| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Habagat chronicles

Filed under: Features — CabsM0d at 6:47 pm on Thursday, August 9, 2012

Kabilang kami sa iilan na nakaramdam ng lindol noong Martes, August 7, dahil nakatutok ang atensiyon ng lahat sa malakas na ulan at baha na nanalanta sa Metro Manila at mga karatig probinsya.

Nakaupo kami sa silya at mino-monitor sa laptop computer ang nagaganap na pagbaha nang biglang gumalaw ang aming kinauupuan, bandang ala-una ng hapon.

Nakatira kami sa 12th floor ng isang condo building sa Quezon City kaya naramdaman namin ang paggalaw ng paligid.

*******

Maghapon at magdamag kami na nakatutok sa mga news program dahil sa kagustuhan namin na malaman ang kalagayan ng ating mga kababayan na biktima ng malakas na ulan at baha.

Nakakabilib si Paolo Bediones dahil pagkatapos ng kanyang hosting stint sa Good Morning Club, ang early morning show ng TV5, tumuloy siya sa Araneta Avenue , Quezon City dahil tinulungan niya na iligtas ang mga tao na na-trap sa lagpas tao na baha.

Kasama ni Paolo sa pagliligtas ang Rescue5, ang rescue team ng TV5 Network.

Hindi natapos sa Araneta Avenue ang misyon ni Paolo dahil bumalik siya sa studio para ihatid sa televiewers ang latest updates tungkol sa kalamidad na kumitil ng maraming buhay at sumira sa maraming ari-arian.

*******

Bukod sa pagtutok sa mga news program noong Martes, nag-monitor din kami sa Twitter at Facebook, ang mga social media na bahagi na ng ating araw-araw na pamumuhay.

Ginagamit na ngayon ang Twitter at Facebook hindi lamang sa paghahanap ng mga bagong kaibigan at koneksyon sa buong mundo, kundi pati na rin sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Tulad ng cellphone, necessity at hindi na luxury ang pagkakatoon ng Twitter at Facebook accounts.

*******

Nag-post ng mga mensahe sa mga social media ang mga tao na hindi pabor at nilalabanan ang Reproductive Health Bill.

Sa pananaw nila, parusa sa mga tao na nagsusulong sa RH Bill ang kalamidad na dumapo sa ating bansa noong Martes.

Mabilis na umiral ang fertile imagination ng iba nating mga kababayan na nilagyan ng connect ang baha noong August 7, 2012 sa Genesis 8:7:12 ng Holy Bible na tumatalakay sa Noah’s Ark.

Dala na rin siguro sa tensiyon na dulot ng baha, kung ano-ano na lang ang naiisip ng mga Pinoy na hindi namin kokontrahin, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon ang kanilang mga opinyon.

After all, guilty din kami sa pagkakaroon ng fertile imagination at paglalagay ng koneksiyon sa mga eksena na nakikita namin sa paligid at napapanood sa TV.

Halimbawa, ang paglalagay kay Baby Moses sa isang basket at pagpapaanod sa kanya sa ilog ng Nile ang pumasok sa aming isip nang makita namin sa Facebook ang litrato ng isang babae at sanggol na nakalagay sa batya habang nasa gitna sila ng baha noong Martes.

Pangingilabot ang aming naramdaman nang mapanood namin sa TV Patrol ang buhay pero mistulang bangkay na lalake na namamangka sa baha pero kabaong ang sinasakyan niya, hindi bangka.

Saan kinuha ng buhay na bangkay ang kanyang kakaibang bangka? Bago o luma ba ang kabaong at kung nagamit na ito, nasaan ang original resident?

Pinarentahan din ba gaya ng kuwento ng indie movie na Oros?

*******

Nakakapag-init ng ulo ang mga kababayan natin na biktima ng baha na nagrereklamo at sinisisi ang gobyerno dahil wala raw silang makain.

Sila ang mga informal settler na napanood natin sa TV na nagagalit sa pamahalaan dahil binigyan daw sila ng libreng pabahay na lumubog sa baha.

Wala silang ipinagkaiba kay Whitney Tyson at sa mga kapit-bahay nito na illegal na nga ang paninirahan sa ilalim ng Nagtahan Bridge pero sila pa ang malalakas ang loob na mag-demand sa gobyerno ng tulong at libreng tahanan.

Malayong-malayo sa kanila si JC Baylon, ang ama na nawalan ng asawa at mga anak dahil natabunan ng lupa ang kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth habang hinahagupit ng walang pangalan na habagat ang Luzon.

Siyam sa miyembro ng pamilya ni JC ang namatay dahil sa landslide pero sa interview sa kanya ng TV Patrol, walang sinisi ang ama na nagluluksa.

Hindi sinisi ni JC ang gobyerno at hindi siya nagtanong sa Diyos.
Nakakaantig ng damdamin ang kanyang pahayag na, “Bahala na ang Diyos… Hindi ko pa alam ang gagawin kasi…”

*******

Habagat na resulta ng isang malakas na bagyo sa China ang naghatid sa ating bayan ng malakas na ulan at baha noong Martes.

Nakakainis isipin na pilit na inaangkin ng China ang mga isla ng Pilipinas, pati ba naman sa pagdadala ng kalamidad, sinasakop at idinadamay nila ang ating bansa?

Dolphy’s Death: sidelights

Filed under: Features — CabsM0d at 3:04 pm on Tuesday, July 17, 2012

Bago pa man sumakabilang-buhay si Mang Dolphy, ipina-tattoo na ng kanyang mga apo ang mukha niya sa kanilang mga braso at bisig.

Nagpa-tattoo sina Rowell, John, at Niccolo Quizon, dalawang linggo bago sumakabilang sa Makati Medical Center ang kanilang Lolo Dolphy.
*******

Hindi naigawad kay Mang Dolphy ang National Artist Award na isinusulong ng mga kongresista at ng kanyang mga tagahanga.
Iba ang opinyon ni Salud “Sahlee” Quizon, ang panganay na babae ni Mang Dolphy.

Sinabi ni Salud na hindi nila kailangan ang National Artist Award dahil ang pagbuhos ng pagmamahal at mga dasal para sa kanilang ama ang pagpapatunay na National Artist si Mang Dolphy sa puso ng mga tao.
*******

At dahil naihatid na si Mang Dolphy sa huling hantungan niya, asahan natin ang paglitaw ng mga kuwento ng kanyang “pagpapakita” at “pagpaparamdam.”

In fact, isang araw matapos mamatay ang King of Comedy, isang fan ang nagkuwento na “pinagmultuhan ” siya ng kanyang idolo.

Kusa raw bumukas ang television set niya at ang lumang pelikula ni Mang Dolphy ang bumulaga sa kanya kaya kinilabutan siya.

Sa dami ng mga anak ni Mang Dolphy, inuna pa niya na magparamdam sa isang fan? Pray, tell me.
*******

Hindi lamang ang mga tagahanga ni Mang Dolphy ang dumagsa sa The Heritage Park dahil naging tambayan din ito ng mga “professional gatecrasher.”

Kilala namin sa mukha ang mga professional gatecrasher dahil nakikita namin sila sa mga presscon, birthday parties, at pabinyag ng mga artista.

Trabaho ng mga professional gatecrasher ang magbasa ng mga diyaryo para alamin ang mga showbiz event na pupuntahan nila.

Nakita namin ang mga professional gatecrasher sa binyag ng anak ni Quezon City Councilor Alfred Vargas, sa 10th year anniversary celebration ng YES! Magazine sa NBC Tent noong 2010, at sa mga presscon ng mga pelikula na kasali sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Nakunan pa sila ng mga litrato habang nagbabalot ng pagkain sa mga showbiz function na kanilang pinuntahan.

Muling namataan ang mga professional gatecrasher sa dining area ng The Heritage Park nang iburol dito ang labi ni Mang Dolphy at narororoon sila mula umaga hanggang gabi. Hindi sila mapaalis ng mga security guard dahil sa akala na mga kamag-anak din sila ni Mang Dolphy.
*******

Ang burol ni Mang Dolphy ang unang public appearance ni Lolit Solis pagkatapos ng stem cell therapy nito sa Edenkoben, Germany.

Bumisita si Lolit sa burol ni Mang Dolphy noong Biyernes nang hapon pero bago siya nagpunta sa The Heritage Park, nagpakulay muna siya ng buhok sa beauty salon ni Bambbi Fuentes.

Nang dumating si Lolit sa The Heritage Park, ang stem cell therapy ang inusisa sa kanya ng mga kausap niya.

May mga pumansin sa kakaibang aura niya at may mga nagsabi na effective pala talaga ang stem cell therapy dahil umitim ang kulay ng kanyang buhok.

A sketch for Tony De Zuniga

Filed under: Features — CabsM0d at 12:40 pm on Wednesday, May 16, 2012

Ang pagkamatay ng veteran comic book artist na si Tony De Zuniga ang headline ng ng mga television news program at ng mga diyaryo nitong mga nakaraan na araw.

Nanonood kami noong May 14, 2012, ng isang TV news program, at hindi sana namin papansinin ang balita pero narinig namin ang sinabi ng newscaster na si De Zuniga ang first Filipino comic book artist na nagtrabaho sa DC Comics at co-creator ng mga fictional character nina Jonah Hex at Black Orchid, biglang naalala namin ang matandang lalake na aming nakilala sa Anaheim, California noong November 2009.

PHOTOS courtesy of Alan Guilan of The Philippine Comics Art Museum

Nagpunta kami sa U.S. para panoorin ang laban nina Manny Pacquiao at Miguel Cotto sa MGM Grand Las Vegas noong November 14, 2009.

Kasama namin sa U.S. trip ang mga kaibigan na sina Lhar Santiago at Joe Barrameda.

Mula sa Pilipinas at bago kami pumunta sa Las Vegas, nag-check in kami sa Anaheim Luxury Suites na pag-aari ng kapatid ng aming kaibigan na si Rey Lim.

Si Rey ang nagkuwento sa amin na isang popular Filipino comic book artist at ang asawa nito ang nakatira sa kuwarto na katabi ng aming hotel room.

Nakilala namin ang mag-asawa na nakakasabay pa namin sa breakfast. Nasisilip din namin sa kanyang hotel room ang matandang lalake na walang ginawa kundi ang mag-drawing.

Three days ang itinagal ng pamamalagi namin sa Las Vegas para sa laban ni Pacquiao, na hindi pa congressman noon, at ni Miguel Cotto.

Mula sa Las Vegas, bumalik kami sa Anaheim Luxury Suites at dito ibinigay sa amin ng asawa ng matandang lalake ang sketch ng dalawang nude women.

Na-appreciate namin nang husto ang kabutihan na ipinakita sa amin ng matandang lalake. Kahit hindi niya kami gaanong kakilala, nagbigay siya sa amin ng sample ng kanyang likha.

Nang bumalik kami sa Pilipinas, ipina-frame namin agad sa isang gallery shop ang sketch.

*******

Nalimutan na namin ang kuwento ng nude sketch hanggang mapanood namin sa TV ang news tungkol sa pagpanaw noong May 11 ng isang Tony De Zuniga.

Nang sabihin ng newscaster na popular na popular si Tony sa comics lovers at siya ang unang Pilipino na nagtrabaho sa DC Comics, naalala namin bigla ang matandang lalake na nagbigay sa amin ng nude sketch.

Tiningnan namin ang framed sketch na nasa aming pag-iingat at nang makita namin ang initials na ADZ ( for Antonio DeZuniga ) saka namin na-realize na iisang tao ang matandang lalake at si Tony DeZuniga.

Para makatiyak, itinanong namin kay Joe Barrameda ang pangalan ng matandang lalake na nakilala namin sa Anaheim, California, at dahil hindi rin niya matandaan, nagtanong siya sa isang kaibigan na sumagot ng “Tony De Zuniga. ”

Out of curiosity, nag-research kami sa Internet at dito namin napatunayan na isang legendary comics artist si Mang Tony. Nalaman namin na iginagalang siya sa kanilang mundo at propesyon.

Headline din ng mga TV news program at mga diyaryo ang kanyang pagpanaw.

Napakasuwerte namin dahil nagkaroon kami ng art work ni Mang Tony na maituturing na collectors item at siya pa mismo ang personal na nagbigay sa amin.

Ito ang mga impormasyon tungkol kay Mang Tony mula sa website ni Alan Guilan (www.alanguilan.com) ng Philippine Comics Art Museum.

“Tony De Zuniga was born in the Philippines in 1941. An avid comics reader as a child, Tony’s favorites included Jack Kirby and Alex Toth, and he loved Alex Raymond’s Rip Kirby and Flash Gordon.

“His love for comics inspired him to do comics on his own. He began his career as a letterer when he was 16 for a weekly magazine where he met Alfredo Alcala and Nestor Redondo, artists who he counts as those who have inspired and encouraged him, and became his friends.

“Tony moved to the US in 1962 to study an advanced course in Graphic Design and went back home to the Philippines to work in the advertising industry while at the same time drawing for comics like Hiwaga Komiks, Caravana Klasiks, and Romansa Komiks.

“At the end of the ’60s, Tony moved back to New York and met with DC Editor Joe Orlando and immediately he was given an assignment inking Ric Estrada on a romance story for Girl’s Love Stories #153.

“His first story he penciled and inked on his own was most likely a Dr. Thirteen story for Phantom Stranger, published in April, 1971, and work soon followed regularly.

“He was soon given the chance to co-create a new character with writer John Albano, which eventually became Jonah Hex, one of the more enduring modern day characters in the DC Universe.

“Tony then paved the way for other Filipino comics artists to enter the US industry when he convinced DC Editor in Chief Carmine Infantino and Joe Orlando to visit the Philippines in 1971.

“Artists like Alex Niño, Alfredo Alcala, Nestor Redondo, Fred Carrillo, Vicatan, Gerry Talaoc and so many more found a lot of work on DC’s stable of Mystery and War titles as a result.

“Tony went on to draw Black Orchid, X-Men, Punisher, etc. Retired, Tony spends his time painting in oil, watercolor, acrylic, charcoal and entering competitions.

“He also does many portrait commissions and teaches portrait, drawing and a how to draw superheroes class at the Lodi Arts Commission.”

Tutok Tulfo!

Filed under: Opinion — CabsM0d at 1:21 pm on Tuesday, May 8, 2012

Nagaganap pa ang insidente sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasasangkutan ni Mon Tulfo at ng mag-asawang Claudine Barretto at Raymart Santiago nang matanggap namin ang impormasyon mula sa kaibigan ng isang eyewitness.

Mula noon, tinutukan na namin ang mga sumunod na kaganapan.

Halos lumabo na ang aming mga mata dahil sa panonood sa mga interview ng mga sangkot sa gulo, at memoryado na namin ang kanilang mga statement dahil sa paulit-ulit na pakikinig sa mga sinasabi nila.
*******

Bilang miyembro ng media, naintindihan namin ang pahayag ni Mon Tulfo na umiral ang kanyang journalist’s instinct kaya kinunan niya ng litrato ang “pagwawala” ni Claudine Barretto sa counter ng Cebu Pacific Airlines.

Ang pagkakamali  ni Mon, hindi palihim ang pagkuha niya ng litrato mula sa kanyang cellphone camera  kaya lalong nadagdagan ang tensiyon at galit na nararamdaman nina Claudine at Raymart.

Kahit sino ang tao na nasa lugar ng mag-asawang Santiago, talagang magagalit kung makikita nilang may camera na nakatutok sa kanila habang nagagalit.

Pero kung kinunan ni Mon ng litrato si Claudine na hindi mainit ang ulo nito at wala sa isang compromising situation, hindi mangyayari ang eskandalo na may magandang epekto dahil lumabas ang katotohanan na ill-equipped ang  NAIA 3, base na rin sa pahayag ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado na hindi gumagana ang mga CCTV camera kaya walang ebidensiya na magpapatunay sa claim ng Santiago couple na si Mon ang unang nanuntok.

******

Naintindihan at hinangaan  ang katuwiran ni Raymart Santiago na bilang asawa at ama, prinotektahan lamang niya ang kanyang pamilya dahil na-trauma at nag-iyakan ang mga anak nila ni Claudine nang masaksihan ang kaguluhan na naganap.

Ang eksena na unang nanuntok si Tulfo, tinadyakan nito si Claudine, at ang gulong sumunod ang tinutukoy ni Raymart na ikina-traumatize ng mga bata na kasama nila.

Sana lang, hindi na-trauma ang mga anak ng mag-asawa habang pinapanood nila si Claudine na tinatalakan ang  ground crew ng Cebu Pacific na sina  Cid Charisse Bocboc and Kristina Anne Ilagan,  na na-trauma at nagreklamo na biktima sila ng verbal abuse ng aktres.
******

Nakatikim ng mga batikos si Mon mula sa mga tao na nagsasabi na mali ang ginawa niya na pagkuha ng litrato kay Claudine.

Inakusahan nila si Mon ng invasion of privacy at pang-aabuso sa kanyang trabaho bilang broadcast journalist.

Pero kasama rin sila sa mga tao na na-curious at pinanood ang video ng bakbakan sa NAIA.

Samantala, may mga nanawagan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na patawan ng parusa ang magkakapatid na Erwin, Ben at Raff Tulfo dahil sa pananakot nila sa mag-asawang Santiago sa T3, ang kanilang programa sa TV5.

Para sa mga nanawagan, hindi tama ang ginawa na pagbabanta ng Tulfo brothers.

Pinanood namin ang T3 pero imbes na seryosohin ang banta ng mga Tulfo, napangiti na lang kami dahil walang binatbat ang mga pahayag nila sa mga eksena na napapanood namin sa Face to Face.

Nagkataon lang na mga popular broadcast journalist at may image na palaban ang Tulfo brothers kaya matindi ang reaksyon ng publiko sa mga banta nila sa Santiago couple.

May titindi pa ba sa mga eksena ng aktuwal na barilan, saksakan, suntukan, at murahan ng mga ordinary people na regular na napapanood sa mga local news program.
******

Humingi ng paumanhin si Erwin Tulfo sa publiko dahil sa mga naging pahayag at pagbabanta nila ng kanyang mga kapatid sa T3 noong Lunes nang hapon.

Inamin ni Erwin na nagkamali sila at maging ang kanilang ina ay hindi natuwa sa mga sinabi nila laban sa mag-asawang Raymart at Claudine.

Kahit humingi ng paumanhin si Erwin, matatagalan o baka hindi na mabura sa isip ng publiko ang kanilang very strong statement  at mahirap nang mawala ang takot na nararamdaman ng Santiago couple dahil sa pagbabanta ng Tulfo Brothers.
*******

Iba’t-iba ang reaksiyon ng mga tao sa gulo na kinasasangkutan nina Mon, Claudine at Raymart.

Kanya-kanya sila ng opinyon at dahil sa pag-uunahan na makapagsalita, may mga sawsawero na tinawag na Raymond si Raymart. May mga nagkomento na epekto ng Supermoon ang kakaibang behavior ng mga sangkot sa  NAIA 3 fiasco.

Hindi dapat paniwalaan na may kinalaman ang Supermoon sa naganap na kaguluhan sa airport. It’s a lie…It’s a lie from the devil…

*******

Nervous moments at the Bb. Pilipinas pageant

Filed under: Opinion — CabsM0d at 7:32 pm on Tuesday, April 17, 2012

Ang attendance ng maraming “transgender ” ang aming napansin nang panoorin namin ang coronation ng Bb. Pilipinas 2012 winners.

Masasabing possible effect ito ng kontrobersiya ng desisyon ng Miss Uinverse Organization na payagan ang mga transsexual na sumali sa Miss Universe contest sa susunod na taon.

Mapagkakamalan na mga tunay na babae ang mga transgender na aming nakita dahil magaganda ang kanilang mga mukha at mga seksi sila.

Magaganda rin ang 30 official candidates ng Bb. Pilipinas 2012 pero may mga kandidata na mapagkakamalan na transgender, kahit mga natural-born women, dahil sa kanilang mga itsura.

Kung may mga mukhang transgender na kandidata, hindi na kailangan ng totoong transgender sa mga beauty pageant para sa mga kababaihan.

Narinig namin ang wild rumor na isa sa mga beauty aspirant ang gumastos ng milyong piso para iparetoke ang kanyang physical appearance pero sa kasamaang-palad, thank-you girl siya.

Hindi nakatulong ang pagpaparetoke ng babae dahil nagmukha itong lalake kaya sumidhi ang pagnanais ng mga transgender na subukan ang kapalaran nila sa Bb. Pilipinas contest sa 2013.

*******

Sagana sa sidelights ang Bb. Pilipinas 2012 na hindi napanood sa delayed at edited telecast ng ABS-CBN.

Hindi kami sigurado kung in-edit ang question and answer portion bilang proteksyon sa mga kandidata na kinabahan kaya hindi kaagad nakasagot at nagkamali ng pandinig sa mga katanungan sa kanila.

“How do you define happiness?” ang tanong ng judge na si Oliver Gourgeon kay candidate number 16 Liezl Alcantara.

Dahil walang letter “H” ang pronunciation ng foreign judge na hindi naman Kapampangan, “Philippines” ang intindi ng kandidata na buong ningning na sumagot ng, “It’s more fun in the Philippines…”

Hindi rin naintindihan ni Xian Lim ang tanong ng judge at kung hindi pa nag-react ang audience sa Big Dome at ang mga pageant official, kampante na magtutuloy-tuloy ang aktor.

Napilitan ang foreign judge na ulitin ang kanyang tanong.

Nagpakitang-gilas si candidate number 29 Annalie Forbes dahil kumanta muna ito bago niya hinarap ang tanong ng judge.

Nag-concentrate yata si Annalie sa pagkanta kaya matagal bago niya nasagot ang tanong tungkol sa advantage ng social media.

Dahil sumablay sa question and answer segment, nag-akala ang lahat na katapusan na ng pangarap ni Annalie na manalo kaya nagulat ang audience nang siya ang ideklara bilang 2nd runner up.

Licensed physician si candidate number 27 Golda Soller.

At kung may may Golda, may kandidata naman na Goldy ang pangalan, si candidate number 23 Goldy Baroa na nilagyan ng drama ang kanyang pagrampa sa swimsuit competition.

May hawak na puting tela na iwinawagayway ang mga kandidata sa swimsuit competition pero imbes na iwagayway, ibinalot ni Goldy ang white piece of cloth sa kanyang katawan. Ang ending, muntik na siyang madapa.

Registered nurse ang ilan sa mga aspiring beauty queen. Hindi na puwedeng sabihin na nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga Filipina nurses to seek greener pastures dahil isa na sa options nila ang pagsali sa mga beauty contest.
*******

Sina Iza Calzado at Xian Lim ang main hosts ng Bb. Pilipinas 2012 Coronation Night at anchors sina Venus Raj at Georgina Wilson.

Si Iza Calzado ang saving grace ng pageant night dahil pinaghandaan at pinag-aralan niya ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanya.

Alam din ni Venus Raj ang kanyang kapasidad at mga limitasyon bilang host. Nagustuhan namin ang pagiging natural ni Venus at ang madalas na paggamit niya sa wikang Pilipino.

Angelina Jolie clone si Georgina Wilson na kinabahan at tila nag-concentrate sa impersonation niya sa sikat na Hollywood actress kaya maraming beses siyang nagkaroon ng “buckle moments. ”

Telesarya ang basa niya sa teleserye noong ini-introduce niya si Richard Gomez na isa sa mga celebrity judge. Bb. PilipiHas din ang kanyang nasambit.

Distracting din ang pagbabasa ni Georgina sa hawak na cue cards, kahit puwedeng i-memorize ang kanyang mga sasabihin.

At si Xian?

Sinubukan ni Xian na mag-set ng trend dahil imbes na sabihin nang buo ang Bb. Pilipinas, BBP ang kanyang sinabi kaya naman, abbreviated “HE” Harry Thomas at hindi “HIS EXCELLENCY” ang pagpapakilala niya sa current US ambassador sa Pilipinas.

HE for what? Home Edition or Home Economics?

Classic din ang statement ni Xian na Bb. Pilipinas “Twenty thousand and twelve!”

Hindi ba puwede na Two Thousand Twelve muna?


*******

Personally, na-bother kami sa mga feedback ng audience tungkol sa hosting ability at personality ni Xian.

May mga sumigaw ng “Ikaw! ” nang magtanong si Xian ng, “Who are you guys rooting for?”

Pangalan talaga niya ang isinigaw ng sutil na audience nang tanungin din ni Iza kung sino ang pinapaboran nila na manalo ng Bb. Pilipinas-Tourism title.

First time ni Xian na mag-host ng isang malaking beauty pageant. Understandable na kabadong-kabado siya at sa kabila nito, complete effort ang kanyang ibinigay.

Sad to say, hindi mawawalan ng mga opinyon ang mga tao na nakapuna sa mga kilos niya sa kanyang unguarded moments.

Pagkatapos ng kanyang Bb. Pilpinas stint, mas makabubuti na pagpahingahin muna si Xian sa mga hosting job at hayaan na lamang siya na umarte sa mga teleserye dahil dito, puwedeng-puwede niya na makontrol ang sarili, sa tulong ng kanyang mga direktor.

“Missed” Universe?

Filed under: Features — CabsM0d at 11:54 am on Thursday, April 12, 2012

Pumayag na ang Miss Universe Organization na sumali ang mga transgender sa Miss Universe contest sa susunod na taon bilang pagkilala nila sa pantay-pantay na karapatan at pagtrato sa mga kababaihan.

May pakiramdam kami na naging safe ang Miss Universe Organization para hindi sila umani ng batikos mula sa maraming grupo na nagtatanggol at nakikipaglaban para sa karapatan ng third sex.

Kahit baguhin ng Miss Universe Organization ang mga batas nila sa pagtanggap sa mga transgender bilang mga kandidata, nakasalalay pa rin sa local franchisee ang final decision.

Sa Pilipinas, ang Bb. Pilipinas Charities Inc. ang may hawak ng Miss Universe franchise.

Ang BPCI ang pumipili sa deserving candidate na ipadadala sa Miss Universe contest at mahigpit ang proseso na pinagdaraanan ng mga aspiring beauty queen.

May mga official candidate ng Bb. Pilipinas Contest ang na-disqualify dahil nadiskubre ng BPCI na nagkaroon sila ng mga sexy pictorial.

Binawi ang Bb. Pilipinas-Universe crown nina Anjanette Abayari (1992), Tisha Silang (1998 ), Janelle Bautista (1999) dahil sa residency at citizenship issue.

Na-dethrone si Daisy Reyes noong 1996 dahil sa bintang na hindi niya natutupad ang kanyang mga responsibilidad bilang Bb. Pilipinas-World title holder.

Ibinalik ang beauty title ni Daisy nang magkausap ang pageant organizer at ang lawyer na tumulong sa kanya noon, ang yumaong senador na si Rene Cayetano.

Hindi nagkakalayo ang kapalaran nina Daisy at Ma. Venus Raj na muntik nang hindi makasali sa Miss Universe contest noong 2010 dahil hindi magkatugma ang personal birth account niya sa kanyang birth certificate.

Ang mga nabanggit na pangyayari ang ilan lamang sa mga dahilan kaya malabo na makalusot sa mahigpit na pamamalakad ng BPCI ang mga transgender na nangangarap na sumali sa Bb. Pilipinas contest.

Puwedeng-puwedeng sabihin ng pageant organizer na ibang-iba ang batas na ipinatutupad nila sa pagpili ng mga kandidata sa desisyon ng Miss Universe Organization na tumanggap ng mga transgender candidate.

*******
Naging maingat ang former beauty queen na si Lorraine Schuck sa pagsagot tungkol sa isyu ng pagpayag ng Miss Universe Organization na payagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest.

Si Lorraine ang CEO ng Carousel Production, ang organizer ng Miss Philippines Earth.

Sa interview sa kanya ni Anthony Taberna ng Umagang Kay Ganda, halatang-halata ang kanyang maingat na pagsasalita tungkol sa isyu para hindi ma-offend ang mga transgender.

Pero malinaw at may finality ang statement ni Lorraine na iginagalang niya ang mga transgender pero hindi sila maaaring sumali sa Miss Philippines Earth dahil beauty contest pa rin ito para sa mga tunay na babae.
*******

Pareho ang opinyon nina Lorraine at Miriam Quiambao na umani ng mga batikos dahil sa kanyang paniniwala na “for real women” lamang ang Miss Universe contest.

Hindi nag-iisa sina Lorraine at Miriam dahil marami sa ating mga kababayan ang pro-third sex pero hindi pabor na sumali sa Miss Universe contest ang mga transgender.

Kahit ipagpilitan ng mga transgender na mga babae sila na na-trap sa katawan ng lalake, lalake pa rin ang kanilang kasarian nang isilang.

Kumplikado ang issue dahil tiyak na may opinyon ang Catholic Church sa kontrobersiya.

Siguradong magkakaroon din ng mga debate.

Kung papayagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest, puwede na ring sumali sa Mr. Universe contest ang mga tomboy na nagdeklara na mga lalake sila na na-trap sa katawan ng babae.

May mga nagsasabi na hindi kailangan ng mga transgender na sumali sa Miss Universe contest dahil may may mga beauty pageant na sadyang nilikha para sa kanila tulad ng Miss Tiffany Universe, The World’s Most Beautiful Transsexual Contest, at Miss International Queen Pageant na paboritong salihan ng mga transsexual mula sa Pilipinas.

To date, mailap sa mga Filipino transgender ang Miss International Queen title dahil kung hindi runner-up, ang mga special award na Miss Photogenic, Miss Congeniality at Miss Ripley’s Popular Vote ang kanilang mga napapanalunan.

Old wounds

Filed under: Features — CabsM0d at 10:29 am on Tuesday, March 20, 2012

Hindi kami nagtaka nang maglabas ng sama ng loob si Helen Gamboa tungkol sa two-year old feud nila ng kanyang pamangkin na si Sharon Cuneta.

Open secret sa showbiz na  nagkaroon ng hidwaan ang mag-tiya dahil sa pulitika at muli itong naungkat nang tawagan ni Helen Gamboa ang Philippine Star entertainment editor na si Ricky Lo para magpa-interbyu dahil nasaktan siya sa mga pahayag ni Sharon nang makausap ito ni Wilson Lee Flores and we quote:

“In a free-wheeling interview published in The STAR’s Life section last Sunday, Wilson Lee Flores asked Sharon as his last question: When you say politics divides people, were you referring also to your uncle Senator Tito Sotto’s past rift with your husband [Sen.] Kiko [Pangilinan]?

Sharon’s answer: Yes, politics does divide families, like when my uncle says something bad about Kiko, you don’t understand why…”

Dahil naging open si Helen sa pagsasabi na nasaktan siya sa sinabi ni Sharon, naalala namin ang eksena nang makasabay namin sila ng kanyang asawa, si Senator Tito Sotto, sa birthday dinner ni Eddie Gutierrez sa newly-renovated house nito sa White Plains, Quezon City.

Naki-table sa amin  sina Helen at Senator Tito kaya dinig na dinig namin ang pakikipagkuwentuhan nila sa ibang mga bisita.

Kasabay ng birthday dinner ni Eddie ang pre-Valentine concert nina Martin Nievera at Sharon sa Smart Araneta Coliseum.

Isang bisita na hindi aware na may tampuhan sina Helen at Sharon ang nagtanong sa veteran actress-singer ng, “Hindi ba kayo manonood ng concert ni Sharon? Ngayon ‘yon ah?”

“Ah ngayon ba?” ang malamig at patanong na sagot ni Helen na naintindihan namin agad dahil hindi nga sila nag-uusap ng kanyang pamangkin. Kung alam lang ng nagtanong na may hidwaan ang mag-tiya, baka umiwas na siya sa pagtatanong tulad ng pag-iwas ni Helen na huwag nang masundan ang mga tanong tungkol kay Sharon.

*******

Kung naging mailap si Helen na mapag-usapan si Sharon, sinagot ni Rhian Ramos ang lahat ng mga tanong tungkol sa mga pagsubok na pinagdaanan niya noong December 2012.

Nagawa ni Rhian na makipagbiruan sa mga kausap na entertainment writer kaya naging komportable sa kanya ang mga kaharap.

Isang reporter ang pabiro na nagtanong kay Rhian ng, ” Pupunta ka pa ba Singapore?”

Kami ang nag-alala para kay Rhian pero imbes na magpaapekto, sinagot  niya nang matapat at diretso  ang “forbidden question. ”

“Gets ko na. Enough na. Huwag n’yo nang ipagdiinan,” ang diretsong sagot ni Rhian sa paraan na hindi na-offend ang kanyang mga kausap.

*******

Wala nang sakit na nararamdaman si Tess Relucio dahil kasundo na niya ang mag-inang Raquel at Charice Pempengco.

Si Tess ang ina ni Raquel at lola ni Charice. Pinag-usapan noong nakaraang taon ang kanilang alitan dahil naging prangka si Tess sa pagkukuwento sa media ng galit niya sa mag-ina.

Iba na ngayon ang tono ng pananalita ni Tess dahil magkasundo na sila ng kanyang anak at apo.

Ikinatuwa ni Tess ang desisyon ni Raquel na hiwalayan nito ang boyfriend. Tutol na tutol sina Tess at Charice sa pakikipagrelasyon ni Raquel sa nasabing lalake  kaya natuwa sila nang magkahiwalay ang dalawa.

Maligayang-maligaya si Tess dahil maganda na ang relasyon nila ng kanyang anak at apo. Ipinagmamalaki niya sa mga nakakausap ang van at ang damit na ibinigay ng mag-inang Raquel at Charice.

Ipinakita pa ni Tess ang damit na binili pa raw ni Charice mula sa Amerika, ang kanyang ” Kevin Kline” dress.

Yes, Kevin Kline ang sabi ni Tess.

Biktima

Filed under: Uncategorized — CabsM0d at 8:01 pm on Wednesday, February 22, 2012

Biktima ng piracy sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid dahil ilang oras pagkatapos ng Mr. & Mrs. A concert nila sa Smart Araneta Coliseum, uploaded kaagad sa YouTube ang mga video ng kanilang Valentine show dahil sa audience na gumamit ng mga cellphone camera para makunan ang mga eksena sa stage.

Co-producer ng concert ang mag-asawa at media partner ang GMA 7.

Ipalalabas sa Kapuso network ang Mr.& Mrs. A bilang television special pero preempted ito ng mga video na mapapanood sa YouTube.

Special guests sa concert nina Regine at Ogie sina Vice Ganda, Angeline Quinto, Eric Santos, at David Archuleta.

CLICK HERE to view gallery

May mga exclusive contract sa ibang mga TV network ang mga nabanggit na performer kaya hindi kasali sa telecast ng GMA 7 ang participation nila sa Mr. & Mrs. A.

But then, unedited na mapapanood sa YouTube ang mga production number nina Vice Ganda, Angeline, Eric, at David kaya walang mami-miss ang televiewers.

*******

Biktima ng puyat ang mga nag-abang sa live coverage ng funeral service para kay Whitney Houston na mapanood sa CNN at ibang mga cable chanel.

Kasama kami sa mga tumutok sa halos limang oras na live telecast ng funeral service na tinawag na “home going” para sa sikat na American singer na sumakabilang buhay noong February 11, 2012.

Si Pastor Marvin Winans ang nag-deliver ng eulogy dahil kaibigan siya ni Whitney.

Nasira ang funeral service dahil ginamit ito ni Pastor Marvin para i-showcase ang singing talent ng mga miyembro ng kanyang pamilya na isa-isa niyang tinawag at pinaakyat sa stage para kumanta.

Kabilang kami sa libo-libong tao sa buong mundo na nairita sa ginawa ng pastor dahil “showbiz na showbiz” siya.

Ginamit ni Pastor Marvin  ang sitwasyon sa promotion ng sarili at singing talent ng kanyang pamilya dahil alam niya na pinanonood sa buong mundo ang live coverage ng funeral service para kay Whitney.

*******

Biktima ng sobrang obsession kay David Archuleta ang kanyang Filipino  fans na nagpunta sa activitiy center ng TriNoma nang i-launch siya bilang endorser at image model ng Bench Fix Professionals, ang hair products ng Bench.

Mula sa aming kinauupuan, kitang-kita namin ang isang babae na humahagulgol ng iyak habang pinapanood ang pagkanta ni David.

Nang lumabas sa stage si David, napansin namin agad ang babae dahil halos mapatid ang vocal chords niya sa pagtili pero nang tumagal, napalitan ng paghagulgol ng iyak ang kanyang paghiyaw.

Kung naging teenager ang babae, baka sakaling naintindihan namin ang kanyang drama pero walang age na pinipili ang pagiging obsessed fan. Sana lang, umarte ang babae nang naaayon sa edad nito dahil daig pa niya ang namatayan habang pinagmamasdan namin ang kanyang hindi nakontrol na pag-iyak.

CLICK HERE to view gallery

*******

Courtesy of Hayden Kho Jr., biktima ng malicious gossip ang yoga instructor na si Al Galang.

Biktima si Al dahil nasangkot siya sa controversial breakup nina Hayden at Dra. Vicki Belo.

Pero sa lahat ng biktima, si Al ang nakinabang dahil natikman niya ang 15-minute fame.

Nagkaroon ng interes ang mga tao na malaman ang itsura at background ni Al dahil sa pagkakaugnay ng kanyang pangalan sa paghihiwalay nina Hayden at Dra. Belo.

CLICK HERE to view article

Binawi ni Hayden ang mga paratang at nagpahayag ng pagsisisi sa ginawa dahil walang katotohanan ang kanyang mga paratang na inilabas niya sa Twitter.

May dahilan para magsisi si Hayden dahil bukod sa free publicity na ibinigay nito kay Al, binigyan niya ng pagkakataon ang publiko na ikumpara siya sa isang totally unknown personality sa showbiz.

Kontrahin ba ang sarili?

Filed under: Features — CabsM0d at 9:39 pm on Thursday, February 9, 2012

Kinontra ni Grace Lee ang sarili nang hilingin nito sa media na bigyan siya ng privacy tungkol sa namumuong relasyon nila ni President Noynoy Aquino.

Ang sarili ang dapat awatin ni Grace dahil mula nang aminin ni PNoy ang kanilang pagde-date, kaliwa’t-kanan ang pagpapa-interbyu niya sa mga news program at showbiz talk show.

Inconsistent ang Korean TV host sa pagbibigay ng mga statement dahil siya ang hindi nagbibigay ng privacy sa kung anuman ang namamagitan sa kanila ng pangulo ng Pilipinos.

Napailing si ang dating Philippine Vice President at TV Patrol anchor Noli De Castro nang mapanood nito kahapon, February 6, sa TV ang apela na privacy ni Grace.

Hindi napigilan ni Noli ang sarili na magkomento na paano magkakaroon ng privacy si Grace kung ito ang pa-interbyu nang painterbyu.

Unlike Shalani Soledad (Noynoy’s ex-girlfriend), walang karisma si Grace sa masa at marami ang intimidated sa pagiging Inglesera niya.

Kaya, hindi pabor sa kanya ang opinyon ng mga tao tungkol sa madalas na pagpapa-interbyu ng Korean TV host tungkol kay PNoy.

*******

Kinontra rin ni Atty. Lorna Kapunan ang statement niya na lumabas kahapon, February 6, sa Philippine Daily Inquirer.

Nabigo si Atty. Kapunan at ang kanyang kliyente na si Mrs. Aleli Arroyo na iuwi mula sa London ang bangkay ni Congressman Iggy Arroyo dahil ang “common law wife ” na si Grace Ibuna ang pinaboran ng korte sa United Kingdom.

Sinabi ni Atty. Kapunan na nakakuha si Grace ng court order na nagdedeklara na siya ang next of kin ni Congressman Arroyo kaya siya ang may karapatan sa labi ng namayapa na kongresista.

May paghuhusga kay Grace ang statement ni Atty. Kapunan sa Inquirer. Aniya, ” “We don’t know if they [Mike and Bianca] know that there is a court order unless they are working together with Ibuna. They should just say it straight out. I don’t think Grace Ibuna is intelligent enough to make these maneuvers.”

Si Bianca ang anak ni Congressman Arroyo sa unang asawa nito na si Marilyn Jacinto at si Mike ay si former First Gentleman Mike Arroyo.

Nabigo si Atty. Kapunan at ang legal wife ni Congressman Arroyo na iuwi sa Pilipinas ang labi ng yumao at ito ang malinaw na ebidensya na na-under estimate niya ang kakayahan at talino ni Grace.

Isang tao na nagkaroon ng pagkakataon na makausap si Grace ang nagsabi sa amin tungkol sa salita na diumano’y binitiwan ng grieving common law wife:  “Sa akin ang huling halakhak!”
*******

Kinontra ni Ai-Ai Delas Alas ang paniniwala ni Mommy Elvie Villasanta nang magkita sila.

Big fan ni Ai-Ai ang ina ni Ariel (ng Ariel & Maverick tandem) at ang makilala nang personal ang sikat na comedienne ang isa sa kanyang mga bucket list.

Ipinagpaliban ni Ariel ang breast operation ni Mommy Elvie nang malaman niya na pumayag si Ai-Ai na tuparin ang wish ng kanyang ina.

Natulala si Mommy Elvie nang makaharap si Ai-Ai pero nang mahimasmasan, sinabi niya na naging fan siya ni Ai-Ai nang mapanood ito sa pelikulang Starzan.

Kasama sa cast ng Starzan si Ariel at ayon kay Mommy Elvie, paulit-ulit ang panonood niya noon sa nabanggit na pelikula dahil kay Ai-Ai.

Natawa si Ai-Ai sa kuwento ni Mommy Elvie at sa kanyang malambing na boses, kinontra niya ang sinabi ng karakter na ina ni Ariel: “Mommy, hindi po ako kasali sa Starzan. Sa Romeo Loves Juliet po kami nagkasama ng anak n’yo…”

What the camera didn’t capture at the wedding of Shalani and Roman

Filed under: Features — CabsM0d at 11:18 am on Wednesday, January 25, 2012

Nakatutok kina Valenzuela City Councilor Shalani Soledad at Pasig House Representative Roman Romulo ang atensiyon ng lahat ng mga dumalo sa kasal nila sa St. Benedict Church, Ayala Westgrove, Sta. Rosa, Laguna, noong Linggo, January 22.

Itinutok naman namin ang atensiyon sa mga bisita at sa mga kaganapan sa wedding ceremony na tumagal lamang ng halos isang oras.

Apple green at lavender ang color motiff ng well-publicized wedding nina Shalani at Roman kaya literal na green apples ang ginamit sa offertory.

Umiral ang pagiging fan ng ilan sa mga bisita dahil nilapitan nila si Richard Gomez, na present din sa wedding, para sa photo op.

Tahimik na nakatayo sa isang sulok ng simbahan si former House Representative Ronald Singson pero dahil siya ay kontrobersiyal na personalidad, napansin pa rin ng mga tao ang kanyang presence.

Classic ang kuwento tungkol sa wedding organizer staff member na lumapit kay Adolfo Aguirre, ang biological father ni Shalani.

“Are you part of the entourage?” ang tanong ng staff member na ikinainsulto ng ama ni Shalani.

May report na nakunan ng isang TV network ang eksena sa simbahan ni Mrs. Evelyn Yumul, ang ina ni Shalani, pero bilang respeto, hindi inilabas ng TV station ang controversial scene na may koneksiyon sa naging trato ng tauhan ng wedding organizer sa ama ng bride.
*******

Magkakasama kami nina Karen Pagsolingan ( PEP managing editor ),
Anna Pingol ( YES! managing editor ) at ang photographer na si Melo Balingit na nagpunta sa St. Benedict Church para sa coverage ng kasal nina Shalani at Roman.


CLICK HERE TO VIEW GALLERY

Five p.m. ang oras ng kasal pero dumating kami sa simbahan nang maaga (before four p.m. ) para makakuha ng magandang puwesto ng upuan.

Naabutan namin sa simbahan ang mga crew ng ABS-CBN, GMA-7 at TV5 na maagang nag-set up ng kanilang mga kamera.

Ang upuan sa right side at malapit sa church entrance ang pinili namin ni Karen.

Bakante pa ang silya nang dumating kami ni Karen kaya malinaw na kami ang naunang naupo.

Dalawang lalake ang tumabi sa amin pero umalis din dahil nagmagandang-loob sila na paupuin ang isang babae na nakasuot ng powder blue gown.  Maya-maya, tumabi sa hindi kilalang babae ang kanyang dalawang kasama.

Nang magsimula ang wedding march, nagtayuan ang lahat ng mga bisita para makita ang pagpasok ng entourage.

Kabilang kami ni Karen sa mga tumayo at sandaling umalis ng upuan para makunan ng litrato ang pagpasok ni Shalani sa loob ng simbahan.

Nang bumalik kami sa aming upuan, sinita kami ng babae na nakasuot ng powder blue gown na buong ningning na nagsabi na, ” Somebody’s sitting there…”

Kahit nasa loob ng simbahan, medyo nawala ang aming pasensiya sa paninita ng babae na sinagot namin na una kaming dumating at naupo sa silya na kanyang inaangkin.

Sigurado kami na naramdaman ng babae ang aming pagkairita pero siya pa ang may gana na magsalita ng, ” Ok, relax. Chill…there’s no problem.”

At sa lagay, kami pa ang may problema?

Action speaks louder than words. Hindi na namin sinagot ang babae pero tiniyak namin na titigan siya nang matalim, isang tingin na parang nakamamatay at sapat para mapahiya siya sa kanyang ginawa.

Bigla itong nawala at lumipat ng upuan.

*******

Dahil sa dami ng mga tao sa loob ng St. Benedict Church, kinulang ang mga silya kaya nagdagdag ng plastic stools ang wedding organizer.

Nakapuwesto sa left side namin nina Anna at Karen ang apat na babae na well-dressed pero hindi iginalang ang misa at ang wedding ceremony dahil habang ongoing ito, panay ang kuwentuhan nila.

Tinandaan namin ang mga mukha ng apat na babae na hindi nagbigay ng respeto sa exchange of vows nina Shalani at Roman.

Muli naming nakita ang apat na babae sa wedding reception.

Panay ang pa-picture nila sa bagong kasal at very polite naman sa kanila sina Roman at Shalani.

Really, you can’t buy breeding and class.

*******

Malinaw ang instruction ng isa sa mga wedding coordinator na sumalubong sa mga bisita sa wedding reception venue.

Kung bisita ng Soledad family, pumunta sa left table para makuha nila ang kanilang mga seat assignment, at kapag mga guest ng Romulo family, mag-register sila sa coordinator na nakapuwesto sa right table.

May mga bisita na pinili na umuwi na lamang dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan ng invited guests ng mga Romulo.

Itinuro sila ng coordinator na i-check ang kanilang pangalan sa listahan ng mga bisita ng Soledad family pero hindi rin sila nakalista.

To avoid further embarrassments, umuwi na lamang ang mga bisita.

*******

Imbitado kami ni Shalani sa kasal nila ni Roman.

Nagpadala siya sa amin ng text message at nakatanggap din kami ng text message mula sa kanyang tauhan na nagtanong ng aming address para sa imbitasyon na ipadadala nila.

Wala kaming natanggap na wedding invite pero nagpunta pa rin kami dahil sa pagmamahal namin kay Shalani.

Luckily for us, nakapasok kami sa wedding reception at ang aming mga kasama na imbitado kahit na hindi nakalagay ang mga pangalan namin sa guest list. Ito ay dahil na rin sa tulong ng competent staff ni Shalani.

Hindi namin masasabi na competent ang ilang tauhan ng wedding organizer tulad ng nagtanong sa tunay na ama ni Shalani kung part ito ng wedding entourage at ang babae sa St. Benedict Church na in charge sa media registration na nagtanong kay Anna Pingol ng, “Are you invited?”

Ang sagot ni Anna: ” Ang layo-layo nito. Hindi kami pupunta rito nang nakabihis kung hindi kami invited!”

« Previous PageNext Page »