| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Habagat chronicles

Filed under: Features — CabsM0d at 6:47 pm on Thursday, August 9, 2012

Kabilang kami sa iilan na nakaramdam ng lindol noong Martes, August 7, dahil nakatutok ang atensiyon ng lahat sa malakas na ulan at baha na nanalanta sa Metro Manila at mga karatig probinsya.

Nakaupo kami sa silya at mino-monitor sa laptop computer ang nagaganap na pagbaha nang biglang gumalaw ang aming kinauupuan, bandang ala-una ng hapon.

Nakatira kami sa 12th floor ng isang condo building sa Quezon City kaya naramdaman namin ang paggalaw ng paligid.

*******

Maghapon at magdamag kami na nakatutok sa mga news program dahil sa kagustuhan namin na malaman ang kalagayan ng ating mga kababayan na biktima ng malakas na ulan at baha.

Nakakabilib si Paolo Bediones dahil pagkatapos ng kanyang hosting stint sa Good Morning Club, ang early morning show ng TV5, tumuloy siya sa Araneta Avenue , Quezon City dahil tinulungan niya na iligtas ang mga tao na na-trap sa lagpas tao na baha.

Kasama ni Paolo sa pagliligtas ang Rescue5, ang rescue team ng TV5 Network.

Hindi natapos sa Araneta Avenue ang misyon ni Paolo dahil bumalik siya sa studio para ihatid sa televiewers ang latest updates tungkol sa kalamidad na kumitil ng maraming buhay at sumira sa maraming ari-arian.

*******

Bukod sa pagtutok sa mga news program noong Martes, nag-monitor din kami sa Twitter at Facebook, ang mga social media na bahagi na ng ating araw-araw na pamumuhay.

Ginagamit na ngayon ang Twitter at Facebook hindi lamang sa paghahanap ng mga bagong kaibigan at koneksyon sa buong mundo, kundi pati na rin sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Tulad ng cellphone, necessity at hindi na luxury ang pagkakatoon ng Twitter at Facebook accounts.

*******

Nag-post ng mga mensahe sa mga social media ang mga tao na hindi pabor at nilalabanan ang Reproductive Health Bill.

Sa pananaw nila, parusa sa mga tao na nagsusulong sa RH Bill ang kalamidad na dumapo sa ating bansa noong Martes.

Mabilis na umiral ang fertile imagination ng iba nating mga kababayan na nilagyan ng connect ang baha noong August 7, 2012 sa Genesis 8:7:12 ng Holy Bible na tumatalakay sa Noah’s Ark.

Dala na rin siguro sa tensiyon na dulot ng baha, kung ano-ano na lang ang naiisip ng mga Pinoy na hindi namin kokontrahin, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon ang kanilang mga opinyon.

After all, guilty din kami sa pagkakaroon ng fertile imagination at paglalagay ng koneksiyon sa mga eksena na nakikita namin sa paligid at napapanood sa TV.

Halimbawa, ang paglalagay kay Baby Moses sa isang basket at pagpapaanod sa kanya sa ilog ng Nile ang pumasok sa aming isip nang makita namin sa Facebook ang litrato ng isang babae at sanggol na nakalagay sa batya habang nasa gitna sila ng baha noong Martes.

Pangingilabot ang aming naramdaman nang mapanood namin sa TV Patrol ang buhay pero mistulang bangkay na lalake na namamangka sa baha pero kabaong ang sinasakyan niya, hindi bangka.

Saan kinuha ng buhay na bangkay ang kanyang kakaibang bangka? Bago o luma ba ang kabaong at kung nagamit na ito, nasaan ang original resident?

Pinarentahan din ba gaya ng kuwento ng indie movie na Oros?

*******

Nakakapag-init ng ulo ang mga kababayan natin na biktima ng baha na nagrereklamo at sinisisi ang gobyerno dahil wala raw silang makain.

Sila ang mga informal settler na napanood natin sa TV na nagagalit sa pamahalaan dahil binigyan daw sila ng libreng pabahay na lumubog sa baha.

Wala silang ipinagkaiba kay Whitney Tyson at sa mga kapit-bahay nito na illegal na nga ang paninirahan sa ilalim ng Nagtahan Bridge pero sila pa ang malalakas ang loob na mag-demand sa gobyerno ng tulong at libreng tahanan.

Malayong-malayo sa kanila si JC Baylon, ang ama na nawalan ng asawa at mga anak dahil natabunan ng lupa ang kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth habang hinahagupit ng walang pangalan na habagat ang Luzon.

Siyam sa miyembro ng pamilya ni JC ang namatay dahil sa landslide pero sa interview sa kanya ng TV Patrol, walang sinisi ang ama na nagluluksa.

Hindi sinisi ni JC ang gobyerno at hindi siya nagtanong sa Diyos.
Nakakaantig ng damdamin ang kanyang pahayag na, “Bahala na ang Diyos… Hindi ko pa alam ang gagawin kasi…”

*******

Habagat na resulta ng isang malakas na bagyo sa China ang naghatid sa ating bayan ng malakas na ulan at baha noong Martes.

Nakakainis isipin na pilit na inaangkin ng China ang mga isla ng Pilipinas, pati ba naman sa pagdadala ng kalamidad, sinasakop at idinadamay nila ang ating bansa?

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Username
Password
Forgot Password? | Register