| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Dolphy’s Death: sidelights

Filed under: Features — CabsM0d at 3:04 pm on Tuesday, July 17, 2012

Bago pa man sumakabilang-buhay si Mang Dolphy, ipina-tattoo na ng kanyang mga apo ang mukha niya sa kanilang mga braso at bisig.

Nagpa-tattoo sina Rowell, John, at Niccolo Quizon, dalawang linggo bago sumakabilang sa Makati Medical Center ang kanilang Lolo Dolphy.
*******

Hindi naigawad kay Mang Dolphy ang National Artist Award na isinusulong ng mga kongresista at ng kanyang mga tagahanga.
Iba ang opinyon ni Salud “Sahlee” Quizon, ang panganay na babae ni Mang Dolphy.

Sinabi ni Salud na hindi nila kailangan ang National Artist Award dahil ang pagbuhos ng pagmamahal at mga dasal para sa kanilang ama ang pagpapatunay na National Artist si Mang Dolphy sa puso ng mga tao.
*******

At dahil naihatid na si Mang Dolphy sa huling hantungan niya, asahan natin ang paglitaw ng mga kuwento ng kanyang “pagpapakita” at “pagpaparamdam.”

In fact, isang araw matapos mamatay ang King of Comedy, isang fan ang nagkuwento na “pinagmultuhan ” siya ng kanyang idolo.

Kusa raw bumukas ang television set niya at ang lumang pelikula ni Mang Dolphy ang bumulaga sa kanya kaya kinilabutan siya.

Sa dami ng mga anak ni Mang Dolphy, inuna pa niya na magparamdam sa isang fan? Pray, tell me.
*******

Hindi lamang ang mga tagahanga ni Mang Dolphy ang dumagsa sa The Heritage Park dahil naging tambayan din ito ng mga “professional gatecrasher.”

Kilala namin sa mukha ang mga professional gatecrasher dahil nakikita namin sila sa mga presscon, birthday parties, at pabinyag ng mga artista.

Trabaho ng mga professional gatecrasher ang magbasa ng mga diyaryo para alamin ang mga showbiz event na pupuntahan nila.

Nakita namin ang mga professional gatecrasher sa binyag ng anak ni Quezon City Councilor Alfred Vargas, sa 10th year anniversary celebration ng YES! Magazine sa NBC Tent noong 2010, at sa mga presscon ng mga pelikula na kasali sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Nakunan pa sila ng mga litrato habang nagbabalot ng pagkain sa mga showbiz function na kanilang pinuntahan.

Muling namataan ang mga professional gatecrasher sa dining area ng The Heritage Park nang iburol dito ang labi ni Mang Dolphy at narororoon sila mula umaga hanggang gabi. Hindi sila mapaalis ng mga security guard dahil sa akala na mga kamag-anak din sila ni Mang Dolphy.
*******

Ang burol ni Mang Dolphy ang unang public appearance ni Lolit Solis pagkatapos ng stem cell therapy nito sa Edenkoben, Germany.

Bumisita si Lolit sa burol ni Mang Dolphy noong Biyernes nang hapon pero bago siya nagpunta sa The Heritage Park, nagpakulay muna siya ng buhok sa beauty salon ni Bambbi Fuentes.

Nang dumating si Lolit sa The Heritage Park, ang stem cell therapy ang inusisa sa kanya ng mga kausap niya.

May mga pumansin sa kakaibang aura niya at may mga nagsabi na effective pala talaga ang stem cell therapy dahil umitim ang kulay ng kanyang buhok.