| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Sad plight

Filed under: Opinion — CabsM0d at 11:39 am on Monday, October 17, 2011

Iniwasan namin na dumaan kahapon, Biyernes, sa Roces Avenue dahil sa radio report na trapik sa nabanggit na lugar.

Ayon sa balita, halos sarado ang kahabaan ng Roces Avenue dahil sa dami ng mga tao na nagpunta sa Amoranto Stadium para sa anniversary show tickets ng Wil Time Bigtime na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa susunod na Sabado, October 22.

Pero umiral ang aming curiosity kaya dalawang beses kami na sumaglit sa Amoranto Stadium—kagabi, 9:30 pm at kaninang madaling-araw, 12:30 am.

Hindi na kami nagulat sa mga eksena na nasaksihan namin sa Roces Avenue.

Ang mga kababayan natin na natutulog sa center island, ang makalat na kalsada, ang mga ambulansiya at police cars na nakapaligid sa Amoranto Stadium, ang mga medics, ang mga tao na may mga bitbit na kaldero, at ang mga ina na may mga bitbit na sanggol na matitigas ang ulo dahil pauli-ulit ang advise ng Wil Time Big Time staff na huwag nang magsama ng mga bata sa pagpila.

Sa estimate ng mga pulis, mga 20,000 ang bilang ng mga tao na pumunta at pumila sa Amoranto Stadium.

May mga nagsabi naman na mahigit sa 20,000 ang bilang dahil umapaw ang mga tao hanggang sa kanto ng Roces Avenue at Quezon Avenue.

Hindi nagpabaya sa kanilang mga tungkulin ang Quezon City Police at ang paramedics pero kulang na kulang sila kung ikukumpara sa mga kababayan natin na nanggaling mula sa malalayong probinsya at nangangarap na makapasok sa Araneta Coliseum sa October 22 at mapanood ang 1st anniversary presentation ng game show ni Willie Revillame sa TV5.

*******

Nang bumalik kami kaninang madaling-araw sa Roces Avenue, halos hindi nagbago ang sitwasyon.

Natutulog pa rin sa center island ng Roces Avenue ang mga tao habang nagkukuwentuhan ang iba.

Na-tempt kami na kunan sila ng litrato pero inawat namin ang sarili bilang respeto sa kanila.

Hindi namin sila nakitaan ng pagkainip dahil tila nakakundisyon na ang kanilang mga isip na nakareserba ang buong araw nila sa pagkuha ng tickets para sa anniversary show ng programa na nagbibigay sa kanila ng pag-asa.

Sa unang tingin, nakakaawa ang mga tao na nagpupuyat at naghihintay sa isang bagay na walang katiyakan, pero sila mismo ang nagsasabi na masaya sila sa kanilang mga ginagawa.

*******

May nagpadala sa Cabinet Files ng leaked video ng dalawang teen-age boy na sangkot sa shooting incident sa Pampanga branch ng SM Mall.

Hindi kami nag-abala na panoorin ang video.dahil sa awa sa mga biktima. Napanood na lang namin sa mga news program ang impormasyon na buhay pa ang isa sa mga biktima sa video na kumalat sa Internet at naka-post sa YouTube.

Nakakakalungkot ang pangyayari.

Nakakaawa ang 13-year old boy at ang 16-year old friend na pinatay niya sa loob ng SM Mall, pero mas nakakaawa ang tao na naglabas sa isang website ng tunay na pangalan at mga litrato ng mga menor de edad na biktima.

Nakakaawa dahil tumanda siya ng walang konsyensya. Hindi niya iginalang ang alaala ng mga biktima na pilit na pinrotektahan ng kanilang respective families.

Hindi inilabas ng mga naulilang pamilya ang pangalan at litrato ng mga biktima. Iginalang din ng media ang kanilang pakiusap na magkaroon sila ng pribadong pagluluksa.

*******

Nakakaawa rin ang dating aktres na si Susan Henson dahil kailangan nito ng professional help.

Sikat na artista si Susan noong kapanahunan niya at isa siya sa mga aktres na may magandang mukha sa showbiz noong dekada ‘70 at ‘80.

Nagtitinda si Susan ng prutas sa Baguio City. Normal na normal ang kanyang physical appearance pero hindi maipagkakaila na may karamdaman siya dahil sa mga salita na walang direksyon na lumalabas mula sa bibig niya.

Naaawa kay Susan ang mga tao na nakakausap at nakakahalubilo niya pero walang kumikilos para matulungan o magamot ang kanyang sakit.

No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Username
Password
Forgot Password? | Register