| Register
Jojo Gabinete: Cabinet Files

R & R (Richie and Rene)

Filed under: Features — admin at 3:52 pm on Tuesday, November 18, 2008

November 11, 2008. Dumalaw ako sa shooting ng Iskul Bukol…20 Years After sa Sta. Catalina College, Legarda, Manila.

Kumpleto ang cast ng pelikula. Isang staff member ng Octoarts Films ang nagsabi sa akin na naroroon si Richie D’ Horsey. Interbyuhin ko raw si Richie dahil kalalabas lamang nito mula sa Quezon City Jail, kung saan nakulong siya ng apat na taon dahil sa drug-pushing.

Hindi ako nagdalawang-isip na kausapin si Richie dahil interesado ako na malaman ang kuwento ng kanyang buhay.

Nagpaunlak si Richie. Ikinuwento niya sa akin na malaki ang naitulong ni Vic Sotto sa kanyang paglaya. Si Vic ang nagbayad ng P120,000 para sa pansamantalang kalayaan ng komedyante na nalulong at nakulong dahil sa paggamit ng shabu.

Sinabi sa akin ni Richie na nagsisisi siya sa kanyang mga kasalanan. Fifty-four years old na siya. Ipinangako raw niya sa Diyos na hinding-hindi na niya babalikan ang masamang bisyo.

Habang nag-uusap kami, nagtanong si Richie kung may kakilala ako sa Wish Ko Lang, ang sikat na TV show ni Vicky Morales. “Oo“ ang sagot ko kay Richie dahil kaibigan ko ang mga staff member ng Wish Ko Lang.

“Puwede ba na tulungan mo ako na lumapit sa Wish Ko Lang?“ ang sabi ni Richie.

“Oo naman. Ano ang gusto mo na gawin,” ang tanong ko.

“Gusto kong humingi ng tulong kay Vicky. Gusto kong humingi ng public apology sa mga tao na nasaktan ko. Gusto kong gawin ‘yon sa Wish Ko Lang,“ ani Richie.

Na-excite ako sa sinabi ni Richie. Simple lang ang kanyang wish. Madaling pagbigyan. Tiyak na hindi tatanggihan ng staff ng Wish Ko Lang.

Sa harap ni Richie, tinawagan ko ang Wish Ko Lang segment producer na si Branden Milla. Ikinuwento ko kay Branden ang sitwasyon ni Richie at ang simple wish nito. Na-excite din si Branden. Papasa sa Wish Ko Lang ang kahilingan ni Richie.

Nakita ko sa  mga mata ni Richie ang kasiyahan habang nakikinig siya sa pag-uusap namin ni Branden sa telepono. Ibinigay ni Richie ang contact number ng kanyang pamangkin para ito na ang tawagan ng staff ng Wish Ko Lang.

Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Richie, nilapitan na siya ng  mga TV reporter na interesado rin na malaman ang life story niya. Pinanood at pinakinggan ko ang VTR interview kay Richie. Nawindang ako sa mga salita na namutawi mula sa kanyang bibig na napapalamutian ng nag-iisang ngipin. Sa harap ng mga TV camera, paulit-ulit ang paghingi ni Richie ng paumanhin sa mga tao na kanyang nasaktan!

Nagpadala agad ako ng text message kay Branden. Sila na lang ang makipag-coordinate kay Richie. Ayoko nang seryosohin ang kanyang mga sinasabi.

*******

Kung nalulong sa shabu si Richie, naging alcoholic naman si  Rene Requiestas, at ang pag-inom ng alak ang kanyang ikinamatay. Halos pareho ang paraan ng kanilang pagsikat. Naging mentor nila sina Vic Sotto at Joey de Leon.

Sumakabilang-buhay si Rene noong July 24, 1993, sa St. Luke’s Hospital. Nasaksihan ko ang paghihirap noon ng unang leading man ni Kris Aquino sa pelikula.

Presscon ng isang pelikula ng Regal Films noong July 23, 1993. Nang matapos ang presscon, ibinulong sa akin ng director na si Joey Gosiengfiao na malubha ang kalagayan ni Rene at naka-confine ito sa St. Luke’s Hospital.

Mula sa presscon, dumiretso ako sa ospital, kasama ang entertainment columnist na si Gerry Ocampo. Baguhang writer ako noon. Apat na buwan pa lamang ako na nagsusulat sa People’s Tonight.

Naabutan namin ni Kuya Gerry sa hospital room ni Rene ang live-in partner nito. Sinabi ng girlfriend ni Rene na oras na lang ang hinihintay ng komedyante.

Hindi ko malilimutan ang mga sumunod na eksena. Biglang nag-convulsion si Rene at sumuka ito ng dugo. May maliit na timba sa tabi ng kanyang kama at ang timba ang pansahod sa napakaraming dugo.

Hindi namin nakayanan ni Kuya Gerry ang aming nasaksihan. Nakakapanghina. Nagpaalam na kami sa girlfriend ni Rene pero bago kami umalis, sinabi ko sa kanya na tatawagan ko siya sa telepono dahil hihingi ako ng mga update sa sitwasyon ng boyfriend niya.

Pagdating sa opisina ng People’s Tonight, ikinuwento ko sa editor-in-chief na si Fred Marquez ang kalagayan ni Rene. Anumang oras, maaaring mag-expire ang komedyante.

“Hintayin mo,“ ang salita ni Fred sa akin. Talagang napa-ha? ako sa kanyang sinabi.

“Oo, hintayin mo…” ang very cool na salita ni Fred.

“Hihintayin ko na mamatay si Rene Requiestas?” ang gulat na gulat na tanong ko kay Fred.

“Oo, kasama ‘yan sa trabaho natin.”

“Kailangan ba talaga ‘yon?”

Ang sagot ni Fred?  “Oo masanay ka na. Kasama ‘yan sa trabaho natin. Ako nga, mga death threats ang almusal ko.”

Ipinasulat sa akin ni Fred ang kuwento ng pagdalaw ko kay Rene sa St. Luke’s Hospital pero naka-stand by ako sa anumang puwedeng maging ending ng aking report.

*******

Noon  ko na-realize na hindi madali ang maging reporter. Kailangan na maging insensitive ka para makakuha ng scoop at mga maiinit na balita para maging mabenta ang mga diyaryo.

Madaling-araw kung isara ang mga pahina ng People’s Tonight. Naranasan ko noon na matulog sa opisina ng People’s Tonight dahil inaabot ako ng madaling-araw sa pagde-deadline. Uwian pa ako noon sa Laguna kaya kadalasan, nagpapalipas ako ng gabi sa People’s Tonight office.

Walang ipinagkaiba ang gabi ng July 23 at madaling-araw ng July 24. Hindi ako umuwi ng Laguna dahil sa assignment na ibinigay sa akin: Ang hintayin ang pagpanaw ni Rene. Ang weird ng pakiramdam. Sobrang guilt ang nararamdaman ko pero labag man sa kalooban, wala akong choice.

Dala ng pagod, nakatulog ako sa mga pinagdikit-dikit na silya ng People’s Tonight. Hindi diretso ang tulog ko dahil ipinapagising ako ni Fred para tawagan ang St. Luke’s Hospital.

Mabait ang girlfriend ni Rene. Sinasagot niya ang mga tawag ko, kahit dis-oras. Sa tuwing tinatawagan ko siya, kinukumusta ko ang kalagayan ni Rene. “Walang pagbabago,” ang sagot niya.

Kung alam lang ng girlfriend ni Rene ang dahilan ng pagtawag ko sa telepono sa nurse’s station, baka isinumpa niya ako.

Sa tuwing natatapos ang telephone conversation ko with Rene’s girlfriend, binabalikan ko si Fred.

“Buhay pa eh…”

Nakatatlong tawag ako sa  St. Luke’s Hospital. Antok na antok na ako. Para makatulog ako nang walang abala, ibinigay ko sa girlfriend ni Rene ang telephone numbers ng People’s Tonight para siya na lang ang tumawag sa akin, in case of emergency.

Bago ako matulog, sinabi ko kay Fred na ibinigay ko sa girlfriend ni Rene ang contact numbers ng People’s Tonight.

Alas singko na ng umaga nang magising ako. Nagpaalam ako kay Fred na uuwi na ako sa Laguna. Binanggit ko sa kanya na baka buhay pa si Rene dahil hindi pa tumatawag ang kanyang girlfriend.

*******

Umuwi na ako sa Laguna at nakatulog nang mahimbing. Gumising ako ng 12:00 noon dahil kailangan kong lumuwas sa Quezon City para sa meeting ng Troika Tonite sa bahay ni Alfie Lorenzo sa Cubao.

Ang Troika Tonite ang bagong showbiz-oriented talk show noon nina Alfie, Oskee Salazar+ at Billy Balbastro+ sa ABC 5. Kinuha nila ako bilang researcher ng show.

Bus ang sinasakyan ko kapag lumuluwas sa Quezon City. Uso pa noon ang mga newspaper boy na umaakyat sa mga bus at nagbebenta ng diyaryo. Kadalasan, umaakyat ang mga newspaper boy sa bus kapag nakahinto ito sa kanto ng Edsa at Pasay Road sa Makati City.

Naging ugali ko na noon ang bumili ng People’s Tonight para i-check kung lumabas ang aking kolum. Nang umakyat ang newspaper boy sa bus, nakita ko agad ang headline ng People’s Tonight, in big bold red letters,  “Rene Requiestas Dies” by Jojo Gabinete.

PS

Tinawagan ko si Fred sa bahay niya nang dumating ako sa Cubao residence ni Alfie. Tinanong ko siya kung paano naihabol ang balita tungkol sa pagkamatay ni Rene? Ikinuwento sa akin ni Fred na pagkaalis ko sa opisina ng People’s Tonight, tumawag ang girlfriend ni Rene. Si Fred ang nakasagot sa phone call. Ako ang hinahanap ng babae. Ibabalita niya sa akin na sumakabilang-buhay na si Rene.

Nang makita ako ng ibang mga reporter sa meeting na pinuntahan ko, binati nila ako. Naka-scoop ako ng balita. Hindi na ako kumibo. Kung alam lang nila…

Model in disguise

Filed under: Features — admin at 10:26 pm on Sunday, November 9, 2008

Naging close ako kay Melanie Marquez dahil isa siya sa hiningan ko ng tulong noong 1996, para i-reconsider ng Bb. Pilipinas Charities, Inc. ang kanilang desisyon na huwag bawiin ang Bb. Pilipinas-World crown ni Daisy Reyes.

Sina Melanie, Dindi Gallardo at Ruffa Gutierrez ang ilan sa mga nagbigay-suporta kay Daisy, na muntik nang matanggalan ng beauty title dahil hindi nito magampanan ang mga tungkulin ng isang beauty queen.

During her reign, madalas si Daisy sa Amerika, kasama ang kanyang dating boyfriend na si Danny Bolanos, pero dahil sa suporta nina Melanie, Dindi at Ruffa—at sa tulong na rin ng yumaong senador na si Rene Cayetano—hindi binawi ng BPCI ang kanyang korona.

Dati-rati, hi and hello lamang ang batian namin ni Melanie at nangyayari lamang ito kapag naiimbitahan ako sa presscon ng mga pelikula na ipinrodyus nila ng kanyang dating asawa na si Derek Dee.

Saksi ako sa bitter split-up nina Melanie at Derek. Palagi akong ipinapatawag ni Melanie sa bahay niya sa Philamlife, Quezon City, kapag kailangan niya ng kausap.

Alam namin na apektado si Melanie sa nangyari sa kanila ni Derek pero sinasabi niya na survivor siya. Ipinakikita niya sa akin na matatag siya, kahit naghihirap na ang kanyang kalooban.

Open book sa publiko ang buhay ni Melanie. Hindi niya ikinahihiya na iba’t-iba ang ama ng kanyang mga anak. Birong-totoo ang kanyang madalas sabihin na pinaninindigan lamang niya ang pagiging “Miss International.“

Isang Pilipino, si Senator Lito Lapid, ang ama ng panganay ni Melanie. Arabo naman ang tatay ng kanyang pangalawang anak na lalake. Fil-Chinese si Derek, na ama ng dalawang anak nila na babae. American national si Adam Lawyer, ang lawyer na nagbigay kay Melanie ng dalawa pang supling.

Bilib ako kay Melanie. Hindi siya katulad ng mga ina na iniiwan sa ibang tao ang kaniyang mga anak. Iba-iba man ang ama ng anim na anak ni Melanie, sinisiguro nito na magkakasama sila.

*******

Palaban si Melanie. Nang malaman niya na gustong makuha ng kanyang mother in-law na si Mrs. Regina Dee ang custody nina Xuxa at Sarah, ang dalawang anak nila ni Derek, gumawa si Melanie ng paraan.

Umabot na sa korte ang ugly battle nila ni Derek. Ako ang naging confidante ni Melanie. Sinabi niya sa akin na itatakas niya sina Xuxa at Sarah para hindi makuha ng kanyang biyenan.

Pinagpistahan ng mga talk show at entertainment writers ang isyu. Napadalas ang guesting ni Melanie sa mga showbiz-oriented talk show.

Sa guesting ni Melanie sa Startalk, ibinuhos niya dating host ng show noon na si Boy Abunda ang saloobin niya laban sa mag-inang Regina at Derek. Ganito ang eksena sa Startalk nang hingin ni Boy ang mensahe si Melanie para sa biyenan nito.

“Kuya Boy, I have to speak in English because Mrs. Regina Dee doesn’t understand Tagalog.“

Ang ganda-ganda ng mukha ni Melanie. Tumingin siya ng diretso sa TV camera. Punumpuno ng emosyon ang kanyang mga mata: “Mrs. Dee, ang labo-labo mo!”

*******

Maabilidad si Melanie. Nagawa niya na itakas sina Xuxa at Sarah nang lingid sa kaalaman ni Derek at Mrs. Dee.

Dinala muna ni Melanie ang mga bata sa Hong Kong at mula dito, lumipad sila papunta sa Amerika, sa Salt Lake City, Utah. Tumira si Melanie sa bahay ng kanyang future husband na si Adam Lawyer.

Nasa malayong lugar man sila, patuloy ang communication namin ni Melanie.

Ikinukuwento niya sa akin na masaya na siya sa piling ni Adam at mahal na mahal nito ang kanyang mga anak.

Masarap daw ang buhay nila sa malawak na rancho ni Adam sa Utah. Sino kami para tumutol nang sabihin ni Melanie na magpapakasal na siya kay Adam?

Matagal na nanatili si Melanie at ang kanyang mga anak sa Amerika. Hindi siya puwedeng bumalik ng Pilipinas dahil sa naghihintay sa kanya na warrant of arrest, na naging resulta ng ugly custody battle nina Derek at Melanie.

Sa tuwing tumatawag sa akin si Melanie, madalas nitong sabihin na miss na miss na niya ang Pilipinas. Sa ayaw at sa gusto ni Adam, uuwi raw siya sa bansa. Pinigilan ko si Melanie. “Huwag ka munang umuwi dahil siguradong huhulihin ka pagdating mo sa Maynila.”

*******

Mahimbing ang pagtulog ko nang biglang mag-ring ang telepono. Nang tumingin kami sa alarm clock, 5:00 a.m. pa lang.

Si Melanie ang nasa kabilang linya. “Jo, nandito na ako!”

“Ha? Saan?” ang nagtataka na tanong ko. “Nandito na ako sa airport,” ang humihingal na sagot ni Melanie. Halatang nagmamadali siya sa paglalakad habang nakikipag-usap sa akin.

“Ano? Bakit ka umuwi? Delikado…baka hulihin ka. May warrant of arrest ka, ‘di ba?” ang buong pag-aalala na sagot ko kay Melanie.

“Hindi. Nakalampas na ako sa Immigration. Hindi nila ako nakilala,” ani Melanie.

“Imposible. Imposibleng hindi ka nila nakilala,” ang nag-aalala pa rin na sabi ko.

Humihingal pa rin si Melanie nang sumagot ito,  Jo, huwag kang mag-alala. Hindi nila ako nakilala. Nag-disguise ako!”

Bahagya  kaming natigilan sa sinabi ni Melanie. Para hindi siya makilala ng mga immigration official, siguradong perfect ang kanyang disguise.

“Talaga? Anong disguise mo,: ang balik-tanong ko kay Melanie. Ang kanyang sagot? “Nag-disguise ako na model!”

*******

Kahit nag-iisa, napapangiti ako kapag naaalala ko ang early morning phone call noon ni Melanie sa akin.

Luckily for her, naayos ang problema nila ni Derek, bumalik sa Pilipinas ang kanilang dalawang anak at hindi naranasan ni Melanie na makulong.

Thoughtful na kaibigan si Melanie. Hindi niya nalilimutan ang birthday ng kanyang mga kaibigan at hindi siya nakakalimot tuwing araw ng Pasko.

Tandang-tanda ko nang magyaya si Melanie na kumain kami sa Italianni’s Restaurant sa Makati City. Thank god, hindi ako naligaw dahil alam ko na ang Italianni’s Restaurant ang tinutukoy niya.

Pagkatapos naming kumain, inimbitahan ako ni Melanie na manood ng sine.

“Ano ang panonoorin natin?”

“May nagsabi sa akin na maganda raw ang pelikula ni Sandra Bullock. Panoorin naman natin,” ang excited na sabi ni Melanie.

Anong title?  “Miss Congenital“ ang walang kakurap-kurap ang mata na sagot ni Melanie.

PS

Tatlong taon na kaming hindi nag-uusap ni Melanie. Parang hindi namin kilala ang isa’t-isa kapag nagkikita kami sa mga showbiz function.

Ikinukuwento niya sa mga kakilala namin na hindi ko na siya kinausap mula nang sumali siya sa Mrs. World Contest noong February 2005 . Tutol daw ako sa pagsali niya sa nabanggit na contest.

Of course, mali ang hinala ni Melanie. Napakababaw naman kung ang pagsali niya sa Mrs. World ang rason. May ibang dahilan kaya nagbago ang pakikitungo ko sa kanya. Hindi ko na sasabihin kung bakit. Ayoko siyang i-judge. Kapatid siya ni Joey Marquez. Like her brother, she’s also not a book…

Nag-iisang Superstar

Filed under: Features — admin at 6:01 pm on Wednesday, November 5, 2008

WARNING: Ang inyong mababasa ay hango sa mga tunay na pangyayari at hindi kathang-isip lamang.

December 24,1987. Nagtatrabaho pa ako noon sa Tagging section ng Plaza Fair Department Store sa Cubao. Tinawag ako ng branch manager na si Miss Soledad Dy para pumunta sa bahay ni Nora Aunor sa Scout Limbaga Street, Quezon City.

Walang oras si Nora para pumunta sa department store at bumili ng Christmas gifts, kaya ang mga items na pang-regalo niya ay dadalhin na lang sa kanyang bahay.

Sister company ng Plaza Fair ang Fairmart Department Store. Dati-rati, personal na pumupunta si Nora sa Fairmart branch sa Cubao. Dis-oras nang gabi kung dumating siya at kung napapaaga ang kanyang pagdating, isinasara kaagad ang tindahan para makapag-shopping nang solo si Nora. Walang fans na makakaabala sa kanya.

Mga houseware item ang dinala namin sa Sct. Limbaga residence ni Nora. Sa dami ng mga ito, maraming beses na nagpabalik-balik ang service jeep ng Plaza Fair sa bahay ng superstar.

Past 8:00 p.m. nang magpunta kami sa Sct. Limbaga. Inabot kami ng madaling-araw dahil tumulong pa kami sa pag-aakyat ng mga houseware item sa second floor ng bahay.
Naabutan namin sa ground floor ng bahay sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher. Nagliligawan pa lamang sila noon.

Dati na kaming namamangha kay Nora dahil superstar siya. Lalo kaming namangha sa kanya dahil itinuturo lang niya ang mga item na gustong bilhin. Parang magic wand ang kanyang daliri. Wala siyang pakialam sa presyo. Umabot sa thirty thousand plus pesos ang kanyang napamili noon. Noong panahon na ‘yon, napakalaking halaga na ng P30,000.
Marami akong natutunan sa pagtatrabaho sa department store. Naging expert ako sa pagbabalot ng mga regalo nang hindi gumagamit ng gunting para mahati ang mga gift wrapper.

Tumulong ako sa pagbabalot ng mga regalo na ipamimigay ni Nora sa kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay. Dahil inabot kami ng madaling-araw, nag-Pasko kami sa bahay ni Nora.

Nakita namin ang pagdating ni Richard Merk. May bitbit siya na bouquet of roses para kay Nora. Maugong na ang balita noon na may relasyon sila. Sa isip namin, ang suwerte ni Richard, girlfriend niya si Nora, ang nag-iisang superstar…

*******
Year 1993 nang maging entertainment writer ako. Maraming beses na akong naimbitahan sa mga presscon ng pelikula ni Nora.

Sa tuwing makikita ko siya, maaalala ko yung pagpunta ko sa kanyang bahay. Sino ang mag-aakala na darating ang araw na maiinterbyu at isusulat ko siya? Mahal na mahal si Nora ng kanyang fans, ang Noranians. Kapag may unfavorable write-up tungkol sa kanilang idolo, nakakatanggap ako ng mga pagbatikos mula sa mga tagahanga ni Nora.

Hindi naman ako nagpapaapekto dahil alam kong totoo ang aking isinulat. As a matter of fact, nakakabilib ang mga Noranians dahil nagagawa nilang patawarin ang mga pagkakamali ng kanilang idolo.Mahal na mahal nila si Nora. Siya lang ang nag-iisang superstar…

*******
Kaibigan ko si Maristela Fontanos. Isa siya sa mga malalapit na kaibigan ni Nora.

Isang araw, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Maristela. Puwede ko raw bang samahan si Nora sa publication tour nito?

Sino naman ako para tanggihan ang isa sa pinakamahusay na aktres ng bansa? Wala nang puwedeng maka-duplicate sa phenomenal rise ni Nora.

Ang bahay ni Nora sa Balete Drive sa Quezon City ang meeting place. May tsismis na si former President Joseph Estrada ang nagbigay kay Nora ng bahay na iyon sa Balete Drive.
Simple ang bahay pero classy ang ayos. Totoo ang matagal ko nang nababalitaan. Maganda ang taste ni Nora sa pagpili ng mga gamit sa bahay. Siya ang personal na nag-aayos sa kanyang bahay.

Simpleng-simple si Nora nang makaharap namin. T-shirt at denim jeans ang kanyang suot. Nakasabit sa kanyang beywang ang kanyang trademark na belt bag.

Kulay puti ang van na sinakyan namin papunta sa Maynila dahil naririto ang newspaper publication offices.

Maraming kuwento si Nora habang binabaybay namin ang kalsada. Habang nagkukuwento, panay ang hithit niya ng sigarilyo na sinasabayan ng sunod-sunod na pag-ubo.Gusto naming sabihin kay Nora na, “Ate Guy, ubo ka nang ubo. Itigil mo na ang paninigarilyo!”

Nagdalawang-isip ako. Baka hindi niya ma-appreciate ang aking unsolicited advice. Hindi kami close.

Nasa reminiscing mode si Nora, lalo na nang mapadako kami sa mga sinehan na katabi ng Quiapo Church. Ikinuwento niya sa amin ang pandemomium na nagaganap sa mga sinehan tuwing palabas ang kanyang mga pelikula.

May kurot sa puso ang sinabi ni Nora na hindi na mauulit at babalik ang mga ganoong eksena. Nakiayon kami sa kanya. Siya lang ang nag-iisang superstar…

*******
Nasorpresa ang mga empleyado ng mga newspaper offices na pinuntahan namin. Hindi nila inaasahan ang surprise visit ni Nora. Tuwang-tuwa ang mga empleyado. Hindi sila makapaniwala na dinalaw sila ni Nora.

Nagsusulat pa ako noon sa People’s Tonight. Pagkatapos manggaling sa opisina ng Bongga at Philippine Star, ang opisina ng Journal Group of Companies ang aming pinuntahan.

Si Nora ang unang pumasok sa main entrance ng Journal office. Dire-diretso siya. Kami ang napahiya sa mga sumunod na eksena. Hinabol si Ate Guy ng guwardiya.

“Ma’am, hindi kayo puwedeng pumasok. Nasaan ang ID n’yo?” ang tanong ng guwardiya.

Kilala ko ang lady guard. Pinandilatan ko siya ng mata at halos pabulong nang sabihin sa kanya na, “Si Ate Guy siya. Hindi si Ate Gay!”

Hiyang-hiya ang lady guard nang mag-apologize kay Lady Guy. Nakita namin sa mukha ng lady guard ang pagka-starstruck nang mapagtanto niya na ang tunay na Nora ang kanyang kaharap, ang nag-iisang superstar…

*******
May 18, 2007. Nakatuwaan namin na mag-search sa marriage inquiry system ng Clark County, Las Vegas. Naisip naming i-type ang pangalan ni Nora Villamayor a.k.a Nora Aunor.

Nagulat kami sa lumabas sa aming laptop screen. Dalawang beses na ikinasal si Nora sa Las Vegas. Nagpakasal sila ni Richard James Merk noong July 7, 1988 (marriage certificate number C064695 ).

Mas nakakagulat ang pangalawang marriage record na aming nabasa. Nagpakasal si Nora sa kanyang manager na si Norie Sayo noong May 22, 2000 (marriage certificate number D190650 ). Nag-iisa lang si Nora…

PS
Sa mga nagtataka kung paanong memoryado ko ang mga petsa at pangyayari, simple lang ang aking sagot. May daily journal kasi ako. Nakasulat dito ang lahat ng mga nangyayari, importante man o hindi, at ito ang Cabinet Files

Maraming salamat sa mga nagpadala ng kanilang mga positive comment tungkol sa Cabinet Files. At sa mga nagtatanong ng contact number ng mahusay na manghuhula na si Ate Purita Alvior, mag-iisip muna ako.

Ayaw na naming maulit ang nangyari nang aming i-publish noon sa Abante ang cellphone number ni Ate Purita. Ayaw na namin na ma-trauma siya. Pare-pareho ang sinasabi ng mga pilyo at pilyang caller ni Ate Purita. Ang sabi nila, “Sige nga, kung talagang magaling ka, hulaan mo kung sino ako?”