Jojo Gabinete: Cabinet Files

What the camera didn’t capture at the wedding of Shalani and Roman

Filed under: Features — CabsM0d at 11:18 am on Wednesday, January 25, 2012

Nakatutok kina Valenzuela City Councilor Shalani Soledad at Pasig House Representative Roman Romulo ang atensiyon ng lahat ng mga dumalo sa kasal nila sa St. Benedict Church, Ayala Westgrove, Sta. Rosa, Laguna, noong Linggo, January 22.

Itinutok naman namin ang atensiyon sa mga bisita at sa mga kaganapan sa wedding ceremony na tumagal lamang ng halos isang oras.

Apple green at lavender ang color motiff ng well-publicized wedding nina Shalani at Roman kaya literal na green apples ang ginamit sa offertory.

Umiral ang pagiging fan ng ilan sa mga bisita dahil nilapitan nila si Richard Gomez, na present din sa wedding, para sa photo op.

Tahimik na nakatayo sa isang sulok ng simbahan si former House Representative Ronald Singson pero dahil siya ay kontrobersiyal na personalidad, napansin pa rin ng mga tao ang kanyang presence.

Classic ang kuwento tungkol sa wedding organizer staff member na lumapit kay Adolfo Aguirre, ang biological father ni Shalani.

“Are you part of the entourage?” ang tanong ng staff member na ikinainsulto ng ama ni Shalani.

May report na nakunan ng isang TV network ang eksena sa simbahan ni Mrs. Evelyn Yumul, ang ina ni Shalani, pero bilang respeto, hindi inilabas ng TV station ang controversial scene na may koneksiyon sa naging trato ng tauhan ng wedding organizer sa ama ng bride.
*******

Magkakasama kami nina Karen Pagsolingan ( PEP managing editor ),
Anna Pingol ( YES! managing editor ) at ang photographer na si Melo Balingit na nagpunta sa St. Benedict Church para sa coverage ng kasal nina Shalani at Roman.


CLICK HERE TO VIEW GALLERY

Five p.m. ang oras ng kasal pero dumating kami sa simbahan nang maaga (before four p.m. ) para makakuha ng magandang puwesto ng upuan.

Naabutan namin sa simbahan ang mga crew ng ABS-CBN, GMA-7 at TV5 na maagang nag-set up ng kanilang mga kamera.

Ang upuan sa right side at malapit sa church entrance ang pinili namin ni Karen.

Bakante pa ang silya nang dumating kami ni Karen kaya malinaw na kami ang naunang naupo.

Dalawang lalake ang tumabi sa amin pero umalis din dahil nagmagandang-loob sila na paupuin ang isang babae na nakasuot ng powder blue gown.  Maya-maya, tumabi sa hindi kilalang babae ang kanyang dalawang kasama.

Nang magsimula ang wedding march, nagtayuan ang lahat ng mga bisita para makita ang pagpasok ng entourage.

Kabilang kami ni Karen sa mga tumayo at sandaling umalis ng upuan para makunan ng litrato ang pagpasok ni Shalani sa loob ng simbahan.

Nang bumalik kami sa aming upuan, sinita kami ng babae na nakasuot ng powder blue gown na buong ningning na nagsabi na, ” Somebody’s sitting there…”

Kahit nasa loob ng simbahan, medyo nawala ang aming pasensiya sa paninita ng babae na sinagot namin na una kaming dumating at naupo sa silya na kanyang inaangkin.

Sigurado kami na naramdaman ng babae ang aming pagkairita pero siya pa ang may gana na magsalita ng, ” Ok, relax. Chill…there’s no problem.”

At sa lagay, kami pa ang may problema?

Action speaks louder than words. Hindi na namin sinagot ang babae pero tiniyak namin na titigan siya nang matalim, isang tingin na parang nakamamatay at sapat para mapahiya siya sa kanyang ginawa.

Bigla itong nawala at lumipat ng upuan.

*******

Dahil sa dami ng mga tao sa loob ng St. Benedict Church, kinulang ang mga silya kaya nagdagdag ng plastic stools ang wedding organizer.

Nakapuwesto sa left side namin nina Anna at Karen ang apat na babae na well-dressed pero hindi iginalang ang misa at ang wedding ceremony dahil habang ongoing ito, panay ang kuwentuhan nila.

Tinandaan namin ang mga mukha ng apat na babae na hindi nagbigay ng respeto sa exchange of vows nina Shalani at Roman.

Muli naming nakita ang apat na babae sa wedding reception.

Panay ang pa-picture nila sa bagong kasal at very polite naman sa kanila sina Roman at Shalani.

Really, you can’t buy breeding and class.

*******

Malinaw ang instruction ng isa sa mga wedding coordinator na sumalubong sa mga bisita sa wedding reception venue.

Kung bisita ng Soledad family, pumunta sa left table para makuha nila ang kanilang mga seat assignment, at kapag mga guest ng Romulo family, mag-register sila sa coordinator na nakapuwesto sa right table.

May mga bisita na pinili na umuwi na lamang dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan ng invited guests ng mga Romulo.

Itinuro sila ng coordinator na i-check ang kanilang pangalan sa listahan ng mga bisita ng Soledad family pero hindi rin sila nakalista.

To avoid further embarrassments, umuwi na lamang ang mga bisita.

*******

Imbitado kami ni Shalani sa kasal nila ni Roman.

Nagpadala siya sa amin ng text message at nakatanggap din kami ng text message mula sa kanyang tauhan na nagtanong ng aming address para sa imbitasyon na ipadadala nila.

Wala kaming natanggap na wedding invite pero nagpunta pa rin kami dahil sa pagmamahal namin kay Shalani.

Luckily for us, nakapasok kami sa wedding reception at ang aming mga kasama na imbitado kahit na hindi nakalagay ang mga pangalan namin sa guest list. Ito ay dahil na rin sa tulong ng competent staff ni Shalani.

Hindi namin masasabi na competent ang ilang tauhan ng wedding organizer tulad ng nagtanong sa tunay na ama ni Shalani kung part ito ng wedding entourage at ang babae sa St. Benedict Church na in charge sa media registration na nagtanong kay Anna Pingol ng, “Are you invited?”

Ang sagot ni Anna: ” Ang layo-layo nito. Hindi kami pupunta rito nang nakabihis kung hindi kami invited!”