador pala ay may malaking halaga ng pork barrel, na sila ang mamimili kung saan nila ilalagay ang pondong ito. Naglolokohan yung mga kasambahay na ipapa-bidding nila ang boto nila. Ipapa-auction sa mga kandidato. Kung highest payer, yun ang mamarkahan.

Mga taong matagal na sa pwesto pero parang wala namang naitulong o ginawa—parang awa na ninyo, pag-isipang mabuti kung sino ang dapat iboto. Kung alam mo na puro bisyo, walang ginagawa, tamad, walang sariling pag-iisip, walang paninindigan at palipat-lipat ng partido, wala namang alam nakikitakbo lang dahil sa apelyido, masama ang ugali, walang takot sa Diyos, kurakot, sinungaling—in other words, masamang tao—e, pag nanalo pa sila, e, tayo na ang tatanga-tanga!

Ngayon binigyan tayo ng chance na baguhin ang takbo ng bayan natin. Sana naman, maging masinop tayo sa pagpili.

Maikli kasi ang memory ng Pinoy. Baka nakalimutan niyo na ang mga nangyari dati. Ang sakit ng nakaraang, puwedeng kalimutan pero ang pangyayari at mga aral ay tandaan para naman maging batayan para sa kasalukuyan.

Ngayong araw na ito, para akong makata. Ito pala ang pakiramdam ng isang ina na nag-aalala sa kinabukasan ng anak niya. Alam ko, wala namang perfect candidate. Mahirap naman i-pinpoint ang mga mali na kanilang ginawa kasi, baka pag nagkaturuan, mas marami pa tayong nagawang kasalanan. The mere fact that we all have become passive regarding our current situation is a sin.

Akala ko yung kasalanan ay ‘pag meron ka lang ginawang masama. Yung wala ka rin palang ginagawa at all. kasalanan yun. Omission naman ang tawag dun.
Mabigat ba ang topic? E, ang bigat din kasi ng responsibilidad natin ngayon.

Pero kunwari…kunwari lang ang manalo ay yung hindi talaga karapat-dapat, sana naman for a change, mag-volt in na lang ang lahat ng mga candidates na tumakbo. Tutal lahat naman sila nagsabi na gusto nilang ayusin ang bansang ito, sana for a change, ‘wag natin planuhin ang impeachment agad.

Nakakahiya na rin sa neighboring countries. Baka akalain nila ang President impeachment ay national hobby natin.

Sana naman ‘wag na natin i-stress ang mga teachers na mag-recount nang mag-recount. Kawawa naman sila. Natatapos ang recounting pag malapit na ang susunod na eleksiyon.

Alam niyo, meron akong mga kasambahay na todo na ang advances sa salary. Nahuhuli ko sa gabi, umiiyak sa isang sulok. Akala ko kung napaano, yun pala, yung pamilya niya sa probinsiya ay walang makain. Paano na?! Lalo tuloy ako nagsisikap magtrabaho para sa mga taong nasasakupan ko.

Dapat ganito rin ang mga nakapuwesto na opisyal ng gobyerno. Lalo na sila…Mas grabe ang responsibilidad at accountability nila sa tao at sa Diyos.

Sa totoo lang, kahit naman lumuhod ako sa asin kung hindi magiging maayos ang eleksiyon, walang mangyayari. Kahit kumain ako ng bubog kung si Pareng Juan ay gutom at kailangan ng bigas, kapalit ng boto niya, wala akong magagawa.

Please pray for our country. Please pray for a clean election. Please pray for the right leaders. Alam ko, ilang ulit niyo ng narinig ito pero ito lang talaga ang solusyon—prayers.


Yung mga may masamang plano sa araw ng eleksiyon, sana lagnatin nang walang lakas para lumabas. Yung mga gusto magpamudmod ng pera, sana ma-holdap. Yung mga hindi dapat manalo, sana hindi makita ng mga botante ang pangalan sa listahan.

Mahalin natin ang ating Inang Bayan dahil wala namang magmamalasakit sa kanya, kundi tayong mga anak niyang Pilipino.

Maligayang araw ng mga ina, Inang Pilipinas. Nawa’y ika’y pagpalain ng Diyos.