| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Showbiz angles

Filed under: Features — CabsM0d at 2:44 pm on Thursday, August 23, 2012

Nagkaroon ng showbiz angle ang debate tungkol sa Anti-RH Bill dahil showbiz personality si Senator Tito Sotto.

Umani ng simpatiya si Sotto dahil napaiyak ito habang binabasa ang kanyang privilege speech.

Pero mas matinding batikos ang inani ng senador nang mapatunayang kinopya ang kanyang speech mula sa blog ng American writer na si Sarah Pope.

Hindi si Sotto ang unang public official na nakita nating lumuha nitong mga nagdaan na araw.

Napaiyak din si Senator Franklin Drilon nang malaman nito na bumagsak sa karagatan ng Masbate ang eroplano na sinasakyan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.

Pinigilan din ni Department of Transportation and Communications  (DOTC) Secretary Mar Roxas ang kanyang mga luha nang kumpirmahin niya na natagpuan ng mga diver ang labi ni Secretary Robredo.

*******
Nagkaroon ng showbiz angle ang pagmumura at pananakit ng isang Robert Carabuena kay MMDA Traffic Enforcer Saturnino Fabros dahil sa suporta na ibinigay ng mga showbiz personality.

Nanguna si Arnell Ignacio sa paglikom ng financial help para kay Fabros mula sa ibang mga artista.

Napaluha si Fabros nang tanggapin nito mula kay Arnell ang tulong sa kanya habang patuloy ang mga personal na batikos at pananakot kay Carabuena sa mga social media.

Napilitan si Carabuena na i-deactivate ang kanyang Twitter at Facebook accounts para magkaroon ng katahimikan ang buhay niya.

At dahil hindi masyadong busy ang ibang tao, isang Pinoy ang nagkaroon ng oras na gumawa ng bogus Facebook account ni Carabuena na sineryoso at pinatulan ng mga emotional and gullible netizens na agad nag-post ng kanilang abot sa langit na galit sa tormentor ni Fabros.

Pero hindi na kasalanan ni Carabuena kung nakabiktima uli siya ng mga tao na nagsayang ng panahon at emosyon sa isang fake Facebook account.

*******

Ang big news tungkol sa nangyari kay Secretary Robredo ang tumabon sa galit ng mamamayang Pilipino laban kay Carabuena at sa isyu ng plagiarism na ibinibintang kay Senator Tito Sotto.

Hindi sana naging malaking eskandalo ang alegasyong plagiarism laban kay Sotto kung humingi agad siya ng paumanhin, tulad ng mabilis na ginawa ni TV5 owner Manny V. Pangilinan nang malaman nito na kinopya ng kanyang speech writer mula sa speech nina Oprah Winfrey at J. K. Rowling ang commencement address niya sa graduates ng Ateneo de Manila University noong April 2010.

Instead, emosyonal na kinanta ni Senator Sotto ang “This Is The Moment” sa 33rd annivesrary presentation ng Eat Bulaga! noong Sabado, August 18.
*******

Marami ang kaso ng plagiarism na mabilis na nadidiskubre dahil sa imbensiyon ng Internet at tulong ng social media.

Sa mga pelikula at TV show, hindi naiiwasan ang pagkakapareho ng mga eksena at dialogue ng mga artista.

Sunud-sunod na “pakshet” ang pinakawalan ni Janice de Belen sa confrontation scene nila nina Agot Isidro at Iza Calzado sa Mga Mumunting Lihim.

“Pakshet!” din ang sigaw ni Dingdong Dantes sa aswang na kalaban niya sa kanyang forthcoming movie, ang Tiktik, The Aswang Chronicles.

Isa sa mga favorite scene namin sa I Do Bidoo Bidoo ng Unitel Productions ang pamamanhikan ng pamilya ni Sam Concepcion sa pamilya ni Tippy Dos Santos dahil nairaos ang eksena na nag-uusap ang lahat, gamit ang mga salawikain na Pilipino.

Pero bago pa namin napanood sa I Do Bidoo Bidoo ang linya na “Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim,” sinabi na ito ni Elmo Magalona sa isang eksena sa Just One Summer.

At ang matindi? Last August 5, ipinagtapat ni Eula Valdes sa The Buzz ang pagkakaroon niya ng third eye. Kinagabihan, palabas sa TV5 ang second week ng Third Eye na pinagbibidahan ni Eula Caballero. A case of life imitating art?

Habagat chronicles

Filed under: Features — CabsM0d at 6:47 pm on Thursday, August 9, 2012

Kabilang kami sa iilan na nakaramdam ng lindol noong Martes, August 7, dahil nakatutok ang atensiyon ng lahat sa malakas na ulan at baha na nanalanta sa Metro Manila at mga karatig probinsya.

Nakaupo kami sa silya at mino-monitor sa laptop computer ang nagaganap na pagbaha nang biglang gumalaw ang aming kinauupuan, bandang ala-una ng hapon.

Nakatira kami sa 12th floor ng isang condo building sa Quezon City kaya naramdaman namin ang paggalaw ng paligid.

*******

Maghapon at magdamag kami na nakatutok sa mga news program dahil sa kagustuhan namin na malaman ang kalagayan ng ating mga kababayan na biktima ng malakas na ulan at baha.

Nakakabilib si Paolo Bediones dahil pagkatapos ng kanyang hosting stint sa Good Morning Club, ang early morning show ng TV5, tumuloy siya sa Araneta Avenue , Quezon City dahil tinulungan niya na iligtas ang mga tao na na-trap sa lagpas tao na baha.

Kasama ni Paolo sa pagliligtas ang Rescue5, ang rescue team ng TV5 Network.

Hindi natapos sa Araneta Avenue ang misyon ni Paolo dahil bumalik siya sa studio para ihatid sa televiewers ang latest updates tungkol sa kalamidad na kumitil ng maraming buhay at sumira sa maraming ari-arian.

*******

Bukod sa pagtutok sa mga news program noong Martes, nag-monitor din kami sa Twitter at Facebook, ang mga social media na bahagi na ng ating araw-araw na pamumuhay.

Ginagamit na ngayon ang Twitter at Facebook hindi lamang sa paghahanap ng mga bagong kaibigan at koneksyon sa buong mundo, kundi pati na rin sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Tulad ng cellphone, necessity at hindi na luxury ang pagkakatoon ng Twitter at Facebook accounts.

*******

Nag-post ng mga mensahe sa mga social media ang mga tao na hindi pabor at nilalabanan ang Reproductive Health Bill.

Sa pananaw nila, parusa sa mga tao na nagsusulong sa RH Bill ang kalamidad na dumapo sa ating bansa noong Martes.

Mabilis na umiral ang fertile imagination ng iba nating mga kababayan na nilagyan ng connect ang baha noong August 7, 2012 sa Genesis 8:7:12 ng Holy Bible na tumatalakay sa Noah’s Ark.

Dala na rin siguro sa tensiyon na dulot ng baha, kung ano-ano na lang ang naiisip ng mga Pinoy na hindi namin kokontrahin, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon ang kanilang mga opinyon.

After all, guilty din kami sa pagkakaroon ng fertile imagination at paglalagay ng koneksiyon sa mga eksena na nakikita namin sa paligid at napapanood sa TV.

Halimbawa, ang paglalagay kay Baby Moses sa isang basket at pagpapaanod sa kanya sa ilog ng Nile ang pumasok sa aming isip nang makita namin sa Facebook ang litrato ng isang babae at sanggol na nakalagay sa batya habang nasa gitna sila ng baha noong Martes.

Pangingilabot ang aming naramdaman nang mapanood namin sa TV Patrol ang buhay pero mistulang bangkay na lalake na namamangka sa baha pero kabaong ang sinasakyan niya, hindi bangka.

Saan kinuha ng buhay na bangkay ang kanyang kakaibang bangka? Bago o luma ba ang kabaong at kung nagamit na ito, nasaan ang original resident?

Pinarentahan din ba gaya ng kuwento ng indie movie na Oros?

*******

Nakakapag-init ng ulo ang mga kababayan natin na biktima ng baha na nagrereklamo at sinisisi ang gobyerno dahil wala raw silang makain.

Sila ang mga informal settler na napanood natin sa TV na nagagalit sa pamahalaan dahil binigyan daw sila ng libreng pabahay na lumubog sa baha.

Wala silang ipinagkaiba kay Whitney Tyson at sa mga kapit-bahay nito na illegal na nga ang paninirahan sa ilalim ng Nagtahan Bridge pero sila pa ang malalakas ang loob na mag-demand sa gobyerno ng tulong at libreng tahanan.

Malayong-malayo sa kanila si JC Baylon, ang ama na nawalan ng asawa at mga anak dahil natabunan ng lupa ang kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth habang hinahagupit ng walang pangalan na habagat ang Luzon.

Siyam sa miyembro ng pamilya ni JC ang namatay dahil sa landslide pero sa interview sa kanya ng TV Patrol, walang sinisi ang ama na nagluluksa.

Hindi sinisi ni JC ang gobyerno at hindi siya nagtanong sa Diyos.
Nakakaantig ng damdamin ang kanyang pahayag na, “Bahala na ang Diyos… Hindi ko pa alam ang gagawin kasi…”

*******

Habagat na resulta ng isang malakas na bagyo sa China ang naghatid sa ating bayan ng malakas na ulan at baha noong Martes.

Nakakainis isipin na pilit na inaangkin ng China ang mga isla ng Pilipinas, pati ba naman sa pagdadala ng kalamidad, sinasakop at idinadamay nila ang ating bansa?