| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Rest in peace, Leo Rabago…

Filed under: Features — CabsM0d at 7:30 pm on Friday, February 11, 2011

Naging padalus-padalos ang ibang PEPster sa pagsasabing hindi nabigyan ng dignidad ang pagkamatay ni Leo Rabago sa aming report na naka-confine at namatay siya sa charity ward ng Eulogio Amang Rodriguez Medical Center, Marikina City, kagabi, Pebrero 10.

Wala sa isip namin na bigyan ng malisya ang factual report, kung saan binanggit ang pinangyarihan ng malungkot na insidente, na nailathala sa PEP. (CLICK HERE to read related article.)

Wala kaming intensiyon na “i-down ” ang kalagayan ng yumaong actor/model, tulad ng ibinibintang ng mga PEPsters na madaling maghusga pero hindi alam ang tunay na kuwento at pangyayari.

For the record, hindi hearsay o kuwento na narinig mula sa ibang tao ang aming PEP report dahil nasa ospital kami, ilang minuto matapos mamatay si Leo.

Kasama ang mga kaibigang sina Doc Gamboa at Angel Launol, nagpunta kami sa ospital para dalawin si Leo at magbigay ng tulong pero huli na nang dumating kami dahil kamamatay lamang niya.

Ang pinsan ni Leo na si Liza Mercado ang aming nakausap at nagkuwento tungkol sa malungkot na huling sandali ng buhay ng naging superstar sa modeling world noong dekada ‘80.

Si Liza ang nagyaya sa amin na tingnan ang bangkay ni Leo na hindi pa inaalis mula sa kanyang death bed.

Kalabisan na kung ikukuwento pa namin ang mga eksena na aming nasaksihan na hanggang ngayon ay ikinaka-depress nina Doc at Angel, dahil baka maakusahan uli kami na nang-aalis ng dignidad ng isang tao.

Nalungkot kami, hindi lamang sa nangyari kay Leo, kundi pati na rin sa sitwasyon ng mga pasyente na naabutan namin sa hospital ward na aming pinasok.

Nakakalungkot ang opinyon ng ibang tao na inalisan namin si Leo ng dignidad dahil sa aming isinulat na naka-confine siya sa charity ward. Mali ang kanilang interpretation.

At kung sa tingin nila na nawalan ng dignidad si Leo dahil sa aming report, bakit hindi sila magpadala ng financial help para kay Leo at sa naulilang pamilya nito?

Hindi ba pang-aalis din ng dignidad ng kapwa ang bigyan ng ibang interpretation at malisya ang isang factual report? Pray tell.

*******

Hindi namin nakuha ang last name ni Bobit, ang kaibigan ni Leo na nag-alaga sa kanya hanggang sa huling sandali ng buhay niya.

Ikinuwento lang ni Liza na konektado si Bobit sa GMA-7 at ito ang matiyagang nagbantay sa may sakit na model-actor. Nagkita kami ni Bobit sa ospital pero hindi kami nabigyan ng pagkakataon na maipakilala sa isa’t-isa.

Kahanga-hanga ang mga kabutihang ginawa niya para kay Leo.
Sa aming pagkakaalam, pito ang panganay na anak ni Leo. Ang kanyang panganay na anak na babae ang kaharap nang mamatay siya.

Ikinuwento ni Liza na mahal na mahal ni Leo ang bunsong anak at gusto nilang hiramin ang bata mula sa ina nito para makita siya ng kanyang ama sa huling pagkakataon.

Ang bunsong anak ang tinutukoy ni Leo sa interbyu ng GMA News nang makulong siya noong 2009 dahil sa pananaksak sa kanyang bayaw. Sa nabanggit na interbyu, sinabi ni Leo na ang bunsong anak ang dahilan kaya huminto siya sa pag-aartista. Pigil ang luha ni Leo nang sabihin nito na birthday ng kanyang anak nang araw na ‘yon at hindi sila makakapag-celebrate dahil nakakulong nga siya.

*******

May matandang kasabihan ang mga Pilipino na dapat pumunta o magpagpag sa ibang lugar bago umuwi ng bahay kapag bumisita sa isang namatay o nanggaling sa burol.

Ganito ang ginawa namin nina Doc at Angel pagkatapos naming manggaling sa Eulogio Rodriguez Medical Center.

Habang nasa loob ng sasakyan, mapapansing malaki ang epekto kina Doc at Angel ang mga eksena na nasaksihan namin sa hospital ward. Nagsalita si Doc na pakiramdam niya, colon cancer din ang kanyang ikamamatay. Upset na upset naman si Angel dahil paulit-ulit nitong sinasabi ang mga eksena na kanyang nakita.

Bago kami nagpunta sa isang restaurant para “magpagpag,” nagpunta kami nina Doc at Angel sa isang drug store. Bumili ako ng Red Juice. At sa takot niya na magkaroon ng colon cancer, napabili rin si Doc lalo na nang marinig niyang magaling na panglinis ng digestive system at nakakatulong sa pagpapababa ng blood sugar at cholesterol ang Red Juice.