Jojo Gabinete: Cabinet Files

“Gabi Ng Parangal” behind the scenes and boo-boos

Filed under: Opinion — CabsM0d at 2:50 pm on Monday, December 27, 2010

Kapani-paniwala na walang leakage sa mga mananalo sa Gabi ng Parangal ng 36th Metro Manila Film Festival dahil walang maisagot ang mga tinanong namin, ilang minuto bago nag-umpisa kagabi, ika-26 ng Disyembre, ang programa na ginanap sa Meralco Theater.

Maraming taon na naging casting director kami ng mga awards night at base sa aming karanasan, nalalaman agad namin ang mga mananalo. Pero kakaiba kagabi dahil clueless maging ang board of jurors na nadagdagan ng isang bus driver, teacher, OFW at housewife.

Si Ai-Ai Delas Alas ang best actress ng 36th Metro Manila Film Festival.

Iilan ang nakakaalam na tensiyonadang-tensiyonada si Ai-Ai habang nagaganap ang awarding ceremony.

Maraming beses na nagplano si Ai-Ai na umuwi na lang ng bahay dahil sa sobrang tensiyon, lalo na nang magsimulang manalo ng sunud-sunod na award ang kanyang pelikula, Ang Tanging Ina Mo.

Ang sobrang nerbiyos ang dahilan kaya pagkatapos ipakilala ang mga pelikula na kalahok sa MMFF, hindi na umalis sa backstage si Ai-Ai, kahit ipinareserba ni Kris Aquino ang isang hilera ng upuan sa audience gallery para magkatabi sila.

Nakadagdag din sa tensiyon ni Ai-Ai ang sinabi sa kanya ni Kris na ” Asa ka pa?” dahil malakas ang balita na malaki ang tsansa ni Jennylyn Mercado na manalo sa best actress category.

*******

Isang beses na nagpatawag ng presscon ang Star Cinema para sa Ang Tanging Ina Mo pero hanggang ngayon, patuloy ang paglabas ng maraming publicity tungkol sa filmfest movie ni Ai-Ai.

Unknown to Star Cinema people, personal na nilapitan at hiningi ni Ai-Ai ang suporta ng kanyang mga kaibigan sa media para sa continous publicity ng kanyang multi-awarded movie.

Hindi nasayang ang pagod ni Ai-Ai dahil ang Ang Tanging Ina Mo ang big winner sa MMFF awards night dahil nakuha ng kanyang pelikula ang major awards.

Dahil siya ang best actress winner, hindi na matutuloy ang plano ni Ai-Ai na magbakasyon sa ibang bansa kung sakaling natalo siya.

*******

Sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang mga nanalo ng special award na best-dressed actors.

Ang cosmetologist na si Ellen Lising ang sponsor ng special awards na napanalunan nina Jennylyn at Dennis.

Marami sa mga artista ang higit at karapat-dapat na manalo pero hindi qualified dahil mga endorser sila ng mga kalaban ng beauty clinic ni Ellen.

Na-take two ang pagtanggap nina Dennis at Jennylyn ng kanilang mga special award dahil hindi kaagad nakaakyat sa stage si Ellen.

Apektado rin  ang pagtanggap ni Albert Martinez sa best supporting actor award ni Dolphy dahil masisira ang continuity kung hindi uulitin ang eksena.

*******

Nabahiran ng pulitika ang awards night ng MMFF dahil sa mga babaeng kongresista na binigyan ng special participation bilang mga award presenter.

Take two o dalawang beses na ipinaulit kay House Representative Monique Lagdameo ang announcement niya sa top three nominees sa best supporting actor category pero hindi naituwid ng production staff ang kanyang pagkakamali.

“And the top THREE  best supporting actor nominees are Alwin Uytingco, Roy Alvarez, Sid Lucero and Dolphy!”

Three? Apat kaya sila?

*******

Hindi nagpatalo kay House Representative Monique Lagdameo si House Representative Tricia Bonoan.

With full confidence ang announcement  ni House Representative Bonoan na si MR. Mel del Rosario ang nanalo ng best story award!

“Babae po si Mel!” ang maagap na pagtutuwid ng direktor na si Wenn Deramas nang tanggapin niya ang best story trophy ni Mel.

Hubert’s Homecoming

Filed under: Features — CabsM0d at 12:10 am on Wednesday, December 22, 2010

Biktima ng over-exposure si Hubert Webb sa mga unang araw ng kanyang paglaya mula sa New Bilibid Prisons dahil binantayan ng media ang bawat kilos niya. Sinundan ng mga TV camera ang lahat ng lugar na kanyang pinuntahan, at sa pangalawang araw ng paglaya ni Hubert, maaga siya sa studio ng ABS-CBN para sa live guesting niya sa Umagang Kay Ganda.

Sa kabila ng labinlimang taon na pagkakakulong, mahusay pa rin si Hubert na sumagot maliban sa isang tanong ni UKG host Anthony Taberna.

Naging kaibigan ni Hubert sa loob ng NBP si former Calauan Mayor Antonio Sanchez, ang mastermind sa pang-aabuso at pagpatay noong 1993 sa magkasintahan na sina Aileen Sarmenta at Allan Gomez.

Napabuntong-hininga kami nang malalim at nagkaroon ng realization na dapat limitahan ng Webb family ang mga live TV interview ni Hubert dahil sa pahayag nito na sa kanyang opinyon, walang kasalanan si Sanchez sa Sarmenta-Gomez slaying case.

*******

Maganda ang coverage ng TV5 sa paglaya ni Hubert at sa mga kapwa akusado nito sa Vizconde massacre noong  December 14 dahil nakatutok sa kanya si Paolo Bediones.

Exclusive ang mga interbyu ni Paolo. At dahil halos hindi niya nilalayuan si Hubert, napansin namin ang kanilang strong resemblance nila sa isa’t-isa.

Habang pinanonood namin ang mga kaganapan sa loob ng NBP, nagpadala kami ng text message kay Paolo. Ang aming message, magkamukha sila ni Hubert.

Wala kaming natanggap na sagot mula kay Paolo. Inisip namin na abalang-abala siya sa kanyang coverage.

Kinagabihan, muli kaming nagpadala ng text message kay Paolo.Itinanong namin sa kanya ang mga memorable experience sa coverage niya sa paglaya ni Hubert, maliban sa malaking pagkakahawig nila. Again, wala kaming natanggap na sagot mula kay Paolo na dating mabilis at mabilis sumagot sa mga text message na ipinadadala namin sa kanya.

Tatlo ang naisip namin na dahilan sa hindi pagsagot ni Paolo.

A) Masyadong busy si Paolo para sumagot.

B) Nagpalit siya ng cellphone number.

C) Hindi siya natutuwa sa aming opinyon na magkahawig sila ni Hubert.

*******

Nakita rin sa loob ng NBP si Booma Cruz, ang contributing editor ng Newsbreak at producer ng Cheche Lazaro Presents: Dalawang Mukha ng Hustisya, ang TV documentary special tungkol kina Freddie Webb at Lauro Vizconde na ipinalabas sa ABS-CBN noong October 17, 2010.

Nagustuhan namin ang balanced presentation ng Cheche Lazaro Presents at dito namin napanood ang binitiwang salita ni Hubert na lalabas lamang ito ng kulungan kapag lalaya na siya nang tuluyan. Nagkatotoo ang pahayag ni Hubert dahil nakalabas siya ng NBP, dalawang buwan matapos ipalabas sa TV ang Dalawang Mukha ng Hustisya.

Hindi pa tapos ang pagsubaybay ni Booma at ng kanyang grupo sa mga pangunahing tauhan na sangkot sa Vizconde massacre dahil sila ang gumagawa ng documentary na ipalalabas sa History Channel.

*******

Pinatunayan ng magkapatid na Phil at James Younghusband na hindi sila mga “Younghasbeen” tulad ng madalas sabihin ng kanilang former manager na si Joyce Ramirez.

Natalo man ang Azkals, ang Philippine football team, sa second leg ng semis match laban sa Indonesia noong Linggo, December 19. Ipinakita nila ang husay sa paglalaro ng football at ang pagkakaroon ng libo-libong fans sa Indonesia.

Sina Phil at James ang favorite topic ng mga Indonesian sa kanilang mga Twitter account.Popular na popular ang magkapatid sa Indonesia, maliban sa veteran sports analyst at commentator na si Ronnie Nathanielz.

Magkapatid man sina Phil at James, hindi sila magkamukha kaya nagtataka kami dahil hirap si Nathanielz na matandaan kung sino ang sino. Ang pangalan ni James ang madalas sabihin ni Nathanielz sa tuwing si Phil ang nasa TV screen sa live coverage ng Studio 23 sa football match ng Indonesia at Pilipinas noong Linggo.

Ex men

Filed under: Uncategorized — CabsM0d at 8:40 pm on Monday, December 13, 2010

Engaged na ang Survivor Philippines Palau castaway at Tweetbiz reporter na si Justine Ferrer sa kanyang American boyfriend na si Richard Lyle.

Retired military man si Richard at nagkakilala sila ni Justine sa isang social networking site. Ayon kay Justine, hindi kaagad nalaman ni Richard ang tunay na pagkatao niya  dahil “female” ang gender na naka-post sa kanyang Facebook account. Naging “babae” ang 26-year-old Survivor castaway nang sumailalim siya sa sex change operation noong 2006.

“Hindi pa niya nalaman ang pagkatao ko kasi nakalagay sa FB status ko, female. Nakalimutan ko na palitan. Diniretso ko siya. Sinabi ko sa kanya na hindi ako totoong babae. Nag-pause siya nang konti. ‘Tapos sabi niya, “Talaga? Hindi halata ha?

“Ipinagtapat ko lahat na nag-undergo na ako ng surgeries pero noong late part na ‘yon kasi ayokong gustuhin niya ako kung ano ang meron na ako. Gusto ko, magustuhan niya ako bilang ako na operada man ako o hindi. Mahalin niya ako kasi kahit pagbali-baligtarin man natin ang mundo, hindi pa rin ako totoong babae.Yun ang gusto ko na malaman niya at mahalin niya ako…sa katotohanan.”

******

January 7, 1981, nang maging “babae” ang noon ay 35-year-old registered nurse na si Celedonio Ganzon, na kilala ngayon bilang Donita Ganzon Gold, ang Filipino na kinasuhan ang US Citizenship and Immigration Services noong 2004.


Idinemanda ni Donita ang USIS dahil hindi nito binigyan ng green card ang kanyang “Filipino husband” na si Jiffy Javellana. Tumanggi ang USIS na bigyan ng green card si Jiffy dahil naging honest si Donita nang sabihin nito sa immigrationion officer na nag-interbyu sa kanya na dati siyang lalake.

Big news sa buong mundo noong 2004 ang kaso dahil si Donita ang kauna-unahang transsexual na lumaban sa desisyon ng USIS.

*******

Worth two hundred thousand pesos ang halaga ng engagement ring na natanggap ni Justine mula sa kanyang American boyfriend at plano na nilang magpakasal sa Massachusets, USA, dahil pinapayagan dito ang same-sex marriage.

Hindi makapaniwala si Justine na may isang straight na lalake na mag-aalok sa kanya ng kasal dahil na-trauma na siya noon sa pakikipagrelasyon sa isang Japanese. Limang taon ang itinagal ng relasyon ni Justine at ng Hapon pero nagkahiwalay rin sila.

“Ang sabi nga ni Richard, hindi ko naisip na magkakagusto sa katulad ko dahil lalake ako, may asawa ako, may mga anak ako, at ito nga first time ko ito (na magmahal ng transsexual) pero iba raw yung nararamdaman niya para sa akin.

“Hindi ako magpapakasal as female or male siya. Same sex marriage naman. Hindi naman ako magpapanggap na babae dahil legal doon ang same-sex marriage.

“Tumatanda na rin kasi ako. Iniisip ko kung maghihintay pa ako, maghahanap pa ako, magiging mapili pa ako, e, okey naman siya. Mabait naman siya, responsible. Kung maghihintay pa ako, baka mauwi sa wala. Nangangarap din ako na maging housewife.

“Ang sa akin lang, e, at least, nakahanap ako ng tao na minahal ako kung anuman ako at alam ko na hindi ako iiwan, hindi ako paglalaruan. Alam ko na mahal talaga ako.

“Kahit gawin pa niya ako na tagapag-alaga, kung alam ko na mahal niya ako, okey lang ‘yon sa akin..”

*******

Retired nurse na si Donita at umuwi siya ng Pilipinas noong nakaraang buwan, matapos ang maraming taon na paninirahan sa California.

Nangangarap si Donita na kumandidato sa susunod na eleksyon para makapaglingkod siya sa bayan. Gusto rin niyang matupad ang pangarap na maging artista at makahanap ng lalake na magmamahal sa kanya.

Si Donita ang author ng kanyang biography book na may pamagat na Overnight Woman.

Dahil maganda at talagang mukhang babae, maraming lalake na naging karelasyon si Donita. May mga nag-alok ng kasal pero sa kanyang biography book, ipinagtapat niya ang nararamdamang emptiness.

Aniya, “I now knew that time had expired for me to find a man that I could be married to. Between fame and fortune versus having a happy married life, I would choose the latter anytime. I think having a husband and a happy family would be the ‘acme.’ I am not giving up in finding the right person…”

*******

Natupad ang pangarap ni Justine na maging babae dahil sa modern science pero may kapalit ito, ang pagkawala ng kanyang kakayahan na lumigaya sa sex at ang psychological effect na dulot ng operasyon.



“Heto ang nakakaloka…hindi pa kami kasal, di ba? Wala pa talagang penetration na nangyayari. Nakakalokang salita pero walang sex…wala pa…Mahirap talaga sa part ko. Aaminin ko, mahal ko siya pero sa sex part, hindi ko na hinahanap. Nakasanayan ko kasi na wala ‘yon sa buhay ko. Parang it takes a lot of effort..Kailangan siguro uminom pa ako, malasing ako, manood ako ng kung ano-ano na hindi ko gawain…na mahirap para sa akin.

“Sinasabi ko kay Richard, can you wait? Sabi naman niya oo. Kapag nagpa-sex change, hindi na normal, sinabi ko sa kanya noon pa na hindi na ako normal. Madali akong mabagot, uminit ang ulo pero sa panahon ngayon, nakokontrol na. Dati, hindi…Dati parang ang bigat-bigat ng mga problema ko. Bigla na lang akong iiyak.

“Sinabi ko kay Richard na i-focus namin ang relasyon sa companionship, hindi dahil sa sex. Usually kasi, ang mga Pilipino, kapag Afam ang dyowa, akala nila sex lang ang habol.”

*******

Tulad ni Justine, dumanas ng maraming kabiguan sa pag-ibig si Donita. At nangyayari ito kapag nalalaman ng kanyang mga nakakarelasyon na dating lalake rin siya.

“All my life, I seemed to be always alone and having difficulty to belong…My being different was probably a curse or a blessing…I plan on capitalizing on it…showbusiness or politics…”

Concert notes

Filed under: Features — CabsM0d at 3:20 pm on Thursday, December 2, 2010

Nagustuhan namin ang pagkanta ni Charice Pempengco ng “Jingle Bell Rock” at “Grown-up Christmas List” sa 78th Annual Christmas Tree Lighting sa Rockefeller Center, New York, noong November 30.

Kakaiba ang confidence na ipinakita ni Charice habang sinasabayan niya ang pagtugtog sa piano ng world-renowned musician na si David Foster.

In her best element si Charice sa kanyang performance. Wala sa itsura niya na meron siyang “stomach flu,” na siyang excuse ng kanyang manager sa

Pilipinas na si Grace Mendoza nang hindi nakauwi sa bansa si Charice noong November 27 para sa  Christmas Special ng GMA 7.

Tatlong araw lamang ang agwat ng taping ng Christmas Special ng Kapuso Network at ng live performance ni Charice sa Rockefeller Center.

*******

Ang mailap na mata ni David Archuleta habang nakikipag-usap sa press people ang aming napansin nang interbyuhin namin siya sa kanyang 11th floor suite sa Manila Peninsula noong November 17, 2010.

Bumisita si David sa Pilipinas sa pangalawang pagkakataon para sa promo ng kanyang bagong album sa Sony Music.

More than 10 entertainment writers ang kaharap ni David sa “round table interview.”

Maraming kuwento si David tungkol sa kanyang bagong album pero hindi siya tumitingin nang diretso o nang mata sa mata kapag sinasagot niya ang mga nagtatanong sa kanya.

Ayaw naming isipin na hindi komportable si David na makipag-usap sa mga tao na hindi niya personal na kilala dahil hindi siya conscious sa pagkumpas ng kanyang mga kamay at pumipilantik na mga daliri.

By the way, rectangle ang shape ng table sa “round-table interview” kay David ng Philippine press.

*******

Seventy years old na ang American singer na si Dionne Warwick. Ang kanyang edad ang posibleng dahilan kaya maigsi na ang pasensyia ni Dionne  sa audience na hindi sumusunod sa mga idinidikta niya.

Ilan sa mga kantang pinasikat niya ay ang “That’s What Friends Are For,” “I’ll Never Love This Way Again,” “Don’t Make Me Over,” “Walk On By,” at marami pang iba.

May libreng lecture si Dionne sa mga tao na nanood ng kanyang concert sa Araneta Coliseum noong November 27.

Tumitigil sa pagkanta si Dionne kapag mahina ang boses ng audience na inaasahan niya na sumabay sa kanyang pagkanta.

Sa dami ng mga foreign act na napanood namin at sa kabila ng mga hit song na inawit niya, ang concert ni Dionne ang isa sa mga nakakaantok.

*******

March 11, 2009, nang panoorin namin sa Araneta Coliseum ang concert ni Natalie Cole. Well-applauded ng audience ang performance ni Natalie dahil walang ipinagbago ang kanyang boses.

Ilan sa mga sikat na sikat niyang kanta ay ang “When I Fall In Love,” “Unforgettable,” “Miss You Like Crazy,” at “Staring Over Again.”

Kung may reklamo man ang mga nanood, ito ay ang madalas niyang pagtataray ni habang nasa stage. Tumitigil sa pagkanta si Natalie kapag kinukunan siya ng litrato at sinesermunan niya ang mga photographer.

Sa tingin namin, masama ang pakiramdam ni Natalie kaya maigsi ang kanyang pasensiya.

Nang matapos ang concert, pumunta kami sa backstage para makilala siya nang personal. In all fairness to Natalie, very accommodating siya at nagpakuha pa ng litrato, kasama ang kanyang mga taga-hanga.

Tama nga ang aming hinala na masama ang pakiramdam ni Natalie nang gabing ‘yon dahil isinugod siya sa ospital, ilang oras bago ang kanyang concert sa Araneta Coliseum. Sumailalim si Natalie sa dialysis at ebidensya ang plaster na nakalagay sa kanyang dibdib nang makita namin siya sa backstage.

*******

Valentine’s Day noong 2008 nang magkaroon ng concert sa Araneta Coliseum ang veteran American singer na si Connie Francis.

Isang araw bago ang kanyang concert, na-interbyu namin si Connie sa Edsa Shangri-La Hotel.

Masayang kausap ang beteranang singer dahil marami siyang kuwento tungkol sa kanyang career. Nagustuhan ng local press ang mga joke at funny anecdotes ni Connie, na nagpasikat sa knatang “Stupid Cupid.”

Nang panoorin namin ang concert ni Connie, saka namin na-realize na rehearsed at scripted ang kanyang mga kuwento. Kung ano ang sinabi niya sa presscon, ‘yon din ang spiels ni Connie sa gabi ng kanyang concert. Walang labis, walang kulang.

Gaya ni Dionne, 70-years old na si Connie nang mag-perform sa Big Dome noong 2008. At tulad rin ni Dionne, maigsi na ang kanyang pasensiya.

Habang nasa gitna ng pagkanta, biglang tumigil si Connie. Ang kanyang brilliant excuse, nalimutan niya ang lyrics kaya bumirit siya ng ibang awit.

Ipinakita ni Connie ang brattiness dahil matapos ang kanyang last song number, hindi niya pinagbigyan ang request na encore ng manonood.

“I’m already tired,” ang dialogue ni Connie habang naglalakad papunta sa backstage.

*******

Kasikatan ni Ricky Martin nang panoorin namin ang kanyang concert sa Hong Kong Coliseum noong October 9, 2000.

Record-breaking ang Hong Kong concert ni Ricky dahil umaapaw sa tao mula sa iba’t-ibang bansa ang venue.

Pinagdududahan na noon ang sexual preference ni Ricky pero in denial ang kanyang fans na handang makipag-away sa sinuman na magsasabi na gay ang kanilang iniidolong Latino singer.

Ten years later, inamin ni Ricky sa kanyang official website ang pagiging fortunate homosexual man. This time, wala nang violent reaction ang kanyang obsessed fans dahil mismong ang kanilang idol ang umamin.

“Me” ang pamagat ng biography book ni Ricky. Nabasa na namin ang libro at mabibigo ang mga umaasa na magbibigay si Ricky ng juicy details tungkol sa kanyang buhay bilang closeted gay.

Hindi rin nag-aksaya ng panahon si Ricky na lagyan ng kanyang mga litrato ang libro at puwedeng ma-turn off ang readers sa mga kuwento tungkol sa mga misyon niya sa buhay.

Pero siguradong may mga artista na makaka-relate sa mga karanasan ni Ricky, lalo na ang mga showbiz personality na may double life pero hindi pa handa na sundan ang yapak ni Rustom Padilla at ng ibang aktor na umaming gay.