| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Is there a Hayden agenda?

Filed under: Opinion — admin at 3:19 pm on Tuesday, December 8, 2009

Naka-confine pa rin si Hayden Kho, Jr. sa Manila Doctor’s Hospital sa U.N. Avenue, Ermita, Manila.

Resident doctor ng Manila Doctor’s Hospital si Dr. Hayden Kho, Sr., ang ama ni Hayden Jr., kaya understandable ang inilabas na official statement ng ospital tungkol sa initial impression na “intestinal flu” ang kanyang sakit.

Headline sa isang tabloid na Ecstacy ang dahilan ng pagkakaospital ni Hayden. Diumano, siyam na Ecstacy pills ang nilunok ng kontrobersyal na doktor pero may mga nagsasabi na labing-apat ang bilang ng designer drug pills na nilunok ni Hayden.

Sa pamamagitan ng isang offcial statement at interview sa kanilang legal counsel na si Atty. Irene Gracia, pinabulaanan ng mga magulang ni Hayden ang balita na nagtangkang magpakamatay ang kanilang anak, kasabay ng pagtanggi na lumunok si Hayden ng Ecstacy pills dahil sa matinding depression.

Pero hindi bago kay Hayden ang paggamit ng Ecstacy. Inamin niya sa Senate inquiry noong June 2009 at sa past interviews sa kanya ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

*******

Magkaibang-magkaiba ang paliwanag ni Atty. Garcia at ng mga residente ng Silang, Cavite, tungkol sa nangyari kay Hayden.

Sinabi ni Atty. Garcia na maayos ang kalagayan ni Hayden nang bisitahin niya sa ospital. Wala raw itong sugat o galos sa katawan, taliwas sa mga sinabi ng saksi.

Isang bagay ang hinihintay naming sabihin ni Atty. Garcia at ng mga magulang ni Hayden, ang pasalamatan si Tano Legaspi at ang mag-amang Tony at Andrew Olivar dahil sila ang sumaklolo kay Hayden.

If not for them, baka tuluyang namatay si Hayden dahil sa sobrang sakit ng tiyan, tulad ng iginigiit ng kanyang pamilya at legal counsel. As of this writing, wala pa kaming nababalitaan na nagpasalamat ang pamilya ni Hayden sa mga good samaritan na nagtulung-tulong para iligtas siya.A simple thank you means a lot.

*******

Naaawa kami sa mga tao na nagmagandang-loob kay Hayden. Lumalabas na parang imbento ang kanilang mga pahayag sa Showbiz Central dahil sa denial ng kampo ni Hayden.

Sila na nga ang tumulong, sila pa ang nagmukhang sinungaling. Malinaw at detalyado ang pahayag nina Tony, Andrew at Tano. Walang dahilan para mag-imbento sila ng kuwento dahil hindi nila kilala si Hayden nang matagpuan ito na nakabulagta, umuungol at umiiyak sa taniman ng mga pinya. Nakilala lamang nila ang lalake nang sabihin nito na siya si Doc Hayden.

Wala si Atty. Garcia at ang mga magulang ni Hayden sa Silang, Cavite, nang maganap ang insidente kaya mahirap makumpirma ang kanilang kuwento.

Lalong nadagdagan ang mga pagdududa sa tunay na kalagayan ni Hayden dahil sa press statement ng kanyang pamilya. Hindi na sila dapat naglabas ng statement. Less talk, less mistake.

*******

Detalyado rin ang mga pahayag ng mga saksi sa ospital na pinagdalhan kay Hayden. Again, walang dahilan para gumawa sila ng kasinungalingan na narinig nila ang pagsasabi ni Hayden ng, “I want to die. I want to see Vicks.”

December 10, 2008 nang unang magtangka si Hayden na magpakamatay sa pamamagitan ng drug-overdose. “I love Vicks” ang nakasulat sa dibdib ni Hayden nang matagpuan ito na walang malay sa kanyang condo unit sa Makati City.

The Lounge ang pangalan ng bagong business na pinagkakaabalahan ni Hayden. Co-owner siya ng The Lounge. Hindi makakatulong sa pag-unlad ng The Lounge ang balita tungkol sa bagong suicide attempt ni Hayden at ang diumano’y paggamit niya ng Ecstacy.

At kung totoo man na gumagamit siya ng Ecstacy, dapat managot ang supplier ng ipinagbabawal na gamot at ang tao na nagbibigay kay Hayden ng Ecstacy.