| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Homeless…and hopeless?

Filed under: Opinion — CabsM0d at 5:59 pm on Monday, November 28, 2011

Homeless ang dating aktres na si Bobbie Mercado at ang kanyang dalawang anak na lalake na parehong menor de edad.

Homeless dahil sa gabi, natutulog sila sa harap ng building sa isang busy street sa Maynila at sa umaga, paikot-ikot ang mag-iina sa nasabing lugar.

Kahit papaano, kumikita ng pera si Bobbie at ang kanyang mga anak.

Sa gabi, pumapasok si Bobbie sa mga casino at naghihintay na mabigyan ng balato ng mga nananalo sa sugal.

Watch-your-car boy naman ang kanyang panganay at pedicab driver ang bunsong anak.

Dala ng sobrang kahirapan, hindi makapag-aral ang mga anak ni Bobbie. Nakaabot lamang sa Grade 3 ang panganay at Grade 1 ang bunso.

*******

Artista si Bobbie noong dekada ‘80 at naging madali sa kanya ang pagpasok sa showbiz dahil anak siya ng sikat at namayapang TV host na si Eddie Mercado.

First cousin ni Bobbie si Snooky Serna dahil magkapatid ang kanilang mga ina.

Ang Experience, To Mama With Love at Santa Claus Is Coming To Town ang ilan sa mga pelikula na ginawa noon ni Bobbie sa Regal Films.

Napangasawa noon ni Bobbie ang aktor na si Lito Pimentel pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasama. Hindi man sila nagkaroon ng anak, nag-adopt ng baby boy ang dating mag-asawa.

Eventually, ibinigay ni Bobbie ang adopted son nila ni Lito kay Mila Ocampo, ang ina ni Snooky. Si Mila ang nagpalaki sa bata at siya rin ang nakagisnang ina.

*******

Nag-aral si Bobbie sa mga exclusive school at nakatapos siya ng college sa University of San Francisco sa Amerika kaya pinanghihinayangan ang nangyari sa kanyang buhay.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Bobbie sa isang restaurant sa Maynila noong Huwebes, November 24, ng gabi.

Contrary to some reports, hindi totoo na parang taong grasa na si Bobbie. Maayos ang kanyang pananamit, naka-make up siya, at may well-manicured nails.

Forty-five years old na ngayon si Bobbie at kahit naghihirap ito, hindi maitatanggi na kolehiyala siya at nagkaroon ng magandang buhay noong kabataan niya.

Inglisera at mahusay magsalita si Bobbie kaya nakapagtataka na naging homeless siya at nabubuhay sa panghihingi ng pera mula sa mga taong hindi niya kilala.

“My life is miserable. I am pathetic. I am lower than rock bottom, ” ang paulit-ulit na sabi ni Bobbie habang nag-uusap kami.

Kahit walang pera, kailangan daw niya na maging presentable sa paningin ng mga tao para makapasok siya sa mga hotel. Otherwise, ipagtatabuyan siya ng mga security guard.

*******

June 2011 nang maging homeless si Bobbie at ang kanyang mga anak.

Sa kuwento ni Bobbie, nagdesisyon ang hotel management na kumpiskahin ang personal belongings niya at ng mga bata nang hindi sila makabayad sa upa. Mula noon, naging homeless ang mag-iina.

Natutulog sila sa isang busy street sa Maynila tuwing alas-dose ng gabi at gumigising ng 4:30 a.m. para hindi makasuhan ng bagansiya ng mga pulis na nagroronda.

*******

Sa tuwing tumutulo ang luha ni Bobbie habang nagkukuwento tungkol sa hirap ng kanilang buhay, iniiba namin ang topic para hindi maapektuhan ang dalawang anak na kasama.

Tatlo at hindi lamang dalawa ang anak ni Bobbie. Babae ang anak niya sa isang lalake na mula sa isang mayamang angkan at pamilya ng pulitiko. Wala nang communication si Bobbie sa anak na nag-aaral sa De La Salle University.

May staff ng isang TV show na kumausap kay Bobbie at gustong i-feature sa TV ang kanilang buhay pero tumanggi siya.

Aniya, ayaw niyang makita sa TV ang kanilang miserableng pamumuhay bilang proteksiyon sa mga anak at sa mga tao sa busy street ng Maynila na naging mga kaibigan nila.

“May mangyayari ba kung sakaling ma-feature ang buhay namin sa TV? May mga tutulong ba sa amin?” ang tanong ni Bobbie sa staff member ng TV show na nakipag-usap sa kanya.

Nang sumagot ang staff member na posibleng may mga tumulong kapag napanood sa TV ang current situation ni Bobbie, tumanggi pa rin ito na magpa-interbyu.

*******

Ipinaalaala namin kay Bobbie na may mga government agency tulad ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na puwedeng tumulong sa kanyang mga menor de edad na anak.

Sinabi namin kay Bobbie na may pagkakataon pa para makaahon sila ng mga bata sa hirap.

At puwede namin siyang ilapit sa mga kaibigan niya sa showbiz at na puwedeng siyang matulungan.

Hindi na kami nag-attempt na kunan siya ng litrato dahil naghihirap man ang isang tao, karapatan niya na igalang siya at bigyan ng dignidad.

Pero wala na nga ba siyang choice para makaalpas mula sa sinasabi niyang “pathetic at miserable” na buhay.

*******

Kinabukasan, isang malapit na kaibigan ang aming tinawagan sa telepono at kinuwentuhan tungkol sa kalagayan ni Bobbie at ng mga anak nito.

Kilala ng aming kaibigan si Bobbie dahil taga-showbiz din siya.

Nang malaman niya ang miserableng kalagayan ng dating aktres, nangako ang aming kaibigan na tatawagan ang mga kakilala niya sa Manila City Hall para matulungan si Bobbie.

Makalipas ang isang oras, binalikan kami ng aming kaibigan dahil nakausap na niya ang kakilala na nagtatrabaho sa Manila City Hall na hindi nagulat sa kanyang kuwento tungkol kay Bobbie.

Sinabi rin nitong permanent fixture noon si Bobbie sa Manila City Hall at nakatanggap na siya ng mga financial help mula sa mga konsehal, vice-mayor, at mayor ng Maynila.

Fifty thousand pesos daw ang ibinigay kay Bobbie ng alkalde para makahanap sila ng kanyang anak ng bahay na mauupahan. Nangako rin ang alkalde na pag-aaralin ang mga anak ni Bobbie pero tinanggihan daw nito ang magandang alok.

Ang kuwento pa ng aming kaibigan, hindi lamang ang mga officials ng Maynila ang tumulong kay Bobbie. Nagbigay na rin daw ng financial help ang mga senador na pinuntahan niya sa senado.

Pero hanggang ngayon, ayon na rin kay Bobbie, isa pa rin siyang homeless at tila hopeless.

Different Women

Filed under: Features — CabsM0d at 5:59 pm on Thursday, November 24, 2011

Kasama ni Miss World First Princess Gwendoline Ruais ang mga runner up niya sa Miss World Philippines noong naganap ang welcome press con para sa kanya  sa Midas Hotel, ang official hotel ng nasabing local pageant.

Isa-isang tinanong ng mga miyembro ng media ang mga runner up ni Gwendoline tungkol sa tagumpay ng huli sa international beauty pageant na sinalihan.

Ipinaalaala ni Miss World Philippines 2nd Princess Martha Chloe McCulley kay Gwen ang pangako nito na blow out sa buffet ng Spiral Cafe ng Hotel Sofitel.

Nag-react ang mga tauhan ng Midas Hotel na present sa press con sa sinabi ni Martha pero hindi nito binawi ang kanyang sinabi.

Walang pagsisisi si Martha nang makausap namin dahil hindi naman daw siya binibigyan ng libreng buffet ng mga tauhan ng Midas Hotel.

*******

Hindi lamang financial help ang kailangan ng dating aktres na si Susan Henson, kailangan din niya ng professional help, base sa panggugulo na ginawa niya sa GMA-7 compound noong Linggo, November 19.

Sumugod si Susan sa GMA- 7 dahil gusto niyang maging host ng Showbiz Central.


Hindi pinapasok si Susan ng mga alert na security guard ng network dahil nagduda sila sa mga kilos at pananalita ng former actress.

Hindi lamang ang mga security guard ang inaway ni Susan. Napagbuntunan din ng kanyang galit ang mga tao na naki-usyoso sa kanyang pagwawala.

Sa sobrang galit, natanggal ang plaster na nakatakip sa mata ni Susan kaya nabuko na walang diprensya ang kanyang paningin.

Marami ang naawa kay Susan dahil wala ito sa sarili. Malayong-malayo sa Susan na naging leading lady noon sa mga pelikula ng mga sikat na action star.

Ang Showbiz Central ang nakaalam sa current plight ni Susan sa Baguio City. Natagpuan siya na nagtitinda ng mga prutas sa Baguio at sa interbyu sa kanya, ipinahayag niya ang kagustuhan na magbalik sa showbiz.

Naaawa kay Susan ang mga kaibigan niya sa Baguio City dahil hindi na maayos ang kanyang pag-iisip at walang direksyon ang mga sinasabi niya.

Dahil sa feature sa kanya ng Showbiz Central, marami ang naghahanap kay Susan para tulungan ito.

Pero imbes na magpasalamat, inaakusahan niya ang program staff na kumita ng isang milyong piso sa interview sa kanya na ipinalabas sa TV.

*******

Milyong piso ang utang kay Nina ng kanyang ex-boyfriend na si Nyoy Volante.

Nagkausap na ang magkabilang panig, nagkaroon ng amicable settlement, unti-unti nang binabayaran ni Nyoy ang pagkakautang pero may kasunduan na hindi sila magsasalita tungkol sa isyu.

Pero sa presscon para sa bago niyang album na Stay Alive sa Universal Records, pahapyaw na ikinuwento ni Nina sa entertainment press ang naging solusyon sa paniningil niya sa utang sa kanya ni Nyoy.

Ni-reinvent ni Nina ang sarili para sa bago niyang album dahil ito raw ang magpapatunay na walang katotohanan na out na siya sa music scene.

Seksing-seksi si Nina sa kanyang publicity photos. Ipinagmalaki niya na resulta ng matinding work out sa gym ang magandang pangangatawan kaya wala siyang dapat ipagpasalamat sa doktor.

*******

Mula nang umalis ng bansa si BB Gandanghari, marami ang curious na makita ang kanyang itsura ngayon.

Nakahanap kami ng very recent photos ni BB, na hanggang ngayon ay New York-based pa rin. Mahaba pa rin ang buhok ni BB pero medyo ahit na ang kanyang mga kilay.

Ayon sa isang kaibigan, komportable ang pamumuhay ni BB sa New York at wala pa itong plano na bumalik sa Pilipinas.

*******

Naghahanap pa rin ng wedding venue sina Congressman Roman Romulo at Valenzuela City Councilor Shalani Soledad pero tiyak na ang pagpapakasal nila sa January 22, 2012.

Ayaw ni Shalani na magsalita tungkol sa kanyang kasal hangga’t hindi pa kumpleto ang detalye.

May mga balita na magaganap ito sa Tagaytay City ang pero sa pagkakaalam namin, mangyayari ito sa isang bayan na malapit sa nabanggit na lugar.

Marami ang nagulat sa announcement na ikakasal na sina Roman at Shalani dahil walang balita noon na nagliligawan sila.

Kami man ay nagulat sa ” whirlwind romance ” ng dalawa pero nakikita namin sa mukha ni Shalani na maligaya siya sa piling ni Roman.

Nang ipakilala sa amin ni Shalani si Roman, binigyan namin siya ng dalawang libro na puwede niyang basahin habang naghihintay sa kanilang altar date, ang Girl, Get Your Mind Right at We All Married The Wrong Person.

Ano ba talaga?

Filed under: Uncategorized — CabsM0d at 6:06 pm on Friday, November 11, 2011

Mula nang patayIn si Ramgen Revilla noong October 28, nakatutok na kami sa lahat ng mga news program para sa mga update sa kaso.

Nakita namin ang madalas na pagkakamali ng mga newscaster sa paggamit ng wikang Filipino.

Imbes na pinatay, napatay ang palaging sinasabi ng mga tagapag-balita. Hindi yata nila alam ang pagkakaiba ng salitang pinatay sa napatay. Kapag sinabing napatay, hindi sinasadya ang pagpatay sa biktima, at ang pinatay ang tumpak na salita sa isang biktima na sinadyang paslangin.

Binaril ang basketball player na si Ali Peek noong Lunes ng gabi at “nabaril” ang mga headline ng mga news program noong isang araw. Sinadya ang pagbaril kay Ali kaya binaril ang salita na dapat na sinabi ng mga newscaster. Ginagamit ang salitang nabaril kapag hindi sinasadya ang pananakit sa biktima.

*******

Hindi rin wasto ang paggamit ni Rose Eclarinal ng ABS-CBN sa ating sariling wika.

Sa kanyang TV report tungkol kay Gwendoline Ruais, sinabi ni Rose na, “Pagkatapos ng bakasyon sa Paris, sasabakin ni Gwen ang mga obligasyon niya bilang Miss World runner up.”

Havingstead of “sasabakin,” ang dapat na ginamit ay “sasabak.”

*******

Ipinakita kagabi sa TV Patrol ng ABS-CBN ang exclusive photo ni Ali Peek habang naka-confine sa Medical City.

May exclusive photo rin ang 24 Oras ng GMA-7—ang litrato ni Janelle Manahan na naka-confine naman sa Asian Hospital and Medical Center.

Si Janelle ang girlfriend ni Ramgen na itinuturing na star witness sa murder case ng aktor.

Napaluha si Janelle nang malaman nito na suspect sa pagpatay sa kanyang boyfriend ang mga kapatid nito na sina Ramona “Mara” at Ramon Joseph “RJ” Bautista.

Magkakaiba ang tatlong bersiyon ng kuwento ni Ramona tungkol sa tragic incident kaya lalong pinagdudahan na may kinalaman siya sa krimen.

Gaya ng iba nating mga kababayan, nakatutok kami sa imbestigasyon sa pagpatay kay Ramgen. May mga pagkakataon na halos maduling na kami sa maghapon na panonood sa mga news program at pagtutok sa mga online news para malaman ang mga bagong update sa kaso.

Hindi rin namin pinatawad ang mga video na napapanood sa iba’t-ibang websites kaya malinaw na malinaw sa amin ang mga loophole sa mga statement ni Ramona.

Nakakabahala ang magkaibang pahayag ni Ramona sa mga naganap na eksena, ilang minuto matapos barilin at saksakin sina Ramgen at Janelle.

Sa recorded statement nito sa video na ipinadala niya sa ABS-CBN, klaro ang kanyang kuwento tungkol sa pag-uusap nila ni Janelle: “Janelle you’re bleeding. Tatakluban kita. Tinakluban ko po siya ‘tapos sabi niya sa akin, ‘Mara, Mara huwag huwag hindi ako makahinga.’”

Iba ang earlier statement ni Ramona sa phone patch interview sa kanya ng ANC.

Aniya, “Iniwan ko lang po sila doon na namatay. Hindi ko naman alam po na buhay pa sila. Ang alam ko po, wala na po sila. Ang gusto ko lang po, iligtas ang sarili ko.”

Nagkamali ng desisyon si Ramona na magsalita dahil magkakaiba ang kanyang mga pahayag at parang siya na rin ang nag-implicate sa sarili sa krimen. Nagkaroon tuloy ng pagdududa na sinadya niya na “takluban” si Janelle para hindi ito makahinga dahil klaro ang kanyang sinabi sa ANC interview na, “Ang alam ko po, wala na sila. Ang gusto ko lang po, iligtas ang sarili ko.”

Que ERROR!

Filed under: Features — CabsM0d at 8:17 pm on Wednesday, November 2, 2011

Isang high-profile case ang pagpaslang kay Ramgen Revilla dahil anak at kapatid siya ng mga sikat na personalidad sa showbiz at pulitika.

Mula nang patayin si Ram sa sariling bahay sa Parañaque City noong Biyernes, October 28, parang teleserye na sinubaybayan ng taumbayan ang mga development sa kaso.

Nag-unahan din ang mga miyembro ng media sa paghahanap ng scoop na kadalasan ay nagiging sanhi ng mga pagkakamali na hindi maiiwasan.

Ang unang faux pas ay ang paggamit ng Yahoo Philippines sa litrato ni Luigi Revilla sa kanilang report tungkol sa pagpaslang kay Ram.

Anak ni Senator Bong Revilla, Jr. si Luigi kaya gulat na gulat ang young actor dahil maliban sa Yahoo Philippines, ang litrato rin niya ang ginamit sa report ng Manila Bulletin.

Mabilis na pinalitan ng totoong litrato ni Ram ang larawan ni Luigi dahil sa violent reactions ng Netizens.

*******

Iba’t-iba rin ang spelling ng pangalan ni Genelyn Magsaysay na lumabas sa mga newspaper at Internet website.

May mga nagsulat ng Genalyn at Jennylyn pero Genelyn ang correct spelling ng dating aktres na may siyam na anak kay former Senator Ramon Revilla, Sr.

Hindi kami exempted sa pagkakamali dahil imbes na Sr., Jr. ang nailagay namin sa PEP report namin tungkol kay Senator Ramon Sr.

*******

Si Genelyn Magsaysay ang 41-year-old mom ng mga involved sa kontrobersiya,

Pinagkamalan siyang si Jenny Lyn na taga-That’s Entertainment at nakilala sa role ni Galema, ang anak ni Zuma sa  Zuma (1987), pero hindi siya iyon.

Ang tanging nakatala sa IMDB o Internet Movie Database na ginawa niya ay ang Anak Ka ng Tatay Mo, kung saan naging isa siyang “producer.”

Inilabas ang pelikulang ito noong 2004 na pinagbidahan nina Albert Martinez at Snooky Serna. Kasama rin dito ang kanyang anak na si Ram Revilla.

*******

Sa mga diyaryo, Ruel at Roel Puzon ang mga pangalan ng self-confessed hired killer na nagbigay ng testimony sa Parañaque Police at nag-implicate kay Ramon Joseph “RJ” Bautista sa krimen.

Sa live report ni Zyann Ambrosio sa TV Patrol kagabi, Noel Puzon ang binanggit niyang pangalan.

May nagsabi sa amin na sa kabila ng pag-amin at testimony ni “Roel,” hindi ibibigay sa kanya ang five-million-peso reward mula sa Revilla family.

Ang limang milyong piso ang pabuya para sa makapagtuturo sa pumaslang kay Ram.

Hindi namin nakuha ang pangalan ng radio announcer ng DZIQ na nag-react sa report na ang kapatid ni Ram na si Ramon Joseph Bautista ang itinuturo na mastermind sa pagpatay sa aktor.

Buong ningning na nagkomento ang radio announcer na hindi kapatid ni Ram si  Ramon Joseph dahil Revilla ang apelyido ng una at Bautista ang family name ng huli.

Ipinaliwanag ng radio reporter na screen name lamang ang Revilla at naintindihan naman ito ng clueless na radio announcer.

Isinasangkot sa pagpaplano ng pagpatay kay Ram ang kanyang kapatid na si Ramona
“Mara” Bautista.

Bago pa malito ang ilan sa mga clueless, lilinawin na namin na ibang personalidad si Ramona “Mara” sa dating sexy star na si Ramona Rivilla.