Jojo Gabinete: Cabinet Files

Binago at nagbago

Filed under: Features — admin at 4:30 pm on Saturday, August 15, 2009

Hindi na makikita sa 7th floor ng GMA-7 Network Center ang isang reminder na naging Kapuso star at minsang gumanap na Darna si Angel Locsin.

Inalis na ang life-size Darna picture nito at ang mannequin na suot ang Darna costume na ginamit niya sa lobby ng 7th floor, na kinalalagayan din ng mga life-size photo at costumes ng apat na aktres na naging bida ng Encantadia, sina Diana Zubiri, Karylle, Sunshine Dizon at Iza Calzado.

Ipinalit sa tinanggal na litrato ni Angel ang life-size photo ni Marian Rivera na nakasuot ng Darna costume. Pero wala pa roon ang bagong costume dahil ginagamit pa niya sa taping.

darnamarian.jpg

*******

Kasama sa mga nahuli sa drug buy-bust operation ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) sa Novaliches, Quezon City, si Pia Moran, ang actress-dancer na namayagpag  ang career noong early ’80s.

Sa interview kay Pia, pinabulaanan nito ang balita na gumagamit siya ng shabu. Nagkataon lang daw na naroroon siya sa ni-raid na shabu den dahil kinukuha niya ang cell phone na kanyang sinangla.

Noong kasikatan ni Pia, Vilma Santos look-alike ang tawag sa kanya. Ang galing sa pagsasayaw ang naging puhunan niya para makapasok siya sa showbiz. Kumita sa takilya ang mga pelikula na pinagtambalan nila ni Redford White sa Bukang-Liwayway Films, ang Boni & Klayd at Sinisinta Kita.

Naging superstar si Pia sa Japan dahil kinabaliwan siya ng mga Hapones. Nagkaroon siya ng disco/bar sa P. Tuazon Avenue sa Cubao mula sa mga kinita niya sa pagtatrabaho sa Japan.

Nasira ang mukha ni Pia nang magkaroon siya ng car accident. Pinag-usapan ang paggamit niya ng prohibited drugs pero in denial siya. Kasabay ng mga drug issue ang pagkawala ng mga negosyo na kanyang ipinundar.

Noong August 1999, kumalat ang sex video ni Pia at ng isang foreign national. Ang balita, ang droga ang kapalit kaya pumayag si Pia na makunan ang kanilang pagtatalik.

Nag-guest noon si Pia sa S-Files. Live ang guesting kaya buong-buo na napanood ang reaksyon niya nang ipapanood sa kanya ang bahagi ng sex video. Ito ang eksaktong linya ni Pia habang pinanonood ang sex video: “Hindi ako ‘yan….pero parang ako…” hanggang pumatak ang kanyang luha.

Nabigyan ng pagkakataon si Pia na makabalik sa showbiz pero nabale-wala ito dahil imbes na maging maayos ang kanyang buhay, hindi nabura ang mga balita na patuloy siya sa paggamit ng bawal na gamot.

Susan Casino ang tunay na pangalan ni Pia at isinilang siya noong 1962. Forty-seven years na siya pero mas matanda ang itsura niya kesa sa kanyang edad dahil na rin sa mga pagsubok na pinagdaraanan.

piamoran.jpg

Kung hindi pa nga sinabi sa mga news report na siya si Pia Moran, hindi na ito makikilala ng mga tao.

*******

“I am living a normal life.”

Ito ang pahayag ng dating sexy actor na si Toffee Calma mula nang aminin niya sa national TV noong nakaraang Linggo na bisexual siya.

toffeecalma.jpg

Nag-alala si Toffee na baka maging negatibo ang reaksyon ng publiko sa pagtatapat na ginawa niya sa Showbiz  Central. Mali raw ang kanyang akala dahil positive ang mga feedback na kanyang natanggap.

“I still live a normal life pero sa Facebook and Friendster, marami ang positive response ng mga tao. Puno ang inbox ko. Umabot sa 200 ang messages. Marami ang nag-message at nagpi-flirt sa akin, ” ang tila enjoy na pahayag ni Toffee.

Sina Regine Tolentino at Victoria London ang ilan sa mga naging girlfriend ni Toffee. Niligawan din niya noon si Rufa Mae Quinto.

toffeecalma-guy.jpg

Hindi ko napanood ang airing ng exclusive interview kay Toffee ng Showbiz Central pero siya ang nagkuwento sa amin na parang nagulat ang reaksyon ni Rufa Mae nang malaman nito ang rebelasyon niya tungkol sa kanyang pagiging bisexual.

Ipinagtapat ni Toffee na inamin nito ang tunay na kasarian dahil sa kanyang kagustuhan na maging maingay ang pagbabalik niya sa showbiz.

*******

Nagtatanong pa kami ng mga detalye tungkol sa pagpanaw ng ex-model/actor na si Tyrone Suarez noong August 10.

Ipinakilala si Tyrone sa Nights of Serafina, ang 1996 movie ng Regal Films. Kabilang siya sa mga male model na binigyan ng break sa pelikula ng Regal Films.

tyronesuarez.jpg

Noong 2008, na-feature sa Wish Ko Lang ng GMA-7 ang life story ni Tyrone. Huminto na siya sa pag-aartista at naging pastor ng kanilang simbahan sa Antipolo City, ang The Redeemer’s Flock Christian Ministries, Inc.

Iniukol ni Tyrone ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos mula nang magkaroon siya ng karamdaman.

Sa episode ng Wish Ko lang, lymphoma cancer ang naging karamdaman ni Tyrone pero ayon sa isang staff member ng na naturang service-oriented program, colon cancer ang kanyang ikinamatay. He was 35 years old.

Mapapanood sa Wish Ko Lang sa susunod na Sabado, August 22, 2009, ang kumpletong kuwento ng pagpanaw ni Tyrone.

Erratum 101

Filed under: Features — admin at 1:38 pm on Friday, August 7, 2009


From Wikipedia: An erratum or corrigendum (plurals: errata, corrigenda) is a correction of a book. Errata are most commonly issued shortly after the original text was published.

 

Patches to security issues in a computer program are also sometimes called errata. As a general rule, publishers issue an erratum for a production error (i.e. an error introduced during the publishing process) and a corrigendum for an author’s error.

 

****

 

manilabulletincaption1.jpg

Inaasahan na maglalagay ng erratum at hihingi ng paumanhin ang management ng Manila Bulletin dahil sa photo caption na lumabas kahapon sa front page.

 

Lumikha ng malaking kontrobersya ang photo caption dahil hindi sinasadya na

” pinatay ” nito si President Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ang controversial photo caption:

 

“With Utmost Care. Military honor guard carefully moves the coffin of President Arroyo out of the Manila Cathedral.”

 

Kahapon ( August 6 ), hindi na ma-access ang website ng Manila Bulletin at posibleng may kinalaman ang pagkakamali sa photo caption.Ang sumusunod ang lumabas na resulta sa Google nang subukan namin na i-download ang Manila Bulletin website.

 

This is Google’s cache of http://www.mb.com.ph/. It is a snapshot of the page as it appeared on 6 Aug 2009 14:14:31 GMT. The current page could have changed in the meantime.

 

Kahapon ang board meeting ng pamunuan ng Manila Bulletin at diumano, hindi muna ipinaalam sa Chairman ang malaking pagkakamali na lumabas kahapon sa front page.

 

****

 

Hindi lamang ang Manila Bulletin staff ang nag-commit ng pagkakamali. Ang pangalan din ni President Arroyo ang nabanggit ng dalawang reporter ng ABS-CBN habang nag-uulat sila tungkol sa pagkamatay ni Mrs. Aquino.

 

May paliwanag tungkol sa unintentional blunder. Parehong nagsisimula sa letrang A at nagtatapos sa letter O ang mga family name nina President Arroyo at Mrs. Aquino. Halos magka-rhyme din ang kanilang mga apelyido at pareho silang mga babae na nanungkulan bilang mga pangulo ng ating bansa.

 

****

 

Erratum din ang hinihingi mula kay Korina Sanchez ng mga nag-react sa kanyang sinabi sa special coverage ng libing ni former President Corazon Aquino noong Miyerkoles, na high school student siya nang patayin si former Senator Benigno Aquino, Jr. noong August 21, 1983.

 

Year 1964 nang isilang si Korina sa Hong Kong at 19 years old siya noong 1983. Ilang minuto pagkatapos sabihin ni Korina sa TV na high school student siya nang patayin si Ninoy, sunod-sunod ang matinding reaksyon sa Facebook mula sa mga tao na nagpoprotesta.

 

Hindi tayo perpekto. Lahat ng tao ay nagkakamali. Sa kaso ni Korina, malaki ang posibilidad na nalito siya dahil 26 years na ang nakalilipas.

 

Pinagbintangan siya na nagpapabata pero wala itong katotohanan dahil kung nagbabawas si Korina ng edad, hindi nito sasabihin sa national TV na nagtatrabaho na siya bilang weather girl sa Channel 4 noong panahon na inililibing si Ninoy.

 

Sa kanyang pagbabalik-alaala, sinabi ni Korina na naririnig niya noon ang utos ng management ng government station na huwag i-focus ng mga TV camera ang libo-libong tao na nakipaglibing kay Ninoy.

 

Alam namin na nalito lamang si Korina dahil sinabi nito na favorite song niya ang “Magkaisa” noong 1983. Ang totoo, year 1986 nang sumikat ang kanta ni Virna Lisa na composition ni Tito Sotto.

 

****

 

Isang salita ang madalas na bigkasin ng mga TV reporter at news anchor habang inihahatid ang mga labi ni Mrs. Aquino mula Manila Cathedral papunta sa Manila Memorial Park noong Miyerkoles, ang French word na cortege.

 

Ayon sa The Free Dictionary, a funeral procession ang kahulugan ng salitang cortege,

Magkaiba ang pronunciation ng mga reporter /news anchor ng ABS-CBN at GMA-7 sa cortege.

 

Kor-taj ang bigkas ng mga reporter at news anchor ng GMA-7  at

Kor-tezh naman.ang pronunciation ng ABS-CBN news team.

 

Nalito ang mga kababayan natin, lalo na ang mga hindi pamilyar sa French word dahil magkaiba ang pagbigkas nito sa mga special coverage na kanilang pinanood.

 

Sino ang bumigkas nang wasto sa unfamiliar word sa mga Pilipino?

 

Ang ABS-CBN reporters at anchors.

“Tie A Yellow Ribbon…” 2009

Filed under: Features — admin at 11:09 pm on Monday, August 3, 2009

Inabangan namin kanina sa intersection ng Edsa at Ortigas Avenue ang paglabas mula sa La Salle Greenhills Ang funeral convoy ni former President Cory Aquino.

 

Nagsimba muna kami sa Edsa Shrine bago kami umakyat sa Edsa/Ortigas footbridge para makakuha ng magandang anggulo  sa pagdaan ng ten-wheeler truck na magdadala sa labi ni Mrs. Aquino sa Manila Cathedral.

 

Naabutan namin ang MMDA Band na nagpa-practice ng tugtog sa ilalim ng Edsa/Ortigas fly-over. Tinugtog nila ang “I Believe,” “In My Life” at ang “Tie A Yellow Ribbon Round The Old Oak Tree,” ang hit song ni Tony Orlando na naging malaking bahagi ng buhay ni Mrs. Aquino.  

 

Maganda ang puwesto namin sa footbridge pero bumaba kami dahil biglang dumami ang tao. Ramdam na ramdam namin ang pag-uga ng footbridge at ang paggalaw ng fly-over dahil sa dami ng mga sasakyan na dumaraan.

 

Nag-alala kami na baka hindi makaya ng footbridge ang bigat ng mga tao na nag-aabang din sa pagdaan ng funeral convoy. Ganito rin ang naging concern ng mga pulis na nakiusap sa mga tao na bumaba mula sa footbridge pero parang walang mga narinig.

 

000

 

Eksaktong 10:45 a.m. nang isara ng mga pulis at traffic enforcer ang east right lane ng Ortigas Avenue dahil dito dadaan ang funeral convoy ni Mrs. Aquino.

 

Past 11 am nang dumating ang funeral convoy. By this time, marami na ang tao sa kanto ng Edsa at Ortigas Avenue, puno na ng mga tao ang mga footbridge at nagsimula nang umulan ng mga yellow confetti at rose petals.

 

Puwede kaming pumunta sa Ayala Avenue dahil dito ang sentro ng aksyon pero pinili namin ang kanto ng Edsa at Ortigas Avenue dahil dito ang eksaktong lugar ng People Power 1 noong 1986.

 

Ang Edsa/Ortigas intersection din ang unang major road na madadaanan ng mga naulila ni Mrs. Aquino papunta sa Manila Cathedral kaya gusto naming makita at maramdaman ang impact sa kanila ng mga eksena na kanilang masasaksihan.

 

Hindi kami nagkamali ng lugar na pinili dahil nakita namin ang reaksyon ng Aquino at Cojuangco family.

 

Naging emotional sila dahil narinig at nakita nila ang pagtugtog ng MMDA Band ng “Tie A Yellow Ribbon Round The Old Oak Tree,” ang pag-ulan ng mga yellow confetti mula sa POEA Building at mga tao sa footbridge. ang pagsasaboy ng mga tao ng rose petals nang dumaan ang sasakyan ng immediate family members ni Mrs. Aquino.

 

Ang mga pulis na may yellow ribbon sa kanilang mga bisig, ang mga drum ng MMDA Band na nilagyan din ng mga yellow ribbon

 

Mula sa aming puwesto, nakita namin ang pag-iyak ni Kris dahil sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanyang ina.

 

Kahit umiiyak, in-acknowledge ni Kris ang mga kaway at pagtawag ng mga tao sa kanyang pangalan.

 

Nakaupo si Kris sa may bintana ng white coaster van na walang tint kaya kitang-kita siya ng mga tao.

 

Kasunod ng dalawang coaster van ang apat na bus na sinasakyan naman ng mga kamag-anak nina Mrs. Aquino. Nakasakay sa iisang bus sina Mikee Cojuangco-Jaworksi at Jackie Aquino.

 

Dala na rin sa sobrang tuwa sa pagmamahal na ibinigay ng mga Pilipino sa kanyang Auntie Cory, pumuwesto si Mikee sa harap ng bus at nakangiting kumaway nang kumaway sa mga tao.

 

Nakakaantig ng puso ang mga kababayan natin na walang relasyon kay Mrs. Aquino pero umiiyak habang dumaraan ang funeral convoy.

 

Habang tinutugtog ang “Tie A Yellow Ribbon,” nagbalik sa aming alaala ang pakikipaglibing namin kay Senator Ninoy Aquino noong 1983 at ang pagpunta namin sa mga political rally ni Mrs. Aquino noong 1985 at 1986. But that’s another story.

 

 12.jpg

 

000

 

PS

 

May “not-so-grave error” sa news tungkol sa pagpanaw ni Mrs. Aquino na na-publish sa www. abs-cbnnews.com kahapon,August 2, (http://ph.news.yahoo.com/abs/20090801/tph-state-funeral-for-cory-no-pomp-for-d-8061bf7.html).

 

Ito ang nakasulat sa paragraph 17 ng news article na may pamagat na “State funeral for Cory? No pomp for democracy icon”:

 

“When ‘Mrs. Arroyo’s’ passing was announced at dawn on Saturday, the whole world paused. Condolences to the family of Mrs. Aquino poured from all over the world–both through official statements sent through embassies, made on TV, or posted online. A staggering number of people have been paying their tributes to Mrs. Aquino online, inundating social networking and blog sites. For a good number of those posting online, it is their first time to witness the passing of a president.”

 

Paalam, Tita Cory

Filed under: Features — admin at 11:21 am on Monday, August 3, 2009


Maraming pinaluha si Kris Aquino nang humarap ito kahapon sa The Buzz sa unang pagkakataon matapos sumakabilang-buhay ang kanyang ina, si former President Corazon ” Cory ” Aquino.

 

Detalyado ang kuwento ni Kris mula sa unang araw ng pagbabantay niya kay Mrs. Aquino, mula nang ma-confine ito sa Makati Medical Center, hanggang sa huling sandali ng kanyang ina.

 

Ikinuwento ni Kris ang isang tao na malapit kay Mrs. Aquino na dumalaw sa ospital at nagtanong kung gusto nila na magkaroon ng state funeral para sa kanilang ina kung sakaling pumanaw ito.

 

Hindi pinangalanan ni Kris ang tao na kanyang tinutukoy pero para sa televiewers, naging insensitive ang ” bisita.”

 

Buhay na buhay pa si Mrs. Aquino nang dumalaw sa ospital ang bisita. Kahit alam ng lahat na malubha ang kalagayan ng dating pangulo, hindi tama na tanungin ang kanyang mga anak tungkol sa isang sensitibong isyu at delikado na pagkakataon.

 

000

                                                 

Madaling-araw ng August 1, 2009 nang pumanaw si Mrs. Aquino at ang malungkot na balita ang nagisnan ng buong Pilipinas.

 

Nagbukas agad sila ng mga radyo at TV para malaman ang mga kaganapan sa pagpanaw ng unang babaeng pangulo ng isang bansa sa buong Asia.

 

Hindi nabigo ang ating mga kababayan dahil kahit hindi pa sumisikat nang husto ang araw, ang tribute at special coverage tungkol sa buhay at kamatayan ng  dating pangulo ang kanilang napanood sa ABS CBN at GMA 7. Paano nangyari ito?

 

Simple ang paliwanag. SOP ng News & Current Affairs ng mga TV station na gumawa kaagad ng tribute at special feature tungkol sa mga kilalang personalidad na may mga mabigat na karamdaman tulad ng kanser.

 

Masakit at insentive man na sabihin, pinaghahandaan nila ang pagkamatay ng mga kilalang tao. 

 

Ganito ang nangyari kay Rudy Fernandez nang pumanaw ito noong June 7, 2008. Nang kumalat ang balita na delikado na ang lagay ni Rudy, gumawa na kaagad ng special feature tungkol sa kanya ang News & Current Affairs staff ng mga TV network.

 

Nang mamatay si Kuya  Rudy, handa na ang VTR tungkol sa  buhay niya at idinagdag na lang dito ang oras, araw ng kamatayan at ang mga detalye tungkol sa kanyang burol.

 

000

                                             

Walang ipinagkaiba ang kaso ni Mrs. Aquino sa naging trato ng media sa pagkamatay ni Rudy.

 

Nang kumpirmahin ni Senator Noynoy Aquino ang pagyao ng kanyang ina, umere kaagad ang mga special tribute at stories tungkol kay Mrs. Aquino.

 

Umere kaagad sa ABS CBN ang dasal ng mga artista nila para sa sumakabilang-buhay na pangulo.

 

Mabilis na nakapanayam ng mga TV anchor ang mga malalapit na kaibigan ni Mrs. Aquino at ang mga dating pangulo ng bansa, sina Joseph Estrada at Fidel V. Ramos.

 

Dahil maagang-maaga pa noon, hindi pa yata masyadong gising ang diwa ng mga iniinterbyu kaya maiksi ang kanilang mga pasensya.

 

Example, ang phone-patch interview nina Vicky Morales at Arnold Clavio kay Erap. Nang sabihin ni Vicky na hindi masyadong marinig ang mga sinasabi ni Erap, sumagot kaagad ito ng, ” Wala na akong magagawa kung mahina, ” at bigla na lang siyang nawala sa linya.

 

Hindi rin friendly ang tono ng boses ni FVR nang humirit sina Vicky at Arnold ng ilang katanungan tungkol kay Mrs. Aquino, matapos niyang basahin ang kanyang statement. 

 

Aniya, ” Kami pong lahat sa pamilya ay nakikiramay sa pamilya at sa lahat ng mga mahal sa buhay ni Cory Aquino. Period. Okey, got it?

 

Arnold: Opo Malinaw po.

 

FVR: Okeeyyyyyyyy!

 

Vicki: Eh sir may panahon pa ba kayo? Baka naman..

 

FVR: Okey na. Ok na. Magulo na rito. I’m in the mountains.

 

Vicki: Ah, o sige po.

 

FVR: Okey, got it?

 

Vicki: Maraming salamat po.

 

Arnold: Hindi na kami puwedeng magtanong…?

 

Vicki: Baka puwede ho, mga ilang katanungan na lang po…

 

FVR: ‘Yun na lang muna..oo… I cannot hear ‘you!

 

000

 

Si Lorna Tolentino ang nasa isip namin habang ikinukuwento ni Kris sa The Buzz ang mga huling araw sa mundo ng kanyang ina.

 

Hindi nagkakaiba ang karanasan nina Lorna at Kris. Nagbakasyon noon si Lorna mula sa hosting job nito sa Startalk para personal na bantayan ang kanyang asawa.

 

Sa loob ng isang buwan, naninirahan si Lorna sa Cardinal Santos Medical Center at hindi siya umalis sa tabi ni Kuya Rudy.

 

Pansamantalang nagpaalam si Kris sa The Buzz. Gaya ni Lorna, tumira siya sa Makati Medical Center para bantayan si Mrs. Aquino.

 

Masakit na masakit ang pakiramdam ng mga cancer-patient. Kahit  banayad na haplos sa kamay, nasasaktan si Kuya Rudy kaya ayaw niya na hinahawakan siya.

 

Sa kuwento ni Kris, nasasaktan  ang kanyang ina kahit kumot lang ang dumadampi sa katawan nito.

 

Noong nabubuhay pa si Kuya Rudy at naka-confine sa ospital, nagkuwento siya na napanaginipan niya ang kanyang mga magulang na matagal nang patay, pati na ang namayapang aktor na si Jay Ilagan.

 

Malinaw ang kuwento ni Kris. Nakita ng kanyang ina sa hospital room nito ang yumaong asawa, si Senator Ninoy Aquino.

 

“Oo,” ang sagot ni Mrs. Aquino nang tanungin siya ni Kris kung nakikita niya ang namayapang asawa.

 

Nang mapanood namin ang kuwento ni Kris, na-realize namin na posibleng  hindi basta panaginip ang kuwento ni Kuya Rudy tungkol sa kanyang mga mahal sa buhay na matagal nang namatay pero nakita niya.

                                                   

 Postscript

 

Habang lumuluha si Kris sa The Buzz habang nagkukuwento tungkol sa mga huling araw ni  Cory,  guest naman si Jolina Magdangal sa Showbiz Central at umiiyak din siya dahil sa pagkamatay ng kanyang pet dog na si Cosmo.