Jojo Gabinete: Cabinet Files

Recent deaths in showbiz

Filed under: Features — CabsM0d at 4:53 pm on Monday, March 29, 2010

Ilang linggo nang laman ng mga entertainment news ang paghingi ni Francine Prieto ng financial help para sa kanyang ina na may sakit na ovarian cancer.

Noong Biyernes ng hapon, sumakabilang-buhay sa Cardinal Santos Medical Center si Mrs. Amelia Falcon sa edad na 54.

Kahapon, nakatanggap kami ng text message mula sa isang entertainment reporter. Ang kanyang walang labis at walang kulang na tanong, “Ano ang ikinamatay ng nanay ni Francine at saan siya nakaburol?”

*******

Nakausap namin si Francine sa telepono ilang linggo bago namatay ang kanyang ina. Sinabi namin kay Francine na isang common friend namin na may sakit na ovarian cancer ang gumaling matapos operahan dahil sa acupuncture. Bakit hindi niya subukan na ipa-acupuncture ang kanyang ina? Walang mawawala kung susubukan nila ang acupuncture.

According to wikipedia, “Acupuncture is the procedure of inserting and manipulating filiform needles into various points on the body to relieve pain or for therapeutic purposes.[1] The word acupuncture comes from the Latin acus, ‘needle,’ and pungere, ‘to prick.’”

Mabilis ang sagot ni Francine sa aming suggestion. “Tito Jo, ‘yan yung tinutusok ng karayom, di ba? Naku, mahina ang tolerance ni Mommy sa pain…”

Self-explanatory kung bakit napa-”ha?” kami sa sagot ni Francine.

*******

Mula sa Bohol, mabilis na lumipad pabalik sa Maynila ang mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz at ang kanilang anak na si Angela nang malaman nila ang pagpapakamatay ni Angelo, ang 23-year old son ng aktor na kumakandidatong gobernador ng Bohol.

Sumakay ang tatlo sa first flight (7:20 a.m.) ng Philippine Airlines sa Tagbilaran City. Dahil sa pagmamadali, hindi na nakapagpasundo sa airport sina Cesar. Sumakay na lang sila ng taxi para makita ang bangkay ni Angelo.

*******

Sina Marissa Sanchez at Willie Revillame ang mga unang celebrity friends na nakiramay sa pamilya ni Cesar.

Personal na nagpunta ang dalawa sa bahay ng mga Montano sa Tivoli Royale sa Quezon City. Si Willie ang kasama nina Cesar at Sunshine nang magpunta sila sa morgue ng Arlington Funeral Homes para ayusin ang bangkay ni Angelo.

White T-shirt, shorts, at tsinelas lang ang suot ni Willie nang dumating ito sa bahay nina Cesar. Dali-daling nagpunta si Willie sa Tivoli Royale nang mapanood niya sa teleradyo ang balita tungkol sa tragic death ng anak ng kanyang kaibigan. Hindi nagpainterbyu si Willie sa mga TV crew na nakaabang sa entrance ng Arlington Funeral Homes. Iginalang niya ang pagdadalamhati ng pamilya ni Cesar.

*******

Kasama sa Arlington Funeral Homes ang girlfriend ni Angelo pero dahil hindi ito kilala, hindi siya nakunan ng mga TV camera kahit dumaan siya sa harap ng cameramen ng iba’t-ibang TV network.

Maganda ang relasyon ng pamilya ni Cesar sa girlfriend ng kanyang anak. Hindi nila sinisisi ang babae sa pagpapakamatay ni Angelo.

*******

Ang publicist ni Shirley Pizarro ang gumawa ng draft ng official statement ni Cesar. Binasa muna ni Cesar ang statement bago ipinamigay ang kopya sa mga miyembro ng media.

Dahil hindi nagpainterbyu si Cesar, si Shirley ang sinalubong ng mga TV reporter nang lumabas siya mula sa Arlington Funeral Homes.

Kabilang ang ABS-CBN news anchor na si Alex Santos sa mga nag-interbyu kay Shirley. Pagkatapos ng interview, hiningi ni Alex ang kumpletong pangalan at designation ni Shirley. Narinig pa namin nang ipa-spell out ni Alex kay Shirley ang apelyido nito, P-I-Z-A-R-R-O.

Kinagabihan, inabangan namin ang mga report ng TV Patrol World at 24 Oras tungkol sa pagpanaw ng anak ni Cesar.

Naabutan namin ang live interview ni Karen Davila ng TV Patrol World kay Alex na nakabantay pa rin sa Arlington Funeral Homes. Ikinuwento ni Alex ang nilalaman ng official statement ni Cesar. Ito ang eksaktong sabi ni Alex, “Ayon sa publicist ni Cesar na si Shirley PICASSO…”

Willie’s 150-million-peso house

Filed under: Uncategorized — admin at 6:28 pm on Thursday, March 11, 2010

Magkaroon ng buhay na komportable ang tanging pangarap ni Willie Revillame, pero sobra-sobrang suwerte ang dumating sa kanya kaya hindi siya nakakalimot na magpasalamat sa Diyos.

Isang Bible at rosaryo ang nasa tabi ng kama ni Willie sa bahay nito sa isang exclusive subdivision sa Quezon City. Ayon kay Willie, wala na siyang mahihiling pa dahil naging mabait sa kanya ang Diyos.

Ang National Artist na si Alejandro Locsin ang nag-design ng bahay ni Willie at meron itong apat na kuwarto.

Maikukumpara sa mga five-star hotel rooms ang mga kuwarto, na nagagamit lang kapag may mga bisita ang host ng Wowowee.

Kahit labimpito ang bilang ng kanyang mga kasambahay, masasabi na solo pa ring namumuhay si Willie sa malaking bahay.

“Oo” ang mabilis na sagot ni Willie nang itanong namin kung masaya siya sa kabila ng kanyang pag-iisa.

“Baka magtampo na sa akin ang Diyos kung sasabihin ko na malungkot ako dahil napakabait Niya sa akin, ” ani Willie.

*******

Nang ipakita sa amin ni Willie ang isa sa mga guest room, limang malalaking kahon na punumpuno ng mga damit ang bumungad sa amin.

Bukod sa limang kahon, daan-daang t-shirt at polo shirt ang maayos na nakatiklop sa ibabaw ng kama.

Ang mga branded polo at T-shirt ang ipinamimigay ni Willie sa mga residente ng Payatas. Kung makikita ninyo na nakasuot ng Calvin Klein at Ralph Lauren shirts ang mga kababayan natin sa Payatas, siguradong nanggaling kay Willie ang kanilang mga damit.

Hindi na bago kay Willie ang pamimigay ng mga gamit. Noong struggling comedian pa siya (mid-’90s), naging ugali na ni Willie na ipamigay sa mga kaibigan at mga reporter ang mga damit na hindi na isinusuot at hindi pa niya naisusuot. Noon pa man, mahilig na si Willie sa mga labeled shirts.

*******

Si Willie ang proud owner ng Will Tower, ang residential at mall na kasalukuyang itinatayo sa harap ng ABS-CBN.

Nabili na rin ni Willie ang malaking lote na katabi ng pinagtatayuan ng Will Tower. Isang condominium building din ang balak na ipatayo ni Willie sa nasabing lote.

Just recently, sakay ng kanyang sariling helicopter, nagpunta si Willie sa Boracay Island para tingnan ang lote na plano niyang patayuan ng isang resort hotel.

Para kay Willie, ang mga condo building at resort hotel ang magandang investment. Ayaw raw niya na mag-invest sa stock market sa abroad dahil may mga kaibigan siya na nalugi at nawalan ng malaking halaga nang magdeklara ng bankruptcy ang isang giant global investment company.

Simple lang ang katuwiran ni Willie, “Nandito tayo sa Pilipinas, bakit sa ibang bansa tayo mag-i-invest?”

*******

Isa-isang natupad ang mga pangarap ni Willie kaya hindi malabo na magkaroon ng katuparan ang kanyang vision na magkaroon ng sariling TV network.

Hinahangaan ni Willie ang American TV host na si Oprah Winfrey, na nagmamay-ari ng sariling television network. Sa mga magandang nangyayari ngayon sa buhay ni Willie, hindi malayo na matupad ang kanyang pangarap na maging Filipino counterpart ni Oprah.

*******

Mula nang sumikat at lumipat siya sa kanyang bagong bahay, bihira nang lumabas si Willie.

“ABS-CBN studio at bahay na lang ako para iwas-gulo,” ang sabi ni Willie dahil alam nito na malapit sa mga kontrobersiya ang mga popular celebrity na tulad niya.

Kahit sino ang nasa katayuan ngayon ni Willie, tiyak na tatamarin sila na iwanan ang isang bahay na may sariling gym, theater at music room.

Hindi na kailangan ni Willie na pumunta sa mga island resort dahil maikukumpara sa isang resort hotel ang kanyang malawak na property at bahay na nagkakahalaga ng 150 million pesos.

*******

P.S. Hindi newcomer si Willie sa village na tinitirhan niya sa kasalukuyan dahil dito rin nakatayo ang bahay nila noon ng kanyan g ex-wife na si Liz Almoro.

Tila naniniwala si Willie sa mga pamahiin o feng shui dahil nakatira sila noon ni Liz sa Luna St. na “ANUL ” daw kapag binasa nang pabaligtad. Nauwi sa annulment ang church wedding nina Liz at Willie dahil sa irreconcilable differences.

Nakatira ngayon si Willie sa Biak-Na-Bato St. kaya siguro, wala pa siyang kabiyak.