| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Tutok Tulfo!

Filed under: Opinion — CabsM0d at 1:21 pm on Tuesday, May 8, 2012

Nagaganap pa ang insidente sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasasangkutan ni Mon Tulfo at ng mag-asawang Claudine Barretto at Raymart Santiago nang matanggap namin ang impormasyon mula sa kaibigan ng isang eyewitness.

Mula noon, tinutukan na namin ang mga sumunod na kaganapan.

Halos lumabo na ang aming mga mata dahil sa panonood sa mga interview ng mga sangkot sa gulo, at memoryado na namin ang kanilang mga statement dahil sa paulit-ulit na pakikinig sa mga sinasabi nila.
*******

Bilang miyembro ng media, naintindihan namin ang pahayag ni Mon Tulfo na umiral ang kanyang journalist’s instinct kaya kinunan niya ng litrato ang “pagwawala” ni Claudine Barretto sa counter ng Cebu Pacific Airlines.

Ang pagkakamali  ni Mon, hindi palihim ang pagkuha niya ng litrato mula sa kanyang cellphone camera  kaya lalong nadagdagan ang tensiyon at galit na nararamdaman nina Claudine at Raymart.

Kahit sino ang tao na nasa lugar ng mag-asawang Santiago, talagang magagalit kung makikita nilang may camera na nakatutok sa kanila habang nagagalit.

Pero kung kinunan ni Mon ng litrato si Claudine na hindi mainit ang ulo nito at wala sa isang compromising situation, hindi mangyayari ang eskandalo na may magandang epekto dahil lumabas ang katotohanan na ill-equipped ang  NAIA 3, base na rin sa pahayag ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado na hindi gumagana ang mga CCTV camera kaya walang ebidensiya na magpapatunay sa claim ng Santiago couple na si Mon ang unang nanuntok.

******

Naintindihan at hinangaan  ang katuwiran ni Raymart Santiago na bilang asawa at ama, prinotektahan lamang niya ang kanyang pamilya dahil na-trauma at nag-iyakan ang mga anak nila ni Claudine nang masaksihan ang kaguluhan na naganap.

Ang eksena na unang nanuntok si Tulfo, tinadyakan nito si Claudine, at ang gulong sumunod ang tinutukoy ni Raymart na ikina-traumatize ng mga bata na kasama nila.

Sana lang, hindi na-trauma ang mga anak ng mag-asawa habang pinapanood nila si Claudine na tinatalakan ang  ground crew ng Cebu Pacific na sina  Cid Charisse Bocboc and Kristina Anne Ilagan,  na na-trauma at nagreklamo na biktima sila ng verbal abuse ng aktres.
******

Nakatikim ng mga batikos si Mon mula sa mga tao na nagsasabi na mali ang ginawa niya na pagkuha ng litrato kay Claudine.

Inakusahan nila si Mon ng invasion of privacy at pang-aabuso sa kanyang trabaho bilang broadcast journalist.

Pero kasama rin sila sa mga tao na na-curious at pinanood ang video ng bakbakan sa NAIA.

Samantala, may mga nanawagan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na patawan ng parusa ang magkakapatid na Erwin, Ben at Raff Tulfo dahil sa pananakot nila sa mag-asawang Santiago sa T3, ang kanilang programa sa TV5.

Para sa mga nanawagan, hindi tama ang ginawa na pagbabanta ng Tulfo brothers.

Pinanood namin ang T3 pero imbes na seryosohin ang banta ng mga Tulfo, napangiti na lang kami dahil walang binatbat ang mga pahayag nila sa mga eksena na napapanood namin sa Face to Face.

Nagkataon lang na mga popular broadcast journalist at may image na palaban ang Tulfo brothers kaya matindi ang reaksyon ng publiko sa mga banta nila sa Santiago couple.

May titindi pa ba sa mga eksena ng aktuwal na barilan, saksakan, suntukan, at murahan ng mga ordinary people na regular na napapanood sa mga local news program.
******

Humingi ng paumanhin si Erwin Tulfo sa publiko dahil sa mga naging pahayag at pagbabanta nila ng kanyang mga kapatid sa T3 noong Lunes nang hapon.

Inamin ni Erwin na nagkamali sila at maging ang kanilang ina ay hindi natuwa sa mga sinabi nila laban sa mag-asawang Raymart at Claudine.

Kahit humingi ng paumanhin si Erwin, matatagalan o baka hindi na mabura sa isip ng publiko ang kanilang very strong statement  at mahirap nang mawala ang takot na nararamdaman ng Santiago couple dahil sa pagbabanta ng Tulfo Brothers.
*******

Iba’t-iba ang reaksiyon ng mga tao sa gulo na kinasasangkutan nina Mon, Claudine at Raymart.

Kanya-kanya sila ng opinyon at dahil sa pag-uunahan na makapagsalita, may mga sawsawero na tinawag na Raymond si Raymart. May mga nagkomento na epekto ng Supermoon ang kakaibang behavior ng mga sangkot sa  NAIA 3 fiasco.

Hindi dapat paniwalaan na may kinalaman ang Supermoon sa naganap na kaguluhan sa airport. It’s a lie…It’s a lie from the devil…

*******

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Username
Password
Forgot Password? | Register