| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Showbiz shockers that aren’t really shocking

Filed under: Opinion — admin at 5:02 pm on Wednesday, October 21, 2009

Hindi nakakatuwa ang mga pahayag ni Lyka Ugarte tungkol sa kanyang ikaapat na attempted suicide.

Imbes na kaawaan, kinairitahan si Lyka dahil sa kanyang latest statement na sa susunod, magbabaril siya sa sarili para matuloy na ang kamatayan niya. Bakit ipinapasa ni Lyka sa ibang tao ang responsibilidad niya sa sarili?

Kung nakaya ni Lyka na paglaruan ang kanyang buhay, hindi ba’t puwede rin niyang paglaruan ang ibang tao para makakuha siya ng simpatiya?

May bagong apela si Lyka sa mga pinadadalhan niya ng mga text message. Ipagpatuloy raw sana ng GMA-7 ang panawagan na tulungan siya dahil may bagong pagsubok sa kanyang buhay. Naka-confine sa ospital ang anak niya na pinagsususpetsahanng may sakit na dengue.

Base sa text message ni Lyka, humihingi siya ng tulong.

Pero kung tutuusin, kailangan munang tulungan niya ang sarili bago siya humingi ng tulong sa ibang tao.

May nakapagsabi sa amin na RAV4 ang sasakyan ni Lyka pero lumubog sa ito sa baha. At least, may sasakyan pa rin siya at may cellphone na nagagamit para i-text ang mga hinihingan niya ng tulong.

Ikinuwento sa amin ni Jun Nardo na tinulungan niya si Lyka noong nag-uumpisa pa lamang ito sa showbiz.

Ang next scene? Hindi na siya kilala ni Lyka nang maging empleyado ito ng SM Cinema. Hindi binati ni Lyka si Jun nang magkita sila.

Ngayong naghihirap si Lyka, hindi kami magugulat kung kilala na niya uli ang mga reporter na hindi pinapansin noong maganda pa ang kanyang posisyon sa SM Cinema.

Ang bold star na si Cherry Madrigal ang pumasok sa aming isip habang pinanonood namin ang interbyu kay Lyka tungkol sa kanyang suicide attempt.

Dumanas din si Cherry ng matinding kahirapan pero hindi ito nagpatalo. Nakikita namin noon si Cherry na nakatayo sa gate ng mga TV network dahil hinihintay niya ang mga artista na pagbebentahan ng mga mangga na kanyang itinitinda.

Kahit pinipilit ni Cherry ang mga artista na bilhin ang kanyang mga paninda, hindi ka makakaramdam ng inis dahil pursigido siya na magkaroon ng marangal na hanap-buhay.

Hindi namin pinapayuhan si Lyka na magtinda ng mangga pero huwag niyang gamitin na dahilan ang kahirapan para magtangka siya na tapusin ang kanyang buhay.

*******

Dahil sa naging trato ni Lyka kay Jun, tinanong namin ang ibang mga kasamahan sa pagsusulat kung sino sa mga artista ang marunong magpasalamat.

Sigurado sila sa kanilang mga sagot. Mas marami ang bilang ng mga artista na hindi nagpapasalamat sa mga magagandang artikulo tungkol sa kanila na isinusulat ng mga entertainment writer pero kapag negatibo ang article, bayolente ang reaksyon nila.

Likas din sa mga artista ang pagkakaroon ng amnesia. May mga artista na kahit maraming beses na nainterbyu ng mga reporter, hindi na nila kilala ang mga kausap sa kanilang mga sumunod na pagkikita.

*******

Nagtataka raw si Dorothy Laforteza dahil marami kaming alam na kuwento tungkol sa pagkawala ni Sunshine Dizon sa Tinik Sa Dibdib. May mga tao siya na tinatanong kung sila ang nagkuwento sa amin.

Walang dapat ipagtaka ang nanay ni Sunshine. Ang sarili ang kanyang dapat tanungin dahil kung anuman ang mga balita na nakararating sa amin, ang lahat ng ito ay galing sa kanya dahil siya rin ang nagkukuwento sa maraming tao.

Nahihirapan ang ina ni Sunshine na tanggapin ang katotohanan na tinanggal sa cast ng Tinik Sa Dibdib ang kanyang anak dahil naging unprofessional ito.

Iba na ang panahon ngayon. Hindi na uso ang mga prima donna. Hindi na puwedeng magmalaki sa trabaho ang mga artista, kahit magagaling sila na umarte. Nobody is indispensable. Love your work and your work will love you.

Pinapanood pa rin ang Tinik Sa Dibdib, kahit wala na si Sunshine, isang pruweba na basta maganda ang project, panonoorin ito ng mga tao.

Good example? Ang May Bukas Pa ng ABS-CBN.

Isang unknown child star ang bida ng May Bukas Pa. Pero dahil maganda ang project, na-extend ang programa na nagpasikat kay Zaijan Jaranilla.

*******
Dalawa na ang acting award ni German Moreno, ang best supporting actor trophies mula sa PMPC Star Awards for Movies at FAMAS Awards.

Nanalo si Kuya Germs para sa Paupahan, ang indie movie na nagpanalo kay Allen Dizon sa Best Actor category ng FAMAS.

Itinuwid ni Kuya Germs ang maling akala na muntik na niyang tanggihan ang kanyang role sa Paupahan.

Ibang project daw ang kanyang tinutukoy. Hindi sinabi ni Kuya Germs ang pamagat ng pelikula pero tinanggihan niya ang project dahil masyadong bulgar ang gay role na inialok sa kanya.

Lessons from Ondoy

Filed under: Features — admin at 6:47 pm on Thursday, October 8, 2009

Hindi na ordinaryong social networking sites ang Facebook at Twitter dahil malaki ang naging tulong ng mga ito sa pagpapakalat ng mga mahahalagang impormasyon at panawagan noong September 26, 2009, ang araw na hindi malilimutan ng mga Pilipino, lalo na ng mga residente ng Metro Manila at kalapit-probinsya, dahil ito ang araw na nagdala ng malakas na buhos na ulan at baha si tropical storm Ondoy.

Lumubog sa baha ang maraming lugar sa Luzon. Nagkaroon ng malawakan na brown-out. Maraming Pilipino ang hindi nakauwi sa kanilang mga bahay, stranded sa ibang lugar. Meron ding stranded sa bubong ng kanilang mga tahanan.

Habang nananalanta si Ondoy, updated ang mga Facebook at Twitter user sa mga nagaganap sa paligid dahil sa mga message, litrato at videos na naka-post sa mga nabanggit na social networking site.

Suddenly, naging public service sites ang Facebook at Twitter dahil dito inilagay ang mga panawagan para sa mga nangangailangan ng tulong, ang mga lugar na lumubog sa mataas na tubig-baha, ang mga tao na nagpaabot ng mensahe sa kanilang mga nag-aalalang kamag-anak na wala silang dapat ipag-alala.

Malaking tulong ang Facebook at Twitter dahil ito ang dalawa sa mga naging instrumento para maipaabot sa mga kinauukulan ang mga tulong na kailangan ng ating mga kababayan.

*******

Believe it or not, may Facebook account ang dating aktor na si Dennis Da Silva. Matagal nang nakakulong si Dennis sa Nagpayong Pasig City Jail dahil sa isang rape case.

Inakusahan si Dennis ng pang-aabuso sa 14-year old daughter ng kanyang live-in partner na si Marilyn Paz noong 2003.

Mula noon, marami nang pagbabago ang nangyari sa buhay ng dating aktor. Nabuntis ang bata, namatay si Marilyn, at kahit nakakulong si Dennis, nagpakasal ito kay Tina King, ang childhood sweetheart niya na umuwi sa Pilipinas nang malaman ang nangyari sa dating miyembro ng That’s Entertainment.

dennis3.jpg

May anak na sina Dennis at Tina. Hindi nakakalimot si Tina na dalawin si Dennis sa kulungan nito.

*******

Nang lumubog sa tubig-baha ang Nagpayong City Jail, ginamit ng asawa ni Dennis ang Facebook account ng 35-year old actor upang manawagan on behalf of the prisoners sa Pasig City officials na dalhan sila ng makakain.

dennis1.jpg

Naka-post sa Facebook account ni Dennis na tatlong araw nang walang pagkain at tubig ang inmates ng Nagpayong Pasig City Jail dahil pinasok ng tubig-baha ang kanilang selda. Hindi makapagluto ang mga preso dahil nabasa rin ng tubig baha ang mga uling at kahoy na ginagamit nila sa pagluluto.

Nagkaroon ng positive result ang panawagan ni Dennis at ng kanyang asawa. Na-publish sa diyaryo ang paghingi nila ng saklolo kaya kumilos agad ang Pasig City officials.

Ang tanong, allowed ba sa loob ng selda ang mga laptop computer kaya may Internet access si Dennis? Hindi natin malalaman ang totoong kasagutan dahil ipinagbabawal sa loob ng kulungan ang mga computer at cellphone kaya naniniwala kami na ang asawa ni Dennis ang gumawa at naglalagay ng mga update sa kanyang Facebook account.

*******

Magdadalawang-linggo na ang nakalilipas mula nang hagupitin ni Ondoy ang Luzon. Hanggang ngayon, nakatatak pa rin sa aming isip ang mga hindi makakalimutan na imahe na iniwan ng mapanirang bagyo.

Noon, ang Marikina City ang isa sa mga pinakamalinis na lugar sa ating bansa.

Ngayon, ang Marikina City ang isa sa pinakamaruming lugar dahil sa mga basura na dulot ng bagyo at baha.

Noon, biruan o ginagamit sa paghahamon ang salita na “tumulay ka sa alambre.”

tulaysaalambre.jpg

Ngayon, literal na tumulay sa mga alambre ng kuryente ang ating mga kababayan dahil sa tubig-baha na lampas-tao.

Noon, ginawang reclaimed area ang mga sea at river beds. Ngayon, bumabawi na ang kalikasan. Sa latest report, patuloy sa pag-apaw ang Laguna Lake at nilamon nito ang maraming lupa na hindi na matitirhan ng mga tao.

Noon, walang pakialam sa pagtatapon ng basura ang mga Pilipino. Ngayon, ang kanilang mga personal na gamit at cherished possesions na inanod ng baha ang naging basura, pagpapatunay na marunong gumanti ang kalikasan kung magpapatuloy ang pang-aabuso ng mga tao sa likas na kayamanan at kapaligiran.

Hatid ni Ondoy…

Filed under: Features — admin at 7:56 pm on Thursday, October 1, 2009

Nakakaaantig ng damdamin ang text message na natanggap ng isang direktor mula sa kanyang mga pamangkin na biktima ng malalim na tubig-baha sa kanilang probinsya.

Nakakaantig dahil kahit wala silang makain at lubog sa baha ang kanilang bahay, ang direktor pa ang nakatanggap ng assurance mula sa kanyang mga pamangkin na huwag mag-alala dahil nailigtas ang kanyang mga koleksyon ng pelikula.

Sila pa ang humingi ng paumanhin dahil hindi kaagad nila nasagot ang text message ng nag-aalalang direktor. Wala raw silang cellphone load at brown-out sa kanilang lugar kaya wala nang baterya ang mga cellphone nila.

Kahit walang makain, sila pa ang nagsabi na walang dapat ipag-alala ang direktor dahil ligtas ang kanyang mga movie collection..

*******

Sinamahan namin noong Miyerkules, ika-30 ng Setyembre, ang isang kaibigan na dumalaw sa kanyang bahay na lubog din sa tubig-baha.

Nakatira ang aming kaibigan sa village sa Pasig City na tinitirhan din ng pamilya nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.

Kahit huminto na ang malakas na buhos ng ulan, hanggang dibdib pa rin ang tubig-baha sa lugar nina Carmina at ng aming kaibigan.

Para makapasok sa loob ng village, kailangang sumakay sa mga make-shift banca na gawa sa mga lata at puno ng saging habang nakaalalay ang dalawang lalake.

Fifty pesos per head ang singil nila sa mga pasahero at 100 pesos per head ang round trip.
Jeremiah Argano at Sandre Nievares ang pangalan ng mga “bangkero” na nagdala sa amin sa loob ng village.

Estudyante si Sandre at factory worker naman si Jeremiah. Tatlong oras nilang ginawa ang make-shift banca para magkaroon sila ng income habang sarado pa ang school at factory na kanilang pinapasukan.

Parehong residente ng Pasig sina Sandre at Jeremiah. Masuwerte si Jeremiah dahil nakaligtas siya sa lupit ng bagyong Ondoy habang nasa loob sila ng foam factory na kanyang pinaglilingkuran sa Cainta, Rizal.

Sa kuwento ni Jeremiah, isinasalansan nila ang mga foam para hindi ito maabot ng baha, pero dahil sa mabilis ang pagtaas ng tubig, na-trap sila ng kanyang limang kasama sa loob ng bodega.

Matagal na nakababad sa baha si Jeremiah at ang mga kasamahan niya sa trabaho. Nagdesisyon sila na sirain ang bubong ng bodega para makalabas dahil umabot na ang tubig sa kanilang mga mukha.

Magdamag ang lima sa rooftop ng bodega. Tiniis daw nila ang malakas na buhos ng ulan at ang matinding lamig na nararamdaman.

Nang mag-umaga, nagpasya ang lima na lumangoy sa tubig-baha at dito nangyari ang trahedya na hinding-hindi na malilimutan ni Jeremiah.

Habang lumalangoy sila, sumabog ang glass door ng Rural Bank ng Cainta. Tumama ang mga basag na salamin sa mukha at katawan ng kasamahan niya na nagngangalang Joseph, samantalang tinangay ng malakas na agos ang isa pa nilang kasama.

“Tumusok po sa katawan ni Joseph ang mga salamin. Sinaklolohan po namin siya. Kitang-kita ko ang pagkisay ng kanyang katawan pero lumalaban siya dahil gusto pa niya na mabuhay.

“Nang dumating po ang tatay ni Joseph at nakita ang kanyang bangkay, ayaw niyang maniwala na ‘yon ang kanyang anak. Nang kunin namin sa bulsa ni Joseph ang kanyang wallet dahil nandito ang ID niya, ayaw pa rin maniwala ng tatay niya. Noon ko po nakita kung gaano kasakit sa mga magulang ang mawalan ng anak.”

Halos blangko ang reaksyon ni Jeremiah habang nagkukuwento pero nararamdaman namin na apektadong-apektado siya ng kanyang karanasan. Posibleng may trauma siya at habambuhay na niyang dadalhin sa kanyang dibdib ang malalim na pilat ng sugat sa kanyang puso na iniwan ni Ondoy.

Ipinakita sa amin ni Jeremiah ang mga sugat sa kanyang dibdib na nakuha niya habang lumalangoy sa baha. Tumama raw ang kanyang katawan sa sari-saring bagay na inaanod ng baha.

*******

Marami kaming narinig na malulungkot na kuwento na naranasan ng ating mga kababayan na nasalanta ni Ondoy.

Mga kuwento na parang sa pelikula lamang nangyayari pero totoong naganap sa tunay na buhay, tulad ng bangkay na pinaglalamayan sa isang bahay sa San Mateo, Rizal.

Walang nagawa ang pamilya ng namatay nang tumaas ang tubig at anurin nito ang ataul.

Tinangka nila na habulin ang ataul pero wala silang nagawa dahil kailangan din nilang iligtas ang mga sarili.

Nang humupa ang bagyo at bumaba ang tubig-baha, nakita ang ataul sa ibabaw ng isang puno. Nagpasalamat ang pamilya ng nasawi dahil nasa loob pa rin ng ataul ang kanyang bangkay.

*******

Ang mga heart-breaking story na aming narinig ang dahilan kaya nalulungkot kami sa tuwing nakakabasa ng mga negative comment tungkol sa mga kabayanihan at pagtulong na ginawa ng mga artista, pulitiko at maging ng mga ordinaryong tao.

Napakadali sa ibang tao ang maghusga dahil hindi nila personal na nasaksihan ang paghihirap ng mga kababayan natin na humihingi ng tulong dahil nagugutom at nauuhaw sila.

Mga tao lamang tayo na nadadala ng ating emosyon pero sa mga ganitong pagkakataon, hindi makakabawas sa ating pagkatao kung pipigilan natin ang mga sarili na maghusga o magbitiw ng masasakit na salita laban sa mga tao na pinagdududahan ang sinseridad sa pagtulong.

Huwag nating isipin na gumigimik lamang ang mga artista at ang mga pulitiko para lumapad ang kanilang papel sa harap ng publiko, dahil inilagay rin nila sa panganib ang mga buhay nang tumulong sila.

Hindi naman natutulog ang Diyos dahil nakikita Niya ang tunay na intensyon ng mga tao. Ipaubaya na lang natin sa Kanya ang paghuhusga dahil kung makikita ninyo ang kalagayan ng mga biktima ni Ondoy, bato na lamang ang inyong mga puso kung hindi kayo mapapaluha sa kanilang mga malungkot na sitwasyon. Mga sitwasyon na ayaw ninyo na mangyari, kahit sa inyong mga mortal na kaaway.

At sa mga ayaw magpaawat sa paghuhusga at pagbibigay ng mga negative comment, huwag sanang mangyari sa inyo ang naranasan ng mga kapus-palad nating kababayan,

*******

Habang isinusulat namin ito, bumubuhos ang malakas na ulan kaya nakaramdam na naman kami ng matinding pag-aalala para sa mga biktima ni Ondoy na hindi pa nakaka-recover sa mga trahedya na kanilang pinagdaanan.