| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Fathers

Filed under: Features — CabsM0d at 3:12 pm on Wednesday, January 26, 2011

Napaiyak si Nonito Donaire, Sr. habang kausap namin siya sa telepono. Gumaralgal ang boses at tuluyang napaluha ang tatay ni Nonito Donaire, Jr., nang itanong namin kung mahal pa niya ang anak.

Sinabi ni Nonito Sr. na mahal na mahal at nami-miss niya si Junjun (palayaw ni Nonito Jr.). Inamin ni Nonito Sr. na nagkahiwalay sila noon ng kanyang misis na si Imelda at nagkaroon siya ng relasyon sa ibang babae.

Ang pagkakaroon niya ng girlfriend ang dahilan kaya nagsalita si Junjun sa ina nito na “karma” ang nangyayari sa kanya (Nonito Sr.). May cyst sa magkabilang kidney ang ama ng Filipino boxing champ.

*******

Nasaktan si Nonito Sr. nang sabihin ng sariling anak na nakakarma siya ngayon.

Nakitira raw noon si Junjun sa bahay nila ng kanyang girlfriend. Sila ang nagbigay sa lahat ng pangangailangan (board and lodging) ni Junjun dahil wala itong trabaho.

Masakit para kay Nonito Sr. ang mga paratang ng Jr. niya, kaya nangako siya na hindi-hinding lalapit o hihingi ng tulong sa kanyang anak.

*******

Ang pusong ama rin ang umiral kay Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson para sa kanyang anak na si Ronald, na nakatakda nang maghain bukas sa Hong Kong court ng guilty plead para sa kasong illegal possession of drugs.

Kung napaluha si Nonito Sr. sa trato sa kanya ng anak. Matatag at matapang si Governor Chavit sa malaking problema na hinaharap ngayon ni Ronald. Hindi raw siya napaiyak dahil 28 years ago nang huling lumuha ang matapang na gobernador.

“Hindi ako umiyak buong buhay ko. Minsan lang ako umiyak, noong binawalan kami na dumalaw kay Ninoy Aquino. Dahil malapit na malapit sa akin si Ninoy, palagi kong kasama, noong araw pa. Pinapahiram niya ako ng mga eroplano, helicopter, bullet proof…talagang malapit sa akin.

“Noong mamatay, hindi kami makadalaw, pero dumalaw rin ako sa Sto. Domingo. Doon lang ako naiyak. After that, yun lang ang na-experience ko. Naiyak ako dahil pinipigilan ako na makapunta sa kaibigan mo.

“Hindi naman ako naiyak sa kaso ni Ronald pero nakaka-depress yung mga ayaw umintindi talaga. I hope yung mga bumabatikos, hindi mangyari sa kanila na maging biktima rin ang mga anak nila, pamilya nila.”

*******

Ang pagkamatay ng kanyang ama noong 19 years old siya ang ibinigay na dahilan ni Baron Geisler kaya naging alcoholic siya. Naintindihan namin si Baron nang sabihin nito na dinamdam niya nang husto ang pagkawala ng ama kaya lalong tumindi ang kanyang alcohol addiction.

Pero mahirap intindihin at tanggapin ang pahayag ni Baron sa The Buzz noong Linggo na, “God breaks you to make you,” dahil sa mga pagsubok na dumarating sa buhay niya, tulad ng pambabastos na ibinibintang sa kanya ni Cherrie Pie Picache.

Dapat ipaalala kay Baron na nasangkot ito sa mga eskandalo dahil nawawalan siya ng self-control sa tuwing nalalasing. Walang kinalaman ang Diyos sa mga bintang sa kanya nina Patrizha Martinez, Yasmien Kurdi at Julia Clarete.

Nangyari ang mga nangyari dahil sa sariling kagagawan niya . Siya ang nag-break sa kanyang sarili, hindi si God.