Jojo Gabinete: Cabinet Files

Image Rebuilding 101

Filed under: Opinion — admin at 1:40 am on Sunday, May 31, 2009

Galit kay Dr. Hayden Kho, Jr. ang halos lahat ng tao nang kumalat sa cyberspace at pagpasa-pasahan sa mga cellphone camera ang kanyang mga sex video.

Pero nagbago ang ihip ng hangin pagkatapos ng “face-off ” nila ni Katrina Halili sa senado noong Huwebes, ika-28 ng Mayo. Suddenly, may mga nakikisimpatiya na kay Hayden. Dito lang sa PEP, may mga PEPsters na nagkomento na bigyan si Hayden ng pangalawang pagkakataon at may nagtatag pa ng Give Hayden A Chance Club.

Bago ginanap ang senate inquiry, si Katrina ang kinakaawaan ng publiko. Nakikisimpatiya sa kanya ang lahat dahil na rin sa deklarasyon na binaboy siya ng lalake na minahal niya.

Pinairal ng mga nakikisimpatiya kay Katrina ang emosyon. Nagagalit sila sa mga tao na nagsasabi na may kasalanan din si Katrina sa nangyari. Kabilang kami sa mga casualty. Mga negatibo ang comments sa aming previous blogs nang maging objective kami sa pagsusulat.

Bakit nagbago ang ihip ng hangin? Bakit biglang nakatanggap ng simpatiya si Hayden pagkatapos niyang humarap sa senado? Bakit biglang nahati ang impression kay Katrina? Ang sagot, Image Rebuilding 101!

Ilang araw bago humarap sa senate inquiry, araw-araw na napanood sa TV at napakinggan sa radyo ang mga interview kay Hayden. Sa unang TV appearance ni Hayden, inamin niya kaagad ang kanyang mga kasalanan at humingi siya ng paumanhin sa mga babae na kasama sa mga sex video.

Nang mga sumunod na araw, inamin na ni Hayden ang paggamit niya ng ipinagbabawal na gamot, ang insinuation na bunga ng isang childhood trauma ang nag-udyok sa kanya na gumawa ng sex video, ang pagtatapat na siya ang unang kinunan ng video na nakahubad ng isang babae na lingid sa kanyang kaalaman.

Nasaksihan sa national TV ang pag-iyak ni Hayden sa panayam sa kanya ni Karen Davila. Lumuha si Hayden dahil apektado na ang kanyang pamilya sa problema na idinulot niya. Inako ni Hayden ang lahat ng kasalanan at nakiusap sa publiko na siya na lamang ang husgahan, huwag nang idamay ang kanyang pamilya. Image Rebuilding 101.

Sinubaybayan ni Mariz Umali ng GMA-7 ang bawat kilos ni Hayden, ilang oras bago ito pumunta sa senado. Nakatutok ang TV camera ng Kapuso network habang kumakain si Hayden na sinabayan ni Mariz ng pag-iinterbyu.

Nakasunod ang camera ng GMA-7 nang magpaalam at humalik si Hayden sa noo ng kanyang lola na may-sakit at nakahiga sa kama. Image Rebuilding 101.

Naantig ang puso ng televiewers nang mapanood nila sa TV si Hayden at ang kanyang ina na taimtim na nagdarasal. Parehong nakayuko at nakaluhod ang mag-ina habang kitang-kita na nakapatong ang mga kamay ni Hayden sa Bibliya. Image Rebuilding 101.

Sa senado, lumikha ng malaking impact sa isipan ng publiko ang pambubuhos ni Abner Afuang ng tubig sa ulo ni Hayden. Imbes na tignan o habulin ang tao na nagbuhos ng tubig, pumikit na lamang si Hayden at hinayaan na tumulo sa kanyang mukha at katawan ang tubig.

To the rescue si Mrs. Irene Kho.Nanay na nanay si Mrs. Kho nang punasan niya ng panyo ang basang mukha ni Hayden na tila hindi natuwa, base sa reaksyon niya na napanood nating lahat sa telebisyon. Para bang gustong sabihin ni Hayden sa kanyang ina na, “Stop it, mom! Moment ko ‘to!”

Hindi nakuntento si Mrs. Kho. Inilagay pa niya ang panyo sa likod ng kanyang anak para makatiyak na hindi ito matutuyuan sa katawan ng tubig na puwedeng pagsimulan ng pagkakasakit ni Hayden.

Binigyan si Hayden ng mga senador ng pagkakataon na magbigay ng opening statement pero tumanggi siya. Instead, diretsahan niyang ikinuwento ang pag-uumpisa ng relasyon nila ni Katrina, ang paggamit nila ng prohibited drugs at ang pag-ako niya sa lahat ng kasalanan. Image Rebuilding 101.

Hindi rin nagpaliguy-ligoy si Hayden sa pagsagot. No ifs, no buts. In fact, nagbigay pa siya ng matatalinong sagot sa mga walang kuwenta o non-sense questions ng mga senador.

Very powerful medium ang telebisyon. Hindi namin sinasabi na drama ang lahat ng mga eksena pero likas na emosyonal ang mga Pilipino. Sucker sila ng mga madadramang eksena at ito ang mga eksena na nagpabago ng pagtingin nila kay Hayden.

Nakuha ni Hayden ang simpatiya ng mga tao na dating muhing-muhi sa kanya. Nakatulong ang pagiging maamo ng kanyang mukha at ang pagsusuot niya ng kulay puti na polo shirt. Image Rebuilding 101.

Ang puti ay simbolo ng kalinisan. Nang magsuot si Hayden ng kulay puti, may strong message siya na gustong iparating sa mga tao. Hindi man siya inosente sa kasalanan na ginawa niya, biktima rin siya ng mga sex video na ikinalat umano ng mga dating kaibigan.

*******

Walang make-up si Katrina Halili nang dumalo siya sa senate inquiry. Kulay berde ang kanyang blouse na suot. Berde rin ang kulay ng kanyang pang-itaas nang magsadya siya sa NBI, kasama si Senator Bong Revilla, Jr. Image Rebuilding 101.

Kung may image maker o builder na nakialam sa pananamit ni Katrina, puti at hindi berde ang damit na dapat na ipinagamit sa kanya dahil may epekto ang mga kulay sa ating pagkatao at emosyon.

Base sa Color Symbolism at Psychology ng Wikipedia:

“White: White is the color (or lack thereof) that represents purity, neutrality, sterility and youth. White is often associated with cleanliness or sterility. Doctors wear white to convey these attributes.

White is also associated with neutrality—hence a white flag for surrender, and it is a neutral color that will continue to be the preferred backdrop on websites and the ‘color’ behind the color. It is known for symbolizing light, reverence, purity, truth, snow, peace, innocence, cleanliness, simplicity, security, humility, sterility, winter, coldness, surrender, fearfulness, unimaginative, air, death (Eastern cultures), life, marriage (Western cultures), and hope.

Green: Says ‘nature,’ which explains why it is such a powerful symbol in the eco-friendly movement, as well as ‘initiative’ and ‘wealth,’ but just as it symbols good, the extremes of green are considered to be bad as in “green with envy” or it’s association with money which is sometimes deemed as “the root of all evil.”

Green symbolizes great intelligence, nature, spring, fertility, youth, environment, wealth, money (US), good luck, vigor, generosity, go, grass, aggression, coldness, jealousy, disgrace (China), illness, greed, Marijuana and drug culture,corruption (North Africa).”

*******

May mga napaiyak habang binabasa ni Katrina ang kanyang opening statement. Naka-relate sila sa kahihiyan na dinaranas ngayon ng Kapuso star.

Maganda ang pagkakasulat ng opening statement ni Katrina pero may mga bahagi na cinematic sa pandinig at panlasa ng ibang tao. Image Rebuilding 101.

Nang lumitaw ang sex video nila ni Hayden, nakakuha ng maraming simpatiya si Katrina pero nagbago uli ang ihip ng hangin pagkatapos ng  face-off nila ni Hayden.

Nagsimula ang mga negatibong opinyon at reaksyon laban kay Katrina dahil umiral ang kanyang pagiging emosyonal at sa mga salitang lumabas mula sa kanyang bibig. Hindi niya napigilan ang sarili na sabihan si Hayden ng, “Ang kapal ng mukha mo, nakakatingin ka pa sa akin…”

Ayon sa sociologist na si Prof. Clifford Sorita, nakapuntos si Hayden sa face-off nila ni Katrina. “Yung kanyang image na itong, this person who is really a sexual predator, e, medyo dahan-dahan, nagkakaroon ng tinatawag na  settling down issue.”

On Katrina: “Kapag siya went down to mudslinging, mawawala ang simpatiya sa kanya. Kapag siya ang tipo ng tao na umatake rin ng personal, not on the issue level, medyo ang tao, magkakaroon ng difficulty sympathizing with you.”

Nakapanayam si Prof. Sorita ni Anthony Taberna para sa TV Patrol World noong Biyernes ng gabi.

*******

Sa senate inquiry, ginamitan ng split screen ang coverage kaya huling-huli ng mga TV camera ang mga facial expression nina Hayden at Katrina. Habang relaxed at poker-faced si Hayden, nakakunot ang noo at may smirk si Katrina.

Hindi man nagsasalita si Katrina, nakita sa kanyang mga facial reaction ang pagkagulat sa mga rebelasyon at hamon ni Hayden.

May subliminal effect sa publiko ang mga facial reaction kaya nakakuha si Hayden ng  simpatiya, kahit malaki ang kanyang kasalanan.

*******

Kumustahin naman natin sina Mrs. Irene Kho at Senator Bong Revilla, Jr. Umani ng batikos at pagpuna ang ina ni Hayden dahil sa kanyang statement na scripted ang pag-iyak ni Katrina nang magsadya ito sa NBI.

Big boo-boo ang paggamit ni Mrs. Kho sa salitang scripted. Hindi lamang si Bong ang nagalit kundi ang buong bayan.

Kinabukasan, muling nagpainterbyu si Mrs. Kho kay Karen Davila sa TV Patrol World. Malumanay na ang pananalita niya, hindi na siya fully made-up at hindi na shocking red ang kulay ng kanyang lipstick. Image Rebuilding 101.

Itim (according to Wikipedia, black typically symbolized absence, modernity, power, sophistication, formality, elegance, wealth, mystery, style, evil, death in Western cultures, fear, seriousness, conventionality, rebellion, anarchism, unity, sorrow, professionalism, and slimming quality in fashion) at hindi na dilaw (yellow evokes feelings of happiness, when we are confronted with too much yellow we become annoyed or angered) ang kulay ng damit ni Mrs. Kho. Image Rebuilding 101

Nang buhusan ni Abner Afuang ng tubig si Hayden, mabilis ang reaksyon ni Bong. Scripted daw ang ginawa ni Afuang.

Nakalimot si Bong dahil emosyon din ang kanyang pinairal. Ginawa rin niya kung ano ang ikinagalit niya at ng mga tao  kay Mrs. Kho, ang paggamit sa salitang scripted.

Apparently, may nagpaalaala kay Bong ng kanyang pagkakamali kaya noong Biyernes, nag-apologize siya para sa kanyang “scripted” remark. Image Rebuilding 101.

*******

Nang-agaw ng eksena si Abner Afuang. Nagkaroon siya ng 15-minute fame dahil sa tubig na ibinuhos niya kay Hayden. Natulog ng isang gabi sa kulungan si Afuang pero nang lumabas siya mula sa kulungan, nag-sorry siya kay Hayden. Image Rebuilding 101.

Mrs. Hayden Kho

Filed under: Opinion — admin at 3:56 pm on Tuesday, May 26, 2009

Ilang araw kami sa ibang bansa kaya sa YouTube namin napanood ang exclusive interview ng TV Patrol World kay Mrs. Irene Kho noong Lunes ng gabi. Si Mrs. Kho ang ina ni Hayden Kho, Jr.

Sa interbyu, sinabi ni Mrs. Kho na pagod na pagod na ang kanyang pamilya dahil sa sex video scandal ni Hayden. Pinaglalaruan daw ang kanyang kawawang anak. Sinisisi ni Mrs. Kho si Lolit Solis dahil ito raw ang may pakana ng lahat. Diumano, script ni Lolit ang acting ni Katrina Halili. Matindi rin ang akusasyon ni Mrs. Kho kay Katrina, na siya umanong nagturo kay Hayden para gumamit ng droga.

Fully-made up si Mrs. Kho sa TV interview na inabangan ng marami. Ang sabi nga ng iba, tila pinaghandaan niya ang paglabas sa telebisyon. Mapula ang kanyang lipstick, naka-make-up siya at maayos ang buhok niya.

Karapatan ni Mrs. Kho na magsalita at ipagtanggol ang kanyang anak pero hindi nakatulong ang interview. Lalong nadiin si Hayden sa kasalanan nito.

Dapat ipaalala kay Mrs. Kho na hindi mangyayari ang bangungot na nararanasan ng kanyang pamilya kung hindi pinaglaruan ni Hayden ang mga babae na nakatalik nito.
Si Hayden ang unang naglaro. Pinagbabayaran niya ngayon ang pagsira sa tiwala ng mga babae na kanyang nakarelasyon.

Si Hayden at hindi si Lolit ang gumawa ng sex video. Siya ang nagsamantala sa tiwala sa kanya ng mga babae. Kung may kasalanan ang mga babae dahil pinatulan nila si Hayden, kahit alam nila na boyfriend ito ni Dra. Belo, malaki rin ang pagkakamali ni Hayden. Hindi siya naging faithful sa kanyang benefactor. Kung talagang ayaw ni Hayden na magkasala kay Dra. Belo, tatalikod siya sa mga babae na inaakusahan niya na nang-seduce sa kanya.

Inilihis ni Mrs. Kho ang isyu. Kung inaakala niya na mada-divert ang isyu dahil sa kanyang rebelasyon na gumagamit ng illegal drugs si Katrina at si Lolit ang nag-orchestrate para lumaki ang kaso, nagkakamali siya.

Malinaw na malinaw ang mga eksena sa sex video. Inayos na mabuti ni Hayden ang hidden camera bago siya nakipagtalik sa mga babae, na walang kamalay-malay na may kamera na nakatutok.

Nagkita sina Lolit at Mrs. Kho sa isang bahay sa Makati City noong Huwebes ng hapon, May 21.

Kasama sa meeting sina Dra. Vicki Belo, Hayden at ang legal counsel nito, si Atty. Lorna Kapunan.

Totoo na suggestion ni Lolit na lumantad at magpainterbyu sa TV ang nanay ni Hayden pero sa tamang panahon. Sinabi ni Lolit na si Mrs. Kho ang dapat magsalita sa publiko at humingi ng kapatawaran para sa kasalanan na ginawa ng kanyang anak. Kung gagawin ito ni Mrs. Kho, baka sakaling makisimpatiya sa kanya ang mga tao.

Noong Lunes, lumabas sa TV si Mrs. Kho pero imbes na ihingi ng tawad ang mga kasalanan ni Hayden, nagturo pa siya ng mga tao na sisisihin. Parang pinalalabas pa niya na ang kanyang anak ang biktima.

Ibinulgar din niya na si Katrina ang nagturo kay Hayden na gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Mrs. Kho nailed it—hindi lamang ang sex video kundi pati na rin ang kaso ni Hayden. Nadagdagan ito ng pagiging drug addict ni Hayden. Paano pagtitiwalaan ng mga pasyente ang isang doktor na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot?

Nagtataka ang mga tao. Si Hayden ang doktor pero nakumbinsi siya ni Katrina na gumamit ng drugs?

Habang nagsasalita sa TV, nagbasa pa si Mrs. Kho ng verse mula sa Bibliya. Ipinakita pa niya sa TV ang malaking crucifix. Nasa likuran din ni Mrs. Kho ang malaking imahe ng Sto. Nino.

Nabahala kami sa eksena na aming napanood. Kailangan ba talaga na gamitin ni Mrs. Kho ang Diyos para ipagpilitan sa mga tao na kawawa si Hayden. Bigla naming naalala si former Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na isang malaking imahe ni Blessed Virgin Mary ang bitbit para ipakita sa mga tao na relihiyoso siya at inosente sa bintang na pinagsamantalahan at ipinapatay ang UP student na si Eileen Sarmenta at ang boyfriend nito.

Nang magkaroon ng privilege speech si Senator Bong Revilla sa Senado tungkol sa sex video scandal ni Hayden, binigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na magbigay ng opinyon tungkol sa kanyang aksyon. May mga bumatikos sa kanya at may mga pumuri.

Nang magsulat kami ng blog tungkol sa naging relasyon at sex video nina Hayden at Katrina, binigyan namin ng karapatan ang mga tao na sabihin ang kanilang mga saloobin. Nakatanggap kami ng mga papuri at nakatanggap kami ng mga batikos, pero malaya namin itong tinanggap dahil bahagi ‘yon ng aming trabaho. Hindi puwedeng palaging nakikiayon sa aming opinyon ang ibang mga tao.

Sa pagsasalita ni Mrs. Kho noong Lunes sa TV, siya na ang nagkusa na ilagay ang sarili sa gitna ng kontrobersya. May mga humahanga sa pagtatanggol ni Mrs. Kho sa kanyang anak pero may mga bumabatikos dahil naghanap siya ng masisisi sa isang kasalanan na tanging ang anak niya ang may kagagawan.

*******

P.S. Matindi ang paratang ni Mrs. Kho laban kay Katrina Halili. Habang sinusulat namin ito, nakarating sa amin ang balita na may plano si Katrina na sampahan ng kaso ang ina ni Hayden.

Nagpadala kanina si Hayden ng text message kay Gorgy Rula. Ipinasasabi ni Hayden kay Gorgy na pakiusapan si Lolit na huwag nang magsalita laban sa kanya dahil inatake na sa puso ang tatay niya, si Dr. Hayden Kho, Sr.

Noong Sabado, kinausap ni Hayden si Lolit. Nag-sorry si Hayden kay Lolit dahil sa inasal ng kanyang ina. Inirap-irapan at hindi kinausap ni Mrs. Kho si Lolit nang magkita sila sa isang bahay sa Makati City noong May 21, 2009.

Kasama si Lolit sa mga ipinatatawag sa Senate hearing tungkol sa sex video scandal. Natanggap na ni Lolit ang kanyang subpoena para sa hearing na gaganapin sa Huwebes, May 28, 2009.

HK at KH (Part 2)

Filed under: Opinion — admin at 3:12 am on Sunday, May 24, 2009

Bayolente ang reaksyon ng ilan tungkol sa sex video scandal nina Katrina Halili at Dr. Hayden Kho, Jr.

Inakusahan nila kami na kampi kay Hayden, bayaran ni Dra. Vicki Belo at may galit daw kami kay Katrina.

Madali para sa mga nabanggit na PEPster ang maghusga dahil hindi nila alam ang puno’t-dulo ng kuwento tungko sa sex video scandal nina Hayden at Katrina. Nag-react sila base sa aming isinulat at sa video na kanilang napanood.

Una, hindi namin kinakampihan si Hayden. Mali ang kanyang ginawa kaya marapat lang na pagbayaran niya ang mga kasalanan. KULANG AT WALANG KATAPAT NA SORRY ANG GINAWA NIYA NA LIHIM NA PAGKUHA NG VIDEO SA KANYANG MGA KATALIK.

Nang isulat namin na naririto lamang sa Pilipinas si Hayden, na hindi siya tumakas papunta sa ibang bansa at haharapin niya ang kanyang mga kasalanan, hindi nangangahulugan na kinakampihan o ipinatatanggol namin siya.

Sinabi namin ang totoo dahil ang mga TV newscaster at ang mga radio announcer na nagbalita noong Huwebes ng umaga na nasa Japan si Hayden ang mawawalan ng kredibilidad at magiging katawa-tawa dahil mali ang kanilang balita.

Sino ang magmumukhang kahiya-hiya kung hindi namin sinabi ang katotohanan? Kami ba o ang mga awtoridad na mag-aabang sa airport sa isang tao na naririto sa bansa.

Hindi namin kinakampihan si Hayden dahil kung babalikan ninyo mula pa noong December 2009 ang aming column sa Abante, isa kami sa mga vocal critic niya.

Isa kami sa mga unang nagkondena sa kanya at sa mga sex video niya noong hindi pa ito pinapatulan ng mga pulitiko at ng mga cause-oriented group. Noong hindi pa pinagpipistahan ng mga tao ang sex video nila ni Katrina at ng ibang babae na pinagsamantahan niya ang kahinaan.

Walang dahilan para magalit kami kay Katrina. Malinaw ang aming gustong ipunto, nangyari ang lahat ng ito dahil pareho silang may kasalanan ni Hayden. We are all responsible for our acts, be it right or wrong.

Pagpapaalala at hindi pagbatikos kay Katrina ang aming isinulat na hindi niya dapat gamitin ang salitang pambababoy sa description niya sa kasalanan na ginawa ni Hayden laban sa kanya. Maliban sa inyong lingkod, sino o ilan sa mga entertainment writer ang pumuna sa wrong choice of word ni Katrina?

Nalagay na si Katrina sa alanganing sitwasyon dahil noong lumabas ang “Careless Whisper” video nila ni Hayden na kumalat sa YouTube, matatandaang hindi ganoon kaseryoso ang kanyang pagtingin sa naturang isyu. Moral obligation natin na paalalahanan, i-guide at ituwid ang pagkakamali ng ating mga kapwa na ginagawang katatawanan ng ibang mga tao dahil sa mga maling statement o ginagamit na salita na lalong nagbabaon sa kanila sa kahihiyan.

To refresh your memories, ito ang eksaktong pahayag ni Katrina sa PEP noong May 13 tungkol sa “Careless Whisper” video nila ni Hayden. Ang kanyang mga sariling pahayag na naging dahilan para paglaruan siya ng mga tao:

“Yung una pong malaman ko yung video, nag-worry ako. Kasi feeling ko, tapos na yung issue, bakit ibinabalik pa, nanahimik na ako. Pero nong mapanood ko, naisip ko na hindi ako dapat mag-react ng negative kasi wala naman kaming ginagawang masama doon sa video, nagsasayaw lang naman kami.

“Saka po ang daming nag-text sa akin, sinasabi nga nila na ang sexy-sexy ko raw doon at ang galing-galing ko raw magsayaw ng sexy. Yung isang kaibigan ko nga na taga-GMA 7, sinabi niya sa akin na mahusay naman pala raw akong magsayaw ng sexy, bakit puro pa-pouty lips lang ako sa SOP. E, hidden talent ko po yun, e, na doon ko lang nailabas,” nangingiti niyang sabi.

Kahit daw siya ay hindi makapaniwala sa kaseksihan niya sa video.

“Ang sexy-sexy ko nga doon, ang ganda ng katawan ko,” bulalas niya. “Sa totoo lang po, mas naatim ko pang panoorin yung video sa YouTube kesa yung labas ko sa Darna at sa Gagambino. Kasi po ang taba-taba ko sa Darna at Gagambino!”

Sinadyang manahimik muna ni Katrina at huwag magsalita kaugnay sa nasabing video scandal nila ni Hayden.

“Advice din po kasi ng manager ko [Rommel Gacho] na huwag akong magsalita. Saka gusto ko rin munang malaman yung mga reaksiyon ng mga kaibigan ko, yung mga kakilala ko at ng iba pang tao. Pinanood ko rin yung video kung meron ba akong dapat na ikagulat. E, wala naman akong naririnig na negative feedback sa pagsasayaw ko kaya naisip ko na huwag nang mag-react ng negative nang bonggang-bongga.

“Saka, yun nga po, nagsayaw lang naman ako doon. Kung papanoorin mo ang video, wala kaming ginawang masama doon. Hindi naman ako hinawakan sa private parts ko. Para nga pong napagkatuwaan lang naming magsayaw nang gano’n,” paliwanag niya.

Dahil sa magandang feedback ng pagsasayaw ni Katrina, nagbiro itong puwede na siyang gumawa ng isang instructional sexy dancing video para sa mga babaeng nagnanais na matuto ng sexy dancing at ma-achieve ang kaseksihang gaya ng sa kanya.

“Oo nga po, e, iniisip ko nga gumawa ng dance video na nagtuturo kung paano sumayaw ng ganong ka-sexy. Sasabayan ko na rin po kung paano magpaganda ng katawan,” nakangiti niyang suhestiyon.

*******

Tila nakalimutan na natin ang ugat ng buong pangyayari. What if, nangyari kay Katrina ang ginawa niya kay Dra. Belo. Ano ang mararamdaman niya?

Kung mangyayari sa kapatid ko na babae ang naranasan ni Katrina, malulungkot ako pero sasabihin ko sa aking kapatid ang kanyang pagkakamali.Hindi ko kukunsintihin ang kanyang pagkakamali dahil dito siya matututo.

Kailanman, hindi namin matatanggap ang sinabi ng isang PEPster na hindi pa kasal sina Hayden at Dra. Belo. Wala pa silang vow. Kapag pumasok sa isang relasyon ang dalawang tao, hindi kailangan na kasal sila para maging faithful sa isa’t-isa.

Tayo na rin ang nagsabi noon na may pagkakamali si Katrina. Alam niya na may relasyon sina Hayden at Dra. Belo, pumasok pa siya sa eksena. Kung hindi nagkaroon ng ebidensya na nagkaroon ng relasyon sina Katrina at Hayden, mananatiling walang alam si Dra. Belo. Walang aamin na nagkaroon sila ng relasyon. Hindi aamin sina Hayden at Katrina sa kanilang mga pagkakamali.

Hinihikayat ni Senator Bong Revilla na lumantad ang mga babae na biktima ni Hayden para lalong lumakas ang kaso. Naiintindihan namin ang punto ni Bong pero hindi ganoon kadali ang lumantad. Ano ang assurance na hindi sila magiging subject ng public ridicule kung lalantad sila? Hindi pa ba sapat na ebidensya ang mga video na magpapatunay na talagang may kasalanan si Hayden? Na inabuso niya ang tiwala ng mga babae na kanyang pinaglaruan?

Ano ang assurance ng mga biktima na mabibigyan sila ng proteksyon ng mga senador kung lalantad at magsasalita sila? Nasaan ba ngayon si Jun Lozada? Hanggang ngayon, hindi pa normal ang takbo ng buhay niya at ng kanyang pamilya.

Nasaan ang mga pulitiko at ang mga miyembro ng cause-oriented group nang lumabas ang mga sex video scandal nina Criselda Volks at Katherine Luna?

Walang tumulong kina Criselda at Katherine dahil hindi sila mga kilalang artista. Ano ang reaksyon ng mga tao nang kumalat sa mga cellphone ang video ni Mahal na hubo’t-hubad na naliligo? Naawa ba sila kay Mahal? Hindi! Instead, pinagtawanan nila ang video na may halong panglalait kay Mahal.

May nag-aksaya ba ng oras sa mga pulitiko at mga miyembro ng cause-oriented group nang kumalat ang video ni Jennylyn Mercado? Nagpatawag ba sila ng imbestigasyon para malaman kung sino ang utak sa pagkalat ng mga nude video nina Mahal at Jennylyn?

Nang pumutok ang sex video scandal nina Katrina at Hayden, muli naming narinig at nabasa ang madalas na sabihin na, “Babae rin ang nanay mo at siguro naman, may kapatid kang babae.” Kawawa ang mga babae na biktima ni Hayden.

Pero nang pumutok noon ang sex video scandal nina Jojo Veloso at Hans Montenegro, wala kaming narinig na nagsalita ng “Lalake rin ang tatay mo.May kapatid ka rin na lalake. Kawawa si Hans!”

Instead, nag-unahan sa paghahanap ng kopya ng video ang mga tao dahil gusto nila na ma-satisfy ang kanilang curiosity. Ayaw nilang magpahuli sa isyu. Kailangan din nilang mapanood ang sex video.Kailangang “in” din sila.

Huwag sabihin sa akin ng mga PEPster na tinutukoy ko na hindi sila nagkaroon ng interes na panoorin ang sex video nina Hayden at Katrina. Kaya nga sila nakapag-react, napanood nila ang video pero hindi sila naging objective. Nag-react sila base sa kanilang nakita pero hindi na nila inalam na ang kuwento sa likod ng mga sex video.

Nagpadala ang publiko sa kanilang emosyon. Hindi nila matanggap na may mga tao na hindi makikiayon o makikiisa sa galit na kanilang nararamdaman. Para sa kanila, bayaran ni Belo, kampi kay Hayden ang mga writer na naging objective sa pagsusulat.

Kung paiiralin nila ang maling paniniwala, tinanggalan nila ang mga sarili ng karapatan na malaman ang katotohanan at maiwasto ang mga pagkakamali.

Hayden Kho and Katrina Halili (HK and KH)

Filed under: Opinion — admin at 8:40 pm on Thursday, May 21, 2009

“Is it all over the papers?” ang diumano’y tanong ni Dr. Hayden Kho sa kanyang doktor nang magising siya sa Makati Medical Center noong nagtangka siya na magpakamatay dahil, nadiskubre ng kanyang girlfriend na si Dr. Vicki Belo ang mga sex video niya, kasama ang iba’t-ibang mga babae.

Kanina, May 21, headline ng lahat ng mga diyaryo ang sex video scandal ni Hayden. Naging national ang balita dahil pinakialaman na ito ng mga senador at cause-oriented group. Hindi na kailangan ni Hayden na magtanong ng, “Is it all over the papers?”

Headline din ng mga news program ang isyu, ang pagkalat sa Internet at mga cellphone ng sex video, ang pagpunta ni Katrina Halili sa NBI (National Bureau of Investigation) para pormal na magsampa ng reklamo laban kay Hayden.

Laman ng mga news program at newspapers ang mga pahayag, opinyon, reaksyon at paghuhusga ng mga pulitiko tungkol sa isyu.

Ibinalita sa mga radio at TV news program na nagpunta sa Japan si Hayden. Nag-conclude ang mga nagmamarunong na tinakasan niya ang malaking problema kaya mag-aabang sa airport ang mga kinauukulan para hintayin ang pagdating ni Hayden. Naglabas ng hold-departure order ang Department of Justice. Tila biglang naging number one enemy of the state si Hayden.

May tip kami sa DOJ at sa mga nag-aabang kay Hayden sa international airport. Kahit maghapon at magdamag sila na magbantay, walang Hayden na darating dahil hindi siya umaalis ng bansa. Matagal na siyang bumalik mula sa Japan, pagkatapos nilang dumalo ni Dra. Belo sa isang medical seminar.

Naririto lamang si Hayden sa Pilipinas. May mga nagpayo sa kanya na umalis siya ng bansa pero nanindigan si Hayden. Haharapin niya ang problema na siya rin ang may kagagawan.

In fact, kumuha na si Hayden ng legal counsel, si Atty. Lorna Kapunan. Anytime soon, makikipag-meeting si Hayden sa kanyang lawyer.

May nag-suggest na kunin ni Hayden ang serbisyo ni Atty. Katrina Legarda. Hindi nag-materialize ang suggestion dahil may nagsabi na mas forte ni Atty. Legarda ang annulment cases, and at this point, hindi tama na another Katrina ang hingan ng tulong ni Hayden. From Katrina Halili to another Katrina?

Lumitaw ang pangalan ni Eric (family name witheld) bilang suspect sa pagkalat ng mga sex video ni Hayden. Si Eric ang ex-bestfriend ni Hayden.

Ayon sa balita ng Unang Hirit, tinukoy si Eric ng mga nag-iimbestiga sa kaso bilang utak ng paglaganap ng sex video, kapalit ang dalawang milyong piso.

Gusto naming marinig ang panig ni Eric tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa sex scandal pero matatagalan pa ito o baka hindi na. May nakapagsabi sa amin na nagpunta na si Eric sa Amerika.

******

Nangako si Katrina Halili na lalabanan niya ang mga tao na nagkalat ng sex video nila ni Hayden.

Lalaban daw siya para matigil na ang mga ganitong klase ng pang-aapi at pambababoy sa mga kababaihan.

Pero kung panonoorin ang sex video, walang pambababoy na naganap dahil kusang-loob ang sexual acts ng mga sangkot. Normal na ginagawa ng mga nagtatalik ang mga mapapanood sa video.

Isang bagay lang ang mali at malaking pagkakamali ni Hayden, kinunan niya ng video ang kanilang pagtatalik.

Kung walang ebidensya, madali sa kanila ni Katrina na i-deny na nagkaroon sila ng relasyon. Sinamantala nila ang kabutihan at pagtitiwala ni Dra. Belo.

Maling-mali ang ginawa ni Hayden. Mali ang ginawang pagpatol sa kanya ni Katrina dahil alam nito na may girlfriend siya.

Kung anuman ang mga nangyayari sa kanila ngayon, resulta ito ng kanilang mga kahinaan. Hindi naman hinuhusgahan sina Hayden at Katrina.Gusto lang naming ipaalaala sa kanila na may kapalit ang ating mga pagkamamali, lalo na kung intentional at talagang hindi sinasadya.

At sa mga pulitiko na nakikisawsaw sa isyu, maghinay-hinay kayo sa paghuhusga at pagbibitaw ng salita. Hindi ninyo alam ang puno’t-dulo ng kuwento. Nagsalita agad kayo base sa sex video na inyong napanood. Walang inosente sa sex video scandal. Malawak ang kuwento sa likod nito. Ipaubaya natin sa proper venue, sa korte, ang pag-iimbestiga. Ika nga, “Let he who is without sin cast the first stone.”