| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Hiwalay? Hiwalay! Hiwalay.

Filed under: Features — CabsM0d at 8:40 pm on Monday, March 28, 2011

Ilang linggo nang laman ng mga blind item sa mga gossip column ang balita tungkol sa paghihiwalay ng isang politician at ng kanyang misis.

Ang bulung-bulungan, sina Senator Francis “Chiz” Escudero at Christine Elizabeth Flores ang tinutukoy. Walang kumpirmasyon mula sa kampo ng mag-asawa kaya walang makapagsabi kung totoo ang mga kumakalat na balita.

Kahapon, Linggo, 2:10 p.m., nagpunta kami sa Trinoma branch ng Healthy Options para bumili ng toiletries.

Dito namin nakita si Christine kasama ang Maneouvres member na si Jason Zamora.

Para makatiyak na si Christine nga ang aming nakita, binuksan namin ang aming iPad at tiningan sa Google ang kanyang litrato na kasama si Senator Chiz.

Si Christine nga ang babae na aming nakita. Nakasuot siya ng white blouse at khaki shorts. White shirt, fatigue shorts at cap naman ang outfit ni Jason.

Si Jason ang nagbayad ng mga pinamili nila ni Christine sa Healthy Options dahil pumunta ang huli sa Marks & Spencer store. Pagkatapos magbayad, sinundan ni Jason si Christine sa tindahan na pinuntahan nito.

(EDITOR’S NOTE: Ipinaabot ng PEP ang balita sa kampo ng senador. Subalit wala pa itong reaksiyon. Bukas ang website para sa pahayag ng mga taong nabanggit dito.)

********
Hiwalay na ang mag-inang Marlene Aguilar at Jason Ivler dahil nakakulong ang huli sa Quezon City Jail.

Sa guesting niya sa “Don’t Lie To Me” segment ng Showbiz Central kahapon, muling sinabi ni Marlene ang sobrang pagmamahal niya sa anak na nakapiit dahil sa double murder case.

Inamin ni Marlene na may halong “acting” ang mga pagpapainterbyu niya dahil nag-aral siya sa Eric Morris School of Acting sa New York.

Sa tanong kung may pagkukulang siya bilang ina, walang kagatol-gatol na “oo” ang sagot ni Marlene. Bakit? Hindi raw niya naturuan na magsalita ng Ilocano dialect si Jason kaya pinagsabihan siya ng kanyang anak na turuan na magsalita ng Ilocano ang bunsong kapatid.

*******

Nakipag-hiwalay daw si Angelica Jones kay Illac Diaz noong panahon na nakikipag-date sa kanya ang businessman dahil nabalitaan niya na may ibang babaeng ka-date umano ang dating model.

Umiiyak at humihikbi si Angelica habang iniinterbyu siya ni Raymond Gutierrez para sa Showbiz Central at binabalikan ang nakaraan nila ni Illac.

May pagkakataon pa na parang magha-hyperventilate si Angelica dahil sa sobrang paghagulgol ng iyak.

Unlike Marlene, hindi naitanong kay Angelica kung may halong acting ang kanyang pag-iyak sa tuwing nagpapainterbyu siya sa mga showbiz-oriented talk show.

*******

Nagkahiwalay sina Anna Lea Javier at John Apacible dahil sa dalawang tama ng bala sa dibdib ng baril na kumitil sa buhay ng 38-year-old actor.

Facebook friend namin si Anna Lea at sa tuwing nababasa namin ang mga post niya, matinding awa ang aming nararamdaman para sa kanya dahil nahihirapan siya na matanggap ang maagang pagkawala ni John.

“Truth is, I wanted to grow old with him, hold his hand like this forever, I’ll wait for the time na magkikita kame ulit, It’s hard letting go of the person I have always loved (and will still love forever) especially knowing that i will never have him ever again but I am COMFORTED by the knowledge that John is already home with our Lord and someday, in God’s perfect time, we will have a reunion and meet again. I love you BIBI…I always will.,” ang ilan sa mga nakakaantig-damdamin na FB post ni Anna Lea tungkol sa kanyang dakilang pagmamahal kay John.

Himala…at Haka-haka!

Filed under: Features — CabsM0d at 9:27 pm on Wednesday, March 23, 2011

Pinanonood namin ang Himala sa ACT Theater sa Cubao noong December 1982, nang biglang lumindol. Sakto sa eksena kung saan isinisigaw ni Nora Aunor bilang Elsa ang classic lines na “Walang himala…! Ang himala ay nasa puso ng tao,” na ipinapakita sa wide screen.

Malakas ang lindol na naramdaman ng mga tao sa loob ng sinehan na matagal nang nagsara, pero hindi sila nag-panic. Lahat kami ay nanatili sa pagkakaupo at isa itong maituturing na himala dahil walang nasaktan at nag-unahan na makalabas.

*******

Hindi namin naramdaman ang malakas ng lindol na yumanig sa Metro Manila noong Lunes, March 21, habang nagbibihis at naghahanda kami sa pagpunta sa presscon ng Bampirella, ang horror-comedy show ni Marian Rivera.

Nakatira kami sa 12th floor at himala na hindi namin naramdaman ang paggalaw ng condo building. Nalaman na lang namin ang paglindol nang bumaba kami sa lobby at nakita namin ang pagtitipun-tipon ng mga tao na nag-panic, agad na bumaba, at lumabas mula sa condo buildiing.

Hindi rin naramdaman ni Marian ang naganap na lindol dahil nasa sasakyan na siya at papunta sa GMA Network Center, kung saan naganap ang presscon para sa bago niyang show.

Nakatira si Marian sa 22nd floor ng isang mataas na building sa Makati City. “Hindi” ang sagot ni Marian nang tanungin ito kung natatakot siya sa lindol. Kung hindi natatakot si Marian na nakatira sa 22nd floor, kami pa kaya na nakatira lang sa 12th floor?

*******

Gusto namin ang mga paalala at paghahanda na ginagawa ng ating mga government official kung sakaling magkaroon ng malakas na lindol sa ating bansa.

Pero likas na emosyonal at kadalasan, over-acting ang reaksyon ng ilan sa mga kababayan natin. Kung hindi naman napanood sa TV ang disaster na dulot ng lindol sa New Zealand at Japan, hindi sila matataranta.

Meron diyan na kung magkuwento tungkol sa lindol, parang siya lang ang nakaramdam. OA din ang reaction sa Twitter dahil kung nasa ibang bansa ang nagbabasa ng mga tweet, iisipin nila na kasing-lakas ng lindol sa Japan ang naranasan sa Luzon noong Lunes.

Sa kabilang banda, maganda ang ginagawa ng mga news program ng mga TV network dahil bago pa man nagkaroon ng lindol at tsunami sa Japan, naglalabas na sila ng mga balita tungkol sa lindol na puwedeng mangyari sa ating bansa at sa mga paghahanda na dapat na gawin.

Isa lang ang hindi namin gusto, ang pagbibigay nila ng airtime sa mga false prophet na nagsasabi na magkakaroon ng malakas na lindol sa Pilipinas sa pagitan ng March 16, 2011 at March 16, 2012.

Mabentang-mabenta sa masa ang mga ganitong klase ng balita pero sana lang, nagbibigay ng disclaimer ang mga news anchor, dahil ang mga ganoong klase ng pahayag ang nagbibigay ng takot sa iba nating mga kababayan.

Napagalitan namin ang isang kaibigan na naniwala sa prediction na napanood sa TV at ipinasa niya sa ibang tao sa pamamagitan ng text messaging.

Nakakadismaya ang kanyang ginawa dahil mas pinairal niya ang paniniwala sa hula ng mga false prophet kesa sa pananalig sa Diyos.

College graduate mula sa isang reputable school ang aming kaibigan na naniwala sa hula. Paano kung ang mga Pilipino na simple lang ang pag-iisip, hindi nakatapos ng pag-aaral, at madaling maniwala sa mga walang basehan na balita ang nakapanood sa deklarasyon ng manghuhula na mawawala sa mapa ang Metro Manila dahil sa malakas na lindol sa mga petsa na kanyang sinabi? Pray, tell me…

Rapunsarah, Hindi na Munting Prinsesa

Filed under: Opinion — CabsM0d at 7:16 pm on Wednesday, March 2, 2011

Pinag-uusapan ang 39-page article sa March 2011 edition ng YES! Magazine tungkol sa unang heartbreak ni Sarah Geronimo.

Iba’t-iba ang reaksyon ng mga nakabasa sa well-written at well-researched story na pinagpuyatan, pinagpaguran at nagbigay ng matinding stress sa staff ng YES!

Kung may mga pumupuri sa pag-aalaga kay Sarah ng kanyang mga magulang, may mga nagsasabi rin na hindi na tama ang sobrang proteksyon na ibinibigay nila sa kanilang anak.

May mga nagkukumpara sa mag-inang Divine at Sarah kina Rapunzel at Mother Gothel ng Tangled, ang endearing movie ng Walt Disney Productions.

Si Mother Gothel ang main antagonist sa Tangled. Ninakaw niya si Rapunzel mula sa mga magulang nito, pinalaki at ikinulong sa isang tore, at pinaniwala si Rapunzel na siya ang tunay na ina. May sariling kanta si Mother Gothel sa Tangled, ang Mother Knows Best.

Si Sarah ang kinikilala sa ating bansa bilang Pop Princess kaya may mga tumatawag sa kanya na Princess Sarah.

Tulad ni Rapunzel, marami nang gustong madiskubre si Sarah tungkol sa mundo. Kung pagbabasehan ang accounts ng YES!, handa nang magmahal si Sarah pero hindi pa handa ang kanyang mga magulang na makipagrelasyon siya, lalo na si Divine.

Tunay na ina ni Sarah si Divine kaya malaki ang karapatan nito na gabayan ang kanyang anak. Tulad ni Mother Gothel, buo ang paniniwala ni Divine na “mother knows best.”

*******

Si Mark Herras ang pumasok sa aming isip nang mabasa namin ang kuwento ni Rayver Cruz na si Sarah ang unang gumawa ng paraan na maging magkaibigan sila.

“Ako naman talaga ‘yong unang nakatanggap ng email na galing sa kanya,” the young actor said. ” So, nagulat ako, kasi hindi ko alam kung siya talaga. Tsinek ko kung si Sarah ba talaga ‘to, ganyan, ganyan. Tapos oo.

“Siya naman talaga ‘yong nauna na nakipagkaibigan. So, natuwa ako.”

Sa page 86, nabanggit pa na, “Sarah’s email message was cute and seemingly going nowhere: ‘Hi.’ The greeting was followed, Rayver recalls, by a smiley, the ’smiling face’ icon used in electronic communication.”

Naalaala namin si Mark dahil nakatanggap din siya ng online message mula kay Sarah sa kanyang Facebook account. “Hi” din ang message na ipinagtaka at ikinagulat ni Mark dahil hindi nito inaasahan na makakatanggap siya ng message mula kay Sarah.

At that time, nagsasalita na si Sarah sa press tungkol sa secret crush niya at isang clue ang ibinigay ng Pop Princess, mahusay sumayaw ang kanyang lihim na crush.

For a while, naghinala ang mga tao sa paligid ni Mark na siya ang tinutukoy na secret crush ni Sarah.

*******

May mga mga miyembro ng entertainment press na na-disappoint nang mabasa nila na walang reporter na pinapayagan ang mga magulang na maging malapit sa kanilang anak. Na dini-discourage nila ang personal relationship sa pagitan ni Sarah at ng entertainment writers…

May mga na-offend na entertaintment writers dahil kaibigan ang turing nila sa Geronimo family. Sila ang entertainment reporters na nagtatanggol kay Sarah kapag nasasangkot ito sa mga kontrobersiya. Sila ang mga reporter na walang hinihintay na kapalit o pasasalamat mula kay Sarah at sa mga magulang nito.

Sila ang mga reporter na hindi natatandaan ni Sarah at ng mga mga magulang nito ang mga pangalan at mukha kahit maraming beses na silang nagkikita sa mga presscon at showbiz event.

*******

Para kay Divine, mother knows best pero kung maririnig niya ang mga komento ng mga tao, posible na masaktan siya.

Marami ang naaawa kay Sarah dahil sa kanilang opinyon, wala sa lugar ang paghihigpit ng kanyang mga magulang. May mga nagsasabi na matatakot na ang mga lalake na manligaw kay Sarah at may nag-aalala na baka dumating ang araw na magrebelde si Sarah, tulad nang ginawa ni Rapunzel kay Mother Gothel.