| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

“Missed” Universe?

Filed under: Features — CabsM0d at 11:54 am on Thursday, April 12, 2012

Pumayag na ang Miss Universe Organization na sumali ang mga transgender sa Miss Universe contest sa susunod na taon bilang pagkilala nila sa pantay-pantay na karapatan at pagtrato sa mga kababaihan.

May pakiramdam kami na naging safe ang Miss Universe Organization para hindi sila umani ng batikos mula sa maraming grupo na nagtatanggol at nakikipaglaban para sa karapatan ng third sex.

Kahit baguhin ng Miss Universe Organization ang mga batas nila sa pagtanggap sa mga transgender bilang mga kandidata, nakasalalay pa rin sa local franchisee ang final decision.

Sa Pilipinas, ang Bb. Pilipinas Charities Inc. ang may hawak ng Miss Universe franchise.

Ang BPCI ang pumipili sa deserving candidate na ipadadala sa Miss Universe contest at mahigpit ang proseso na pinagdaraanan ng mga aspiring beauty queen.

May mga official candidate ng Bb. Pilipinas Contest ang na-disqualify dahil nadiskubre ng BPCI na nagkaroon sila ng mga sexy pictorial.

Binawi ang Bb. Pilipinas-Universe crown nina Anjanette Abayari (1992), Tisha Silang (1998 ), Janelle Bautista (1999) dahil sa residency at citizenship issue.

Na-dethrone si Daisy Reyes noong 1996 dahil sa bintang na hindi niya natutupad ang kanyang mga responsibilidad bilang Bb. Pilipinas-World title holder.

Ibinalik ang beauty title ni Daisy nang magkausap ang pageant organizer at ang lawyer na tumulong sa kanya noon, ang yumaong senador na si Rene Cayetano.

Hindi nagkakalayo ang kapalaran nina Daisy at Ma. Venus Raj na muntik nang hindi makasali sa Miss Universe contest noong 2010 dahil hindi magkatugma ang personal birth account niya sa kanyang birth certificate.

Ang mga nabanggit na pangyayari ang ilan lamang sa mga dahilan kaya malabo na makalusot sa mahigpit na pamamalakad ng BPCI ang mga transgender na nangangarap na sumali sa Bb. Pilipinas contest.

Puwedeng-puwedeng sabihin ng pageant organizer na ibang-iba ang batas na ipinatutupad nila sa pagpili ng mga kandidata sa desisyon ng Miss Universe Organization na tumanggap ng mga transgender candidate.

*******
Naging maingat ang former beauty queen na si Lorraine Schuck sa pagsagot tungkol sa isyu ng pagpayag ng Miss Universe Organization na payagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest.

Si Lorraine ang CEO ng Carousel Production, ang organizer ng Miss Philippines Earth.

Sa interview sa kanya ni Anthony Taberna ng Umagang Kay Ganda, halatang-halata ang kanyang maingat na pagsasalita tungkol sa isyu para hindi ma-offend ang mga transgender.

Pero malinaw at may finality ang statement ni Lorraine na iginagalang niya ang mga transgender pero hindi sila maaaring sumali sa Miss Philippines Earth dahil beauty contest pa rin ito para sa mga tunay na babae.
*******

Pareho ang opinyon nina Lorraine at Miriam Quiambao na umani ng mga batikos dahil sa kanyang paniniwala na “for real women” lamang ang Miss Universe contest.

Hindi nag-iisa sina Lorraine at Miriam dahil marami sa ating mga kababayan ang pro-third sex pero hindi pabor na sumali sa Miss Universe contest ang mga transgender.

Kahit ipagpilitan ng mga transgender na mga babae sila na na-trap sa katawan ng lalake, lalake pa rin ang kanilang kasarian nang isilang.

Kumplikado ang issue dahil tiyak na may opinyon ang Catholic Church sa kontrobersiya.

Siguradong magkakaroon din ng mga debate.

Kung papayagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest, puwede na ring sumali sa Mr. Universe contest ang mga tomboy na nagdeklara na mga lalake sila na na-trap sa katawan ng babae.

May mga nagsasabi na hindi kailangan ng mga transgender na sumali sa Miss Universe contest dahil may may mga beauty pageant na sadyang nilikha para sa kanila tulad ng Miss Tiffany Universe, The World’s Most Beautiful Transsexual Contest, at Miss International Queen Pageant na paboritong salihan ng mga transsexual mula sa Pilipinas.

To date, mailap sa mga Filipino transgender ang Miss International Queen title dahil kung hindi runner-up, ang mga special award na Miss Photogenic, Miss Congeniality at Miss Ripley’s Popular Vote ang kanilang mga napapanalunan.

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Username
Password
Forgot Password? | Register