| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

The Scene in Las Vegas

Filed under: Features — admin at 1:35 pm on Sunday, November 15, 2009

LAS VEGAS. Nakita namin kahapon sa Fashion Show Mall si Rosalio Pacquiao at ang kanyang dalawang anak na lalake.

Si Mang Rosalio ang ex-husband ni Aling Dionisia Pacquiao. Ipinag-shopping si Mang Rosalio ng kanyang mga anak. Kasama nila ang isang American bodyguard na susunod-sunod sa kanilang paglalakad.

Hindi pa namin namamataan dito si Aling Dionisia. Magkasabay na lumipad sa Amerika ang estranged couple. Ayon sa isang eyewitness, naging civil sa isa’t-isa ang dating mag-asawa pero hindi sila nakita na nag-uusap.

*******

Kinumpirma ng mga Pilipino na nakausap namin na naririto rin sa Las Vegas ang Ranillo family pero habang aming isinusulat ito, hindi pa namin nakikita si Krista, ang kanyang mga magulang at kapatid.

Naka-check in ang Ranillo Family sa Luxor Hotel at dito rin naka-billet ang La Diva, ang trio nina Jonalyn Viray, Aicelle Santos at Maricris Garcia na kakanta ng Philippine National Anthem sa laban nina Manny Pacquiao at Miguel Cotto.

*******

Alam ni Jinkee Pacquiao na naririto sa Las Vegas si Krista. Isang malapit kay Jinkee ang nagsabi na nagsalita ang misis ni Manny Pacquiao na huwag na huwag niyang makita sa gabi ng laban ang babae na iniuugnay sa kanyang asawa dahil baka mauna pa ang laban nila ni Krista.

Susubukan namin na mahanap sa Las Vegas at makausap si Krista para mabigyang-linaw na ang mga balita tungkol sa special friendship nila ni Manny. Tanging si Krista ang makapagtatanggol sa sarili laban sa mga paratang sa kanya.

*******

Mabentang-mabenta ang Pacquiao-Cotto T-shirts at caps sa lobby ng MGM Hotel. Twenty-five dollars ( US$25 ) ang presyo ng mga T-shirt. No return, no exchange ang policy ng nagtitinda ng Pacquiao-Cotto shirts dahil mahirap nang ibenta ang mga ito pagkatapos ng kanilang laban.

Naririto rin kami sa Las Vegas noong May 2009 para sa laban nina Pacquiao at Ricky Hatton. Napansin namin na mas agresibo at maiingay ang mga Briton kumpara sa mga kababayan ni Cotto. Tubong Caguas, Puerto Rico si Miguel.

Paglabas namin ng MGM Hotel, ang bus na sinasakyan ni Cotto ang bumulaga sa aming paningin. Tulad ng bus ni Manny, napapalibutan ng mga litrato ni Cotto ang kanyang sasakyan na pinagkakaguluhan ng mga Puerto Rican.

bus2.jpg

bus.jpg

*******

Samantala, naging instant celebrity ang Filipino look-alike ni Manny na pinagkaguluhan ng mga foreigner sa lobby ng MGM Hotel.

manny-lookalike.jpg

Panay ang kuha nila ng litrato sa look-alike ni Manny na enjoy na enjoy sa atensyon na ibinigay sa kanya.

Hindi naniniwala ang mga foreign hotel guest na look-alike lamang ni Manny ang lalake. Hindi sila nagpaawat sa pagpapakuha ng litrato na kasama ang impostor ng Pambansang Kamao.

Nainterbyu ni Arf Arf ang look-alike ni Manny at mapapanood ito sa Cool Center. Si Arf Arf ang  dog puppet ng Saturday night show nina Anjo Yllana at Eugene Domingo. Kami ang naging puppeteer ni Arf Arf kaya na-realize namin na mahirap pala ang trabaho ng isang puppeteer.

Remembering the dead

Filed under: Features — admin at 3:09 pm on Monday, November 2, 2009

July 2008 nang puntahan namin ang Westwood Memorial Park sa Westwood Village, isang lugar sa Los Angeles, California, para bisitahin ang puntod ng Hollywood icon na si Marilyn Monroe.

Kasama namin na nagpunta ang mga kaibigan na sina Lhar Santiago at Joe Barrameda. Sa tulong ng Magellan GPS, natunton namin ang Westwood Village pero hindi kaagad namin nakita ang Westwood Memorial Park dahil natatakpan ito ng mga matataas na building.

Kailangan pa naming magtanong sa security guard ng isang building para mahanap ang memorial park na kinaroroonan ng labi ni Marilyn at ng ibang mga sikat na personalidad sa Hollywood.

Hindi mahigpit ang security sa Westwood Memorial Park. Malaya kaming nakapasok nina Lhar at Joebarr. Mismong ang cemetery care-taker ang nagturo sa amin ng crypt ng legendary sex goddess.

marilynmonroe.jpg

Nabasa namin na sa loob ng dalawang dekada, mula nang mamatay ang aktres noong August 5, 1962, tatlong beses sa isang linggo na nagpapadala si Joe DiMaggio ng red roses sa crypt ni Marilyn. Si Joe ang legendary baseball player at ex-husband ni Marilyn.

Mga puting bulaklak ang nakita namin sa crypt ni Manilyn. Hindi na namin inalam ang nagpadala ng mga puting bulaklak pero siguradong hindi na si Joe dahil sumakabilang-buhay na rin ito noong March 1999.

*******

Well-maintained ang Westwood Memorial Park at puwede itong mapagkamalan na picnic park. Tahimik na tahimik at maayos ang paligid. May kapayapaan na mararamdaman ang mga bumibisita sa nabanggit na lugar.

Nakalibing din sa Westwood Memorial Park ang sikat na singer na si Dean Martin.

“Everybody loves somebody sometime” ang epitaph sa marker ng puntod ni Dean. Ang “Everybody Loves Somebody Sometime” ang pamagat ng isa sa mga hit song ni Dean.

dean-martin.jpg

“Beloved Daughter, Sister, Wife, Mother & Friend, 1938-1981, More Than Love,” ang epitaph sa bronze marker ng puntod ni Natalie Wood Wagner.

Gaya ng libingan ni Marilyn, hindi nawawalan ng bulaklak (gardenia flowers) sa himlayan ng labi ni Natalie.

*******

Buhay na buhay pa si Elizabeth Taylor at ang Playboy founder na si Hugh Hefner pero nakahanda na ang kanilang mga paglilibingan sa Westwood Memorial Park.

Sa tabi ng puntod ng kanyang mga magulang ang future burial site ni Elizabeth. Pinili naman ni Hugh na ilibing ang kanyang labi sa tabi ng crpyt ni Marilyn, kung sakaling mamatay siya..

Sumakabilang-buhay si Farrah Fawcett noong June 25, 2009. Inilibing din ang kanyang katawan sa Westwood Village pero hindi pa nilalagyan ng pangalan ang puntod niya.

*******

Sa Pilipinas, hindi nawawalan ng dalaw ang mga puntod nina Fernando Poe, Jr. sa North Cemetery,  Rudy Fernandez sa Heritage Park, sina Rico Yan, Senator Ninoy Aquino at former Philippine President Cory Aquino sa Manila Memorial Park.

Noong Biyernes, ipinakita sa 24 Oras ang report tungkol sa female fan na kinunan ng video ang puntod ni FPJ mula sa kanyang cellphone camera.

Kitang-kita sa video na kuha ng fan ang isang puting bagay na gumalaw at humiwalay mula sa malaking litrato ni FPJ na nakalagay sa puntod ng aktor. Naka-post sa Youtube ang clip ng 24 Oras report at kilabot ang nararamdaman ng mga nakapanood.

*******

Kung may Marilyn Monroe ang Amerika, may Stella Strada ang Pilipinas. Hindi na kilala ng mga kabataan ngayon si Stella, ang top sex symbol ng bansa mula 1983 hanggang 1984.

Tulad ng pagkamatay ni Marilyn, may malaking misteryo sa likod ng pagpapatiwakal ni Stella noong December 1984. But unlike Marilyn, iilan na lamang ang nakakaalaala kay Stella. Halos wala nang nakakaalam sa eksaktong lugar na pinaglibingan ng kanyang labi sa isang memorial park.

Misteryosa ang packaging ng Seiko Films kay Stella. Napapanood lamang siya sa kanyang mga pelikula. Hindi pinapayagan si Stella na mag-guest sa mga TV show o talk show. Kontrolado  ng Seiko Films ang kanyang mga publicity.

Aminado si Robbie Tan na malaki ang kontribusyon ng mga pelikula ni Stella sa paglago ng kanyang movie outfit.

Blockbuster ang lahat ng mga movie project ni Stella. Pinilahan sa takilya ang kanyang mga pelikula kaya marami ang nabigla nang tapusin ni Stella ang sariling buhay nang magbigti siya.

Nang magpakamatay si Stella noong 1984, dumami ang suicide cases sa pamamagitan  ng pagbibigti kaya tinawag ito na Stella Syndrome. Isang kapwa sexy star ang biktima ng Stella Syndrome, ang sexy star na si Pepsi Paloma.

Sinasabi na malungkot ang buhay ng karamihan sa mga sexy actor. Sa kabila ng kasikatan at box-office success ng kanyang mga pelikula, hindi naging masaya si Stella.

Pinagpantasyahan man at minahal  siya ng libo-libong kalalakihan, hindi naramdaman ni Stella ang kanilang pagmamahal at pinatunayan ito ng kanyang suicide note na iniwan. Nakasulat sa suicide note ni Stella ang mga salita na: “Walang nagmamahal sa akin.”