| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Remembering Rudy

Filed under: Features — CabsM0d at 6:12 pm on Tuesday, June 8, 2010

Ginunita kahapon ang second death anniversary ni Rudy Fernandez sa pamamagitan ng isang misa sa Heritage Park.

Dumalo sa misa ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan nina Rudy at Lorna Tolentino, maliban kay Mark Anthony Fernandez.

Noong nakaraang taon, wala rin si Mark sa misa para sa unang anibersaryo ng pagpanaw ng kanyang ama. Ayon sa isang malapit kay Mark, mas gusto nito na dumalaw na mag-isa sa puntod ng tatay niya dahil hanggang ngayon, malungkot pa rin siya. Masyado raw dinibdib ni Mark ang pagkawala ng ama.

*******

June 8, 2008 nang sumakabilang-buhay si Rudy dahil sa periampullary cancer. Araw ng Sabado nang bawian ng buhay sa kanilang tahanan sa White Plains, Quezon City ang action superstar.

Naniniwala kami na namatay nang masaya si Rudy dahil natupad ang kanyang kahilingan na makauwi sa sariling bahay matapos ang ilang buwan na confinement sa Cardinal Santos Medical Center, San Juan.

*******

Dokumentado ang mga huling araw sa mundo ni Rudy dahil kinunan ito ng video ni Rap, ang kanyang anak na isang aspiring direktor.

Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang mamatay si Rudy pero hanggang ngayon, hindi pa pinapanood ni Rap ang video.

Mahaba ang running time ng video, mas mahaba pa sa mga pelikula na ginawa ni Lav Diaz .

Ayon kay Rap, sinunod lamang niya ang sinabi ng kanyang ina na kunan ng video ang mga huling araw ng tatay niya. Wala siyang idea kung para saan ang video na nakalagay ngayon sa isang vault.

*******

Kuya Rudy ang tawag namin kay Rudy Fernandez at isa siya mga mabubuting artista na aming nakilala.

Sa kabila ng kanyang superstar status, hindi niya ipinaramdam na artista siya sa tuwing nagkikita kami at nagkakausap.

February 16, 2008 nang kausapin kami ni Kuya Rudy sa 45th birthday party ni Senator Jinggoy Estrada na ginanap sa Blue Leaf Events Pavilion sa Mckinley Hills, Forbes Park.

Magkahiwalay ang table namin ni Kuya Rudy pero ipinatawag niya kami sa staff member ng isang TV show .

Pinaupo kami ni Kuya Rudy sa kanyang tabi at nang amin siyang kumustahin, ikinabigla namin ang kanyang sagot:  “Prepared na akong mamatay. Iba na ang level ng spirituality ko.”

Idinagdag pa niya na lampas langit na ang kanyang faith sa Diyos dahil sa madalas na pagdarasal. Sinaway namin si Kuya Rudy sa kanyang sinabi kahit alam namin na may katotohanan ang statement niya.

*******

Bedridden na si Kuya Rudy nang muli kaming magkita sa kuwarto niya sa Cardinal Santos Medical Center noong huling linggo ng May 2008.

Nakapikit siya nang dumating kami pero nagmulat ang kanyang mga mata at ngumiti sa amin.

Pagkatapos bumati, muling pumikit si Kuya Rudy kaya nag-akala kami na natulog uli siya. Nang paalis na kami, biglang nagmulat ang kanyang mga mata at sa mahinang boses, nagsalita siya ng “Babay, Jojo.”

Inisip namin na kahit mabigat ang sakit, matalas ang pakiramdam ni Kuya Rudy dahil alam niya ang lahat ng mga nangyayari sa kanyang paligid.

Nang dumalaw sa kanya si Lolit Solis, pabulong ang pagtatanong nito kay Lorna tungkol sa lugar na paglilibingan kay Kuya Rudy kung sakaling pumanaw ito.

Nagulat si Lolit nang biglang sumagot si Kuya Rudy ng “Sa Heritage Park.”

*******

Buo ang paniniwala ni Lorna Tolentino na nasa langit ang kanyang mahal na asawa.

“‘Yon ang beauty ng cancer,” ang sabi ni Lorna habang nagkukuwentuhan kami noong Lunes dahil nagkaroon si Kuya Rudy ng pagkakataon na mapaghandaan ang kamatayan, mapagsisihan ang kanyang mga pagkakamali at makahingi ng kapatawaran mula sa Diyos.

Alam ni Lorna ang kanyang sinasabi dahil saksi siya sa lahat ng hirap na pinagdaanan ng kanyang asawa.

Hinahangaan si Lorna dahil ipinakita nito sa lahat ang tunay na kahulugan ng isang mabuting kabiyak at hindi niya nakalimutan ang kanilang wedding vow na “I promise to be true to you in good times and in bad, in sickness and in health…”

Photos courtesy of Noel Orsal