| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

AJ Perez’s death

Filed under: Features — CabsM0d at 5:31 am on Tuesday, April 19, 2011

Nag-rate mula pa noong Linggo ang mga TV program na naghatid ng mga balita tungkol sa untimely death ng young actor na si AJ Perez dahil ito ang inaabangan at pinapanood ng mga tao.

Mainstay si AJ ng ASAP Rocks at naungusan nito sa ratings ang Party Pilipinas dahil sa tribute nila sa namayapang aktor.

Naging emosyonal ang cast ng ASAP Rocks sa umpisa ng kanilang programa. Si Gary Valenciano ang nanguna sa pagbibigay ng parangal kay AJ. Isang madamdamin na kanta ang inawit ni Gary habang ipinapakita ng TV camera ang mga lumuluha na mainstays ng ASAP Rocks na pawang nakasuot ng mga kulay puti na damit.

Sinundan ng commercial break ang malungkot na opening scene at nang magbalik ang ASAP Rocks, masigla na ang mga host na sina John Pratts, Nikki Gil, Iya Villania at Christian Bautista alang-alang sa kasabihan na “the show must go on!”

“AJ, itong show na ito para sa’yo!” ang sigaw ni John!

“AJ, walang kasing-init ng araw ngayon ang pagsisimula ng summer 2011…” ang tili ni Nikki Gil.

Kinaya pa namin ang mga spiel nina John at Nikki, pero tuluyan kami na nawindang sa tila wala sa sarili na dialogue ni Iya na, “Kaya guys, si AJ, specifically, just sit back, relax cause you don’t need to go out! We’re bringing summer right into your home!

Anong sit back and relax at you don’t need to go out?

*******

Kung kumpleto ang cast ng ASAP Rocks sa paggunita nila sa alaala ni AJ, hindi nagpahuli ang Party Pilipinas dahil  kumpleto rin ang cast sa stage nang kumpirmahin ni Regine Velasquez ang balita na buntis siya.

Hindi namin sinasabi na ginaya ng Party Pilipinas ang ASAP Rocks pero noong Linggo, napanood ng televiewers ang dalawang hiwaga sa buhay ng mga tao, ang birth and death.

*******

Agad na nagpunta sa unang gabi ng burol ni AJ sa La Salle Greenhills ang mga nagmamahal sa kanya.

Kabilang sa mga nakiramay ang aktres na si Empress Shuck na hindi na naisip ang mga sinasabi dahil na rin siguro sa matinding pagdadalamhati. Ano ang sabi ni Empress sa TV interview sa kanya?

“AJ, alam ko na kasama mo na si God ngayon. Alam ko na siguro naguguluhan ka pero pag dumating naman ang panahon, maiintindihan mo rin yon at magiging happy ka…”

Sa aming palagay, base sa kanyang mga pahayag, si Empress ang naguguluhan, hindi ang kaluluwa ni AJ.

*******

Confused din ang ABS-CBN TV reporter na si Jacque Manabat dahil sa kanyang report kahapon sa Umagang Kay Ganda.

Ang sabi ni Jacque, “Pinky [Webb], hanggang bukas na lang ang burol dito ni AJ. Ililibing naman siya sa Christ The King Parish Church sa Quezon City…”

Ililibing si AJ sa Manila Memorial Park sa Easter Sunday at kung magpupunta si Jacque sa Christ The King Parish Church Greenmeadows, makikita niya na walang libingan ng mga patay sa nasabing simbahan.

*******

Dahil sa sudden demise ni AJ, asahan natin ang mga susunod na balita ng  pagpaparamdam niya  at pagpapakita sa kanyang mga tagahanga dahil ito ang naging
“kalakaran” sa tuwing may mga artista na sumasakabilang-buhay.

May mga tao na pilit na ikinukumpara ang pagpanaw ni AJ sa pagkamatay ni Rico Yan na hindi nararapat.

Nagkataon lang na parehong nagtapos ng high school sina Rico at AJ sa La Salle Greenhills at kapwa sila  mga contract star ng ABS-CBN.

Twenty-seven years old na si Rico nang mamatay dahil sa bangungot noong Good Friday, March 29, 2002; habang vehicular accident, kung saan natusok ng ribs ang kanyang heart at lungs, ang sanhi ng pagpanaw ni AJ sa edad na 18 noong Palm Sunday, April 17, 2011.

Likas sa mga Pilipino ang pagiging emosyonal at  mapagpaniwala sa mga pamahiin kaya palagi silang nakakahanap ng koneksyon at comparison sa mga trahedya na nangyayari hindi lamang sa showbiz kundi pati na rin sa pamumuhay ng mga ordinaryong tao.

Headlines and Sidelines

Filed under: Features — CabsM0d at 9:33 pm on Thursday, April 7, 2011

Naging kontrobersiyal ang Tween star na si Derrick Monasterio dahil sa headline ng isang tabloid na anak siya ni Senator Ping Lacson.

Mabilis na nag-deny ang kampo ni Derrick, na may showbiz connection dahil anak siya ng dating sexy actress na si Tina Monasterio.

Nilinaw ng kampo ni Derrick na Italian-American ang ama ng young actor at ito rin ang sinabi niya sa amin noon.

Ayon kay Derrick, George Crimarco ang pangalan ng kanyang US-based father at may komunikasyon sila.

*******

Ang “mag-body building” sa loob ng Tung Tao Jail sa Stanley, Hong Kong ang bilin ni Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa kanyang anak na si Ronald, na makukulong doon sa loob ng isa at kalahating taon.

Sinabi ni Gov. Chavit kay Ronald na sasabayan niya ang “pagba-body building ” ng anak. Ang pagkakaiba lang, nasa loob ng bilangguan si Ronald at nasa labas siya.

*******

Disappointing ang coverage ng TV media sa mga krimen at mga pangyayari na nagaganap sa ating paligid.

Nang barilin at mapatay ang aktor na si John Apacible, nagpumilit ang isang TV reporter na makapasok sa morgue para kunan ang bangkay ng aktor.

Nakiusap ang TV reporter sa morgue personnel na payagan sila ng kanyang cameraman na makunan kahit ang mga paa ni John. Nagmatigas ang mga tauhan ng morgue sa kanilang desisyon na huwag pagbigyan ang request ng TV reporter kaya nabigo ito.

Kung nanonood kayo ng mga news program, mapapansin ninyo na hindi nga ipinapakita ang mukha ng mga namatay na biktima, pero naka-focus naman ang bahagi ng kanilang katawan tulad ng paa o kamay.

Kahit hindi ipinakita ang kanilang mga mukha, mayaman man sila o mahirap, dapat bigyan ng respeto at dignidad ang mga nasawi. Gugustuhin ba ng mga TV reporter o TV cameramen na ganoon din ang gawin sa kanila?

*******

Dumating kagabi mula sa China ang labi ni Sally Ordinario-Villanueva, ang Pilipina na pinatay sa pamamagitan ng lethal injection dahil napatunayan na guilty sa kasong drug trafficking.

Ang pagdating ng labi ni Sally ang laman ng lahat ng mga news program. At kung hindi mo alam ang puno’t-dulo ng nangyari sa kanya, magpagkakamalan na isang bayani si Sally dahil sa atensyon na ibinigay ng media.

Ganitong-ganito ang scenario noong March 1995 nang iuwi mula sa Singapore ang bangkay ni Flor Contemplacion, ang unang OFW na binitay dahil napatunayan ng korte na guilty siya sa pagpatay sa kapwa OFW na si Delia Maga at sa alaga nito na Singaporean boy.

Galit na galit noon ang mga kababayan natin at militanteng grupo sa pamahalaan ng Singapore dahil sa parusa na ipinataw kay Flor.

Nagkaroon pa ng prayer vigil ang buong bansa para hindi matuloy ang pagbitay, at may live TV coverage pa ito.

Kabilang kami sa mga nagpunta sa San Pablo, Laguna, na nakiusyoso nang iuwi dito ang labi ni Flor.

Libo-libong mga tao ang nakiramay sa naulilang pamilya ni Flor. Dumagsa ang mga government official, naglipana ang mga vendor na nagtitinda ng Justice for Flor t-shirts at tinutukan ng lahat ng mga TV network at radio stations ang ilang araw na burol ni Flor hanggang ilibing ang kanyang labi. Isinalin pa sa pelikula ang kuwento ng buhay niya.

Tinawag noon na bayani si Flor.

Pero makalipas ang ilang buwan, lumabas din ang katotohanan, base na rin sa imbestigasyon ng mga tao na ipinadala ng Philippine government sa Singapore.

Siya ang tunay na killer ni Delia at ng alaga nito.

*******

Napanood namin sa TV ang bahagi ng interview kay Russel Contemplacion, ang anak ni Flor na sinisisi ang pamahalaan sa nangyari sa buhay ng kanyang pamilya.

Hindi raw nakatapos ng pag-aaral ang kanyang mga kapatid dahil hindi tinupad ng gobyerno ang pangako na scholarship.

Napakadali kay Russel at sa ibang mga kababayan natin na maghanap ng sisi sa naging miserable na takbo ng kanilang pamumuhay, pero hindi natin siya narinig na nagreklamo noong nakatanggap sila ng mga financial help mula sa mga concerned citizen na naawa sa kanila at naniwala na inosente ang ina nila.