| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Old wounds

Filed under: Features — CabsM0d at 10:29 am on Tuesday, March 20, 2012

Hindi kami nagtaka nang maglabas ng sama ng loob si Helen Gamboa tungkol sa two-year old feud nila ng kanyang pamangkin na si Sharon Cuneta.

Open secret sa showbiz na  nagkaroon ng hidwaan ang mag-tiya dahil sa pulitika at muli itong naungkat nang tawagan ni Helen Gamboa ang Philippine Star entertainment editor na si Ricky Lo para magpa-interbyu dahil nasaktan siya sa mga pahayag ni Sharon nang makausap ito ni Wilson Lee Flores and we quote:

“In a free-wheeling interview published in The STAR’s Life section last Sunday, Wilson Lee Flores asked Sharon as his last question: When you say politics divides people, were you referring also to your uncle Senator Tito Sotto’s past rift with your husband [Sen.] Kiko [Pangilinan]?

Sharon’s answer: Yes, politics does divide families, like when my uncle says something bad about Kiko, you don’t understand why…”

Dahil naging open si Helen sa pagsasabi na nasaktan siya sa sinabi ni Sharon, naalala namin ang eksena nang makasabay namin sila ng kanyang asawa, si Senator Tito Sotto, sa birthday dinner ni Eddie Gutierrez sa newly-renovated house nito sa White Plains, Quezon City.

Naki-table sa amin  sina Helen at Senator Tito kaya dinig na dinig namin ang pakikipagkuwentuhan nila sa ibang mga bisita.

Kasabay ng birthday dinner ni Eddie ang pre-Valentine concert nina Martin Nievera at Sharon sa Smart Araneta Coliseum.

Isang bisita na hindi aware na may tampuhan sina Helen at Sharon ang nagtanong sa veteran actress-singer ng, “Hindi ba kayo manonood ng concert ni Sharon? Ngayon ‘yon ah?”

“Ah ngayon ba?” ang malamig at patanong na sagot ni Helen na naintindihan namin agad dahil hindi nga sila nag-uusap ng kanyang pamangkin. Kung alam lang ng nagtanong na may hidwaan ang mag-tiya, baka umiwas na siya sa pagtatanong tulad ng pag-iwas ni Helen na huwag nang masundan ang mga tanong tungkol kay Sharon.

*******

Kung naging mailap si Helen na mapag-usapan si Sharon, sinagot ni Rhian Ramos ang lahat ng mga tanong tungkol sa mga pagsubok na pinagdaanan niya noong December 2012.

Nagawa ni Rhian na makipagbiruan sa mga kausap na entertainment writer kaya naging komportable sa kanya ang mga kaharap.

Isang reporter ang pabiro na nagtanong kay Rhian ng, ” Pupunta ka pa ba Singapore?”

Kami ang nag-alala para kay Rhian pero imbes na magpaapekto, sinagot  niya nang matapat at diretso  ang “forbidden question. ”

“Gets ko na. Enough na. Huwag n’yo nang ipagdiinan,” ang diretsong sagot ni Rhian sa paraan na hindi na-offend ang kanyang mga kausap.

*******

Wala nang sakit na nararamdaman si Tess Relucio dahil kasundo na niya ang mag-inang Raquel at Charice Pempengco.

Si Tess ang ina ni Raquel at lola ni Charice. Pinag-usapan noong nakaraang taon ang kanilang alitan dahil naging prangka si Tess sa pagkukuwento sa media ng galit niya sa mag-ina.

Iba na ngayon ang tono ng pananalita ni Tess dahil magkasundo na sila ng kanyang anak at apo.

Ikinatuwa ni Tess ang desisyon ni Raquel na hiwalayan nito ang boyfriend. Tutol na tutol sina Tess at Charice sa pakikipagrelasyon ni Raquel sa nasabing lalake  kaya natuwa sila nang magkahiwalay ang dalawa.

Maligayang-maligaya si Tess dahil maganda na ang relasyon nila ng kanyang anak at apo. Ipinagmamalaki niya sa mga nakakausap ang van at ang damit na ibinigay ng mag-inang Raquel at Charice.

Ipinakita pa ni Tess ang damit na binili pa raw ni Charice mula sa Amerika, ang kanyang ” Kevin Kline” dress.

Yes, Kevin Kline ang sabi ni Tess.