| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

Record-bar finds

Filed under: Features — admin at 7:32 pm on Tuesday, February 17, 2009

Naglalakad ako sa Haiphong Road sa Hong Kong nang marinig ko na pinatutugtog sa isang record bar ang Chinese song na pamilyar na pamilyar sa akin ang melody.

Bumuwelta ako, pumasok sa record bar at tinanong sa Chinese sales clerk ang pamagat ng music video na ipinapalabas nila.

Hindi nakakasalita sa English language ang sales clerk kaya, para hindi na humaba ang usapan, sinabi ko sa kanya sa pamamagitan ng sign language na bibilhin ko ang kopya ng music video.

Nakalagay sa DVD jacket ang mukha at pangalan ng Hong Kong singer/actor na si Jacky Cheung. Siya ang kumanta ng nakakaintrigang awit.

Nang dumating ako sa hotel room, binuksan ko agad ang DVD at isinalang ito sa player ng aking laptop.

Tama ang hinala ko. Pamilyar ang kanta ni Jacky dahil kopyang-kopya ito ng “Nais Ko,” ang 2000 hit song ni Miguel Vera.

Pero dahil Chinese ang title at lyrics, hindi ko alam ang pamagat ng kanta na inawit ni Jacky sa kanyang Hong Kong concert, ang The Year of Jacky Cheung World Tour ‘07.

Si Vehnee Saturno ang composer at lyricist ng Nais Ko. Year 2000 nang i-release sa record bars ang nabanggit na kanta at 2007 nang magkaroon si Jacky ng malaking concert sa Hong Kong. Sino ang nangopya kanino?

Biktima ba ng piracy ang kanta na parehong pinasikat nina Miguel at Jacky?

Nalaman ko ang tumpak na kasagutan nang makausap ko ang isang kaibigan na may alam sa music, Siya ang nagsabi sa akin na parehong hindi original ang mga version ng kanta nina Jacky at Miguel dahil adaptation ito ng isang sikat na Japanese song.

*******

Hindi nawawalan ng “connect” sa mga Pilipino si Jacky. Bukod sa mga pirated song nila ni Miguel, siya ang ka-duet ni Regine Velasquez sa 1994 song na may pamagat na In Love With You.

Hindi natapos kina Miguel at Regine ang “Filipino connection” ni Jacky dahil noong November 2006, inireklamo niya sa HK Police ang pagnanakaw ng kanyang Filipina maid na si Preslyn Saga-Catacutan.

Mga personal na sulat at tatlong litrato ni Jacky ang nakita sa bag ni Presy nang araw na i-terminate ang serbisyo nito. Nagsumbong si Jacky sa HK Police. Natakot siya para sa kapakanan ng kanyang dalawang anak dahil baka malaman ng mga hindi kilalang tao ang kanilang home address. Napatunayan ng Hong Kong court na guilty si Presy. Hinatulan siya ng anim na buwan na pagkakakulong.

Nanalo man si Jacky sa kaso, nagkaroon ito ng masamang epekto sa kanya dahil sa desisyon ng Philippine Consulate sa Hong Kong na i-ban sila ng asawa niya sa pagkuha sa serbisyo ng mga Filipino domestic helper. Blacklisted ang mag-asawa dahil ginamit na basehan ng Philippine Consulate ang mabilis na pagpapalit nila ng kasambahay. Sa loob ng tatlong taon, 21 ang bilang ng mga kasambahay na naglingkod at pinaalis sa tahanan ng mga Cheung.

*******

Malinaw na Arnel Pineda ang nakasulat sa jacket ng CD album na nakita ko sa isang record bar, pero tinitigan ko nang matagal ang CD para makatiyak na hindi ako nagkakamali o namamalik-mata.

Tinanong ko pa ang Filipina sales clerk kung talagang si Arnel ng Journey Band ang nakikita ko sa 10-year old CD album na biglang lumitaw sa record bar shelves.

Positive ang sagot ng sales personnel. Inilabas daw uli ng Warner Music Philippines ang lumang album ni Arnel mula nang sumikat ito bilang lead vocalist ng Journey Band.

Binili ko agad ang old CD album ni Arnel dahil collectors item ito, kahit kamukha siya ng stand-up comedian na si Philip Lazaro sa kanyang pictorial.

Forty-one years old na si Arnel. Thirty-one years old siya nang mag-pictorial para sa cover ng kanyang self-titled album. Malaking-malaki na ang ipinagbago ng physical appearance niya, pero lalo siyang naging mahusay na performer. Rock star na rock star na ngayon ang aura ni Arnel.

Kahit siguro bayaran ng mahal si Arnel, hindi siya papayag na kulayan uli ng gold ang buhok niya at lagyan ng makapal na make-up ang kanyang mukha. Kung titingnan ni Arnel ang kanyang itsura, ten years ago, baka matatawa rin siya dahil hindi rin niya makilala ang sarili. Kung matatawa siya, tayo pa kaya?

arnel-1.jpg arnel-2.jpg