| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Ironies

Filed under: Features — admin at 5:16 pm on Wednesday, January 20, 2010

Mali ang ginawa ni Marlene Aguilar na pagtatago sa anak niyang si Jason Ivler pero marami pa rin ang nakaramdam ng awa sa kanya bilang ina.

Kabilang kami sa mga naawa kay Marlene habang umiiyak nitong sinasabi na kahit ano pa man ang ginawa ni Jason, mahal na mahal niya ang kanyang anak.

Dahil big news ang pagkakadakip kay Jason ng NBI agents, naglabasan na ang mga kuwento tungkol sa kanya. May nag-claim na nag-artista si Jason noon at kasama siya sa cast ng T.G.I.S., ang defunct show ng Viva Television na napanood sa GMA-7. Nagpa-interbyu rin ang sexy starlet na si Paloma na nagsabi na naging date niya noon si Jason, mabait daw ito at palabiro.

*******

Dalawang buwan na nagtago si Jason mula nang hanapin siya ng police authorities dahil sa pagpatay niya kay Renato Victor Ebarle, Jr.

Nanindigan si Marlene na hindi nito alam ang kinaroroonan ng kanyang fugitive son.

Bukod sa mariing denial, gumawa si Marlene ng kuwento na nakatanggap siya ng email mula kay Jason na nagsasabing nasa Hawaii na ito.

Hindi namin kilala nang personal si Marlene pero base sa mga interbyu sa kanya na aming napanood, isa siyang karakter.

Nangingiti kami sa tuwing napapanood namin ang footage ng pagsugod ng NBI agents sa bahay ni Marlene sa Quezon City. Takaw-pansin ang malalaking tarpaulin-sized photos ni Marlene na nakalagay sa harap ng gate ng kanyang buhay. Itinago man niya si Jason, parang naghuhumiyaw na sinasabi ng mga tarpaulin na, “Dito po nakatira si Marlene! This is her house. This is her house!”

******

Tuloy ang network war sa pagitan ng ABS-CBN at GMA 7. Naramdaman namin ito noong Martes dahil sa magkasabay na presscon ng kanilang mga bagong drama show, ang Magkano Ang Iyong Dangal? ng Kapamilya network at ang Ina, Kasusuklaman Ba Kita? ng Kapuso network.

Sa presscon ng Magkano Ang Iyong Dangal?, nacho chips at siomai ang mga appetizer na inihanda ng ABS-CBN. Mula sa presscon ng Magkano…, tumuloy kami sa presscon ng Ina…at ang bumulaga sa amin? Ang nacho chips at siomai na handa ng GMA 7.

Nakita namin ang novelist na si Gilda Olvidado sa presscon ng ABS-CBN. Inimbitahan si Gilda dahil siya ang sumulat ng kuwento ng Magkano Ang Iyong Dangal?

Si Gilda uli ang nakita namin sa presscon ng Ina… Invited din siya sa presscon ng GMA 7 dahil siya rin ang sumulat ng kuwento ng drama series na pinagbibidahan ng mag-inang Jean at Jennica Garcia.

Hindi magkatapat ang timeslot ng Magkano… at Ina… pero sabay na magsisimula sa Lunes ( January 25 ) ang mga nasabing programa.Sino ngayon ang magsasabi na walang network war sa pagitan ng GMA 7 at ABS-CBN?

*******

Nag-aayos ako ng mga gamit at nagdidispatsa ng mga papeles na hindi na kailangan habang nagsasalita si Kris Aquino sa TV tungkol sa temporary separation nila ni James Yap.

Parang nananadya ang pagkakataon dahil ang statement ni Kris na pirmado niya at may petsa na September 17, 1994, ang aking nakita habang iniinterbyu siya sa TV.

Mahilig akong magtago ng mga official statement ng mga artista at ng mga kopya ng mga dokumento ng mga kaso na kinasasangkutan nila. May ugali akong pinupulot at itinatago namin ang mga thoughts ng mga artista na isinusulat nila para huwag makaligtaan ang kanilang mga sasabihin sa mga live TV guesting.

Ito ang ang official statement ni Kris::

“After many weeks of speculation, I come before you today once again asking for your understanding.

“I am apologizing for avoiding all interviews. I sincerely felt that I had to wait for the right time to come when I would be ready to face everyone with the truth.

“LOVE IT HAS BEEN SAID, KNOWS NO WRONG. I’m offering no excuses or alibis now. I fell in love with Phillip because he filled a void in my life. Being older, he treated me with fatherly indulgence, he generously gave me his time and effort, he showered me with so much caring and attention, and above all else, I felt a love from him that no other man has made me feel.

“I do not regret loving him. My regret lies in the fact that our love has caused so much pain and disappointment in the love of those who love me most, my family in particular.

“It may be difficult for you to understand considering my past mistakes of the heart.

“AT 23, I AM STILL IN THE PROCESS OF GROWING UP, there is still so much I need to experience. Yes, I am well-educated but in actuality I remain very much an innocent in the ways of the real world.

“PHILLIP AND I HAVE PARTED WAYS not because we have stopped loving each other but because present circumstances prevent me from holding on. LET ME MAKE IT CLEAR THAT UNLIKE IN THE PAST, I WAS NOT MADE TO CHOOSE BETWEEN MY FAMILY AND THE MAN I LOVE.

“Buong buhay ko po, ako ang pinagbigyan at ako po ang iniintindi ng aking pamilya. Siguro po, I am growing up because I now realize that my personal happiness should not be my only concern.

“I AM LEAVING IN EARLY OCTOBER FOR A VACATION IN THE UNITED STATES. Sana naman po habang wala ako ay matigil na po ang mga chismis at intriga. Sana po ay maintindihan ninyo na aalis lamang ako para mabigyan ang sarili ko ng panahon para makapag-isip at para po muling tumibay ang aking kalooban.

“None of us can know what fate has in store. But just like my Mom, I BELIEVE IN THE MERCIFUL LOVE OF THE LORD ALMIGHTY, AND I KNOW THAT HE WILL ALWAYS BE ON MY SIDE.

“Once again I ask only for your compassion and understanding.”

*******

Hindi humarap sa media si Mayen Austria, ang basketball fan na ugat ng panibagong pagsubok sa relasyon nina Kris at James.

Isang bagay ang aming ipinagtataka. Parehong nakatira sa isang exclusive village ang mga Austria at Aquino family pero malayang nakapasok sa Valle Verde 2 ang mga news reporter para interbyuhin ang mga kasambahay ni Mayen at ang mga saksi sa pagbisita ni Kris sa kanilang tahanan.

Kung talagang ayaw ng mga Austria na lumaki ang isyu, magbibilin sila sa mga village security guard na huwag magpapasok ng media members at TV crew o tawagan sila sa telepono na S.O.P. ng mga security personnel ng ibang mga exclusive subdivision.

Mga kuwentong may “pero”

Filed under: Features — admin at 4:08 pm on Wednesday, January 13, 2010

Na-excite ako nang makita ang profile ni Trixia Gomez sa isang social networking site.
Marami sa mga kabataan ngayon ang hindi na nakakakilala kay Trixia. Sumikat siya noong dekada ‘70 at naging paboritong leading lady ng mga action star at komedyante.
Marami sa mga pelikula ni Trixia ang napanood ko at dahil sa excitement, agad akong nag-post ng message sa kanyang account.

Nagpakilala ako kay Trixia, sinabi ang aking propesyon at publication na pinagsusulatan. Binanggit ko rin na palagi kong pinapanood noon ang kanyang mga pelikula.

Nagulat at napangitii ako sa mabilis na sagot ni Trixia sa aming message: ” Oh! Hi, yap I remember you, musta ka na?”

*******

Napangiti ako dahil alam kong naging polite lang si Trixia dahil hindi kami magkakilala at lalong hindi pa personal na nagkikita. Hindi na active si Trixia sa showbiz nang mag-umpisa ako sa pagsusulat.

Nevertheless, na-appreciate namin ang kanyang quick reply at ngayon, magkaibigan na kami sa social networking site na aking tinutukoy.

Nakilala nang husto si Trixia bilang Gundina, ang love interest ni Barok, ang Pinoy caveman na binigyang-buhay ni Chiquito sa silver screen. Permanent resident na si Trixia sa Amerika.

*******

Hindi ko rin mapigilan ang mapangiti sa tuwing naaalala ko ang personal experience kay Tia Pusit.

November 2008 nang magpunta kami sa Los Angeles para panoorin ang laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas.

‘Yon ang panahon na napabalitang may eye illness si Tia Pusit at isang operasyon ang kailangan.

Nakarating sa L.A. ang balita at dahil sa awa kay Tia Pusit, nakisuyo ang LA-based friend na si Joseph Gelito na ibigay namin sa veteran comedienne ang kanyang munting tulong. Ikinuwento sa akin ni Joseph na magkaibigan sila ni Tia Pusit at palagi silang nagkakasama sa mga show noong naninirahan pa siya sa Pilipinas.

Ayon kay Joseph, na-touch siya sa mga kabutihan na ipinakita sa kanya ni Tia Pusit kaya nang ito naman ang nangailangan, nagkusa si Joseph na magpadala ng financial help.

Ipinagtanong ko ang cellphone number ni Tia Pusit at nang malaman ko ito, agad akong nagpadala ng message na may pera na ipinadala sa kanya si Joseph.

Nagkaroon kami ng maraming beses na palitan ng mga text message ni Tia Pusit. Saan niya puwedeng kunin ang padala ni Joseph? Anong oras kami puwedeng magkita? Paano ang pagpunta sa condo building na aking tinitirhan at marami pang iba. Kahit hindi pa niya nakukuha ang padala ni Joseph, abot-abot na ang pasasalamat ni Tia Pusit.

Wala ako sa bahay nang kunin ni Tia Pusit mula sa condo receptionist ang sobreng iniwan ko para sa kanya.

Nalaman kong nakuha na ni Tia Pusit ang sobre dahil sa text message na ipinadala niya. Ito ang kanyang kumpletong message: “Hi po. Nakuha ko na po padala ni Joseph Gelito, ang sobre. Malaking tulong po para sa mga gamot ko. Bagama’t hindi ko siya kilala, may God bless him all the time, same as you as the ins­trument of God. Maligayang Pasko po!”

*******

Para kaming namalik-mata nang makita namin ang mga publicity photo ni Vice-Presidential candidate Edu Manzano.

Namalik-mata dahil halos kasing-edad ni Edu ang kanyang anak na si Luis sa mga litrato na ipinamigay ng kampo niya.

Hindi nakarating si Edu sa kanyang lunch date with entertainment press noong Martes. Hindi tuloy nasagot ang mga sensitive at controversial issue tungkol sa kanyang kandidatura.

*******

Magwawakas na sa Biyernes ang Dahil May Isang Ikaw, ang primetime show ng ABS-CBN.

Si Lorna Tolentino ang talagang dahilan kaya inabangan namin ang pilot telecast ng Dahil May Isang Ikaw hanggang maging habit namin ang panonood dahil magagaling ang mga artista.

Dahil regular ang panonood namin, nakita namin ang mga kahinaan at butas ng kuwento ng Dahil May Isang Ikaw.

May mga oras na hindi kami nakatiis kaya nagpapadala agad kami ng mga text message kay Lorna para sabihin ang aming mga obserbasyon.

Magagaling ang cast ng programa pero naging overacting si Chin Chin Gutierrez at nag-suffer din ang performance ni Jericho Rosales.

Kabilang kami sa viewers na hirap na hirap habang pinapanood si Jericho pagkatapos makaligtas sa comatose ng kanyang karakter.

Mga ampon ng mag-asawang Tessa at Daniel (Lorna at John Estrada ) sina Miguel (Jericho) at Red (Sid Lucero). Malalaki na sina Miguel at Red nang kupkupin sila ng mag-asawa pero higit pa sa tunay na mga anak ang trato sa kanila base sa mga eksena na napanood ng viewers. At isa itong unbelievable plot para sa amin.

Managing expectations

Filed under: Opinion — admin at 2:57 pm on Wednesday, January 6, 2010

Happy New Year!!!

For the first time, napanood namin ang lahat ng pelikula na kasali sa 2009 Metro Manila Film Festival.

Siniguro naming mapanood ang Wapakman dahil kahit hindi pa ito ipinalalabas, may mga nagsabing hindi magtatagal sa mga sinehan ang pelikula ni Manny Pacquiao.

True enough, hindi pa man tapos ang two-week run ng MMFF movies, ang Wapakman ang unang na-pull out sa mga sinehan.

Last full show nang panoorin namin sa Gateway Mall Cinema 4 ang Wapakman.

Nagkataon lang na palabas ang pelikula sa Cinema 4 at apat lamang kami sa loob ng sinehan.

Marami na kaming nabasa at narinig na panlalait sa filmfest movie ni Manny pero wala ni isa man na nagsabi o nagsulat na hindi maganda ang pelikula dahil hindi marunong umarte ang Pambansang Kamao. Si Manny ang tunay na liability ng project dahil maayos ang cinematography ng Wapakaman, pati na ang direksyon ni Topel Lee.

*******

Ang I Love You, Goodbye ang huli sa pitong MMFF entry na pinanood ko noong Martes nang gabi.

Rated B ng Cinema Evaluation Board ang pelikula ng Star Cinema. Nakarating sa amin ang balita na hindi nagustuhan ni Laurice Guillen ang B grade na ibinigay ng CEB sa kanyang pelikula.

Nang panoorin namin ang I Love You, Goodbye, naisip namin na walang dapat ipagtampo si Laurice sa CEB.

Hindi kami film critic at lalong hindi kami nagpapanggap na film reviewer. Nanonood kami ng mga pelikula para ma-entertain pero hindi ito ang nangyari nang panoorin namin ang I Love You, Goodbye.

Una, sirang-sira ang continuity ng pelikula. May mga eksena na mahaba ang buhok ni Angelica Panganiban pero sa next scene, maigsi na ang kanyang buhok. May mga sequence na double chin si Angelica at may mga sequence na payat siya.

Walang ipinagkaiba si Gabby Concepcion sa mga eksena ni Angelica. May pagkakataon na mahaba ang buhok ni Gabby pero sa next sequence, bagong gupit siya.

Hindi rin namin nagustuhan ang minadali na ending ng pelikula. Biglang naging mabait sa karakter ni Angelica ang mga kontrabida sa buhay niya, sina Kim Chiu at Liza Lorena na parehong nagpakita ng “palaging-galit acting.”

*******

Totoo ang sinabi ni Senator Bong Revilla na Ang Panday ang tunay na topgrosser.

Nahigitan ng kanyang pelikula ang box-office gross ng Ang Darling Kong Aswang dahil sa Best Picture award na ipinagkaloob sa Ang Panday ng MMFF jurors.

Totoo rin na mas maganda ang Panday kumpara sa Aswang. Mas maganda ang quality ng pelikula ni Bong sa filmfest movie ni Vic Sotto.

Si Bong ang isa sa mga unang nag-react sa sinabi ni Vic na topgrosser ng 2009 MMFF ang Aswang.

Nang magkaroon ng victory presscon ang cast ng Aswang noong December 30, 2009, ang four-day gross ng kanyang pelikula ang pinagbasehan ni Vic kaya naging confident ito sa pagsasabi na topgrosser ang filmfest entry niya.

Mabilis na nakarating kay Bong ang mga pahayag ni Vic kaya kinabukasan, isang tao na may kinalaman sa Aswang ang kanyang tinawagan sa telepono para i-dispute ang statement ng komedyante.

Nang mga sumunod na araw, naging visible si Bong sa TV para pasalamatan ang mga tumangkilik sa kanyang pelikula at linawin na ang Panday ang tunay na topgrosser.

*******

Nasorpresa kami nang panoorin namin ang Nobody, Nobody But Juan ni Mang Dolphy.

Hindi namin inaasahan na magugustuhan namin ang pelikula sa kabila ng mga ginamit na lumang joke at gags.

May isang entertainment writer na binira ang eksena ni Mang Dolphy. Ang eksena na hubad siya at pampers lamang ang suot, hindi raw dapat pumayag ang Comedy King na gawin ang eksena dahil hindi na bagay sa kanyang edad.

Wala kaming nakitang masama sa “pampers scene” ni Mang Dolphy. As a matter of fact, bumilib kami sa kanyang ginawa. Hindi siya nahiya na ipakita ang mga bakas ng tahi sa kanyang katawan dahil sa mga operasyon na pinagdaanan niya.

Naging matapang si Mang Dolphy sa pagpapakita ng katotohanan na lahat tayo ay magkakaedad at darating ang panahon na ang iba ay magsusuot ng pampers.

*******

Samantala, naging busy kami noong December 2009 kaya hindi na namin naisulat ang eyewitness account ng mga residente ng Silang, Cavite, na tumulong kay Hayden Kho, Jr.

May mga litrato kami ng reenactment ng mga good samaritan sa posisyon at itsura ni Hayden nang matagpuan ito sa taniman ng pinya.

Masuwerte si Hayden dahil natabunan ng busy Christmas season ang mga kuwento tungkol sa kanyang “second suicide attempt ” na itinatanggi niya pero patuloy na babalik, pag-uusapan at mauungkat hangga’t kulang siya sa atensyon.