| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Homeless…and hopeless?

Filed under: Opinion — CabsM0d at 5:59 pm on Monday, November 28, 2011

Homeless ang dating aktres na si Bobbie Mercado at ang kanyang dalawang anak na lalake na parehong menor de edad.

Homeless dahil sa gabi, natutulog sila sa harap ng building sa isang busy street sa Maynila at sa umaga, paikot-ikot ang mag-iina sa nasabing lugar.

Kahit papaano, kumikita ng pera si Bobbie at ang kanyang mga anak.

Sa gabi, pumapasok si Bobbie sa mga casino at naghihintay na mabigyan ng balato ng mga nananalo sa sugal.

Watch-your-car boy naman ang kanyang panganay at pedicab driver ang bunsong anak.

Dala ng sobrang kahirapan, hindi makapag-aral ang mga anak ni Bobbie. Nakaabot lamang sa Grade 3 ang panganay at Grade 1 ang bunso.

*******

Artista si Bobbie noong dekada ‘80 at naging madali sa kanya ang pagpasok sa showbiz dahil anak siya ng sikat at namayapang TV host na si Eddie Mercado.

First cousin ni Bobbie si Snooky Serna dahil magkapatid ang kanilang mga ina.

Ang Experience, To Mama With Love at Santa Claus Is Coming To Town ang ilan sa mga pelikula na ginawa noon ni Bobbie sa Regal Films.

Napangasawa noon ni Bobbie ang aktor na si Lito Pimentel pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasama. Hindi man sila nagkaroon ng anak, nag-adopt ng baby boy ang dating mag-asawa.

Eventually, ibinigay ni Bobbie ang adopted son nila ni Lito kay Mila Ocampo, ang ina ni Snooky. Si Mila ang nagpalaki sa bata at siya rin ang nakagisnang ina.

*******

Nag-aral si Bobbie sa mga exclusive school at nakatapos siya ng college sa University of San Francisco sa Amerika kaya pinanghihinayangan ang nangyari sa kanyang buhay.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Bobbie sa isang restaurant sa Maynila noong Huwebes, November 24, ng gabi.

Contrary to some reports, hindi totoo na parang taong grasa na si Bobbie. Maayos ang kanyang pananamit, naka-make up siya, at may well-manicured nails.

Forty-five years old na ngayon si Bobbie at kahit naghihirap ito, hindi maitatanggi na kolehiyala siya at nagkaroon ng magandang buhay noong kabataan niya.

Inglisera at mahusay magsalita si Bobbie kaya nakapagtataka na naging homeless siya at nabubuhay sa panghihingi ng pera mula sa mga taong hindi niya kilala.

“My life is miserable. I am pathetic. I am lower than rock bottom, ” ang paulit-ulit na sabi ni Bobbie habang nag-uusap kami.

Kahit walang pera, kailangan daw niya na maging presentable sa paningin ng mga tao para makapasok siya sa mga hotel. Otherwise, ipagtatabuyan siya ng mga security guard.

*******

June 2011 nang maging homeless si Bobbie at ang kanyang mga anak.

Sa kuwento ni Bobbie, nagdesisyon ang hotel management na kumpiskahin ang personal belongings niya at ng mga bata nang hindi sila makabayad sa upa. Mula noon, naging homeless ang mag-iina.

Natutulog sila sa isang busy street sa Maynila tuwing alas-dose ng gabi at gumigising ng 4:30 a.m. para hindi makasuhan ng bagansiya ng mga pulis na nagroronda.

*******

Sa tuwing tumutulo ang luha ni Bobbie habang nagkukuwento tungkol sa hirap ng kanilang buhay, iniiba namin ang topic para hindi maapektuhan ang dalawang anak na kasama.

Tatlo at hindi lamang dalawa ang anak ni Bobbie. Babae ang anak niya sa isang lalake na mula sa isang mayamang angkan at pamilya ng pulitiko. Wala nang communication si Bobbie sa anak na nag-aaral sa De La Salle University.

May staff ng isang TV show na kumausap kay Bobbie at gustong i-feature sa TV ang kanilang buhay pero tumanggi siya.

Aniya, ayaw niyang makita sa TV ang kanilang miserableng pamumuhay bilang proteksiyon sa mga anak at sa mga tao sa busy street ng Maynila na naging mga kaibigan nila.

“May mangyayari ba kung sakaling ma-feature ang buhay namin sa TV? May mga tutulong ba sa amin?” ang tanong ni Bobbie sa staff member ng TV show na nakipag-usap sa kanya.

Nang sumagot ang staff member na posibleng may mga tumulong kapag napanood sa TV ang current situation ni Bobbie, tumanggi pa rin ito na magpa-interbyu.

*******

Ipinaalaala namin kay Bobbie na may mga government agency tulad ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na puwedeng tumulong sa kanyang mga menor de edad na anak.

Sinabi namin kay Bobbie na may pagkakataon pa para makaahon sila ng mga bata sa hirap.

At puwede namin siyang ilapit sa mga kaibigan niya sa showbiz at na puwedeng siyang matulungan.

Hindi na kami nag-attempt na kunan siya ng litrato dahil naghihirap man ang isang tao, karapatan niya na igalang siya at bigyan ng dignidad.

Pero wala na nga ba siyang choice para makaalpas mula sa sinasabi niyang “pathetic at miserable” na buhay.

*******

Kinabukasan, isang malapit na kaibigan ang aming tinawagan sa telepono at kinuwentuhan tungkol sa kalagayan ni Bobbie at ng mga anak nito.

Kilala ng aming kaibigan si Bobbie dahil taga-showbiz din siya.

Nang malaman niya ang miserableng kalagayan ng dating aktres, nangako ang aming kaibigan na tatawagan ang mga kakilala niya sa Manila City Hall para matulungan si Bobbie.

Makalipas ang isang oras, binalikan kami ng aming kaibigan dahil nakausap na niya ang kakilala na nagtatrabaho sa Manila City Hall na hindi nagulat sa kanyang kuwento tungkol kay Bobbie.

Sinabi rin nitong permanent fixture noon si Bobbie sa Manila City Hall at nakatanggap na siya ng mga financial help mula sa mga konsehal, vice-mayor, at mayor ng Maynila.

Fifty thousand pesos daw ang ibinigay kay Bobbie ng alkalde para makahanap sila ng kanyang anak ng bahay na mauupahan. Nangako rin ang alkalde na pag-aaralin ang mga anak ni Bobbie pero tinanggihan daw nito ang magandang alok.

Ang kuwento pa ng aming kaibigan, hindi lamang ang mga officials ng Maynila ang tumulong kay Bobbie. Nagbigay na rin daw ng financial help ang mga senador na pinuntahan niya sa senado.

Pero hanggang ngayon, ayon na rin kay Bobbie, isa pa rin siyang homeless at tila hopeless.

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Username
Password
Forgot Password? | Register