| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Wanted: The spirit of EDSA Revolution

Filed under: Features — admin at 11:13 pm on Wednesday, February 24, 2010

Malinaw na malinaw pa rin sa aking isip ang mga nangyari noong February 22, 1986. Kabilang ako sa mga unang nagpunta sa harap ng Isetann Cubao dahil sa panawagan ni Butz Aquino na magtipun-tipon doon ang mga tao na sumusuporta sa pag-aaklas nina AFP (Armed Forces of the Philippines) Vice Chief of Staff Fidel Ramos at Defense Minister Juan Ponce Enrile laban kay President Ferdinand Marcos..

Mula sa Isetann, dumiretso kami sa harap ng Camp Aguinaldo at nasaksihan ko ang unti-unting pagdami ng bilang ng mga tao.

Saradong-sarado ang mga gate ng Camp Aguinaldo. Si Nora Aunor ang kauna-unahang artista na dumating at pinapasok sa kampo dahil kaibigan siya ni Enrile, pero imbes na buksan ang malaking gate, dumaan ang aktres sa maliit na bintana ng guard’s house.

Dumami ang mga tao sa harap ng Camp Aguinaldo at Camp Crame nang manawagan sa taumbayan si Jaime Cardinal Sin na suportahan sina Ramos at Enrile. Nanawagan si Cardinal Sin sa Radio Veritas.

Apat na araw ang itinagal ng People Power Revolution. Nagsimula ito nooong February 22, 1986 at natapos ng February 25, 1986, ang gabing iniwanan ng mga Marcoses ang Malacanang Palace.

*******

Kasama rin ako sa grupo ng mga unang nagpunta sa Malacanang Palace upang kumpirmahin ang pag-alis ng Marcoses. Nasaksihan ko ang libo-libong tao na pumasok sa loob ng palasyo at mula sa veranda, isa-isa nilang inihagis ang mga gamit ng tumalilis na pamilya.

Isang throw pillow ang aking nasalo at nakipag-agawan ang mga tao. May hawak akong barbed wire, na kinuha namin mula sa pinaghati-hatian na barikada sa Mendiola St. bilang souvenir at naging dahilan para magalusan ang aking kamay.

Hanggang ngayon, nasa pag-iingat ko ang throw pillow at na-publish noon sa Philippine Star ang aking karanasan sa unang gabi ng pag-alis ng mga Marcos sa palasyo. Naka-frame ang artikulo bilang alaala ng aking participation sa isang mahalagang kasaysayan ng Pilipinas.

*******

Bukas (February 25) ang ika-24 na anibersaryo ng unang rebolusyon sa EDSA pero matamlay na ang pagdiriwang nito.

Namatay na ang ilan sa mga major character ng People Power gaya nina President Marcos, Jaime Cardinal Sin at President Cory Aquino.

Marami na ang nangyari mula noong 1986.

Nahalal na pangulo ng Pilipinas si Fidel Ramos at naging senador sina Enrile at Gringo Honasan. Tumamlay ang showbiz career ni Nora. Hindi na alam ng mga kabataan ngayon ang kahalagahan ng mga pangyayari noon sa EDSA at tuluyan nang nawala ang tunay na spirit ng People Power Revolution.

*******

Ipinalabas sa Cinema One ang A Dangerous Life, ang English-language Australian film tungkol sa People Power Revolution na pinagbidahan ng American actor na si Gary Busey.

Ginampanan ni Gary ang role ni Tony O’Neil, isang American TV journalist na nag-cover ng rebolusyon sa EDSA.

Hindi malinaw kung fictitious character ang role ni Gary pero accurate ang kuwento ng pelikula tungkol sa mga naganap noong 1986, base na rin sa mga naranasan noon.

Habang pinapanood ko ang A Dangerous Life, naisip kong dapat na ipapanood sa mga estudyante ang pelikula para malaman nila ang mga tunay na kaganapan noong 1986.

Pero kahit ano ang ganda ng isang pelikula, meropn itong konting butas, tulad ng eksena na umuwi ng bahay si Tony at nalaman niya na kinidnap si Celie Balamo, ang NPA rebel na ginampanan ni Dina Bonnevie.

“Who got him?” ang tanong ni Tony kay Ben Balamo (Jaime Fabregas), ang editor-in-chief ng isang broadsheet na anti-Marcos. Pamangkin ni Ben si Celie na isang babae pero imbes na “her,” “him” ang sinabi ni Tony.

*******

Mahusay ang pagganap ng mga Pinoy sa A Dangerous Life. Pang-award ang performances nina Ruben Rustia (Ferdinand Marcos), Tessie Tomas (Imelda Marcos), Laurice Guillen (Cory Aquino), Freddie Santos (Butz Aquino), Vic Diaz (Major Prospero Olivas) at Rolando Tinio (Jaime Cardinal Sin).

Magaling si Laurice bilang Cory pero distracting ang kanyang ilong na ginamitan ng prostethics para magkaroon siya ng resemblance kay Cory.

Kinunan sa Sri Lanka ang malalaking eksena ng pelikula. Malayong-malayo ang itsura ng mga Sri Lankan sa mga Pilipino kaya nakabawas ito sa kredibilidad ng mga eksena. Hindi naging maingat sa pagkuha ng mga Sri Lankan bit player ang casting director ng project dahil hindi marunong umarte at conscious sa harap ng mga camera ang karamihan sa mga bit player.

Sa kabila ng mga loophole, inirerekomenda ko pa rin sa lahat na  panoorin ang A Dangerous Life dahil ipinakikita dito ang katotohanan at ang mga motibo ng mga major player sa EDSA Revolution.

Sari-sari

Filed under: Features — admin at 12:16 pm on Monday, February 22, 2010

Pinabulaanan ni Phillip Salvador ang balita na nawalan siya ng gana sa kanyang showbiz career dahil sa mga demanda laban sa kanya ng dating girlfriend na si Cristine Decena.

Sinabi ni Phillip sa amin na kahit kailan, hindi siya nawalan ng gana sa pag-arte. Gustung-gusto raw niya na magtrabaho pero walang kumukuha sa kanyang serbisyo. Mismong sa bibig ni Phillip nanggaling ang salita na convicted felon siya. Takot daw ang ibang tao na bigyan siya ng trabaho dahil sa kanyang pagiging convicted felon.

*******

Tumanggi si Annabelle Rama na magpa-interbyu kay Butch Francisco ng Startalk nang magkita sila sa birthday party ni Senator Jinggoy Estrada sa Blue Leaf noong Biyernes, ika -19 ng Pebrero, ng gabi.

Pinigilan ni Annabelle ang magsalita dahil baka uminit lang ang kanyang ulo. Tungkol sa mga obscene text message na natatanggap ng kanyang anak na si Ruffa Gutierrez ang balak itanong ni Butch kay Annabelle.

Si Shaina Magdayao ang napagbibintangan na nagpapadala kay Ruffa ng mga malalaswang text message. Kinumpirma ni Ruffa na nakakatanggap siya ng mga text message na masyadong malalaswa kaya hindi niya masabi, pero hindi niya binanggit ang pangalan ni Shaina. “Babae” ang clue na ibinigay ni Ruffa na katauhan ng “mystery girl ” na nanggugulo sa kanya.

*******

Hindi pa bumabalik sa Pilipinas si Krista Ranillo dahil may commitment pa siya sa Amerika. Kasali si Krista sa Kristo, ang passion play na pagbibidahan ng kanyang tatay na si Mat Ranillo III, at itatanghal sa Hayward, California.

Sa mata ng mga tao, isang Magdalena si Krista dahil sa pagkakaugnay ng kanyang pangalan kay Manny Pacquiao.

Pero sa Kristo, ang karakter ni Veronica at hindi ni Magdalena ang gagampanan ni Krista.

Sa pamamagitan ng kanyang column sa isang newspaper sa Bay Area, inimbitahan ni Juni Ranillo ang mga tao na tangkilikin ang Kristo dahil ito na ang pagkakataon nila na mapanood ang live performance ni Krista. Si Juni ay tiyo ni Krista.

Itatanghal ang Kristo sa Chabot College Performing Arts Center sa Hayward, California sa March 7, Linggo, 4:00 p.m.

Isang family affair ang Kristo dahil kasali sa cast sina Suzette Ranillo, Lilibeth Ranillo at Gloria Sevilla.

*******

Excited na ang fans ni Nora Aunor na makita ang “bagong itsura” ng kanilang idolo pagkatapos sumailalim sa cosmetic enhancement sa Tokyo, Japan.

Si Nora ang endorser ng Shinagawa Lasik and Aesthetic Center na magkakaroon ng branch sa Pilipinas kaya libre ang pagpapaayos niya sa kanyang mukha.

Walang dapat ipag-alala ang fans ni Nora dahil makikilala pa rin nila ang aktres. Walang major changes sa mukha ni Nora. Inalis lang ng mga doktor ang kanyang eyebags at ang crow’s feet sa paligid ng mga mata niya. Walang dapat baguhin sa ilong ng aktres dahil dati nang maganda ang shape ng kanyang pang-amoy.

Mula sa Los Angeles, California, solo na nagbiyahe si Nora sa Japan, kung saan sila nagkita ng kanyang anak na si Ian de Leon. Hindi kasama ni Nora sa biyahe si John Rendez pero may balita na gusto niya na pasunurin sa Japan ang kanyang special friend.

Unsinkable People

Filed under: Features — admin at 2:22 pm on Monday, February 8, 2010

Mga unsinkable ang tawag namin kina Alfie Lorenzo at Lolit Solis dahil sa kanilang katapangan, hindi lamang sa pagharap sa mga kontrobersiya kundi pati na rin sa mga sakit na maaring dumapo sa kanilang katawan.

Hindi nilalagnat si Lolit Solis, pero masamang-masama ang kanyang pakiramdam at may kasama pang chills noong magkasunod na araw na January 30 at 31. Gayunpaman, nag-report pa ito sa Startalk at Starstruck.

Apat na araw ang itinagal ni Lolit sa ospital pero hindi nalaman ng kanyang mga alaga ang nangyari. Nabalitaan lang nila ito nitong Sabado, February 6, noong nag-report ang talent manager sa Startalk.

Masigla na uli si Lolit pero naging maingat na siya sa kanyang kalusugan. Kung maaga ang pagpapahinga niya noong hindi pa siya nagkakasakit, mas lalo pang maaga ngayon ang kanyang pagtulog.

*******

Idinadaan sa biro ni Alfie Lorenzo ang kanyang pagkakasakit. Seventy-one years old na si Alfie pero malakas na malakas ang kanyang resistensya, kaya nabigla ang kanyang mga kaibigan sa balitang isinugod siya sa ospital dahil sa mild heart attack.

Nag-alala ang mga nagmamahal sa manager ni Judy Ann Santos nang ipakita sa TV ang footage ng pagdadala sa kanya sa St. Luke’s Hospital habang nakahiga sa stretcher.

Pero sa live phone patch interview kay Alfie ng Showbiz Central noong Linggo, parang nagdahilan lamang siya. Ipinagmalaki niya na maganda ang resulta ng  mga test sa kanya , nagpasalamat sa mga pulitiko na nakaaalala at nagbitaw ng salita na maaalala rin niya ang mga pangalan ng mga pulitiko sa araw ng eleksiyon.

*******

Kung kapwa positive ang attitude nina Lolit at Alfie sa kanilang mga health condition, iba naman ang pagtanggap nina Lyka Ugarte at Francine Prieto sa mga pagsubok na nararanasan nila.

Hindi namin pinanood ang VTR interview kay Lyka tungkol sa kanyang nth suicide attempt sa pamamagitan ng paglalaslas sa pulso niya.

As a matter of fact, kung kami ang masusunod, hindi kami papayag na maipalabas sa telebisyon ang blow-by-blow account ng tangkang pagpapakamatay ni Lyka.

Gusto namin na maawa kay Lyka. Pinipilit namin na makisimpatiya sa kanya pero nahihirapan kami, lalo na kung pera ang ugat ng problema niya. Naniniwala kami na professional help ang kailangan ni Lyka para malampasan niya ang kanyang mga problema.

*******

Hindi namin nakakausap si Francine Prieto pero alam namin ang mga nangyayari sa buhay niya dahil sa kanyang Facebook account.

Mabuting anak at kapatid ang pagkakakilala namin kay Francine. Siya ang breadwinner ng pamilya kaya naiintindihan namin kung may mga oras na parang gusto na niyang sumuko.

May sakit na kanser ang nanay ni Francine at noong Linggo, isinugod siya sa ospital dahil hindi makahinga. Base sa kuwento ni Francine, nakabangga pa ang kanilang sasakyan dahil sa pagmamadali ng kanyang kapatid na madala sa ospital ang kanilang ina.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Francine na “kahit nasa showbiz ako, hindi ako gaya ng iba na showbiz na pati pagkatao, di ako ‘echusera,’ kausapin ako ng maayos at susuklian ko.”

Nasaktan si Francine sa comments ng kanyang mga haters sa Twitter post niya na “I hate God.”

Ipinaliwanag ni Francine na hindi alam ng ibang tao ang kanyang mga pinagdaraanan. Siya ang may-ari ng Twitter account kaya karapatan niya na i-post dito ang kanyang mga saloobin.

Ipagdasal natin na maging matatag si Francine dahil hindi madali ang mga pagsubok na kanyang pinagdaraanan sa kasalukuyan.

*******

Unsinkable din ang tingin namin kay Freddie Aguilar dahil sa kabila ng paglitaw ng mga baguhan at batang mang-aawit, nandiyan pa rin siya.

Unsinkable si Freddie dahil sa kanyang mga classic composition. Unsinkable siya dahil naging fan niya kami nang muli naming marinig ang live rendition niya sa Anak, ang kanyang kanta na sikat na sikat sa buong mundo.

Unsinkable si Freddie dahil sa katapangan na ipinakita niya laban sa NBI agents noong siya’y nakausap namin tungkol sa kaso ng kanyang pamangkin na si Jason Ivler.

Unsinkable si Freddie dahil siya lang ang veteran singer na narinig naming nagsalita ng “Hellllllllllllllooooooooooo” para idiin ang kanyang nais ipunto nang tanungin namin siya sa suporta na ibinibigay niya sa mag-inang Marlene Aguilar at Jason.

“Nandito ako bilang kapatid. Ang suporta ko diyan, bilang kapatid pero kung hindi ako susundin ng kapatid ko at ng pamangkin ko sa aking payo, wala akong magagawa.

“Ang sabi ng tatay ko, Freddie, mag-aral kang mabuti. Gusto kitang maging abogado. Naging abogado ba ako? I made the choice. I made choices for myself. Kahit anong pangaral natin sa mga anak natin, mga kaibigan at mga kapatid natin, kung hindi susunod sa pangaral natin, wala tayong karapatan na saklawan yung kanilang pangarap.

“Masama na ba ako doon dahil hindi ko sinunod ang pangarap ng tatay ko? Hindi! Dahil ako yun. Gusto kong maging musikero. Pangarap ko ‘yon.

“Ikaw, may hawak ka na kamera, sabi ng tatay mo sa ‘yo, ‘Anak gusto kitang maging call center technician, ang laki ng suweldo diyan.’ E, gusto niyang maging cameraman, e. Anong gagawin ng tatay niya sa kanya, e, gusto niya na maging cameraman? Ipapakulong siya?  Helloooooo, hellooooooooo, di ba?”

P.S. Sa tuwing nababanggit ang pangalan ni Freddie, ang malakas na alingawngaw ng pagkakasabi niya ng “hellloooooooooooooooooooo”  ang unang sumasagi sa aming isip.