| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Nervous moments at the Bb. Pilipinas pageant

Filed under: Opinion — CabsM0d at 7:32 pm on Tuesday, April 17, 2012

Ang attendance ng maraming “transgender ” ang aming napansin nang panoorin namin ang coronation ng Bb. Pilipinas 2012 winners.

Masasabing possible effect ito ng kontrobersiya ng desisyon ng Miss Uinverse Organization na payagan ang mga transsexual na sumali sa Miss Universe contest sa susunod na taon.

Mapagkakamalan na mga tunay na babae ang mga transgender na aming nakita dahil magaganda ang kanilang mga mukha at mga seksi sila.

Magaganda rin ang 30 official candidates ng Bb. Pilipinas 2012 pero may mga kandidata na mapagkakamalan na transgender, kahit mga natural-born women, dahil sa kanilang mga itsura.

Kung may mga mukhang transgender na kandidata, hindi na kailangan ng totoong transgender sa mga beauty pageant para sa mga kababaihan.

Narinig namin ang wild rumor na isa sa mga beauty aspirant ang gumastos ng milyong piso para iparetoke ang kanyang physical appearance pero sa kasamaang-palad, thank-you girl siya.

Hindi nakatulong ang pagpaparetoke ng babae dahil nagmukha itong lalake kaya sumidhi ang pagnanais ng mga transgender na subukan ang kapalaran nila sa Bb. Pilipinas contest sa 2013.

*******

Sagana sa sidelights ang Bb. Pilipinas 2012 na hindi napanood sa delayed at edited telecast ng ABS-CBN.

Hindi kami sigurado kung in-edit ang question and answer portion bilang proteksyon sa mga kandidata na kinabahan kaya hindi kaagad nakasagot at nagkamali ng pandinig sa mga katanungan sa kanila.

“How do you define happiness?” ang tanong ng judge na si Oliver Gourgeon kay candidate number 16 Liezl Alcantara.

Dahil walang letter “H” ang pronunciation ng foreign judge na hindi naman Kapampangan, “Philippines” ang intindi ng kandidata na buong ningning na sumagot ng, “It’s more fun in the Philippines…”

Hindi rin naintindihan ni Xian Lim ang tanong ng judge at kung hindi pa nag-react ang audience sa Big Dome at ang mga pageant official, kampante na magtutuloy-tuloy ang aktor.

Napilitan ang foreign judge na ulitin ang kanyang tanong.

Nagpakitang-gilas si candidate number 29 Annalie Forbes dahil kumanta muna ito bago niya hinarap ang tanong ng judge.

Nag-concentrate yata si Annalie sa pagkanta kaya matagal bago niya nasagot ang tanong tungkol sa advantage ng social media.

Dahil sumablay sa question and answer segment, nag-akala ang lahat na katapusan na ng pangarap ni Annalie na manalo kaya nagulat ang audience nang siya ang ideklara bilang 2nd runner up.

Licensed physician si candidate number 27 Golda Soller.

At kung may may Golda, may kandidata naman na Goldy ang pangalan, si candidate number 23 Goldy Baroa na nilagyan ng drama ang kanyang pagrampa sa swimsuit competition.

May hawak na puting tela na iwinawagayway ang mga kandidata sa swimsuit competition pero imbes na iwagayway, ibinalot ni Goldy ang white piece of cloth sa kanyang katawan. Ang ending, muntik na siyang madapa.

Registered nurse ang ilan sa mga aspiring beauty queen. Hindi na puwedeng sabihin na nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga Filipina nurses to seek greener pastures dahil isa na sa options nila ang pagsali sa mga beauty contest.
*******

Sina Iza Calzado at Xian Lim ang main hosts ng Bb. Pilipinas 2012 Coronation Night at anchors sina Venus Raj at Georgina Wilson.

Si Iza Calzado ang saving grace ng pageant night dahil pinaghandaan at pinag-aralan niya ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanya.

Alam din ni Venus Raj ang kanyang kapasidad at mga limitasyon bilang host. Nagustuhan namin ang pagiging natural ni Venus at ang madalas na paggamit niya sa wikang Pilipino.

Angelina Jolie clone si Georgina Wilson na kinabahan at tila nag-concentrate sa impersonation niya sa sikat na Hollywood actress kaya maraming beses siyang nagkaroon ng “buckle moments. ”

Telesarya ang basa niya sa teleserye noong ini-introduce niya si Richard Gomez na isa sa mga celebrity judge. Bb. PilipiHas din ang kanyang nasambit.

Distracting din ang pagbabasa ni Georgina sa hawak na cue cards, kahit puwedeng i-memorize ang kanyang mga sasabihin.

At si Xian?

Sinubukan ni Xian na mag-set ng trend dahil imbes na sabihin nang buo ang Bb. Pilipinas, BBP ang kanyang sinabi kaya naman, abbreviated “HE” Harry Thomas at hindi “HIS EXCELLENCY” ang pagpapakilala niya sa current US ambassador sa Pilipinas.

HE for what? Home Edition or Home Economics?

Classic din ang statement ni Xian na Bb. Pilipinas “Twenty thousand and twelve!”

Hindi ba puwede na Two Thousand Twelve muna?


*******

Personally, na-bother kami sa mga feedback ng audience tungkol sa hosting ability at personality ni Xian.

May mga sumigaw ng “Ikaw! ” nang magtanong si Xian ng, “Who are you guys rooting for?”

Pangalan talaga niya ang isinigaw ng sutil na audience nang tanungin din ni Iza kung sino ang pinapaboran nila na manalo ng Bb. Pilipinas-Tourism title.

First time ni Xian na mag-host ng isang malaking beauty pageant. Understandable na kabadong-kabado siya at sa kabila nito, complete effort ang kanyang ibinigay.

Sad to say, hindi mawawalan ng mga opinyon ang mga tao na nakapuna sa mga kilos niya sa kanyang unguarded moments.

Pagkatapos ng kanyang Bb. Pilpinas stint, mas makabubuti na pagpahingahin muna si Xian sa mga hosting job at hayaan na lamang siya na umarte sa mga teleserye dahil dito, puwedeng-puwede niya na makontrol ang sarili, sa tulong ng kanyang mga direktor.

“Missed” Universe?

Filed under: Features — CabsM0d at 11:54 am on Thursday, April 12, 2012

Pumayag na ang Miss Universe Organization na sumali ang mga transgender sa Miss Universe contest sa susunod na taon bilang pagkilala nila sa pantay-pantay na karapatan at pagtrato sa mga kababaihan.

May pakiramdam kami na naging safe ang Miss Universe Organization para hindi sila umani ng batikos mula sa maraming grupo na nagtatanggol at nakikipaglaban para sa karapatan ng third sex.

Kahit baguhin ng Miss Universe Organization ang mga batas nila sa pagtanggap sa mga transgender bilang mga kandidata, nakasalalay pa rin sa local franchisee ang final decision.

Sa Pilipinas, ang Bb. Pilipinas Charities Inc. ang may hawak ng Miss Universe franchise.

Ang BPCI ang pumipili sa deserving candidate na ipadadala sa Miss Universe contest at mahigpit ang proseso na pinagdaraanan ng mga aspiring beauty queen.

May mga official candidate ng Bb. Pilipinas Contest ang na-disqualify dahil nadiskubre ng BPCI na nagkaroon sila ng mga sexy pictorial.

Binawi ang Bb. Pilipinas-Universe crown nina Anjanette Abayari (1992), Tisha Silang (1998 ), Janelle Bautista (1999) dahil sa residency at citizenship issue.

Na-dethrone si Daisy Reyes noong 1996 dahil sa bintang na hindi niya natutupad ang kanyang mga responsibilidad bilang Bb. Pilipinas-World title holder.

Ibinalik ang beauty title ni Daisy nang magkausap ang pageant organizer at ang lawyer na tumulong sa kanya noon, ang yumaong senador na si Rene Cayetano.

Hindi nagkakalayo ang kapalaran nina Daisy at Ma. Venus Raj na muntik nang hindi makasali sa Miss Universe contest noong 2010 dahil hindi magkatugma ang personal birth account niya sa kanyang birth certificate.

Ang mga nabanggit na pangyayari ang ilan lamang sa mga dahilan kaya malabo na makalusot sa mahigpit na pamamalakad ng BPCI ang mga transgender na nangangarap na sumali sa Bb. Pilipinas contest.

Puwedeng-puwedeng sabihin ng pageant organizer na ibang-iba ang batas na ipinatutupad nila sa pagpili ng mga kandidata sa desisyon ng Miss Universe Organization na tumanggap ng mga transgender candidate.

*******
Naging maingat ang former beauty queen na si Lorraine Schuck sa pagsagot tungkol sa isyu ng pagpayag ng Miss Universe Organization na payagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest.

Si Lorraine ang CEO ng Carousel Production, ang organizer ng Miss Philippines Earth.

Sa interview sa kanya ni Anthony Taberna ng Umagang Kay Ganda, halatang-halata ang kanyang maingat na pagsasalita tungkol sa isyu para hindi ma-offend ang mga transgender.

Pero malinaw at may finality ang statement ni Lorraine na iginagalang niya ang mga transgender pero hindi sila maaaring sumali sa Miss Philippines Earth dahil beauty contest pa rin ito para sa mga tunay na babae.
*******

Pareho ang opinyon nina Lorraine at Miriam Quiambao na umani ng mga batikos dahil sa kanyang paniniwala na “for real women” lamang ang Miss Universe contest.

Hindi nag-iisa sina Lorraine at Miriam dahil marami sa ating mga kababayan ang pro-third sex pero hindi pabor na sumali sa Miss Universe contest ang mga transgender.

Kahit ipagpilitan ng mga transgender na mga babae sila na na-trap sa katawan ng lalake, lalake pa rin ang kanilang kasarian nang isilang.

Kumplikado ang issue dahil tiyak na may opinyon ang Catholic Church sa kontrobersiya.

Siguradong magkakaroon din ng mga debate.

Kung papayagan ang mga transgender na sumali sa Miss Universe contest, puwede na ring sumali sa Mr. Universe contest ang mga tomboy na nagdeklara na mga lalake sila na na-trap sa katawan ng babae.

May mga nagsasabi na hindi kailangan ng mga transgender na sumali sa Miss Universe contest dahil may may mga beauty pageant na sadyang nilikha para sa kanila tulad ng Miss Tiffany Universe, The World’s Most Beautiful Transsexual Contest, at Miss International Queen Pageant na paboritong salihan ng mga transsexual mula sa Pilipinas.

To date, mailap sa mga Filipino transgender ang Miss International Queen title dahil kung hindi runner-up, ang mga special award na Miss Photogenic, Miss Congeniality at Miss Ripley’s Popular Vote ang kanilang mga napapanalunan.