Jojo Gabinete: Cabinet Files

Face to Face

Filed under: Uncategorized — CabsM0d at 12:14 am on Friday, May 21, 2010

Hindi kami nagkamali ng desisyon na pumunta sa malayong studio ng TV5 sa Novaliches para panoorin ang taping ng Face To Face.

Napatunayan naming totoo at hindi scripted ang pisikal na pagsasakitan ng mga ordinaryong tao na bisita ni Amy Perez. Mga tao na pinaghaharap ni Amy sa kanyang talakserye para maayos ang kanilang mga problema.

Nakita rin namin na ang kakulangan sa edukasyon ang isa sa mga problema ng ating bansa na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan natin.

Dahil sa kahirapan, marami sa ating mga kababayan ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na makatapos ng pag-aaral.

*******

Tungkol sa panis na maha ang pinag-ugatan ng problema nina Vilma Peralta at Rosie Garsilaso.

Ikinuwento ni Vilma na ipinagkakalat ni Rosie na panis ang maha na kanyang itinitinda. Wala raw katotohanan ang bintang ni Rosie dahil likas ang pagiging tsismosa nito. Kinaiinggitan at sinisiraan daw siya ni Rosie dahil tatlo na ang kanyang nagiging asawa samantalang dalawa pa lang nakakarelasyon ni Rosie.

Si Jaimelyn Fabros ang saksi ni Rosie. Pinatotohanan ni Jaimelyn na panis talaga ang maha na binili nila mula kay Vilma.

Lumantad naman si Jessica Fabros.  Ayon kay Jessica, hindi totoo na panis ang maha na itinitinda ni Vilma.

Para sa atin, napakababaw na dahilan para pag-awayan ng magkabilang-panig ang panis na maha pero may mas malalim na dahilan ang problema.

Lumabas ang katotohanan na pamangkin ni Rosie ang asawa ni Jessica at pinsan ni Jaimelyn ang lalake.

To make the very long story short, matindi ang kinikimkim na galit nina Jessica, Rosie at Jaimelyn sa isa’t-isa. Nasangkot lamang ang tindera ng maha na si Vilma sa away-pamilya.

*******

Makapigil-hininga ang mga sumunod na eksena na live naming napanood. Nagsabunutan, nagsipaan at nagsapakan ang apat na babae. Nahirapan ang mga bouncer na sina B1 at B2 sa pag-awat. Napaatras naman sa isang sulok si Amy, at bumaba mula sa puwesto si Dr. Camille Garcia (isa sa tatlong miyembro ng Trio Tagapayo ) para tignan kung may nasaktan.

Malamang, hindi na mapapanood ng viewers ng TV5 ang bayolenteng eksena dahil hindi ito papayagan ng MTRCB (Movie and Television Review Classification Board).

Hindi nalutas ang problema dahil hindi pumayag si Rosie na makipag-ayos, kahit pa nagsalita sina Vilma at Jessica na handa sila na magpatawad.

*******

Sa research ng TV5, nalaman nila na hindi lamang ang masa ang audience ng Face To Face.

Pinapanood din ng AB crowd ang programa ni Amy. Amused na amused daw ang AB crowd sa mga mabababaw na problema na tinatalakay sa show ni Amy. Halimbawa ay yung reklamo ng isang kapit-bahay na biktima ng theft. Ang ninakaw? Ang kanyang ulam na tortang talong. Yung isa pang reklamo ay tungkolnaman sa isang lalake na iniwan ang buntis na girlfriend dahil pinili nitong sumama sa kanyang gay lover.

*******

Ang mga kaso na nilulutas ng Face To Face ang nagpamulat kay Amy sa katotohanan na malaki ang obligasyon ng ating gobyerno para mapabuti ang kabuhayan ng mga mahihirap na Pilipino.

Nagpapasalamat si Amy sa TV5 dahil sa malaking oportunidad na ibinigay sa kanya. Dahil sa Face To Face, nagkaroon ng bagong sigla ang kanyang television career.

Subalit sa balitang tatapatan ng Channel 2 ang Face To Face ng isang show na papamagatang Fist To Fist, hindi nito mapigilang sabihin ang tunay na saloobin.

“Very thankful ako sa management ng TV5.  Thankful ako talaga sa opportunity na ibinigay nila sa akin at yung importansya. Sad lang, kasi it had to take something like this para lang…Nasabi ko nga sa mga kaibigan ko, kung nasa ABS pa kaya ako, will they think of me?

“I have kept quiet about it kasi, but for them to do it to me the second time around, siyempre masakit na.”

“Kasi after MTB, parang feeling ko, napakinabangan naman nila kami ng ilang taon. Nag-akyat din naman kami ng pera kahit paano sa station. Pero sana, nabigyan man lang kami ng a pat on the shoulder. Pagpapahalaga.

“Ako kasi, naniniwala na eveything works hand in hand. Ako, I’im just being honest I don’t want to burn any bridges pero siguro it’s high time na malaman din naman nila na may mga bagay na nagagawa sila na nakakasama ng loob.

“Kung sa mga kasambahay mo, nagbibigay ka ng appreciation, konting pabuya. konting incentives na alam mo na they deserve something good, bigyan mo lang ng kahit singkwenta pesos na pang-load, malaking bagay na ‘yon.

“I mean, utang na loob ko ang lahat sa ABS-CBN because my career started in ABS. Pero noong tumatagal na, nagmumukha na kaming basahan na itinatapon. Na para bang wala na…

“Nakakasama lang ng loob, parang kahit papaano naman din, may naitulong din kami. Ako naniniwala ako, hindi tatayo nang ganito ka-successful ang show na ito kung hindi ako biniyayaan ng magagaling na staff na [sa] kakalabas at paghahanap ng magagandang istorya, ng magagandang isyu na sumasalamin sa tunay na pangyayari sa buhay ng bawat tao.

“Hindi namin ito magagawa kung walang suporta ng TV5. Kumbaga, kailangan nila ako, kailangan ko sila, kailangan natin ang isa’t isa.”

What now?

Filed under: Features — CabsM0d at 3:16 pm on Thursday, May 13, 2010

Kulay berde ang kulay ng gate ng bahay ni Senator Mar Roxas sa Cubao, Quezon City.

Yellow at royal blue ang campaign color ni Senator Mar, habang green naman ang political at campaign color ni former Defense Secretary Gibo Teodoro.

Noong panahon ng kampanya, hindi pinabago ni Senator Mar ang kulay ng gate ng kanyang bahay. Imbes na papinturahan ito ng dilaw, nagpagawa siya ng dalawang tarpaulin.

Takaw-pansin sa mga dumaraan sa harap ng bahay ni Senator Mar ang mga nakasulat sa mga tarpaulin in big bold letters: This gate is yellow. This gate is blue!

Pero hindi nagtuturo ng tama at nagbibigay ng kalituhan sa mga bata ang mga nakasulat sa tarpaulin dahil palaisipan sa kanila kung paano naging yellow at blue ang isang green gate.

*******

Marami kaming natutunan nitong nakaraang eleksyon. Una, hindi dapat gawing batayan na mananalo sa eleksiyon ang isang kandidato dahil sa dami ng mga tao na dumadalo sa kanilang mga campaign rally.

Pinupuntahan ng mga tao ang mga campaign rally para makita nang personal ang mga kandidato, mapakinggan ang kanilang mga plataporma, masilayan ang mga celebrity endorser at makakuha ng mga ipinamimigay na campaign paraphernalia.

Hindi dapat sumampalataya sa resulta ng mga survey dahil maraming kandidato ang natalo at sila ang mga kandidato na ibinalita na nanguguna sa survey.

Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga kandidato na hindi sinuportahan ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo. May mga kilala kami na hindi ibinoto ng INC members pero nanalo. Tinalo nila ang mga kandidato na sinuportahan ng nabanggit na religious group.

Lastly, hindi dapat seryosohin ang mga panaginip ng mga religious leader tungkol sa mga kandidato na dapat nilang suportahan, base sa kanilang panaginip.

*******

Sa mga campaign rally, ang speech ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang palaging inaabangan ng mga tao.

Hit na hit sa publiko ang mga speech ni Senator Miriam dahil sa paggamit ng mga makukulay na salita na hinahaluan niya ng pagtataray na hindi nakakainsulto sa intelligence ng mga nakikinig.

Masigabong palakpakan at malakas na hiyawan ang tinatanggap ni Senator Miriam sa tuwing sinasabi nito na kahit mamatay siya, babalik siya bilang multo para usigin ang mga corrupt na government official.

*******

Walang makapagsabi o makapagkumpirma kung natuloy ang kandidatura ni Alma Moreno bilang konsehal ng Paranaque City dahil wala ang kanyang pangalan sa kumpletong resulta ng mga kandidato na nanalo at natalo sa May 10 elections.

Pero muling nahalal na mayor ng Marawi City ang second husband ni Alma, si Sultan Fahad Salic.

Landslide victory ang Muslim husband ni Alma dahil mahigit sa kalahati ang lamang niya sa kanyang kalaban. Nakakuha si Sultan Fahad ng 32,469 votes laban sa 15, 619 votes na natanggap ni Abbas Basman.

*******

Ikinalungkot ni Willie Revillame ang pagkatalo ni Senator Manny Villar sa presidential race pero lalong tumaas ang respeto niya sa kanyang presidential bet.

Sinabi ni Willie na sa matagal na pagsasama nila ni Senator Villar, nakita niya ang likas na kabutihan ng senador at ng pamilya nito. Hangang-hanga si Willie sa pagiging gentleman ni Senator Villar.

Ngayong tapos na ang kampanya at eleksiyon, marami ang nag-aabang sa magiging desisyon ni Willie sa kanyang problema. Babalik pa ba siya sa Wowowee o hindi na?

May sulat na ipadadala si Willie  kay Mr. Gabby Lopez (ABS-CBN big boss ) kaya nakasasalay sa desisyon ni Mr. Lopez ang  pagbabalik ng controversial TV host sa Wowowee.

Halo-halo special

Filed under: Features — CabsM0d at 2:27 pm on Wednesday, May 5, 2010

Ang mag-asawa na kaibigan namin ang aming kasama noong nagpunta kami sa isang mall.

Nagkasundo kaming magkita sa isang lugar ng mall dahil titingin muna sila ng gamit sa isang outlet. Nang bumaba kami sa ground floor ng mall, sina LJ Reyes ar Paulo Avelino ang bumulaga sa amin pero hindi nila kami napansin.

Noong nagkita kami ng aming mga kaibigan sa meeting place, ang sighting kina LJ at Paulo ang aming ikinuwento sa kanila.

“Sino si LJ? Sino si Paulo?” ang tanong ng husband and wife friends namin. Kami ang nahiya sa aming sarili sa kanilang reaksiyon. Ilang linggo nang laman ng mga showbiz talk show ang pagbubuntis ni LJ at si Paulo ang ama ng bata pero may mga tao na hindi pa pala nakakakilala sa kanila.

*******

Ang magpapayat ang isa sa mga unang gagawin ni Alfred Vargas pagkatapos ng eleksiyon sa Lunes dahil malaki ang nadagdag sa kanyang timbang mula noong nagsimula ang kampanya niya sa 2nd District ng Quezon City.

Kumakandidatong konsehal si Alfred. At dahil pinauunlakan niya ang lahat ng imbitasyon na kainan o piyesta sa District 2, nadagdagan ng fifteen pounds ang kanyang ideal weight.

Thirty years old na si Alfred kaya iniisip na niyang lumagay sa tahimik. Ayon kay Alfred, handa na siyang magpakasal at magkaroon ng sariling pamilya.

*******

Itinanggi ng isang malapit kay Daniel Matsunaga ang balitang na-upset ito sa pagkalat ng kanyang nude pictorial sa Internet kaya hindi na siya babalik sa Pilipinas. Lalong hindi raw totoo na nagpunta lamang siya sa Hong Kong dahil sa isang project.

Imposibleng hindi bumalik sa Pilipinas si Daniel dahil may kontrata ito sa GMA-7 at kasama siya sa cast ng bagong primetime program ng Kapuso network.

Pinagtawanan lang ng confidante ni Daniel ang balita na nasa Hong Kong lamang ito dahil totoong umuwi sa Brazil ang Brapanese model para dalawin ang kanyang mga magulang at kapatid na matagal na niyang hindi nakikita.

Nagplano ang Showbiz Central na kunan ang pag-uwi ni Daniel sa Brazil pero hindi natuloy. Bago umuwi ng Brazil, isang linggong nagbakasyon si Daniel at ang kanyang  kapatid na si Vanessa sa Los Angeles, California.

*******

Natuloy ngayong hapon ang filing ni Lucy Torres sa COMELEC Tacloban City ng kanyang certificate of candidacy.

Mismong si Richard Gomez ang nagpadala ng text message sa kanyang mga kakilala at kaibigan tungkol sa pagpayag ni Lucy na maging substitute niya sa congressional race sa 4th District ng Leyte.

“Lucy will wile her CoC at 1 pm at Comelec Tacloban. She will substitute for me to continue our fight against dynasty, poverty and corruption. Let us bring change and progress to Ormoc. A vote for Richard is a vote for Lucy.”

*******

Halos limang minuto ang haba ng litanya ni Willie Revillame laban sa entertainment writer na si Jobert Sucaldito.

Inilabas ni Willie  kahapon sa Wowowee ang sama ng loob laban kay Jobert dahil sa madalas na pagbatikos nito sa kanyang programa.

Nagbanta si Willie na hindi na ito papasok sa ABS-CBN kapag hindi tumigil si Jobert sa pagbatikos sa radio program nito sa dzMM.

Kahapon, walang binanggit si Jobert sa kanyang radio program tungkol sa outburst ni Willie sa Wowowee at sa request nito sa ABS-CBN management na alisin siya sa mga TV at radio show ng network.